Nangangalay na ang kaniyang panga sa kakangiti sa bawat panauhing dumarating. Init na init at pawis na pawis siya sa suot na suit. Kanina pa dumating si Kuya Dave pero ang ate niya'y wala pa. Nakaramdam siya ng kaba. Hindi naman siguro magba-back-out ang kaniyang kapatid.
Alam niyang traumatic ang naging past experience nito eight years ago dahil 'di natuloy ang kasal nito sa ex-boyfriend. Nakabuntis kasi ang lalaki at nag-eskandalo sa mismong araw ng kasal ni Leina ang babae. Pero sana hindi 'yon maging hadlang upang 'di matuloy ang kasal.
"Thad." Iwinagayway ng kaharap niyang lalaki ang kamay nito upang makuha ang kaniyang atensyon. "Tulala ka."
"Bruce." Nagulat siya nang makita ito. "Anong ginagawa mo rito? Ang sabi ng parents mo 'di ka makakapunta dahil busy ka."
Magkaibigan ang mga magulang nila kaya imbetado ito sa kasal. Ang ina ni Bruce ang isa sa mga ninang sa kasal ni Leina.
"I've changed my mind."
"Interesting," komento niya. "Ano namang nakapagpabago sa isip mo?" Kilala niya ang binata, kapag sinabi nitong hindi, hindi na magbabago ang isip nito o desisyon.
"Hindi ano, kundi sino," pagtatama nito na lalong pumukaw sa kaniyang curiosity. "Hulaan mo kung sino."
"Wala akong panahong makipaghulaan sa 'yo."
"Fine!" Nginitian siya ito, 'yong ngiting nakakaloko. "This time, I'll make sure that she'll be mine. Siguro naman hindi kita magiging kaagaw sa kaniya dahil may fiancée ka na."
Sukat sa sinabi nito'y may bumangong kakaibang damdamin sa kaniya. Anong ibig nitong sabihin? He's never been a hindrance to their relationship. At wala siyang nababalitaan na nasa Pilipinas ang dalaga.
Bago pa siya makapag-react sa sinabi ni Bruce ay tinalikuran na siya nito. Pumasok ito sa loob ng simbahan. Naiwan siyang napapaisip sa sinabi nito. Nawaglit lang sa isip niya ang sinabi ng lalaki nang may mahigip ang kaniyang paningin na bulto ng isang babae na umaaligid sa simbahan. Namumukhaan niya ito. Ang babaeng 'yon ang nakita niya kaninang umaga sa tapat ng gate nila. Nagkataong papalabas siya mula sa bahay nang makita niya itong sumisilip sa loob. Lalapitan niya sana ang babae pero umalis din agad ito.
Nakaramdam siya ng kaba. Ayaw niyang maulit ang nangyari noon sa ate niya kaya bago pa may mangyaring hindi maganda'y aagapan niya 'yon. Mabilis niyang nilapitan ang babae. Busy ito sa pagmamasid sa paligid kaya siguro 'di nito namalayan ang kaniyang paglapit.
"Sino ka?" Napakislot ang babae nang marinig ang kaniyang boses. Nang makabawi ito'y saka siya nilingon. Wala itong kibo. Hindi niya alam kung nakatitig ito sa kaniya dahil nakasuot ito ng sunglasses. "Anong ginagawa mo rito? Huwag kang magkakamaling guluhin ang kasal ng ate ko," banta nito rito.
"Who are you and what are you doing here are the most stupid questions I've ever heard in my entire twenty-six years of existence," galit na galit na wika nito na ipinagtaka niya. "Dapat bang itanong 'yon sa taong kilala mo at obvious naman ang dahilan kung bakit ako nandito." Mas ipinagtaka niya ang sunod nitong sinabi.
He didn't know her, but her voice was quite familiar. Tinitigan niya itong mabuti. Lagpas tainga ang maikli nitong buhok. Hindi niya makita ang mata nito dahil sa suot na shades. Maliit ang matangos nitong ilong. Bilugan ang maliit nitong mukha na may peklat sa kaliwang pisngi. Maganda ang hugis ng labi nito na katamtaman ang laki.
Bumaba ang tingin niya sa katawan nito. Nakasuot ito ng fitted cotton shirt na kulay pink. Malusog ang dibdib ng dalaga at maliit ang baywang. Ang suot nitong maong skirt ay above the knee ang haba kaya kitang-kita ang makinis nitong legs. Hindi man perpekto ang hubog ng binti nito'y kaakit-akit pa ring tingnan dahil natural na mamula-mula iyon.
Tantiya niya'y nasa 5'7" or 5'8" ang height nito. Six-footer siya pero kaunti lang ang lamang niya rito, partida sneakers lang ang suot ng babae. The woman wore a simple attire but she looked stunning. Papasa itong model o beauty queen.
"Mr. Class President, wala tayo sa science laboratory kaya itigil mo 'yang pag-e-examine sa 'kin na para akong isang specimen."
Kumabog nang malakas ang kaniyang puso. He knew the woman. Ngunit bago pa niya mabanggit ang pangalan nito'y biglang may lumapit sa kaniya, si Nathalie, ang kaniyang nobya.
"Babe let's go." Pumulupot ang kamay nito sa kaniyang kaliwang braso. "Dumating na ang bride."
"Okay." Nilingon niya ang dalaga subalit bigla itong nawala.