"Saklolo!"
Ang mga okupadong tao sa kalye ay napatingin sa may sumigaw.
Subali't nang nakita nila kung sino-sino ang mga nagpakana ng gulo ay biglang pinagpawisan ang karamihan.
*Mga karimlang manlilinang.*
Sila ay itinuturing na karimlang manlilinang sapagka't wala silang ibang ginagawa maliban sa magpahamak ng mga tao.
Labis silang kinakatakotan ng mga tao hindi lamang dahil sa kanilang mga gawain kundi dahil narin sa kanilang madilim at misteryoso na diwa.
Isa-isang nagtatakbuhan ang mga tao sa kalye, nananalanging makakatakas sa gulo.
Ngunit baliw lamang ang maniniwalang bibigyan sila ng pagkakataong makatakas sa kamay ng mga karimlang manlilinang.
Hindi kalayuan ay nararamdaman nina Dakila at Amihan ang panganib na dumaloy sa kanilang kalikasan. Bilang isang taong may pangalawang diwa ay sensitibo sila sa mga nangyayari, at alam nilang may panganib na paparating.
"Anong po bang nangyari?" Tanong ni Dakila sa mga tumatakbo ngunit sa pagkataranta ay hindi na nila napapansin ang batang lalaki.
"T-teka lang po, a…" hindi na natapos ang sasabihin sana ni Dakila nang nababanggaan na siya ng mga taong tumatakbo.
Hanggang sa, "Dakila!" sigaw ni Amihan nang nabitawan nila ang kamay ng isa't isa.
Napuno ng kaba ang puso ni Dakila nang hindi na niya nararamdaman ang kamay ni Amihan.
Pilit hinakbang ni Dakila ang kaniyang mga paa pasulong at sinisiksik ang sarili sa kumpulan ng mga taong tumatakbo. Ngunit sa kasamaang-palad ay siya'y hamak na maliit pa lamang para makipag-sabayan sa mga malalaking tao.
Kaya ang nangyayari ay paurong siya ng paurong papalayo sa kung nasaan niya naiwan si Amihan.
*Hindi.*
Ipinikit ni Dakila ang kaniyang mga mata at pinakiramdaman ang diwa.
Maya maya lamang ay may kumikislap-kislap na bughaw na liwanag sa kaniyang bandang dib-dib, animo'y parang pusong tumitibok—ito ang kaniyang diwa.
Ngunit hindi ito napapansin dahil sa suot niyang makapal na barong, lalo na at abala sa pagtatakbo ang mga tao.
Nang ibinuka niya ang kaniyang mga mata ay sa isang iglap lang ay nagiging malinaw ang kaniyang paningin sa paligid. Ito ang kaniyang unang abilidad na kaniyang sinasanay apat na taon na ang nakalipas sa gabay ng kaniyang ama.
Tinatawag niya itong 'Pandiwang Kasakdalan'.
Sa wakas ay kaniya na rin itong magagamit.
"Ipakita mo sa akin kung gaano ka mapapakinabangan." Aniya sa sariling diwa.
Hindi niya maitatangging naibigay ng kaniyang kapangyarihan ang kaniyang nais.
Kahit maraming tao ang nakaharang sa kaniyang harapan, tumatagos ang kaniyang pananaw sa mga ito. Hanggang sa nakita niya si Amihang kulang nalang ay kanila nang gawing isa sa daanan.
Ito'y nakadapa habang nakayuko at ang dalawa nitong kamay ay nasa magkabilang tainga.
Nagngangalit ang mga ngipin ni Dakila habang pinagmasdan ito.
*Sukab! Maaapakan na lahat ng maaapakan para lamang sa makasariling kapakanan.*
Kulob ng kaniyang maliit na katawan ay pilit niyang winawaksi ang mga taong humaharang at dumidikit sa kaniya.
Mas malakas ang pangkatawang lakas ng mga taong may pangalawang diwa, lalo na at hindi totoong tao si Dakila. Kaniya itong itinutulak nang hindi masyadong nahihirapan.
*Sinong may pakialam?*
Ni wala silang malasakit sa kanilang kapwa. Hayaang matikman nila ang kanilang sariling gawa.
"K-kuya."
Maliit at nanginginig na boses ang bumungad kay Dakila.
At tinatawag siya nitong 'Kuya'.
Kaniyang inangat ang nakadapang si Amihan at hinawakan ng mahigpit ang kaniyang maliliit na mga braso. "Aalis na tayo, huwag kang mag-alala."
Lumiwanag ang mukha ni Amihan nang nakita niya si Dakila at agad ginawaran ng yakap. "Akala ko nawawala kana!" Iyak nito. "Papaluin ako ng ina at ni tita, ako pa naman nagdala sa'yo dito."
Natigilan si Dakila at tiningnan si Amihan nang nakatuliro. Nangyari na't lahat lahat at ito lang pala ang nasa isipan nito.
Siya na ang kumuha sa mga kamay ni Amihan na nakayakap sa kaniya. Dapat na silang lumisan sa lalong madaling panahon.
Nararamdaman ni Dakilang papalapit na ang mga karimlang manlilinang.
Ngunit bago paman sila makaalis sa kanilang tinatayuan ay biglang may sumabog. Na ikinatitigil ng lahat ng mga tumatakbo.
Maya maya lang ay may malakas na tawa silang naririnig.
Ang tawa nito ay nakakarindi at nakakabingi, kaya tinatabunan nila ang kanilang mga tainga.
Walang pagdududa, isang baliw ang tumatawa.
"Sinusubukang tumakbo?" Sabi ng kung sino sa mapaos na boses at sinasabayan ng masamang tawa.
"Nag-aaksaya lang kayo ng lakas. Walang silbi ang pagtatakbo." Dagdag pa nito. "Madali lang akong kausap, Ilabas ninyo ang datu kung ayaw niyong pasabugin ko ang buong lungsod Nanna."
Nanatiling nanginginig ang mga taong kanina lang ay nagsisiyahan sa tabing kalye.
"Anong kaguluhan ito 'Matandang Anino'? Ako lang pala ang inyong hinahanap at nag-abala ka pang hawakan ang aking mga tauhan? Ito ba ang iyong pamamaraan para ako'y bantaan?" Sabi ng lalaking bagong dating. Ngumisi ito, "May malakas kang loob upang saktan ang aking mga tauhan, sinasabi ko sa iyo, pagsisisihan mo ang iyong ginagawa."
Napatawa ang Matandang Anino sa narinig.
"May bayag kang pagsalitaan ako ng ganiyan. Tingnan natin kung sino ang hindi magsisisi. Isa lang naman ang aking pakay…" lumamig ang tingin ng Matandang Anino sa datu. "Saan mo dinala ang aking anak?"
"Bakit ko naman sasabihin sa iyo? Ito lang ang aking masasabi, huwag mo idamay ang iyong anak sa mapangahas niyong kulto. Kahit man lang sa pamamagitan nito ay maililigtas mo ang mukha ng ating angkan."
Bahagyang ngumiti ang Matandang Anino, "Mailigtas ang mukha? Wala akong binibilangang angkan, anong mukhang maililigtas ko ang ibig mong sabihin?"
Bumlangko ang mukha ng Matandang Anino, walang nakaka-alam kung ano ang iniisip nito.
Nang biglang may kinuha itong bihag sa umpukan, "Kung nais mong mananatiling buo ang katawan ng batang ito ay ibalik mo na sa akin ang anak ko." Malamig nitong wika.
"Amihan!" Sigaw ni Dakila.
Si Amihan ang napili nitong pangbanta sa datu.
Bumuo ng kamao ang mga kamay ni Dakila. Sa rami ng mga taong nandito, si Amihan pa talaga ang napili nitong kunin.
Magara at marangya ang kasuutang suot ni Amihan halatang galing ito sa mayamang pamilya. Kaya walang duda at siya ang kinuhang pangbanta.
Magsasalita na sana si Dakila ngunit siya'y naunahan ng kung sino.
"Subukan mo siyang saktan at hindi ako magdadalawang isip na pasabugin iyang bungo mo," saad ng kung sino dahilan ng pagbaling ng pansin ng mga tao dito.
"At ikaw datu, mas importante pa ba sa'yo iyang isang bata na anak ng isang baliw kaysa sa mga taong nandirito? Mga hangal!" dagdag pa nito.
"Ama!" sigaw ni Amihan.
Si Banoy Manansala, kilala bilang Puno ng Angkang Manansala.
Humalakhak ang Matandang Anino, "Ito ba'y matatawag na ating muling pagtitipun-tipun? Hindi ko akalaing ang sikat na Banoy ay kasalukuyang nandarayuhan sa Lupalop ng Nanna. Subalit sa kasamaang palad…" Anito at ibinaling ang tingin sa hawak-hawak nitong si Amihan. "Kung ako'y inyung papalayasin ngayon, hindi ako mag-aabalang isama ang magandang batang ito. Walang duda, mabango ang kaniyang diwa halatang may pinagmanahan sa magulang." Bumaling ulit ang tingin nito kay Lakanbanoy at ngumisi. "Ano kaya ang pakiramdam ng pagsakmal ng mabulas na diwa?"
Niyayanig ni Lakanbanoy ang kaniyang magkabilang kamay tila ba ay nag-eehersisyo. "Ako'y wala naman talagang paki-alam sa gulong ito, ngunit may sumusubok sa'kin. Tamang tama at matagal tagal na rin akong hindi nakakapaglaro."
Lahat ng mga mata ay nakatingin kay Lakanbanoy nang may lumabas na pares ng mabalahibong pakpak sa kaniyang likod.
Kayumangging maitim ang kulay nito sa labas ngunit kulay puti naman ang kulay sa ilalim ng mga pakpak.
Ang tanyag na Lakan na binansagang 'Makapangyarihang Agila'.
"Sinong may malakas na loob na siphayuin ako? Kamatayan lamang ang iyong hinahangad!" Ani Lakanbanoy at dagliang tumulin sa direksyon ng Matandang Anino sa hindi kapani-paniwalang bilis.
Binigay ng Matandang Anino si Amihan sa kaniyang kasamahan at gumanti kay Lakanbanoy ng magkatulad na bilis.
Ang labanan ng isang Agila at isang Anino. Sino ang magwawagi sa dulo?
Kumislap ang mga mata ni Dakila habang nakamasid. Ito ang labanan ng dalawang manlilinang sa magkapantay na antas. Kailan niya kaya marating ang kanilang narating? Kakailanganin pa ba ng maraming taon bago siya matawag na makapangyarihan?
Gayon pa man, dapat niya itong makamtan sa lalong madaling panahon.
Bilang isang Emperador ng mga Bughaw ay may likas na siyang kapangyarihan na walang kapintasan. Dangan sa digmaang nangyari noong nakaraang dekada ay nagkaroon siya ng problema sa kaniyang diwa dahil sa kaniyang natamong matinding pinsala.
Nung siya'y nagkatawang tao ay masasabing bumalik din sa simula ang kapangyarihan ng kaniyang diwa
At wala siyang magagawa kundi ang maglinang.
Bumaling ang kaniyang tingin sa gawi ni Amihan. Kailangan niyang magplano kung paano niya mababawi ang babae. Hindi maaaring wala lang siyang gagawin.
Limitado lamang ang kaniyang kapangyarihan kumpara sa kalaban, kaya siya'y dapat mag-ingat.
Lumapit siya sa kanilang gawi sa dahan-dahang paglalakad animo'y hindi alam ang salitang 'mapanganib'
"Kamusta! Ginoo, ikaw po ba'y isa sa mga masasamang tao? Karga-karga niyo pa siya, anak niyo po?" Inosenteng tanong Dakila, tila ba'y isang batang walang kamalay-malay sa nangyayari.
Wala siyang paki-alam kung ano ang hitsura niya ngayon.
Tumaas naman ang isang kilay ng kalaban. *Ano sa tingin niya ang kaniyang ginagawa? Hindi niya ba nakikita ang sitwasyon?*
Pati ang mukha ni Amihan ay nagpapakita ng pagtataka. *Anong pinagsasasabi nito?*. Sa isip-isip lamang ni Amihan ay nandidiri na siya kahit hinahawakan lamang siya nito, paano pa kaya kapag siya'y anak na nito? Hindi ito kayang isipin ni Amihan. Ang kaniyang ama lamang ang pinakamagaling na ama sa balat ng mundo.