Chereads / The Great Emperor Of The Blues / Chapter 1 - Kabanata 1 - Pangalawang Diwa

The Great Emperor Of The Blues

Kytinia
  • --
    chs / week
  • --
    NOT RATINGS
  • 12.2k
    Views
Synopsis

Chapter 1 - Kabanata 1 - Pangalawang Diwa

"Anak, maaari mo bang sabihin sa akin kung nasaan ang iyong mga magulang?"

"Wala na po akong mga magulang."

Nag-aalalang pinagmasdan ng isang nasa katanghaliang-gulang na ginang ang bata sa harapan nito na sa palagay nito ay mga nasa humigit-kumulang na walong taong gulang.

At ito'y nagkakamali, dahil ang totoo ay siya'y anim na taong gulang pa lamang.

Kasalukuyan ding nakatitig ang batang lalaki sa ginang. Pawang katotohanan lamang ang kaniyang sinasagot.

Sabi ng Karimlang Luntiang Bakulaw na walang dahilan ang pagsisinungaling kaya hangga't maaari, huwag isama ang kasinungalingan sa totoong pangyayari.

Kahit may mga bagay na hindi dapat malaman ng iba, mas mabuting mananatiling tahimik kaysa sumagot ng kasinungalingan.

"Delikado ang lugar na ito sa mga kagaya mo. Saan ka nakatira? Ihahatid ka ng ginang pabalik sa iyong mga kamag-anak." Sabi ng ginang sa malambing na may halong pagka-alala na boses.

Ngunit umiling ang batang lalaki.

"Wala ka ding kamag-anak?" Nanlaki ang mga mata ng ginang.

Ang batang nasa harapan nito ngayon ay may pambihirang kaaya-ayang hitsura. Ang mga hugis sa kaniyang mukha, mapa mata man, ilong o mga labi ay ganap na pagkalikha. Kahit ang kaniyang kutis na mala olibo at may pagkabahid na lambot ay nagbibigay ng mapungay at maamo na kalikasan.

Hindi nito kayang isipin na sa likod ng kahali-halinang hitsura ng batang lalaki ay isang batang ulilang-lubos.

"Nanay, maaari ko ba kayo maging nanay?"

Sa pangalawang pagkakataon, nanlaki na naman ang mga mata ng ginang.

Iyon ang sabi ng matandang bakulaw sa batang lalaki. Kung sino man ang unang lalapit sa kaniya na may magandang intensyon ay kaniyang hihilingan ng tulong at kumbinsihin na siya ay kupkopin.

Ngunit ang sabi lamang ng matandang bakulaw ay hihilingan lang ng tulong at hindi magpa ampon. Hindi alam ng batang lalaki kung bakit pero nakaramdam siya ng kaginhawahan nang lumapit sa kaniya ang ginang at siya'y tinanong. Mainit at kaginhawahan ang ibinigay ng ginang sa kaniya na kaniyang hindi mawari kaya hindi na siya nag atubili pa.

Walang nagawa ang ginang. Matagal na itong kasado ngunit wala pa rin silang anak. Kaya ito na siguro ang pagkakataon nito, matagal na nitong hinahangad na magkaanak ngunit sa isang kadahilanan ay hindi sila biniyayaan.

Wala ring dahilan upang tanggihan ng asawa nito ang musmos sapagkat ito'y gayondin ay matagal nang ninanais na magkaroon sila ng anak.

Ang pagkakataon sa buhay ay madalang dumating. Dumating na ng kusa, hindi pa ba sasamantalahin?

-

Lumipas ang tatlong buwan at napagpasiyahan ng mag-asawa na mangibang-bayan malapit sa pinakalungsod ng kanilang lupalop.

"Tay, saan po sila papunta?" Inosenteng tanong ni Dakila sa kaniyang ama na kasalukuyang nagbubungkal ng lupa sa harapan ng kanilang basaysay.

Binigyan ng mag-asawa ng pangalang 'Dakila' ang kanilang inaampon sapagkat sila'y lubos na nagpapasalamat pagka't ang matagal na nilang ninanais ay kusang dumating. Gusto nilang isaalaala ang binigayng dakilang biyaya tuwing siya'y tinatawag nila.

Tumayo ang ama, "Kapag ganito ka na kalaki." sabi nito sabay pag-iwa pahalang gamit ang asarol sa isang malaking puno. "Maaari ka nang makapasok sa isang akademya kagaya nila." Huling sabi ng ama at umalis na papasok sa kanilang basaysay.

Napatitig si Dakila sa puno. Siya'y anim na taong gulang pa lamang at mga nasa 128 sentimetrong haba na ang kaniyang pagkatangkad, ang karaniwang taas ng mga walong taong gulang.

Kailangan pa niya ng apatnaput dalawang sentimetro para maging katangkad na niya ang iniwang hiwa sa puno ng kaniyang ama. Kahit papaano, kailangan pa niya ng isa pang anim na taon para makamit ang pamantayan ng kaniyang ama.

Ang kaniyang totoong layunin sa simula pa lamang ay maging malakas. Siya'y hindi paman nagkatawang tao ay ito na ang kaniyang layunin simula't sapul. Anim na taong gulang lang ang kaniyang pangkatawang anyo ngunit naranasan na niya ang isa sa mga pinakamapait na karanasan sa mundo.

Noong unang niyang ipinakita sa kaniyang mga magulang ang kaniyang taglay na kakayahan sa sining ng pang-diwa ay tanging gulat at pagka-mangha ang kaniyang nasaksihan sa kanilang mga mukha.

Hindi nila inakala na ang ulilang kanilang inampon ay pinagpala ng kinabukasan. Bihira lamang sa mundo ang biniyayaan ng pangalawang diwa kaya labis itong ikinasasaya ng kaniyang mga magulang.

Sa mundong ito, ang may mga pangalawang diwa ay tinutinuring na iba kaysa mga ordinaryong tao. Sapagkat may pagkakataon silang maging malakas at makapangyarihan, ang mga taong may pangalawang diwa ay magkakaroon ng abilidad na labas sa mga karaniwang tao.

Makukuha lamang ito kung ang kanilang mga magulang ay may likas na pangalawang diwa, at minamana ito sa mga anak. May mga taong pinagpala at mayroon ding mga taong sadyang hindi ito para sa kanila.

May sabi sabing alamat na sa unang panahon ay puro karaniwang tao lamang ang nabubuhay sa mundo. Ngunit may dumating na kababalaghan at nagbunga ng hindi inaasahan ng karamihan.

May mga hindi gawing taga ibang mundo na nakapasok dito sa mundo. Ang dahilan kung bakit kalahati sa mga naninirahan dito sa mundo ay karaniwan at kalahati naman ay hindi karaniwan.

"Mahal, sigurado ka na ba sa iyong pasya?" Tanong ni Bagwis, na ama ni Dakila, sa ginang nito.

"B-bagwis, may nararamdaman akong kakaiba. Pakiramdam ko tama itong aking ginagawa ngunit bakit may nararamdaman akong kakaiba?" Sagot ni Mahalia, ina ni Dakila na may halong pagtataka.

Ngumiti si Bagwis at pinaupo si Mahalia sa pinakamalapit nilang mauupuan at hinihilot-hilot ang kaniyang balikat, "Alam ng mga ina kung ano ang mabuti para sa kanilang mga anak. Hindi man natin byolohikong anak si Dakila, sa loob ng tatlong buwan ay napamahal na natin siya. Hindi ko hahayaang may mangyaring masama sa ating bugtong anak, poprotektahan ko si Dakila gaya ng ibang mga amang pinoprotektahan ang kanilang pamilya."

Binalikan ito ni Mahalia ng nakamamahal na ngiti.

-

"Kuya!"

Naidilat ni Dakila ang kaniyang mga mata at inikot ang kaniyang ulo sa kaniyang gilid kung saan nagmula ang ingay.

Siya'y kasalukuyang nagninilay sa kanilang mapayapa at tahimik na bakuran ngunit may biglang sumigaw. Sinong hindi maaabala?

"Ako ba iyong tinatawag munting kapatid?" Tanong ni Dakila.

Ang kaniyang malalaking mga mata na inosenteng nakatingin sa batang babaeng nakasampa sa kanilang bakod, naghihintay ng sagot. Isa lamang ang masasabi ng babae.

"Ang ganda ng iyong mga mata. Kuya, saan ikaw galing?" Takang tanong ng batang babae. Totoong hindi naaayon ang kaniyang panlabas katangian sa mga katangiang tagarito.

Ngunit walang nakuhang sagot ang batang babae, tinitigan lamang ito ni Dakila.

"Kuya, hindi naman na tayo estranghero. Simula ngayon, magkapitbahay na tayo!" dagdag nito sa mala-musmos na boses.

Kumunot ang noo ni Dakila. *Bakit niya ako binabati ng 'Kuya'? Mas matanda ba ako sa kaniya? O matanda lang talaga akong tingnan sa aking totoong gulang*.

"Hoy, kuya! Ayaw mo ba sakin?" Nangingiyak na tanong ng batang babae.

"A-a, bakit ka umiiyak?" Natatarantang tanong ni Dakila at dagliang tumayo. *Siya ba'y umiiyak dahil hindi ko siya sinagot? Ngunit hindi iyon singhalaga para iyakan!*.

"Patawad kapatid, marami lang akong iniisip."

Biglang tumigil sa pag-singhot ang batang babae at pinahiran ang namamasa nitong mukha gamit ang maliliit nitong mga kamay, "Ikaw kuya maraming iniisip? Eh diba mga matatanda lang ang maraming iniisip? Sabi sa akin ni Ina. Ano naman ang mga iniisip ikaw?"

Hindi alam ni Dakila kung matatawa ba siya dahil sa paraan ng pagsasalita nito o magsisisi dahil sinagot niya ito. Ngayon ay tambak na ang kaniyang mga tanong.

Sila siguro yung bagong lipat din dito? Sa pagka-alaala ni Dakila ay sila palang yung unang umupa dito sa basaysay. Mayroong tatlong bahay ang basaysay na kanilang inupahan at sa unang araw ng kanilang paglipat dito ay bakante pa ang dalawa.

"Magandang umaga kapatid, ako si Dakila." Pagbati ni Dakila at bahagyang yumuko. "Maaari ko bang malaman ang pangalan ng aming maging kapitbahay?" Nakangiti niyang dagdag habang ang kanang kamay ay nakapikit at nakapuwesto sa kaniyang dibdib.

Ginawaran naman ito ng batang babae na mas malawak pang pagngiti. "Kuya Dakila! Ako si Amihan, ang iyong lingkod!" Tuwang-tuwang aniya at pinuwesto ang kamay sa harapan, tanda ng makikikamay.

Kumunot na naman ang noo ni Dakila.

Kaniya iyong sinabi ng pormal ngunit ang kaniyang kilos ay mala-kaswal. Saan ka makakakita ng ganito?

Hindi nagpaligoy pa si Dakila at nakipagkamay na kay Amihan.

Ngunit sa paglapat pa lamang ng kanilang mga kamay ay parang may anghel na humaplos kay Dakila.

*Ang lambot ng kaniyang kamay, hmm.*

"Dakila? Bakit hindi mo pa ikaw binitawan ang aking kamay?"

Napagtanto ni Dakila ang nangyari at agad binawi ang kaniyang kamay.

Ngunit kaniyang napansin na hindi na siya nito tinawag na Kuya. Hindi ba't ang kakatwa niya?

-

"Dakila, ilabas mo ang iyong diwa." Utos ni Bagwis sa kaniyang anak.

Ngayon ay sinasanay nila si Dakila sa paggamit ng kaniyang pangalawang diwa. Suwerte ang kanilang masasabi sa isa't isa sapagkat biniyayaan din ang kaniyang ina at ama ng pangalawang diwa.

Sa pagkatawang tao ni Dakila ay binigyan siya ng kakayahan ng kaniyang totoong anyo na 'Ginintuang Matayog na Baino'.

Ngunit ang hindi nila alam ay naiiba ito sa mga pangalawang diwa na mayroon ang mga tao. Ang kaibahan ay hindi ito maituturing na pangalawang diwa sa kadahilanang hindi naman maituturing na totoong tao si Dakila simula't sapol.

Ang diwa ng mga tao ay pangkaraniwan lamang. Kung hindi dahil sa kanilang pangalawang diwa ay maituturing lamang silang mga ordinaryong nilalang. Kaya yung mga may pangalawang diwa ay ginawaran ng kakayahang mahigit pa sa ordinaryo.

Nilabas ni Dakila ang kaniyang diwa gaya ng inutos ng kaniyang ama. Bughaw na bulaklak ang lumabas sa kaniyang tig-iisang kamay.