Download Chereads APP
Chereads App StoreGoogle Play
Chereads

Carve My Name into Your Rib Cage

🇵🇭Baklanghamburjer
--
chs / week
--
NOT RATINGS
3.9k
Views

Table of contents

VIEW MORE

Chapter 1 - Prologo

Carve My Name into Your Rib Cage

Prologo

Simula...

"Hoy!"

Maliban sa malakas na bulyaw na 'yon, dinig ko ang maingay na tunog ng mga paa ko.

Gumagaan ang aking loob sa tuwing maririnig ko ang sunod-sunod na pagkumpas ng mga paa ko, dahil ang bawat hakbang ng mga ito ay nangangahulugang may ilang talampakan akong higit sa kalaban.

"Hinto! Huminto ka!" dagdag pa ng galit na boses.

Mabilis ang mga pangyayari. Mabilis rin ang pagtibok ng aking puso subalit hindi iyon dahil sa kaba, kung hindi ay dahil sa sobrang pagod. Sinasabayan pa ito ng mabilis na paghingal ng mga baga ko.

Nauubusan na ako ng hangin sa katawan, natutuyo na ang aking lalamunan at namamanhid na ang aking mga binti pero kahit ganoon pa man, hindi ako maaaring huminto. Hindi ako maaaring sumuko.

"Sandali!" Makikita sa gilid ang isang matabang lalaki, hinihingal at basang-basa na sa pawis. "Hindi... Hindi ko na... Hindi ko na kaya. 'Yoko na,"

"Bwisit! Ano na?! Magpapalamangan na lang ba tayo ng katangahan dito, ha?! Kilos na!" dagdag pa nito.

"Sabi mo 'Sandali', eh." sabi ng isang matandang lalaki, nagkakamot ng ulo.

"Ano ba?! Habulin n'yo! Litse! Ang kukupad ng mga animal!" reklamo ng matabang lalaki habang pilit hinahabol ang paghinga.

"Opo, Kapitan!" sagot ng mga alipores niya. Suot nila ang kulay itim na vest, at sa bandang likod nito ay mababasa ang makapal na sulat na may sabing 'Barangay Tanod'.

Huminto ako at nilingon ang nasusuklam nilang mga mukha, lalo na ang mabilog na pagmumukha ng baboy nilang Kapitan.

Sinuyod ng mga mata ko ang katawan nitong nababad sa pawis. Kita sa mukha nito ang mga likidong tumutulo mula sa kaniyang noo. Sa mga mata ko ay para ba itong baboy na pinahiran ng langis.

Kumindat ako kay Kapitan bago sinimulang tumakbo ulit. "Kapitan n'yo, baga't apoy na lang ang kulang, may lechon na kayo!" hiyaw ko habang yumayanig sa buong gusali ang malademonyo kong halakhak.

Bakit ba kasi narito 'yang si Humpty-Dumpty na 'yan? Kung maglakad nga ay mistulang penguin na ang hitsura dahil sa sobrang bigat ng katawan niya, naglakas-loob pang makipaghabulan.

"Hulihin n'yo at ako nang bahalang magparusa sa walang modong tukmol na 'yan!" galit na sigaw ni Kapitan, ngunit sa tainga ko ay para bang impit na sigaw ng kinakatay na baboy.

Sa gitna ng eksena, tila ay kumikinang ang bag na yakap-yakap ko sa 'king mga bisig. Pansin ang nakakaakit-mata nitong kulay at eleganteng desinyo dahil sa ilang mga makikintab na batong nakadikit dito. Halatang tanyag ito dahil sa printang may sabing 'Chanel' sa may dapit ibaba ng zipper.

Kung palay ang inaani ng mga magsasaka, sa sitwasyon ko, ang bag na ito ang siyang magsisilbing ani ko rin sa araw na ito. Ang bag na ito ang magpapakain sa 'kin mamaya, bukas, at sa ilan pang mga araw.

"Hoy! Matigas ka, ah!" sigaw ng isang Tanod habang nakaturo sa 'kin ang hawak niyang batuta.

At kung ang kaaway ng mga magsasaka ay peste, peste rin para sa 'kin ang mga Tanod na 'to!

Humigpit ang yakap ko sa bag nang mas bilisan ko pa ang aking pagtakbo. Hindi nila ako pwedeng mahuli. Hindi pwedeng mabawi ang bag.

Batid ko ang mga matang nakatuon sa 'kin. Ang lahat ay pilit hinahaglilap ang katawan kong animo'y hangin na swabeng lumumulusot sa gitna ng nagkumpol-kumpol na mamimili rito sa palengke.

Marami ang nakaharang sa daan, ngunit umaalis sila at nagbibigay-daan. Walang naglalakas-loob na harangin at pigilan ako. Takot ba sila sa 'kin?

"Bata, masama ang magnakaw. Galit ang Diyos sa magnanakaw!" sigaw ng matandang Tanod. Kanina pa ito nakabuntot sa 'kin kahit na sa hitsura niya ay mukhang bibigay na ang mga tuhod nito.

"Alam mo ba kung saan napupunta ang mga magnanakaw?"

Alam kong para sa 'kin ang tanong na iyon. "Sa sanglaan?" tanong ko, nakangisi.

"Aba ay sumagot pa nga," reklamo no'ng isa.

"Ulol! Sa impyerno!" sagot naman no'ng nagtanong.

Napahagikhik ako. "Pota! May sanglaan na pala si Lucifer? Magkano ba exchange rate ro'n?"

Nagsipag-kantyawan ang mga tao dahil sa pamimilosopo ko. Kita sa mga mukha nila ang aliw dahil sa nangyayaring habulan.

Alam ko na kung bakit walang ma'y gustong humarang sa 'kin. Marahil ay tintutulungan nila ako, at ginugusto nilang makita ang mga Tanod lalo na si Kapitan na nahihirapan. Dahil alam ng mga taga rito ang masasama nilang gawain, kaya naiintindihan ko kung bakit nasisiyahan silang makitang nagdudusa ang mga kawani ng barangay.

Alam ng lahat ang pangungurakot at kawalan ng galang nila sa mga mahihirap. Ang mayayaman lang ang pinagtutuunan nila ng pasin. Pera. Pera lang ang magpapa-amo sa mga taong kagaya nila. Lalong-lalo na ngayong malapit na ang eleksyon. Mas nagpapakitang gilas sila sa mga kumakandidato nang sa gano'y makasulsol pa ng pera.

Higit sa lahat, sila rin ang palihim na nagpapakalat ng droga sa lugar. Pati rin bold.

Nilingon ko sila habang tumatakbo pa rin. "At saka, pa'no mo nalaman, Manong? Nakapunta ka na ba ro'n?"

"Aba'y loko ka, ah! Inuubos mo ang pasensya ko!"

"May nalalaman ka pang Dyos-dyos," Tumawa ako. "Eh, may tatlo ka namang kabit. Usap-usapan pa nga, kung kani-kanino ka lang daw pumapatong, Manong."

"Anong pinagsasabi mo?! Anong k-kabit?!"

Nang makalabas ako ng gusali, dali-dali kong tinawid ang kalsada kahit na bawal pa ayon sa traffic light. Muntikan pang magbungguan ang ilang mga kotse dahil sa 'kin kaya samu't saring singhal ang natanggap ko mula sa mga driver.

"Sandali, Dencio, may kabit ka?!" Napahinto ang isang Tanod. "At tatlo pa?!"

Nang nakatawid na, nilingon ko ang dalawang Tanod sa kabilang parte ng kalsada. Nakapamewang na ang isa sa kanila at nakakunot ang noo. "Pinagloloko mo ba ang kapatid ko?"

"Ha? Wala balae... Anong kabit? Seryoso ka ba? Papaniwalaan mo 'yong tukmol na 'yon? Hindi ko niloloko ang kapatid mo, balae." sagot no'ng isa habang hilaw na tumatawa. "Walang kabit, balae, uy... wala."

"Hoy! Ikaw! A-Anong kabit ang pinagsasabi m-mo?" sigaw niya nang makita ang nakangisi kong mukha.

Pinagtaasan ko lang ito ng kilay. "Ewan. Tanong mo kay Lucifer. Close kayo, 'di ba?"

Kaagad namang nagpakawala ng kamao ang isang Tanod. Napa-upo sa kalsada ang isa at dumudugo na ang pumutok nitong labi. "Sabi ko 'di ba, galangin mo ang kapatid ko!" At sinuntok nitong muli ang kasamahan niya.

Nagsimula nang magkumpol ang mga tao dahil sa nangyayaring suntukan, at unti-unti na akong natatakpan. Napabungisngis na lang ako habang pinapanood ang dalawang mga ugok. Ang bababaw ng mga utak nito! Malay ko bang may kabit nga talaga 'yong isa, nanghula lang naman ako. Na-guilty, eh. At malay ko ring mag-balae pala 'tong mga 'to.

Lumapasa ako sa may gater at pumulot ng isang maliit na bato sa gilid. Gamit ang bato, sinimulan kong umukit sa semento habang pinapakinggan ang kaguluhan.

Agad namang nakahabol ang baboy nilang Kapitan. Ugod-ugod na ang lakad nito habang hinihingal. "Oh, asan na?!" sigaw nito.

"Asan na ang magnanakaw—Maryosep, anong katangahan 'to?" tanong niya habang gulat na nakatingin sa mga tauhan niyang nagsasakalan ng leeg. "Mga walang silbi!"

Maingay ang abalang kalsada at ang sigawan ng nag-aaway na mga Tanod. Lalong-lalo na ang Kapitang puro reklamo ang lumalabas sa bibig.

Tumayo na 'ko at nagpagpag ng mga kamay. "Nice," puna ko habang nakatingin sa pangalang nakaukit sa semento.

Hoy

Inuukit ko ang pangalan ko sa lugar kung saan ako nagnakaw bilang palatandaan nasa lugar na iyon, may na-angkin ako. Parang autograph lang.

Napatingin ako ulit sa nangyayaring rambulan at napailing na lang nang makitang hindi pa rin ito natatapos. "Mga ugok."

Kunot-noong luminga-linga si Kapitan sa paligid, nagbabasakaling mahagilap pa ako ng kaniyang mga mata ngunit tanging mga sasakyan na lang ang tanaw niya.

Maya maya, bumuntong-hininga ito nang malakas. "Hala sige, magpatayan kayo riyan! Sige! Sinong may kutsilyo riyan? Bigyan n'yo ng kutsilyo nang makontento ang mga 'yan!" galit niyang tugon saka tumalikod at bagsak-balikat na pumasok sa loob ng gusali. "Mga punyeta!"

Habang patuloy na nagkakagulo ang paligid, ang payatot kong sarili ay naglaho na sa eksena, at ang bag na pakay nila'y na sa mga kamay ko na.

Pasipol-sipol lang ako habang naglalakad sa isang liblib na iskenita. Medyo madilim na ang langit at umaambon pa. Kahit malungkot ang panahon, nakangiti pa rin ako dahil kuntento ako. Kuntento ako sa mga nakuha ko sa araw na 'to. Sana magustuhan nila Bossing ang mga dala ko.

Maraming laman ang bag. Kumpleto pa ang CPA sa loob. Hindi certified public accountant, ah, kung hindi ay cellphone-pitaka-alahas. The trio. Nariyan lang sa tatlo ang kailangang kong maiuwi araw-araw dahil ang mga 'to ang may malaking halaga at nabubulsa lang kaya mas madaling manakaw.

"Nandyan sina Bossing?" bulong ko sa lalaking nakasalubong ko sa paanan ng isang lumang bahay.

"Si Boss Edgar lang ang nasa loob," sagot nito, bumubulong din. "Mag-ingat ka, mukhang wala sa mood." Tinapik niya ang balikat ko at umalis na.

Kumatok ako sa may pintuan at nag-hintay. Naririnig ko ang tunog ng nakabukas na TV sa loob, subalit walang sumasagot. "Boss..." mahinang tawag ko nang kumatok ako ulit.

Maya maya, "Pasok," sabi ng isang malalim na boses na galing sa loob.

"Ambag k---" Napaiwas ako ng tingin nang salubungin ako ng isang nakahubad na lalaki, nakapatalon lang ito at walang damit pan-ibabaw. Moreno ang kulay ng balat, may tattoo na ahas sa dibdib, malapad ang balikat, at nakakasilaw naman ang anim niyang pandesal sa tiyan. Mukhang mainit-init pa.

"A-ambag ko po sa araw na 'to." dagdag ko pa habang inaabot ang bag na dala ko, nakayuko.

Dinaklot niya ito mula sa kamay ko at walang ganang binuksan ang bag. "Ito lang?" aniya, ni hindi pa nga nasisilip kung ano ang laman ng bag.

"O-Opo." Napatingin ako sa kaniya.

"Opo?" tanong niya habang nakataas ang makapal niyang mga kilay.

"Po?"

Ngumisi ito. "Wala," aniya bago inihagis ang bag sa isang lumang sofa. "Geh, pwede ka nang umalis." dugtong pa niya nang mag-abot sa 'kin ng pera.

Kahit kailan ay hindi ko maintindihan si Boss Edgar, lalong lalo na kung ano ang mayroon sa loob ng utak niya. Pumasok akong takot dahil sa sabing wala daw ito sa mood. Akala ko'y magpapagalitan na naman ako.

Ngayong nakangiti na siya sa harap ko, mas lalo akong kinakabahan, dahil hindi ko rin alam kung anong ibig sabihin ng ngiting iyon. Dahil ba malaki ang halaga ng mga dala ko?

"Salamat po."

Tinanggap ko 'yong pera at umakyat na sa hagdanan. Habang umaakyat ako, napatingin ako sa babaeng nakahiga sa harap ng TV, ngumunguya-nguya ito ng chewing gum, at tanging tuwalya lang ang saplot.

Ngayon ko lang ito napansin dahil nakahiga ito sa nakalatag na banig sa sahig at natatakpan siya ng sofa. Sa hugis ng katawan niya'y halatang babae siya ni Boss Edgar. Bagong babae. Araw-araw kasing nagpapalit si Boss Edgar. Buti pa 'yong brief niya, umaabot ng ilang araw bago napapalitan.

"Ah, oo nga pala,"

Napatingin ako kay Boss Edgar nang magsalita ito. "Bukas, may lakad tayo." aniya habang nagsisindi ng sigarilyo.

"Lakad po. T-tayo?" tanong ko.

Napakunot ang noo nito habang humihithit sa kaniyang sigarilyo. "Oo, tayo," Bumuga siya ng usok. "Grupo natin. Ikaw, ako, sina Nonoy, Benong, at sa mga gusto pang sumama."

Ah, grupo. Sabi ko na nga ba.

"Matulog kayo ng maaga, dahil maaga rin tayong kikilos bukas." dugtong pa niya.

"Opo, bos---"

"Baby, tabi tayo, lika~" malamyang tugon ng babae niya.

Napa-iling na lang ako at nagpatuloy na sa pag-akyat. "Ang arte, sarap ipitin sa pinto 'yong labi." bulong ko.

Siguro ay nagtataka kayo kung bakit ko ibinibigay ang mga nakaw ko sa kanila, habang ang kapalit lang nito ay dalawang daang piso na minsa'y hindi sapat na pangkain ko sa buong araw. Ang bobo lang pakinggan, 'no?

Kung susumahin ay aabot ng sampung libo o higit pa ang halaga ng mga nakuha ko, tapos dalawang daang peso lang ang nakukuha ko araw-araw. Hindi patas. Ako ang nalagay sa alanganin habang sila ang nakikinabang. Ang kalayaan ko ang nabuwis kapalit ng mga ginagawa ko kung sakaling mahuli ako ng mga pulis. Preso. Doon ang ang maaring uwi ko.

Subalit, mas pipiliin kong magtiis sa dalawang daang piso, dahil ang grupo nila Boss Edgar ang nagbibigay proteksyon sa 'kin. Kung dati ay nagpatritripan at binubugbog lang ako ng mga gang at iba pang masasamang organisasyon dito sa lugar, ngayon ay kinakatakutan at iniiwasan na nila ako, dahil bata ako ni Boss Edgar. At si Edgar ang Boss ng mga Boss dito sa lungsod. Ang lahat ay luluhod sa harap niya.

Kailagan ko ng proteksyon, hindi lang para sa 'king sarili, kung hindi, para rin sa mga alaga ko.

"Kuya! Si Shangshang, oh!"

Napakamot ako ng ulo nang salubungin ako ng nagrereklamo kong kapatid. "Ano na naman bang nangyari?" tanong ko.

"Eh, kasi hindi ako pinapansin, kuya!" sumbong ni Leno. Ang bunso kong lalaki.

Nakatalukbong ang bunso kong babae sa kama at hindi ito umiimik.

"Ba't 'di ka na naman namamansin, Shang?" tanong ko nang naupo sa gilid nito.

"Oh, 'di ba, kuya!" nakasimangot na tugon ni Leno.

"Eh, kasi potangina mo, eh." mahinang sabi ni Shangshang, ngunit dinig na dinig naming dalawa ni Leno.

"Hala, kuya, nagmura na naman!"

"Inggitero ka lang, eh, 'di magmura ka rin, gago."

"Hala, kuya, nagmura ulit!"

Napahigik ako nang tawa. Hindi ko alam kung magagalit ba 'ko. Sa 'kin lang din naman sila natututong magmura, eh, ano pa bang magagawa ko. "Shang," tawag ko, ngunit ayaw pa rin nitong magpatinag.

"Ano ba kasing nangyari, hoy?" tanong ko kay Leno, ngunit walang boses na lumalabas sa 'king bibig.

"Nireject kasi ni John," napalakas niyang sambit. "Oops," bawi niya at agad na napatakip ng bibig.

"AAAAAAA!" iyak ni Shangshang habang nagtatadyak sa kama.

"Pst, hoy... 'wag kang mag-ingaw baka madisturbo natin ang mga lider sa baba." suway ko kay Shangshang.

"Sino ba 'yang John na 'yan?" tanong ko kay Leno.

"'Yong anak ng teacher sa kabilang kanto. 'Yong maputi na hotdog ang almusal araw-araw." sagot niya.

Hindi ko kilala kung sino ang tinutukoy niya pero mukhang mayaman. "Shang, 'wag mo nang dibdibin 'yan masyado. Itong kuya mo nga, eh, binasted na ng mahigit 'sang daang beses."

"Eh, kasi, panget ka. Eh, ako? Nakakasakit lang sa pride na mareject... itong ganda ko." sagot niya.

Sumabog ang malakas na tawa ni Leno habang napatunganga ako, 'di makapaniwala sa sinabi ng kapatid ko. Grabe, ang sakit no'n, ah.

Naiintindihan ko naman ang nararamdaman ni Shangshang, dahil sa edad niyang 'yan, okay lang 'din naman masaktan sa pag-ibig. Wala namang pinilipiling edad ang pag-ibig. Kung nasaktan siya sa dahil nireject siya ng batang hotdog ang almusal araw-araw, okay lang 'yon. Hindi ko kwi-kwistyunin ang nararamdaman niya.

Kung sa murang edad ay 'yon ang ideya niya sa pag-ibig at sakit, wala akong karapatan para husgahan siya.

Humiga ako sa tabi niya. "Shang, 'di ba sabi mo gusto mong gumala sa perya?"

Tahimik pa rin si Shangshang.

"Ako, gusto ko!" sagot ni Leno.

"Bukas, gala tayo?" malumanay kong alok sa dalawa.

Biglaang bumangon si Shangshang. "Sige ku---" masigla niyang tugon subalit nahiya ito. "Ya..."

"Talaga, kuya?" nagtatalon si Leno. "Bilhan mo ko ng maliit na ulap kuya, 'yong kulay blue!" dagdag pa nito.

"Maliit na ulap?" tanong ko.

"'Yong kinakain ng mga bata, 'yong kinakain ni John, 'yong binebenta sa labas ng skwelahan ni John!"

Kumirot ang puso ko nang marinig iyon. Masakit pakinggan ang sabihin niyang 'skwelahan ni John' at hindi 'skwelahan namin'. Hindi ko kasi kayang pag-aralin ang dalawa dahil hindi kakayanin ng budget ko, at saka pa, natatakot akong baka apihin lang sila roon 'pag nalaman ng iba na masamang tao ang nagpapalaki sa kanila.

"Ah, cotton candy?" tanong ko.

"Opo!"

"Sige sige, bukas ng hapon. Basta, 'wag kayong mag-aaway na, ah?"

"Yes, sir!" sagot ng dalawa.

Matapos no'n ay naghapunan na kami. Ang tanging naipakain ko sa dalawa ay kanin at sardinas na mula sa isang maliit na tindahan sa may kanto. Binili ko, hindi ninakaw.

Oo, magnanakaw ako, ngunit ipinangako ko sa 'king sarili na hindi ko papakainin ang mga kapatid ko sa nakaw. Ang mga ipinapakain ko sa kanila ay binibili ko, dahil ayaw kong kumain sila ng mga nakaw ko.

Kahit na ang perang ipinapambili ko ay galing sa nakaw, iba pa rin talaga ang pakiramdam kapag nakikita ko silang kumakain ng mga bagay na binibili ko, at hindi ninanakaw. Alam kong magulo. Anong pinagkaiba do'n, 'di ba?

Habang kumakain sila, kinakalimutan ko 'yong ideyang ang perang ipinambili ko ay galing sa nakaw, kung hindi, ang pera ay galing sa bulsa ko at paghihirap ko. Ang kapal ng mukha kong mag-isip ng ganoon—ang ipagtanggol ang sarili ko.

Dahil masama ang gawain ko, pilit kong ipinagkakaila ito sa 'king pagkatao. Gusto kong magmukhang mabuti, kahit sa harap lang ng mga kapatid ko.

"Kuya, madami po bang bumili ng isda sa inyo kanina?" tanong ni Leno habang kumakain.

"Ah, oo, m-madami." sagot ko. "Sige, kain pa kayo." Akala nila, nagtratrabaho ang kuya nila sa pala-isdaan.

"May lakad kami mamaya nila Boss Edgar, kaya paggising n'yo bukas, wala na ako." Bilin ko sa mga kapatid ko habang pinupunasan ko ang mga ito bago matulog. "'Wag kayong mag-iiyak, babalik lang din naman ako kaagad."

"Pupunta ba kayo sa daungan at mamakyaw ng isda, kuya?" tanong ni Shangshang.

"Ah, o-oo."

Sa palagay ko'y may mas delikado kaming gagawin mamaya. Maaga daw ang lakad namin ng grupo. Pasado alas tres ng umaga, 'yan ang oras kung kailan tulog na tulog ang mga tao, at ang mga taong may masamang budhing gaya namin, pinagsasalamantahan ang pagkakataon na iyon.

"Pwede po ba kaming sumama?"

"Naku, hindi pwede." Hindi pwede dahil delikado.

"At saka may shark do'n, kumakain daw ng bata." dagdag ko.

"Sige, hindi na," sumimangot si Shangshang. "'Kuya, ha, bukas ng hapon, 'yong pangako mo!"

"Oo! Punta tayong perya!" sambat naman ni Leno. "'Yong maliit na ulap ko!"

Pinisil ko ang mga pisngi ng dalawa. "Oo," Ngumiti ako. "Pangako."

Pagkatapos kong punasan ang dalawa ay pinahiga ko na sila sa kama. Dahil walang bentilador, paypay lang ang gamit namin. Paypay na pinunit ko lang galing sa isang karton. Sinisigurado ko lang na hindi naiinitan ang dalawa, dahil baka pagpawisan lang at matuyuan, uubuhin pa.

Mag-aalasdose na ng hating gabi, gising pa rin ako. Gustuhin ko mang umidlip, ngunit hindi mapayapa ang isip ko. Gabi-gabi, tinititigan ko na lang 'yong kisame habang punong-puno ang isip ko ng mga pangamba at pagsisisi. Ang daming bumagabag sa 'king isip na hindi ko maipaliwanag. Ito na siguro ang bunga ng mga masama kong gawain. Ito ang aking parusa.

Matagal na akong hindi dinadalaw ng antok at miss ko na 'yong pakiramdam ng isang mahimbing na tulog.

Makalipas ang ilang oras, "Hoy," tawag ng boses kasabay ng sunod-sunod na pagkatok sa pintuan. "Maghanda ka na, at aalis na tayo maya-maya."

"Opo," sagot ko.

Ala una na pala ng umaga. Bumangon na 'ko at nagbihis. Bago pa man ako umalis, hinalikan ko sa noo ang mga kapatid ko at inayos ang kumot nila.

"Matulog lang kayo, babalik si kuya mamaya, ta's pupunta tayong perya." bulong ko sa naghihilik na mga bata.

Pinapangako kong magsasaya tayo mamaya. Hintayin n'yo lang si kuya.

***

"Hoy,"

Napatingin ako kay Boss Edgar nang magsalita ito. Hawak niya ang manibela ng kotse at nasa gilid naman niya ako. "Ikaw ang pinaka-inaasahan ko ngayon. Tandaan mo 'yan."

"Opo, Boss."

"Kahit ano, basta't malaki ang halaga, kunin mo." dugtong pa niya.

"Opo."

Kasalukuyan kaming bumabyahe papunta sa kabilang lungsod. Sa t'wing mangloloob kami ng bahay, dumadayo kami sa ibang lugar, dahil doon, walang nakakilala sa 'min. 'Di kami madaling mabubulabog.

Nakatanaw lang ako sa labas ng bintana habang ang ibang kasamahan namin sa likod ay nag-iingay. Kung ano-ano lang ang pinag-uusapan nila, at minsa'y nagkakapikunan pa.

"Ilang mukha na ba ang nabilang mo?" biglaang tanong ni Boss Edgar.

"Po?" Aling mukha ba ang tinutukoy niya?

"'Yang mga nasa tarpaulin," Tinuro niya ang mga tarpaulin sa gilid ng kalsada. "Ilan na?"

"Ah..." usal ko. Malapit na kasi ang eleksyon kaya sandamakmak na mukha ang makikita sa gilid ng daan. "Hindi ko na po mabilang."

Tumawa siya. "Anong tingin mo sa kanila?"

"Hindi ko po alam..." sagot ko habang nagkakamot ng batok. "Bakit po ba?"

"'Wag kang bumuto sa mga 'yan, wala lang naman 'yang pinagkaiba sa 'tin."

"Anong ibig sabihin n'yo po?"

"Sila at tayo," Tinignan niya ako saka ito humagikhik. "Parehong magnanakaw."

Napangisi rin ako sa sinabi niya. Sabagay, hindi ko maipagkakaila iyon. Panigurado, ilan sa mga kumakandidato ay tumatakbo lang para magkamit ng kapangyarihan at iba pang mga benepisyo.

Ang pananaw ng ilang kandidato sa mga mahihirap ay mga bagay na mas mag-aangat sa kanila, imbes na ituring nila itong mga taong nangangailangan ng tulong at suporta nila.

"IKAW AT AKO AY IISA. UUNLAD TAYONG MAGKASAMA."

"Vote for Leoncio Adael Castillon for City Mayor! Number 1 sa baluta!"

Napailing na lang ako nang mabasa ang banner na iyon. Sayang ang ganda ng view, sinisira lang ng mga nakaharang na tarpaulin.

"Kinakabahan ka ba?" tanong ni Boss Edgar.

Umukit sa mukha ko ang isang pilit na ngiti. "Opo. Parati naman po."

"Ba't kinakabahan ka, dapat sanay ka na," anito, mukhang dismayado.

Sinong hindi kakabahan? Ang kalayaan ko ang kapalit kung sakaling mahuli ako. Higit sa lahat, may dalawang kapatid akong naghihintay sa 'king pag-uwi, lalong lalo na sa pangako kong dadalhin ko sila sa perya mamaya. Kinakabahan ako. Kinakabahan akong baka mabigo ko sila.

"Handa na ba ang lahat?" huling tanong ni Boss Edgar sa loob ng kotse.

Nakaparada kami sa gilid ng isang liblib na daan. Sa may 'di kalayuan matatanaw ang isang malaking bahay, o pwede na ring tawaging mansyon. Matayog ang kural nito ngunit tanaw pa rin ang puting bahay sa loob.

"'Wag kayong mag-alala, 'di ba ang sabi ko, 'yong guard lang ang na sa bahay." dagdag pa niya.

"Pa'no mo nalaman?" tanong ng kasamahan namin, isa ring lider o boss sa grupo.

"Nagpost kasi ang may-ari na on vacation daw sila," Tumawa si Boss Edgar.

"Sigurado ka?"

Sumingkit ang mga mata ni Boss Edgar habang humahighik. "Kailan pa ako hindi sigurado?" Inilabas niya ang cellphone mula sa bulsa at may kinulikot doon. Maya maya, ipinakita niya ang screen ng cellphone habang nakangisi.

Pusong Bato Marita Lang Sakalam is with Sayo lang tutuwad, Ako lang wala nang iba pa, Ang Inggit ma-dead, Marisa tsismisa, Marites sa Martes and Lungsod ng La Nueva

"On the we to Siargao! Im so exsited. Si Manong gard naman, di makakacum togeder with as. So for of u... huhu. Bantay will the hauz Manong. Injuy muna as."

Nagsitawanan ang lahat nang makita ang picture ng isang babaeng nakabikini. Mukhang kasambahay yata siya ng pamilya.

"Jusko, Day, ang layo pa no'ng Siargao. Panuhoton ka ana!" kantyaw ng isa naming kasama, tumatawa. (Magkakasakit ka n'yan.)

"Oh, 'di ba," Napailing si Boss Edgar. "Ang tatanga lang."

"Ay, kung ganoon, okay. Game! Kumilos na tayo!"

Tahimik lang ako, ngunit batid ko ang ingay ng mga boses na nananakot sa loob ng aking isip. Malamig at namamawis ang mga palad ko. Bumibilis na rin ang tibok ng puso ko. Wala na akong pakialam kung anong mangyari. Ang sa akin lang, sana, makauwi pa ako... makauwi pa ako sa mga kapatid ko.

Naunang bumaba sa kotse ang dalawa naming kasamahan. Naglakad ang mga ito sa magkaibang direksyon upang hindi masyadong halata ang aming pakay, lalo na't hindi namin kabisado ang lugar, at kung nasaan nakapwesto ang mga CCTV.

Maya maya, nagsuot ako ng jacket saka bumaba na rin. Sumunod naman ang isa pa naming kasama. Si Boss Edgar naman ay mananatili sa loob ng kotse.

"Hoy,"

Napalingon ako nang marinig ang boses ni Boss Edgar. "Mag-ingat ka..." aniya saka dahan-dahang umangat ang bintana ng kotse.

Nakasarado na ito, at ngayo'y nakikita ko ang replekson ng mukha ko sa salamin. Nakikita ko ang takot sa mukha ko.

"Pst, Hoy!"

Bumalik ang ulirat ko nang tawagin ako ng kasamahan ko. "Tara na. Gagi, pare, nagsasayang ka ng oras." anito.

Napabuntong-hininga ako at humabol na sa kaniya. Bahala na. Ano mang mangyari ay uuwi ako. Uuwi ako.

"I-angat mo pa 'yong balikat mo," bulong ni Benong, kasamahan ko. Nakahawak siya sa rehas ng gate habang nakapatong ang mga paa sa balikat ko. "Kaonti na lang..." aniya habang nagkakandahirap sa taas.

"Matagal pa ba?!" namimilipit kong tugon. "Ang bigat mo, 'di ko na kaya."

"Sabing kaonti na lang-" Maririnig ang pagpalag niya sa loob ng gate. "Oh, see!" Nasa loob na siya, nagpapagpag ng pantalon at nakangisi. "Eh, ikaw pa'no ka?"

Dahil maliit ang katawan ko at matangkad, madali lang sa 'kin ang umakyat sa iba't ibang klase ng kural. Basta't may mahahawakan at walang tinik, mapapasok ko. Kaya nga ako ang pinaka-inaasahan ni Boss Edgar pagdating sa ganitong gawain.

"Tabi," bulong ko kay Benong nang makapasok na sa loob. "Oo, ang galing ko. Alam ko." sabi ko nang makita ang pagkamangha sa mukha niya.

"Ang mga lider?" bulong ko habang palihim kaming naglalakad sa isang malawak na hardin sa likod ng bahay.

"Ewan ko, nakapasok na siguro ang mga 'yon." sagot ni Benong.

Dahan-dahan lang ang bawat hakbang namin sa damo dahil gumagawa ito ng ingay. Nakamatyag ang mga mata namin sa bawat kanto ng paligid, at ang mga tainga namin ay naka-alisto rin.

Kung gaano man katahimik ang paligid, ganoon rin kaingay ang loob ng aking dibdib. Mabilis ang pagtibok ng aking puso na para bang nabibingi na ako rito.

"Ikaw sa taas, ako sa baba." tugon ni Benong nang subukan naming buksan ang pintuan sa likod.

"Okay---" Nagkatinginan kaming dalawa nang bumukas ito.

"Bobo, pare. Nakabukas nga." bulong ni Benong habang tumatawa nang mahina.

Pumasok na kami sa loob, at tama nga ang hinala ko. Na sa kusina kami. Magaganda at mukhang mamahalin ang mga gamit dito. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang pridyeder nila. Ang laki naman! Anong laman diyan, bangkay?

May maliit na bar pa doon sa gilid. At saka may chandelier pa nga rito. Kung pwede ko lang sanang makuha at maiuwi iyon. Kaso pa'no?

"Ulol, anong gagawin mo d'yan?" tanong ko kay Benong nang makitang isinisiksik niya ang mga kalan sa loob ng jacket niya.

"Ang gaganda, eh. Baka orig 'tong mga 'to," aniya, humahagikhik ng mahina. "Eh, ikaw ano pang ginagawa mo d'yan? 'Di ba sabi ko, do'n ka sa taas?"

"Oo na nga papunta na nga," sagot ko. "Ang mga lider?" tanong ko ulit.

"Ewan ko nga, baka nadyan lang ang mga 'yon," sagot ni Benong habang naghahalungkat sa mga drawer. "P're, may gold na plato, oh!" turo niya sa loob ng kabinet habang may malaking ngiti sa mukha.

Napailing na lang ako at umalis na sa kusina. Napakamot ako ng ulo habang luminga-linga sa paligid. Kanina pa ako naghahanap ng hagdanan. Naka-ilang ikot na ako, ngunit wala akong mahanap. Sigurado bang may ikalawang palapad 'tong bahay? Baka guni-guni ko lang 'yong kanina.

Ang lawak naman kasi ng bahay na 'to. Ang daming pasikot-sikot, at mas lalo pa akong nahihirapan dahil madilim ang paligid. At saka, hindi rin naman ako pwedeng gumamit ng flash-light.

Maya maya, may nabunggo akong isang matigas na bagay. Pahaba ang hitsura nito, at unti-unti kong naaninag na ang hawak ko pala ay ang balustrade ng hagdanan.

"Gagi, buti naman," bulong ko nang sa wakas nahanap ko rin ito.

Nang makarating na ako sa taas ay muli akong napabuntong-hininga. "Bahay ba 'to o maze?" bulong ko habang nagkakamot ng ulo.

Madami na naman ang pasikot-sikot. Madaming ring pintuan. Hindi ko alam kung saan ako bubukas, at ayoko nang mag-aksaya pa ng oras. Kailangan naming makaalis rito bago sumilip ang liwanag. At higit sa lahat, dapat may bibit kami bago umalis.

Bumukas ako sa ikatlong pintuan mula sa hagdanan. Doon kasi ako dinala ng aking kutob. "Bahala na, basta walang multo---"

Pagkabukas ko ng pinto, napalunok ako nang magsitayuan ang aking mga balahibo nang salubungin ako ng malamig na simoy ng hangin. Madilim ang paligid at tahimik. Wala akong nakikita, ngunit dama ko ang nakapapangilabot na ginaw.

Sunod-sunod na nagsilabasan ang mukha ni Sadako at Barbara sa 'king isipan. Pianglalaruan ako ng aking imahenasyon. Tangina. Ano ba 'tong pinasok ko?

Kumpara sa baba, mas lalong madilim dito dahil walang kahit kaonting ilaw ang nakakapasok. Nakakatakot man, pero wala na akong pakialam. Kailangan mayroon akong mahanap.

Sinimulan kong kumapa-kapa sa paligid. Hindi ko na alam kung nasaang banda na ako ng kwarto.

"Uy," Napakunot ang noo habang pinipisil-pisil ang bagay na hawak ko. Dama ng palad ko ang isang bagay na matigas at mainit ngunit hindi ko matukoy kung ano ito.

Dahil mas lalong nagtaka ako, ginamit ko na rin ang isa ko pang kamay. Kinakapa-kapa ko ang bagay hanggang sa maya maya ay nakaramdam ako ng mabuhok na parte rito.

Matigas, mainit... at mabuhok? Huh?

"Mmrrmm,"

Napa-atras ako nang marinig tunog na iyon. "Hoy, tangina," gulat kong sambit.

Itim. Itim lang ang nakikita ko, kaya kung ano man ang bagay na iyon, wala akong laban sa kaniya. Pota, ano ba kasi 'yon?

"Minumura mo 'ko?" patawa nitong sagot. "Akala ko ba sumama ka," dagdag pa nito.

Nanlaki ang mga mata ko nang marinig ang malalim na boses na iyon.

May tao. Agad akong napatakip ng bibig. Kasunod kong naramdaman ang pagbilis ng pitik ng dibdib ko.

"Ah... hindi ka nga sumama. Bakit, naawa ka ba sa 'kin?" dagdag pa nito habang tumatawa nang mahina at umuubo. Magaspang ang boses at halatang may sakit ang may-ari nito.

Napakagat ako ng dila habang pilit inaalala kung saang banda ang pintuan ng kwarto. Kailangan ko nang makaalis!

"Ano, hindi ka sasagot?" tanong nito.

Dahan-dahan akong naglakad pakanan, kahit na hindi ako sigurado kung ano ang naroon. Bahala na. Basta kailangan kung gumalaw at gumawa ang paraan.

"Ano 'yan? Pipi-pipihan? Pacute lang? Gago, " dugtong pa nito. "Pero, thank you pala," Umubo ito at muling nagsalita. "Thank you for checking me."

Ah, salamat? Marahan kong kinapa ang nasa harapan ko at naramdaman ang matigas na padir ng kwarto. Kutob ko ay nandito lang 'yong pintuan.

"At saka ba't ang lamig ng kamay mo? No'ng humawak ka sa noo ko, nagulat ako. Tangina mo."

Malamig ang kwarto subalit pansin ko ang pamumuo ng pawis sa 'king noo, leeg at likod. Nanginginig na rin ang aking mga kamay. Ayoko na, potangina!

"Alam mo, tinatakot mo na 'ko," sabi ng boses. "If you're not going to say anything, I'm turning the lights on."

Nagkandarapa na ako, ngunit hindi ko pa rin mahanap ang doorknob. "Aghr!" Napahawak ako sa 'king tagiliran nang mabunggo ito sa isang matigas na bagay. Takte! Nakorner ako ng lamesa o cabinet. Ewan, basta ang sakit!

"Hoy, gago! Ano 'yo--"

Bumukas ang ilaw Panandaliang tumigil ang paghinga ng aking mga baga nang salubungin ako ng isang gulat na mukha ng lalaki.

"Sino ka?" tanong niya, nanlalaki ang mga mata. Nakadapa ang posisyon niya sa kama dahil kakaabot lang niya ng switch sa gilid.

Nagkatinginan kami ng ilang segundo. Parehong gulat at naguguluhan.

"Hehe," bungisngis ko habang dahan-dahang tumatayo. Kaagad kong nakita ang pinto sa gilid ko at tumakbo na papunta roon. "Pasensya ka na, pare. Wrong house."

Nagkasalubong ang mga kilay nito. "Tangina mo! Sino ka?!" singhal niya at bumalikwas ng bangon.

"Potangina mo!" sigaw niya matapos bumalikwas ng bangon. Hinabol niya ako sa hallway.

"Hoy!" muli niyang sigaw habang nakadungaw matapos kong tinalon ang unang palapag. Dali-dali siyang nagtungo sa hagdan upang sumunod pababa. Napatid pa ito sa sarili niyang paa at napagulong-gulong sa hagdan.

"Aray! Manong Selyo! Manong!" pagsisigaw niya nang makabangon, nakahawak sa balakang. "Manong Selyo! Ang sakit. M-Manong!"

Dali-dali akong nagtungo sa kusina at hinanap si Benong, ngunit wala na ito. Tumakbo na ako palabas. Dumeritso ako sa hardin at naapakan ang mga halaman at bulalak na siyang ikinasira ng mga ito.

"Ayun! Manong!" turo sa 'kin ng lalaki nang makita ako sa gilid ng kural, nakahawak pa rin sa balakang. Dali-dali naman akong sinundan ng guard na may dalang batuta.

Humawak ako rehas ng gate at sinubukang umakyat. Ngunit dahil sa sobrang hingal, hindi ko magawang iangat ang katawan ko. Nawawalan na rin ng lakas ang mga bisig ko. Hindi na rin ako kayang itulak ng mga binti ko. Pagod na 'ko.

"'Kuya, ha, bukas ng hapon, 'yong pangako mo!"

"Si Shangshang... at Leno," bulong ko.

Humigpit ang hawak ko sa rehas at, "Agghrrr," Gamit ang natitira kong lakas, inangat ko ang aking sarili. Kailangan kong umuwi. Uuwi ako.

Napaupo ako sa gilid ng kalsada matapos ang ilang minutong walang tigil na pagtakbo. Nakalayo-layo na ako mula sa mansyon. Pilit ko pa rin hinahabol ang paghinga ko.

Napangiti ako dahil nagawa kong tumakas, subalit nang makita ko ang mga palad kong butas, napayuko na lang ako, nakangisi pa rin, ngunit nariyan ang bahid lungkot dahil wala akong nakuha sa loob. Malilintikan ako ni Boss Edgar.

"Castillon! Ahu-ahu! For City Mayor! Ahu-ahu! Castillon!"

Nagulat na lang ako nang marinig ang isang maingaw na tugtog. Isang grupo ng kabataan ang nagpapatugtog ng musika gamit ang mga tambol at ibang pang instrumentong pangmusika, at sa likod nila ay may nakasunod na mga taong may suot na berdeng t-shirt at ay winawagayway na berdeng maliit na bandila.

"Castillon! Ahu-ahu! For City Mayor! Ahu-ahu! Castillon!" sigaw nila kasabay ng musika.

"Bata, anong ginagawa mo d'yan?" tanong ng isang matandang babae na kasama rin sa caravan.

Oo nga pala, kailangan ko nang umalis! Tumayo ako kaagad ang hindi na sinagot ang babae. Akmang tatakbo na sana ako nang biglang may sumigaw sa likod.

"Magnanakaw! Magnanakaw 'yan!"

Pagkalingon ko, makikita ang isang guard, at sa likod nito ay ang lalaki kanina sa loob ng bahay. At silang dalawa ay parehog nakaturo sa 'kin.

"Pota," Tatakbo na sana ako nang — itim. Nagkulay itim ang paligid matapos kong maramdaman ang isang malakas na sapak sa 'king mukha. Napahiga ako sa kalsada habang naaninag ko ang lipon ng mga taong nakapalibot sa 'kin. Unti-unti namang namamanhid ang katawan ko sa sunod-sunod na tadyak.

Sa kababila ng sakit at kahihiyan, napatingin ako sa asul na langit, at doon, makikita ang nagkumpol-kumpol na ulap. Tinitigan ko lang mga 'to.

"Oo! Punta tayong perya! 'Yong maliit na ulap ko!"

Hindi mapapantayan ang sakit ng mga tadyak nila ang kirot na nararamdaman ko sa loob ng aking dibdib. Ang mga kapatid ko... Naririnig ko ang boses nila. Naririnig kong tinatawag nila ako.

"Pangako."

Natatakot ako. Kung salaking hindi ko na magawang umuwi sa kanila, maririnig ko rin ang pag-iyak nila.

Ayokong umiyak ang mga kapatid ko. Kailangan kong umuwi.

"Sandali, anong nangyayari?" Awat ng isang lalaking may suot na puting polo at itim na slocks. Maamo ang kaniyang mukha at may suot na salamin. "Anong kaguluhan 'to?"

"Good morning po, Kagawad. Ay, 'Wad (Short term for Kagawad), kawatan daw ho iyan," sagot ng isang lalaki. "Tinuruturuan lang namin ng leksyon."

Napakunot ang noo ng lalaking nakaputi. "Sa pagkakaalam ko, ang pagbibigay ng leksyon ay intituro sa pamamagitan ng pagkikipag-usap, at hindi sa dahas." sagot nito.

"Pasensya na po, 'Wad Castillon." Dahan-dahan nila akong inilalayan upang maka-upo. Sus, mga plastik!

"Castillon! Ahu-ahu! For City Mayor! Ahu-ahu! Castillon!" sigaw ng lahat.

Itinaas nito ang kaniyang kamay at sumenyas ng tahimik. "Ang batang ito ay musmos pa lamang. Naniniwala akong ang bawat nilalang ay pumarito sa lupa na insosente at puno ng pagmamahal, subalit naiimpluwensyahan lamang tayo ng kasamaang umaaligid at nang-aakit. Naniniwala akong kaya pa nating ituwid ang buhay ng binatilyong ito." dagdag pa niya.

"Castillon! Ahu-ahu! For City Mayor! Ahu-ahu! Castillon!" sigaw ulit ng lahat.

"Dahil ikaw at ako ay iisa, uunlad tayong magkasama!" dugtong pa niya.

"Hooray!!! Castillon! Ahu-ahu! For City Mayor! Ahu-ahu! Castillon!" at kaagad namang sumunod ang tugtog ng malakas na banda.

Napairap na lang ako. Napaka-life changing naman no'n. Potangina. Mamamatay na ako sa sakit dito ang dami pang satsat.

"Naniniwala rin akong sa mundong binalot ng kasakiman, huwag nating kalimutan ang kabutihan. Kaya ako na si Leoncio Castillon ay nangangakong itutuwid ko ang buhay ng binatilyong ito." Tinignan niya ako at nginitian.

"Sandali. Ano?" sapaw ng isang lalaki, ang lalaki sa loob ng bahay kanina-— ang bahay na ninakawan namin. "What are you talking about? He deserves jail!"

Ngumiti si Kagawad. "May nanakaw ba siya?" tanong niya.

"No," sagot ng lalaki, nakakunot ang noo. "But he trespassed on someone else's property, and it is still punishable by law."

"Unless the owner reported the trespassing and filed charges," sagot naman ni Kagawad.

"Then report him! Bahay mo 'yong nikawan!"

"No," sagot ni Kagawad, nakangiti pa rin. "Ayoko."

"What, are you sick?!" sagot ng lalaki.

"No, I'm not. Are you?" Dinampi ni Kagawad ang palad niya sa noo ng lalaki. "May lagnat ka nga."

"Kuya naman, eh!" sagot ng lalaki.

"Manong," tawag ni Kagawad sa guard. "Iuwi mo 'to sa bahay at painumin mo ng gamot. 'Wag mong papalabasin."

"Opo, sir."

"Kuya!"

"'Wag nang matigas ang ulo, Bren." sagot ni Kagawad.

Napahagikhik ako kaya napatingin ang lahat sa mukha kong nabalot ng pasa. "Sandali, magkapatid kayo?" tanong ko sa dalawa, matapos iluwa ang namumuong dugo sa loob ng bibig ko.

'Yong isa gusto akong patayin, 'yong isa naman gusto akong baguhin at buhayin. Naks!

Napakunot naman ang noo ng nakababatang kapatid ni Kagawad. "Hindi ka lang pala kawatawan, tsismoso pa." anito at sumugod.

"Bam," awat ni Kagawad. "'Wag. Tama na." Hinawakan niya ang braso ng kapatid niya. "Manong Selyo, ipasok mo 'to sa bahay at bantayan. Pakigamot na rin po ng braso niya." Pinisil niya ang sugat sa braso nito.

"Aray!"

"At saka, h'wag kalimutan painumin ng gamot." dagdag pa ni Kagawad at pinitik niya ito sa noo.

"Kuya naman! Sasama ako sa presento! Ipapakulong ko 'yang hayop na 'yan. Kwarto ko 'yong pinasok, may karapatan akong magsumbong, 'di ba?! Kuy-" Hinila na siya ng guard. "Kuya!" At matapos no'n, nawala na siya sa paningin ko.

"May nakakakilala ba sa lalaking ito?" tanong ng isang barangay tanod.

Napangisi ako. Walang makakilala sa 'kin dito. Buti na lang, 'di ako tagarito.

"Wala?" tanong ulit ng tanod.

Nagsibulungan ang mga tao, ngunit walang ni isa ang sumagot.

"Uy, Kagawad!" rinig ko sa isang pamilyar na boses. Natatakpan ang may-ari ng pamilyar na boses dahil sa ulo ng mga supporters ni Kagawad. "Magandang umaga, 'Wad Castillon! Buti naman nakahabol pa 'ko sa Caravan mo!" ani pa nito. "Teka, may nangyari ba rito?"

"Uy, Kap! Ah oo, nagkagulo kanina, pero na-ayos na sa awa ng Diyos."

"Ah ganoon ba, ano bang nangyari 'Wad?"

Umusog si Kagawad upang bigyang daan ang kausap niya. "Ah, eh kasi, itong binatilyo-"

"Hoy!" sigaw ng isang baboy, este Kapitan.

Lintik nga naman. "Good morning, Kap. Nice meeting you again," Napangisi ako nang makita ang baboy naming Kapitan. Akalain mo nga naman, oh. Aabot pa talaga 'to sa ibang lungsod para sumisipsip.

"K-Kilala ko 'yan!" dugtong pa ni Kapitan habang nakaturo sa mukha ko. "Magnanakaw 'yan sa lungsod namin!"

Sabay-sabay na napasinghap sa gulat ang mga tao sa paligid. Luh! Parang just now lang?

Hinawakan niya ako sa braso at dinampot. "Dito lang pala kita mahahanap, tukmol."

Pwersahan akong napatayo habang namimilipit sa sakit. "Agh!" Napatingin na lang ako sa gilid matapos saluhin ang isang malakas na sampal ni Kapitan.

"Umabot ka pa talaga sa ibang lungsod para magnakaw. 'Di ka man lang nahiya!" singhal niya sa mukha ko, at bumaling ng sulyap kay Kagawad. Itinaas niya ang braso at aktong sasaktan na naman ako. "Pasensya ka na, 'Wad. Ako na po ang bahala sa kaniy-"

"Hindi."

Napatingin ako kay Kagawad matapos itong magsalita. Seryosong ekspresyon ang nakapaskil sa mukha nito habang nakatingin sa mukha ni Kapitan.

Tumayo sa gilid ko si Kagawad at tinapik ang braso ko, bago muling tinignan ang mukha ni Kapitan. "Tatanungin kita, kagalang-galang na Kapitan, para saan ba ang sampal na iyon? Kailangan ba talaga iyon? Kung parusa ang dahilan mo, hindi pa ba sapat ang pasa at dugo sa mukha ng lalaking ito?"

Hindi sumagot si Kapitan.

"Kung tayo'y nasa lungsod mo, Kap, ipapaubaya ko sa 'yo ang batang ito. Subalit, ngayon, tayo ay nasa lungsod ko..." dagdag pa niya. "Sa 'kin ang batang ito. At hindi ko rin nagustuhan ang inasal mo. Ayaw ko ng dahas, Kapitan. Hindi solusyon ang dahas, kung hindi ay pananakit lamang."

Napayuko si Kapitan.

Itinulak ni Kagawad ang suot niyang salamin at inakbayan ako. "Simula sa araw na ito, bata," tinignan niya ako at nginitian. "Ako na ang bahala sa iyo."

Napatawa ako. "Sir, naman..." Pinagsingkitan ko siya ng mga mata. "Tama na po 'tong pakitang tao mo. Nakakasuka."

"Bata," Napakunot ang noo ni Kagawad. "Nawa'y hayaan mo akong bigyan ka ng oppurtunidad na mabuhay... mas mabuhay ang ibig kong sabihin. Wala akong alam sa kung ano ang mga pinagdaanan mo ngunit sana'y 'wag kang magpatalo sa mga ito. Ituring mo ako bilang ilaw... ilaw sa kadiliman ng iyong buhay."

Napa-irap ako. Anong teleserye ba ito?

"Sir, matanong ko lang po. Ano bang nakita n'yo sa 'kin at handa kayong sumugal para tulungan ako? Kita mo, oh! Ang sama-sama ko. Para na akong kampun ni Satanas." pabiro kong tugon.

Ngumiti si Kagawad. "Hindi ko alam. Kaya nga kita tutulungan nang sa ganoon, makita natin kung anong meron ka."

"Naniniwala akong may kabutihan maging sa puso ng pinakamasamang kriminal." dagdag pa niya.

"Castillon! Ahu-ahu! For City Mayor! Ahu-ahu! Castillon!" sigaw ulit ng lahat.

Napakunot ang noo ng baboy na Kapitan, ngunit agad namang ngumiti. "Pasensya na po, 'Wad. Kung sa ganoon, sige po. Kayo po ang bahala. Good luck po sa iyong pangangampanya, 'Wad." aniya at tumalikod ito saka umalis.

Sinundan ng mga mata ko ang pag-alis niya hanggang sa tuluyan na itong nawala. Ngunit, agad naman itong napalitan ng isang mukhang hindi ko inaasahan. Sa may 'di kalayuan, sa silong ng isang maliit na tindahan, makikita ang isang lalaking may matayog na katawan. Pansin ang tattoo nitong ahas sa may dapit dibdib.

Si Boss Edgar. Nakatayo lang ito at nakatingin sa 'kin, ngunit batid ko ang dismaya at galit sa mga mata nito. Kaagad akong napaiwas ng tingin.

Ano bang nangyayari sa 'kin? Pwede akong tumakbo papunta kay Boss Edgar at humingi ng tulong, 'di ba? Kaya niya akong protektahan.

"Bata," humigpit ang akbay ni Kagawad sa 'kin. "Tutulungan kitang bumukas ng isang panibagong yugto ng iyong buhay. Ano, game?"

Subalit, sa kamay ni Boss Edgar, wala akong nararamdamang "buhay". Pakiramdam ko ay araw-araw, unti-unti akong pinapatay ng konsensiya ko para sa mga taong na-agrabyado ko—sa mga taong ninanakawan ko. Sa kamay ni Boss Edgar, takot at pagsisisi lang ang naghahari sa puso ko.

Napalingon ako sa direskyon kung saan ko nakita si Boss Edgar, subalit naglaho na ito. Luminga-linga ako sa paligid upang hanapin siya.

"Ano?" tanong ulit ni Kagawad.

Panibagong yugto ng buhay ko? Subalit, paano naman ang mga kapatid ko?

"Matulog lang kayo, babalik si kuya mamaya, ta's pupunta tayong perya."

"Pero, sir," mahinang usal ko, nakayuko. "May mga kapatid pa po ako. Hindi ko po silang pwedeng iwa-"

"Walang problema! Kukupkupin ko rin ang mga mga kapatid mo." aniya habang tinatapik ang likod ko.

"Castillon! Ahu-ahu! For City Mayor! Ahu-ahu! Castillon!"

"Ano, bata?" tanong ni Kagawad.

Naguguluhan na ako. Ayokong maniwala sa mga salita ng lalaking ito. Panigurago ginagamit lang niya ako at ang pagkakataong ito upang pabanguhin ang pangalan niya, ngunit kung sa paraang ito ay mailalayo ko ang mga kapatid ko sa isang maalimuot na lugar na puno ng masasamang impluwensiya...

"Sige, sir," Para sa mga kapatid ko. "Maraming salamat po."

Wakas ng prologo.

12-31-2021

Ipagpapatuloy...