Chapter 8 - Chapter Seven

-Flashback-

Malapit na ang JS Prom. Excited siyang dumalo sa ball dahil makakakita siya ng iba't ibang designs ng gown.

"Taba, may ka-date ka na sa darating na party? Kung wala, tayong dalawa na lang ang mag-date."

"Nasaan ang girlfriend mo?"

"Break na kami at saka ikaw ang gusto kong kasama. Ikaw lang ang nakakasundo kong babae pagdating sa kalokohan. At kapag ikaw ang partner ko, alam kong 'di ka magde-demand maliban na lang pagdating sa pagkain."

"Kakausapin ko lang si Thad." Napatingin siya sa gawi ng lalaki. Last year ito ang kasama niya sa prom. 'Di man nila kinukonsidera na date 'yon ay parang ganoon na rin 'yon. "Franco, tinatanong ako ni Bruce—"

"Narinig ko," putol nito sa sasabihin niya. "Mag-date kayo kung gusto niyo. I don't care," wika nito na hindi man lang siya tinapunan ng tingin. Nakatuon ang atensyon nito sa binabasang libro.

"Sinong kasama—" Naputol ulit ang sasabihin niya.

"Actually, hinihintay ko na magkaroon ka ng kasama sa prom." Tiniklop nito ang librong binabasa saka nilapag sa desk. "Hindi ko na-enjoy ang party last year dahil magdamag tayong magkasama."

Ibig sabihin pinagtiyagaan lang siya nito. Ilang beses niya itong sinabihan na makihalubilo sa iba pero ayaw naman nito tapos may reklamo pala.

"Huwag mo nang isipin si Thad. Siya na ang nagsabing tayo na lang ang mag-date."

"Sige." Binalik niya ang atensyon kay Bruce. "Siguraduhin mo lang na hindi mo ako papalitan kapag nakakita ka ng magandang babae."

"Playboy ako pero may isang salita. Kapag sinabi kong ikaw lang ang gusto kong kasama, ikaw lang. Takot ko lang sa 'yo. Mas malaki ka sa 'kin kaya isang pitik mo lang tatalsik na ako."

"Mabuti alam mo."

"Susunduin kita." Tumango siya bilang tugon. "Ikaw dapat ang pinakamaganda at pinaka-sexy sa gabi na 'yon para 'di ka alangan sa kaguwapuhan at kakisigan ko," pagbubuhat nito ng bangko.

Hinampas niya ito ng kuwaderno na nadampot niya mula sa kabilang desk. "Ikaw ang nagyaya sa 'kin kaya makuntento ka kung hindi ako maganda at sexy," bulyaw niya.

"Oo na, wala naman akong magagawa, eh, dahil ganyan ka na." Hinimas nito ang braso na natamaan ng kuwaderno. "Amasona ka ba? Kung hindi lang kita mahal." Bigla itong natigilan. Mataman niya itong pinagmasdan at naghihintay kung may kasunod itong sasabihin. "Bilang kaibigan," paglilinaw nito. "Kung hindi lang kita kaibigan ay napatulan na kita kahit babae ka," patuloy nito. "Akala mo magtatapat ako sa 'yo, 'no? Uy hopia," pang-aasar nito.

"Tse!" Hindi siya umaasa o nangangarap na magkagusto ito sa kaniya pero akala niya magtatapat talaga ito. "Puro ka kalokohan!"

Tinawanan lang siya nito. Ang hindi alam ng dalawa'y may nagngingitngit sa selos na kaklase nila.

JS PROM na at gaya nang napag-usapan nila ni Bruce ay sinundo siya ng lalaki. Tuxedo suit na pambabae ang suot niya imbes na gown. Nagkataon naman na halos pareho ng itsura ang suot nila ni Bruce kaya mukha silang sosyal na bodyguards.

Malayo pa ang prom ay sobrang excited siya pero ngayon ay nawala lahat ng excitement niya. Kung hindi lang siya nakapango kay Bruce ay hindi siya tutuloy.

"Bakit nakasimangot ka? Kinaiinggitan ka ng kababaihan dahil ako ang ka-date mo 'tapos ganyan ang itsura mo na parang luging-lugi ka. Ngumiti ka naman."

Ngumiti siya, 'yong ngiting pilit. "Puwede na ba 'to?" tukoy niya sa kaniyang fake smile. Hinawakan ng binata ang magkabila niyang pisngi sabay banat niyon. "Aray!" reklamo niya. Tinampal niya ang kamay nito. Agad namang binitiwan ng binata ang kaniyang pisngi.

"Ano bang problema mo?"

"Aalis na ako," malungkot niyang saad. "Sa France na ako mag-aaral." Tumawag ang kaniyang ina kahapon. Sinabi nito ang planong dadalhin siya sa France. Na-grant ang petition kaya roon na siya titira. Nakapag-asawa ng French ang kaniyang ina nang magtrabaho ito sa ibang bansa. Sanggol pa lamang siya nang iwan siya sa pangangalaga ni Tita Gina at Tito Benjie. Wala pa noong anak ang mag-asawa nang kupkupin siya. Ang biological father niya'y inabandona silang mag-ina noong nasa sinapupunan pa lamang siya kaya 'di niya ito nakilala. "Pagkatapos ng graduation aalis na ako."

"Seryoso ka?"

"Mukha ba akong nagbibiro?" balik-tanong niya. "Huwag mong ipapaalam kahit na kanino ang tungkol dito." Kahit naman pasaway siya sa klase ay marami siyang kasundo. Ayaw niyang malaman ng mga kaklase na aalis siya dahil alam niyang marami ang malulungkot. Ayaw niyang umalis nang ganoon.

"Alam ba ni Thad?"

Umiling siya. Hangga't maaari'y ayaw niyang ipaalam sa binata ang tungkol doon. May importante siyang sasabihin dito bago niya ipaalam na aalis siya. Kung maging positibo ang resulta ng usapan nila'y makikiusap siya sa ina na huwag na siyang kunin pero kung hindi, kusa siyang sasama rito.

"Huwag ka nang malungkot. Mabuti pa sumayaw na lang tayo. Sayang ang gabi kung lilipas na hindi tayo nag-e-enjoy." Hinatak siya nito patungo sa dance floor at nagpatangay naman siya.

Mabuti pa ngang sumayaw kaysa magmukmok. Kailangan niya ring mag-relax para kapag nagkausap sila ni Thad ay nasa matinong pag-iisip siya.

SA WAKAS, nakahanap din siya ng tiyempo na malapitan si Thad. Wala itong kasama at wala rin si Bruce sa tabi niya. Kailangan niyang makausap si Thad bago matapos ang gabi na 'yon. "Franco, puwedeng ba tayong mag-usap?" bulong niya sa tainga ng lalaki nang makalapit siya rito. Nasasamyo niya ang mabango nitong amoy na nanuot sa kaniyang ilong.

"Nag-uusap na tayo kaya sabihin mo na kung anong gusto mong sabihin."

"Puwedeng lumayo tayo sa mga tao?" Bigla siyang nakaramdam ng matinding kaba. "It's too personal kaya gusto kong ikaw lang ang makarinig."

"Okay." Nauna itong naglakad at sumunod siya. Naghanap ang lalaki ng lugar kung saan walang masyadong tao at hindi maingay. "Ano bang sasabihin mo?" Naiinip nitong tanong.

Lalo siyang kinabahan dahil sinusungitan siya nito. "Ano kasi… Franco… Thad…" Nalilito na siya kung anong itatawag dito. "Ganito kasi 'yon…" Wala, wala siyang masabi. Pinanghihinaan siya ng loob.

Paano kung mali ang akala niya na pareho ang kanilang nararamdaman? Pakiramdam niya kasi'y nagseselos si Thad kay Bruce kaya sinusungitan siya nito. Minsan nama'y iniiwasan siya ng lalaki kapag nakita nitong magkasama sila ni Bruce. Naisip niyang baka may gusto sa kaniya si Thad kaya ganoon ang ikinikilos nito.

"Elizabeth, sayang ang oras kung hindi ka magsasalita," untag nito. "Baka hanapin ka ni Bruce." Wala pa rin siyang imik. Tinatantiya niya kung paano sasabihin ang kaniyang feelings para dito. "Elizabeth, magsalita ka na," napipikon nitong turan.

It's now or never. Nagdesisyon siya na ngayon magtatapat kaya dapat ngayon niya gawin. Humugot siya ng malalim na hininga bago nagsalita. "Gusto kita, Thad," pag-amin niya rito. Wala siyang nakuhang reaksyon mula sa lalaki kaya nagpatuloy siya. "Mas tamang sabihin na mahal kita. Siguro naman pareho tayo ng nararamdaman, 'di ba?" Puno ng pag-asa ang kaniyang puso na sana sumangayon ito sa sinabi niya.

"Naririnig mo ba ang sinasabi mo, Elizabeth?"

"Ha?"

"If this is some kind of a joke, puwes, hindi mo ako maloloko," naiinis nitong sabi. "Huwag niyo akong gawing laughingstock ni Bruce. Hindi kayo nakakatuwa. Sana man lang bago tayo grumaduate ay may maganda kayong maiambag sa school. Wala na kayong ginawang matino."

Gumuhit ang pait sa kaniyang mga mata. "Ang sakit mo namang magsalita, Thad." Gusto niyang umiyak pero pinigilan niyang tumulo ang luha. Wala pala siyang kuwenta sa paningin nito. Inaamin niyang magaling siya pagdating sa kalokohan pero wala naman siyang sinaktang tao. "Hindi por que puro kalokohan ang alam ko'y 'di ibig sabihin no'n na paglalaruan ko ang feelings mo. Kung ayaw mong maniwala sa akin, problema mo na 'yon. Huwag kang mag-alala, isang buwan mo na lang pagtitiyagaan 'tong pagmumukha ko." Tinalikuran niya ang lalaki.

Nagkamali siya ng akala. Wala itong gusto sa kaniya. Siguro nagtitiyaga lang itong pakisamahan siya dahil asawa ng kaniyang tiyahin ang tiyuhin nito at makapitbahay pa sila.

-End of Flashback-