Chereads / The Department of Timelines, Origins: Jamiz,The Doppelganger / Chapter 3 - Chapter 3: Mga Katanungan at Mga Kasagutan

Chapter 3 - Chapter 3: Mga Katanungan at Mga Kasagutan

December 27, 1995

Department of Timelines, Metro Manila

01:23

Sina Enjack Maawatan at Hannah Mataruzan, kapwa mga "guro" sa isang mababang paaralan sa Kalakhang Maynila, ay marahang naglalakad patungo sa opisina ng kanilang "nakatataas" na nasa gusaling kanilang kinaroroonan. Habang naglalakad sila....

"Ano na naman ang nakain niyang kumpare mo at pinilit niya tayong mag-report nang alanganing oras... hindi ba niya naisip na puwede naman mamaya na lang?" sabi ni Hannah Mataruzan, habang kinakain niya ang kanyang bitbit na "hamburger".

"Malay ko sa sira-ulong iyon... pahingi nga niyan, ginugutom ako sa habang naasar sa kanya," sabi ni Enjack Maawatan, at saka kumurot ng maliit bahagi ng kinakain ni Hannah Mataruzan. "At saka painom na rin sa iniinom mong 'softdrinks' para kumpleto na."

Ilang metro bago nila marating ang opisina ng kanilang "nakatataas", napapansin nilang nakatayo na ito at nag-aabang sa kanila; marahan lamang silang naglalakad. Habang papalapit sila....

"Maraming salamat at pinilit ninyong paunlakan ang aking paanyaya... pagkatapos ninyong magduda riyan, pumasok na  kayo... lalamig agad yung tinimpla kong 'kape' para sa inyo." sabi ng "nakatataas", at saka ito pumasok sa loob; sumunod ding pumasok sina Enjack Maawatan at Hannah Mataruzan.

Pagdating nila sa loob....

"Magkape muna kayo habang inihahanda ko itong mga pag-uusapan natin," sabi ng "nakatataas" kina Enjack Maawatan at Hannah Mataruzan. "Habang nagkakape kayo, kainin na rin ninyo yung mga tinapay na nariyan sa mesa. Napakasarap kaya ng mga inutang 'nating' iyan. Sige... kumain lang kayo nang kumain!"

"Sinong... 'natin'?" tanong ni Enjack Maawatan sa kanyang nakatataas. "Kailanpa...?"

"Kahapon lang! Alam kong pupunta ka ngayon kaya... umutang muna 'tayo' ng mga kape at mga tinapay sa anak ni Aling Ofelia na si Mirang, yung dalagang patay na patay sa iyo, na ibibigay sa iyo ang buo nilang kabuhayan makatuluyan ka lang." sabi ng "nakatataas".

Dahil sa sinabing iyon ng kanilang nakatataas, napahagalpak si Hannah Mataruzan at saka sinipa ang mesang kanilang kinakainan.

"Tawa ka pa riyan!" sabi ng "nakatataas" kay Hannah Mataruzan. "Nagseselos ka lang, eh!"

Dahil sa narinig na iyon ni Hannah Mataruzan, napatigil ito sa katatawa at nanahimik na lamang.

01:45

"Nainip ba kayo?" sabi ng "nakatataas", habang papalabas ito sa pinanggalingang silid bitbit ang ilang "folder" na naglalaman ng mga maanomalyang impormasyon at saka niya ito inilapag sa kanyang mesa kung saan din kumakain sina Enjack Maawatan at Hannah Mataruzan.

"Hindi naman po!" tugon nina Enjack Maawatan at Hannah Mataruzan.

"Huwag na nating patagalin pa," sabi ng "nakatataas", habang kanyang inilalabas isa-isa ang mga litrato mula sa isang "folder" na mayroong nakasulat na "File No. 1". "Iyang naunang dalawang litrato...."

"Sina... ang mga ito," sabi ni Enjack Maawatan, nanlaki ang mga mata matapos maiabot sa kanya ang dalawang litrato, at saka unti-unting nakararamdam ng matinding takot. "Bakit... naman?"

"Dahil sa dami ng mga nakakalap na katotohanan ng kagawarang 'ito' mula sa mga naipadala natin sa lugar na 'iyon', nagpasya na ang mga 'mas nakatataas' sa akin na... gisingin na ninyo si Jamiz!" sabi ng 'nakatataas' kina Enjack Maawatan at Hannah Mataruzan. "Kung gusto lang ninyong magtanong... magsalita lang kayo."

"Si Jamiz... bakit, wala na ba tayong iba na maaaring gumawa nito?" tanong ni Hannah Mataruzan, habang ina-analyze ang ikatlo at ikaapat na litrato mula sa "folder" na pinanggalingan nung naunang dalawang litrato.

"Malay ko sa kanila. Nalalaman naman nila kung ano ang kanilang ginagawa... may pagdududa ba kayo sa kanilang ipinag-uutos?" sabi ng "nakatataas".

"Wala naman. Kung gayon... kailan namin siya gigisingin?" sabi ni Enjack Maawatan.

"Sa lalong madaling-panahon... gusto sana nila na... matapos niya ito bago magbalik ang kanyang regular na klase sa ika-8 ng January, 1996." sabi ng nakatataas. "Siguraduhin ninyong pababaunan ninyo siya ng isang kalderong punong-puno ng kaning-lamig at isang karton na punong-puno ng mga pagkaing de-lata. Pabaunan na rin ninyo siya ng gagamiting kutsara at tinidor para hindi naman siya nagkakamay lang doon at saka 'can opener' para hindi na siya magka-problema pa... huwag na huwag ninyo itong makalilimutan." sabi ng "nakatataas" kina Enjack Maawatan at Hannah Mataruzan. "Huwag muna kayong umalis... kailangan muna ninyong mapanood ito.

Pagkatapos, agad itong tumayo at nagsalang ng isang "VHS tape" sa "VHS player" na naroroon; magkakasama silang nanonood.

"Tungkol saan naman iyan?" sabi ni Enjack Maawatan sa kanyang "nakatataas". "Parang napakaluma naman niyan?"

"Panoorin ninyo iyan nang mabuti at pagkatapos... umalis agad kayo." sabi ng "nakatataas", at saka muling itinuon ang kanyang atensiyon sa pinanonood. "Kung anuman ang mga mauunawaan ninyo, sa inyo na lang."

04:32

Nang matapos mapanood nina Enjack Maawatan at Hannah Mataruzan ang nilalaman nung "VHS tape", agad silang lumabas ng opisinang iyon nang hindi man lamang nagpapaalam sa kanilang "nakatataas". Nang makalabas sila....

"Anong pasya mo?"

"Magtungo muna tayo sa Mandaluyong, makipag-usap muna tayo sa kanya bago natin gisingin si Jamiz."

"Sigurado akong mayroon siyang mga 'can opener', kutasara, at tinidor sa kanyang tindahan... mabuting bumili muna tayo roon."

"Hindi kaya... masyado tayong maaga kung pupunta na tayo ngayon?"

"Nararapat nga na umalis na tayo at nang maabutan pa natin siyang natutulog pa. Maganda yung naisip ko, di ba?"

"Mas maganda siguro... kung babayaran muna natin yung inutang daw natin diyan sa panaderya niyang 'admirer' mo!"

Pagdating nila sa panaderya ni Mirang, agad silang humarap at makataong nakipag-usap; ganoon din naman ito sa kanila.

"Kumusta ka aking MAHAL! Anong maipaglilingkod ko sa iyo at sa aking karibal?" sabi ni Mirang, habang hawak niya ang mga kamay ni Enjack Maawatan. "Kumusta na nga pala yung pakiramdam mo?"

"Bakit nagkasakit ba siya?" sabi ni Hannah Mataruzan, habang inaalis ang mga kamay ni Mirang sa pagkakahawak sa mga kamay ni Enjack Maawatan. "Kailan pa?"

"Ang sabi ni Derek Yu Hanh, yung 'nakatataas' ninyo, may sakit ka raw mula pa noong Pasko [December 24] kaya siya umutang dito ng mga tinapay at mga kape upang ibigay sa iyo upang gumaling ka agad." sabi Mirang. "Nahahalata kong magaling ka na... salamat naman kung gayon."

"Sira-ulo talaga siya! By the way, dumaan lang kami rito upang bayaran yung mga inutang niya... magkano lahat?" sabi ni Hannah Mataruzan, habang naglalabas siya ng perang ipambabayad kay Mirang.

"Ayon dito sa aking papel, saktong ₱700 ang lahat ng inutang niya rito kahapon." sabi ni Mirang, at saka niya ipinakita ang detalye kina Enjack Maawatan at Hannah Mataruzan.

"Anak ni Satanas talaga, oh! Uy! Kape at tinapay lang naman ang aking kinain, paanong ganito kalaki ang babayaran ko?" sabi ni Enjack Maawatan.

"Hindi lang naman kaya kape at mga tinapay ang inutang niya dahil sa iyo. Kumuha rin siya ng 'toothpaste', sabong pampaligo, sabong panglaba, isang malaking bote ng palaman sa tinapay, at isang buong keso, kaya ganyan kalaki ang babayaran mo." sabi ni Mirang.

"Ibang klase talaga siya. Heto, yung bayad." sabi ni Enjack Maawatan, habang kanyang iniaabot ang eksaktong halaga kay Mirang.

"Kung wala kang ibang lakad, dito ka na lang sa amin mag-Bagong Taon para magkasama tayong magpapaputok sa labas!" sabi ni Mirang kay Enjack Maawatan.

"Baka gusto mong paputukin ko nguso mo... anong magpapaputok kayo sa labas? Hindi! Sa loob ko siya magpapaputok... sa loob ng bakuran ko! Ano... may angal ka?" sabi ni Hannah Mataruzan, habang pinandidilatan niya ng mga mata si Mirang. "Magpaputok kang mag-isa... aalis na kami!"

Pagkatapos, agad umalis si Hannah Mataruzan habang hila-hila niya papalayo si Enjack Maawatan; tumigil sila nang makalayo kay Mirang. Habang nag-uusap sila....

"Bakit mo naman ginawa sa kanya iyon?"

"Pagsabihan mo iyang 'admirer', ang lakas niyang mangarap!"

"Sige... sige na nga! Ano, handa ka na ba? Mag-abang na tayo ng taxi at nang maaga tayong makarating doon."

Habang nag-aabang sila ng taxi...

"Si Jamiz... anong pagkakaalam mo tungkol sa kanya?" sabi Hannah Mataruzan, habang nakatingin siya malayo.

"Siya yung batang natagpuan natin noong Mayo 24 ng Taon ding ito... bakit mo naitanong?" sabi ni Enjack Maawatan. "Mayroon bang bumabagabag sa iyo patungkol sa kanya?"

"Mayroon... anong ibig sabihin ni Derek doon sa sinabi niyang iyon?"

"Malay ko... ang naaalala ko, matapos gumaling mula sa mga natamo niyang pinsala, iniharap ko si Jamiz sa mga 'nakatataas' at saka tuluyang ipinagkatiwala. Bago magsimula ang kanyang regular na klase nitong Hunyo, sa bisa ng utos ng mga 'nakatataas', inihatid natin siya sa kasalukuyan niyang tirahan at saka hinayaang mamuhay nang malaya habang nasa buo nilang patnubay.. Yung namang ibig sabihin ni Derek Yu Hanh, maaaring nasa Mandaluyong ang kasagutan. Kailangan nating magmadali bago tayo maabala nang tuluyan."

Nang may tumigil na taxi sa harapan nila, agad silang sumakay at saka nagpahatid sa kanilang destinasyon; tahimik lamang sila habang nasa biyahe.

Buayang Bato, Mandaluyong City

06:56

Nang dumating sila sa kanilang destinasyon, nagbayad sila ng kaukulang pamasahe at saka bumaba sa taxi na iyon; naglakad patungo sa mismong kinaroroonan ng kanilang pakay. Nang makarating sila roon....

"Bakit dito tayo nagpahatid, akala ko ba sa kanyang tindahan tayo pupunta?" tanong ni Hannah Mataruzan kay Enjack Maawatan.

"Oo nga, narito na tayo kung saan niya talaga iniimbak ang kanyang mga itinitinda. Sigurado akong gising na siya." sabi ni Enjack Maawatan, at saka sila naglakad hanggangbsa makarating sila sa mismong pinto ng bahay nito; kumatok sila at saka naghintay ng pagtugon.

"Kayo na ba iyan?" sabi ng kanilang pakay. "Madali! Pumasok kayo."

Nang makapasok sila....

"Siya nga pala si Aling Toyang," sabi ni Enjack Maawatan kay Hannah Mataruzan.

"Nasabihan ako ni Derek Yu Hanh na patutungo kayo rito... naihanda ko na ang mga sinasabi niyang iyon, maghintay lang kayo," sabi ni Aling Toyang, at saka pumasok sa isang kuwarto upang kunin ang mga sinasabi nito. "Pasensiya na, hindi ko kayo ipinagluto ng inyong magiging agahan, wala iyon sa aming usapan."

Habang nasa loob si Aling Toyang, nag-uusap naman sa sala sina Enjack Maawatan at Hannah Mataruzan. Habang nag-uusap sila....

"Parehas sila ni Derek Yu Hanh ng pagsasalita, siguro talagang magkakilala sila?" sabi ni Hannah Mataruzan.

"Malay ko sa kanila," tugon ni Enjack Maawatan, habang inililibot ang kanyang paningin, napapansin niyang walang anumang nakalagay na dekorasyon ang mga dingding nito.

Nang makuha ni Aling Toyang ang kanyang mga tinutukoy, agad itong lumabas at saka inilapag sa harapan nina Enjack Maawatan at Hannah Mataruzan.

"Anu-ano naman po ang mga iyan?" sabi ni Hannah Mataruzan.

"Dalawang mapa... bahala na kayong ibigay ang mga iyan sa 'kanila'. Kung sinuman sa kanila ang talagang nakauunawa sa mga nakasulat at mga nakatagong detalye riyan, sa kanya ninyo dapat ibigay itong pera [₱500, 000]." sabi ni Aling Toyang.

"Bago kami umalis, pakibigay po muna sa amin yung 'can opener'." sabi ni Enjack Maawatan, habang itinatago niya ang mga pera sa kanyang lihim na taguan sa loob ng bag niya.

"Ang aming usapan ay isang kutsara at isang tinidor lamang... wala siyang ipinakiusap na 'can opener'... mukhang sa iba siya nakiusap patungkol diyan." sabi ni Aling Toyang, habang isinasara niya ang mga kurtina sa kanyang bintana; ini-lock din niya ang kanyang pinto. "Nang una nilang matuklasan kung ano ang isang 'canned goods' at maaaring mga kapakinabangan nila rito, sinisira nila ito nang husto upang makuha lamang ang nilalaman nito bago pag-aralan kalaunan. Hanggang sa ngayon, wala pa rin ninuman sa kanila ang nakaaalam na magkasabay naimbento ang 'canned goods' at ang 'can opener'... ganoon sila ka-TANGA!"

"Refreshing! Nauunawaan ko na. Kung wala na kayong maibibigay, aalis na po kami." sabi ni Enjack Maawatan, habang papalapit sila ni Hannah Mataruzan sa pintong kanilang lalabasan.

"Pakiusap! Huwag na kayong kumuha ng iba... kay Jamiz na lamang ninyo ibigay ang misyong ito sapagkat lubos ko siyang napagkakatiwalaan." sabi ni Aling Toyang. "Isa pa, huwag na kayong magsabi sa 'iba' na siya na ang inyong napili... mapanganib!"

Dahil sa sinabing iyon ni Aling Toyang, agad sumang-ayon sina Enjack Maawatan at Hannah Mataruzan; agad din silang lumabas nang hindi na lumilingon pa. Pagdating nila sa labas, nag-uusap sila habang nag-aabang ng kanilang masasakyang taxi.

"Maliban kay Jamiz... mayroon pa bang iba?" sabi ni Hannah Mataruzan.

"Malay ko...? Maaari... hindi naman sila magsasalita nang ganoon kung wala itong kapirasong katotohanan... di ba?" sabi ni Enjack Maawatan, habang nakatingin siya sa malayo.

"Isa na lang... si Mirang... anong lagay namin sa iyo...?" bulong ni Hannah Mataruzan kay Enjack Maawatan.

"Sa puso ko, ikaw lang talaga!" sabi ni Enjack Maawatan, at saka siya humarap kay Hannah Mataruzan. "Ayon naman sa 'author' nitong akdang ating kinabibilangan, makiramdam ka at mag-abang kung magiging ano kayo sa buhay ko sa mga susunod na kabanata."

Nang mayroong tumigil sa harapan nila na isang taxi, agad silang sumakay, at saka nagpahatid sa susunod nilang destinasyon. Habang nasa loob sila....

"Bakit hindi mo ako kinikibo?" sabi ni Enjack Maawatan, at saka umakbay kay Hannah Mataruzan.

"Itanong mo sa 'author' nitong akdang ito, abangan mo baka sagutin ka niya!" tugon ni Hannah Mataruzan.

Dahil sa narinig na iyon ni Enjack Maawatan, nanahimik na lamang siya habang nasa loob sila ni Hannah Mataruzan; lihim na napapangiti ang tsuper ng taxi na kanilang sinasakyan.