Chereads / The Great Emperor Of The Blues / Chapter 2 - Kabanata 2 - Maligayang Kaarawan

Chapter 2 - Kabanata 2 - Maligayang Kaarawan

Dito namangha ang mga magulang ni Dakila. Ang bulaklak sa kaniyang kamay ay hindi maituturing na ordinaryong bulaklak. Kulay bughaw ito ngunit may hugis din itong ginto kaya lumiliwanag ang mga bagay na malapit dito.

Hanggang ngayon ay hindi parin maalis-alis sa isipan ni Bagwis ang pagkaduda. Ang diwa ng anak nito ay hindi gaya ng ibang mga diwa. Isa ito sa mga pinakabihirang diwa sa buong mundo na isa lamang sa isang milyon ang magkakaroon nito.

Ang mga ganitong uri na diwa ay sa iisang lugar lamang matatagpuan. Sa Dakilang Bughaw na Kagubatan.

Subali't nalipol na ang Kagubatan anim na taon na ang nakalipas. At walang ni isang tao ang naninirahan doon. Mga mahihiwagang mga nilalang lang ang maaaring makapunta sa lugar na iyon.

At isa pa, anim na taong gulang na rin si Dakila.

Ngunit isinantabi muna nito ang pagdududang iyon. Walang lingid ang hindi nabubunyag sa tamang panahon. Hindi pa man sa ngayon, datapwa't alam nitong kaniya rin itong malalaman sa panahong nakalaan.

"Ang iyong pangalawang diwa ay nabibilang sa halamang-uri. Ipikit mo ang iyong mga mata, pakiramdaman mo ang diwa sa iyong katawan." ani Bagwis.

Sinunod ito ni Dakila.

"Subukan mong pagsamahin ang iyong pangalawang diwa sa iyong pangunahing diwa."

Ang pagsasama ng pang-una at pangalawang diwa ay ang pangunahing dapat gawin ng mga gustong maging manlilinang. Ito rin ang pinakamahirap.

Ang mga biniyayaang may mga pangalawang diwa ay may pagkakataong maging manlilinanag. Ngunit nakadepende din iyon sa kung anong klaseng diwa ang mayroon. Kapag ang diwa ay pawang isang bagay at walang kabuluhan, ang binigayng biyaya ay magiging sumpa lamang. At hindi ito lumalago.

Ang layon kung bakit ang unang dapat gawin ay pagsamahin ang pang-una at pangalawang diwa ay para matukoy kung ano ang bahagdan ng kanilang magiging uri ng diwa. Dito malalaman kung maaari bang magpatuloy o hanggang dito nalang ang kanilang pagkakataon.

Ngunit iba ang sitwasyon ni Dakila, dahilan kung bakit sila lumipat para mapag-aral nila si Dakila sa isang tanyag na akademya sa buong Lupalop ng Nan

Alam ni Bagwis na kahit hindi maganda ang kalabasan ng pagsasamang-diwa ni Dakila ay hindi iyon dahilan upang ipatigil na nila ang propesyon nito.

Ika nga nila, 'Lahat ng bagay ay may kataliwasan'.

Ang mga halamang-uri na diwa ay pwedeng hindi ipagpatuloy at pwede ring ipagpatuloy. Kung magandang uri ng halaman ito ay walang dahilan upang itigil ang paglilinang nito.

Kung lilinangin mo ito ay bibigyan ka nito ng kakayahan sa paggamot. At malaking bagay na iyon kaysa maging salanta. Marami nang mga sikat na manggagamot na ipinagpatuloy ang kanilang propesyon sa kabila ng kanilang walang kabuluhang diwa.

At hindi na iyon matatawag na walang kabuluhan dahil isa na iyong tanyag na nakakapaggamot ng mga tao.

Bihira lamang sa mga halamang-uri na diwa ang bibigyan ka ng kakayahang pang-atake at pang-depensa. Ang kadalasang mga kakayahan ay panggamot at pantulong lamang.

Hindi ito nagagamit sa digmaan, ngunit kaya nitong pagalingin ang mga sumasabak sa digmaan.

Nanlaki ang mga mata nina Bagwis at Mahalia nang makita ang bahagdan ng pagsasamang diwa ng kanilang anak.

"I-isang daang bahagdan."

Oo, hindi siyamnapu't walo o siyamnapu't siyam, ngunit nasa isang daang bahagdan.

*Ang batang ito… Ilan pa ba ang mga nakakubling sorpresa na ipapakita mo sa amin?*, sa isip-isip ni Bagwis.

"Dakila, makinig ka sa akin." Ani Bagwis.

Tumingala si Dakila at tiningnan ang ama sa mata.

"Huwag mong sasabihin ito sa kahit na sino. Naiintindihan mo ba ako?"

Nagugulumihan man ay wala siyang magagawa kundi ang tumango.

Ang pagkakaroon ng bahgdang walang maipipintas sa yugto ng pagsasamang-diwa ay bukod-tangi at wala pa sa buong mundo ang nakakaranas nito.

Ngunit hindi na ngayon, ang maalamat na bukod-tanging bahagdan ay nasaksihan na ngayon, dito mismo, sa mag-asawang Agbulos.

Lumapit si Mahalia sa kaniya at siya'y niyakap. Alam na nito kung bakit may masama siyang kutob sa pagdala nila ng kanilang anak dito.

Hindi nito alam kung sino at nasaan ang byolohiko niyang mga magulang. Subali't alam nitong may dahilan sila kung bakit kailangan nila itong iwan.

Napatingin din si Bagwis sa mag-inang magkayakap. Hindi kita sa mukha ngunit sa loob-loob nito ay gustong na nitong tumalon at sumigaw.

Si Bagwis ay isang Lakan. Ngunit sa isang kadahilanan ay may nagawa siyang mali sa paningin ng mga tao kaya ang bunga ay, ngayon nagiging lumpo.

Wala nang mas tumpak na salita pa ang nababagay sa kaniya kundi isang lumpo. Ipinanganak siyang may pangalawang diwa at dala-dala niya iyon hanggang sa pagtanda. Ang kaniyang isa sa mga importanteng bahagi sa kaniyang buhay ay sapilitan iyong tinatabas.

Walang mas ikinasasakit pa kaysa sa pangyayaring iyon. Kinuha nila ang kaniyang pangalawang diwa at ang pakiramdam na may nawawalang diwa ay mas masakit pa kaysa mawalan ng mga mata.

Sa pagsimula ng kaniyang paglilinang ay may bahagdan siyang siyamnapu't anim. At isa na ito sa mga isinaalang-alang na may bihirang talento. Sa kasawiang-palad.

Ngunit sa kaniyang harapan ay isang walang-uliran, at tinatawag niya itong anak.

Nawa ay mararating ng kaniyang anak ang pangarap niyang hindi niya kailanman nararating.

-

Lumipas ang isang araw at naging isang buwan, at ang isang buwan ay naging isang taon, at ang isang taon ay naging apat na taon.

Si Dakila ay isa nang sampung taong gulang at maituturing nang munting binata.

Dalawang taon nalang at siya'y makakapasok na sa isang akademya.

Si Amihan na kaniyang kapitbahay ay maituturing nang kaniyang nag-iisang malapit na kaibigan. Ngayon ang kaniyang ika-sampung kaarawan, tatlong buwan lang ang nakalipas noong kaarawan din ni Dakila.

Lumulubog na ang araw at pasimula na ang kagabihan. Naghahanda ang mga magulang ni Amihan para sa kaniyang kaarawan ngayong gabi.

Inaanyayahan nila ang mga pamilyang malapit lamang sa kanilang basaysay na dumalo sa magarang piging para kay Amihan.

Ang kanilang angkang Manansala ay isa sa mga Maharlikang angkan kaya karaniwan lamang sa kanilang magdiwang ng marangyang kaarawan para sa kanilang mga kasapi.

Lalo na at si Amihan Manansala ay ang nag-iisang tagapagmana sa Angkang Manansala.

Ang basaysay na ngayo'y inuupahan nila at nina Dakila ay masasabing isa sa mga tanyag na basaysay sa buong Lungsod ng Nanna.

Hindi naman nagkulang ang pamilya ni Dakila ng salapi ngunit ayaw lamang nila ng masyadong pansin kaya maliit na pagdiriwang lamang ang kanilang ibinigay para sa kanilang anak.

Ngayon ay napuno na ng mga tao ang kanilang basaysay. Maingay at naguumpukan.

Nasa labas lang ng bahay si Dakila, sa kanilang bakuran na madalas niyang pinupuntahan kapag mamamahinga at magninilay.

Nang biglang dumating si Amihan, "Dakila?" tawag nito, "Ayaw mo ba pumasok sa bahay?"

Taos itong nginitian ni Dakila, "Maligayang Kaarawan!"

Ang Amihan ngayon sa kaniyang harapan ay iba na sa musmos na Amihang kaniyang unang nakita. Sa edad na siyam ay nagsimula na itong dumadalaga. Ang mga hubog sa kaniyang katawan ay unti-unti nang lumalabas at ang iba pang mga bahagi ng kaniyang katawan ay nagsimula nang nagbabago. Ang buhok nito noon na hanggang bewang ay ngayo'y nasa puwetan na nito.

"Halika?" ani Amihan.

Tumaas ang isang kilay ni Dakila. *Inuutusan niya ba ako o tinatanong?*

Hindi na napigilan ni Amihan at ito na ang pumasok sa kanilang bakuran. Tumalon ito at pilit na pinaakyat ang sarili hanggang sa naramdaman nitong may kamay na humugot sa kaniya at inalalayan ito na papasok sa bakuran.

Naramdaman nalang nitong may pumapagpag sa mga duming kumapit sa damit nito pagkatapos ay inayos ang magulo nitong buhok.

"Sampo ka na at ang dungis mo pa rin, bakit 'di mo nalang ginamit iyang diwa mo?"

Napakamot sa ulo si Amihan, "Oo nga pala, nakalimutan ko."

Tiningnan lamang ito ni Dakila at napa-iling.

"Nandito ka nalang palagi kapag kaarawan ko, nagagalit na ako." ani Amihan nang nakasimangot.

"Ayaw ko lang sa maraming tao."

"Samahan mo ako."

Bago paman makatanggi si Dakila ay kinuha na agad ni Amihan ang kaniyang kamay, hindi man lang binibigyan ng pagkakataong magsalita.

Ginamit nito ang taglay na diwa na kung saan ay isang hanging-uri upang tumawid sa bakuran. Napagtanto na lang ni Dakila na wala na siyang naaapakang lupa.

Nang nakatawid na sila ay nananatiling nakahawak parin si Amihan sa kamay ni Dakila, kung sakali mang tumakas ito.

Ngunit tatakas nga ba si Dakila? Lingid sa kaalaman ni Amihan ngunit ikinatutuwa ni Dakila ang malambot nitong kamay na mahigpit na nakakapit sa kaniya.

"Saan tayo pupunta?"

"Akin kang dadalhin sa lugar na may pinakamaraming tao!"

Bahagyang nanlaki ang mga mata ni Dakila.

Lumipas ang ilang mga minuto at ang kaninang mabilis na pagkalakad ni Amihan ay bumabagal.

Nakikita ni Dakila ang ekspresyon ni Amihan sa kaniyang kiliran. Kahit kalahating mukha lamang ang kaniyang nakikita ay halata niya ang pagkamangha nito.

Dinala siya ni Amihan sa isang kalyeng puno ng tao.

Madilim na kaya puro ilaw ang nandirito at nagbibigay ito ng magandang pananaw kahit masyadong matao.

Ang kina-aabalahan ng mga tao ay ang mga paninda sa bawat tabing kalye.

Hindi pala-labas si Dakila lalo na kapag gabi kaya ngayon lang niya nasaksihan ang ganda ng Lungsod ng Nanna.

Mas lalo niyang hinigpitan ang hawak niyang kamay ni Amihan habang abala ito sa pagtingin-tingin sa paligid suot ang malawak nitong pag-ngiti. Nagsiksikan na ang mga tao at baka mawala ito sa kaniyang paniningin.

"Dakila, tingnan mo!" sabay turo ni Amihan sa tindang mga parol. "Bilhan mo ako! Bilhan mo ako! Ang ganda!"

Napakamot nalang sa ulo si Dakila.

Mukhang ito na yata ang kaniyang magiging pinaka-gabi.