Chapter 2 - Chapter One

"Elizabeth, sigurado ka bang kaya mong mag-commute?" nag-aalalang tanong ni Tita Gina, kapatid ng ina ng dalaga. "Ipapahatid kita sa Tito Benjie mo. Ayokong mapahamak ang pinakamaganda kong pamangkin."

"Ay sus, Tita! Binola mo pa ako," natatawa niyang sabi. "Alam ko pong maganda ako kaya dobleng pag-iingat ang gagawin ko."

"Nag-aalala lang naman ako dahil baka may makakilala sa 'yo—"

"Tita, I can manage," putol niya sa nais sabihin ng tiyahin. "Walang makakakilala sa 'kin." Ipinakita niya ang ready-made prosthetic scar at idinikit iyon sa kanang bahagi ng kaniyang pisngi. Nagsuot din siya ng wig at sunglasses. "Okay na ba?"

"Okay na lang," napipilitang pagsangsayon nito. "Kung hindi importante ang meeting na 'yon 'di kita papupuntahin, eh."

Nagpatawag ng meeting ang school kung saan nag-aaral ang pinsan niyang si Glenn, Grade 12 na ito. Tungkol sa immersion ang pag-uusapan sa meeting. Hindi makakadalo ang mga magulang ni Glenn dahil ikakasal si Ate Leina, pamangkin ni Tito Benjie. Ang lalaki kasi ang nagsilbing tatay nito simula nang pumanaw ang totoong ama kaya si Tito Benjie ang maghahatid sa altar.

"Tita, maliit na bagay lang 'to."

"O siya sige, basta mag-iingat ka."

"Opo."

"Anak, sumunod ka sa kasal," sabi ng Tito Benjie niya. "Magtatampo si Leina sa 'yo kapag hindi ka humabol."

Kinuha siyang maid of honor ni Leina pero tinggihan niya dahil hindi siya sigurado kung makakauwi siya sa Pilipinas. "Opo, susunod ako." Alas onse ang kasal kaya kung maaga matatapos ang meeting ay makakahabol siya. Malapit lang naman sa school ang simbahan kung saan gaganapin ang kasal. "Aalis na po ako."

"Sige mag-iingat ka."

Paglabas niya mula sa bahay ay dumaan siya sa kapitbahay nila. Bakuran lang ang pagitan ng bahay ni Tito Benjie at ng kapatid nito na si Carmie, ina ni Ate Leina at Thad. Sumilip siya sa bakal na gate. Baka sakaling makita niya ang kababata subalit bigo siya. Tatlong araw na simula nang dumating siya sa Pilipinas pero ni anino ng lalaki'y 'di niya nakita.

SHE WAS VERY LUCKY because the meeting ended around 10:30 am. Nagkukumahog siyang umalis sa eskuwelahan. Maliban sa gusto niyang masaksihan ang buong wedding ceremony ay bumabalik sa alaala niya ang nangyari noong nag-aaral pa siya sa roon. Oo, naging masaya siya lalo na ang kaniyang high school life pero sa kabilang banda'y malungkot siya.

First time na may nanligaw sa kaniya. First time na nambasted siya. First time na nanligaw siya, somehow. First time na nabasted siya.

Bago pa niya maalala ang lahat ng nangyari sa kaniya noon ay mabilis niyang tinahak ang direksyon papunta sa gate. Paglabas niya'y agad siyang pumara ng jeep at sumakay. Nang mag-abot siya ng bayad ay napatingin siya sa salamin sa bandang uluhan ng driver kaya nahagip ng kaniyang paningin ang guwapong lalaking katabi ng tsuper. Kung hindi siya nagkakamali'y kaklase niya ito noon at close sila. Gusto niya itong tawagin pero nagdalawang-isip siya. Nakuntento na lang siyang pagmasdan ito.

Nawala lang ang atensyon niya sa lalaki nang biglang huminto ang jeep dahil may pumara. Sakto naman na roon din ang kaniyang destinasyon kaya bumaba na rin siya. Nawaglit sa isipan niya ang lalaki dahil excited siyang masaksihan ang kasal. Tiningnan niya ang oras sa orasang pambisig. Quarter to eleven. Mamaya na siya papasok sa loob ng simbahan. Wala pa ang bridal car, tiyak na wala pa ang bride kaya mag-iikot-ikot muna siya.