Sa mundong ating ginagalawan, masasabi mo ba kung sino ang iyong kalaban?
Handa kana ba sa pwedeng mangyari? Sa lugar kung saan hindi mo mawari, kaya mo bang protektahan ang iyong sarili?
Sino ang iyong ituturo? Sino ang dapat mong ipagkanulo? Tatakbo kaba palayo upang mag tago o lalaban hanggang sa huling patak ng iyong dugo?
Pinatay ko ang telebisyon matapos ang palabas. Alas tres palang naman ng hapon, maari pa siguro akong umidlip bago dumating si mama.
Inayos ko ang dalawang maliit na unan na narito sa upuang kahoy na inuupuan ko, bago humiga.
Kapipikit ko pa lang halos nang may narinig akong nag-iiyakan sa labas ng aming bahay. Malakas na tila ba nakakaramdam ng labis-labis na pighati.
Bumangon ako at agad na lumabas. Ngunit ganoon na lang ang gulat ko ng makita ko si mama. Kasama ang nakababata kong kapatid na si Rhian.
Maraming tao sa labas, pawang nakikiusyoso na naghahatid ng mahinang bulong bulungan. Nakita ko rin ang kaibigan kong si Alain. Walang emosyon ang kaniyang mga mata. Hindi rin siya lumuluha tulad nina Rhian at mama. Ngunit bakas sa mukha niya ang galit habang mariin na nakatingin sa ataul.
Ataul na kulay itim, hindi kalakihan at hindi rin naman maliit. Parang sinukat lamang iyon para sa katamtamang taas ng isang tao.
Lumapit ako upang sana ay magtanong, kung bakit sa mismong tapat ng bahay namin naroon ang ataul? Ngunit ganoon na lamang ang pagka-gimbal ko ng masilayan ang nasa loob niyon.
Putol ang ulo! Puno ng saksak ang dibdib at tiyan. Marami ring nakabukang sugat sa kaniyang braso at binti. Habang ang mukha ay nababalot ng dugo!
Hindi ko masyadong maaninag ang mukha ng nasa ataul. Dahil bukod sa nababalot ito ng dugo'y, halos hindi rin makilala dahil sa mga sugat sa mukha niya.
"Ma, sino ho ba itong namatay?" Kuryosong tanong ko kay mama.
Ngunit hindi man lang niya ako nilingon. Ni hindi nga rin yata niya ako narinig. Tuloy tuloy lang siya sa pag-iyak habang isinisigaw ang katagang anak.
Nagtaka ako ng marinig ko iyon mula kay mama. Kaya naman tinignan ko ang nakasulat na pangalan sa may salamin ng ataul.
"Sandra Alcantara"
Daig ko pa ang naparalisa sa kinatatayuan ko, ng mabasa ko ang sariling pangalan ko. Nanginginig ang kamay na naitakip ko iyon sa sarili kong bibig. Bago dahan dahang sumilip sa ataul upang tignan kung ako nga ba ang nakahiga roon.
Nang dungawin ko at pakatitigan ang kaniyang mukha. Bigla na lang...
Dumilat ang namumula at duguan niyang mga mata!
"Sandra!"
Habol ang hiningang napabalikwas ako ng bangon. Daig ko rin ang naligo sa sarili kong pawis. Nilibot ko ang aking paningin, at doon ko nakita si mama na abala sa pagwawalis.
Tumayo ako at sinilip ang labas. Hindi alintana ang mapanuring mata ni mama.
Walang tao. Wala rin ang ataul. Pero bakit parang totoong totoo ang nakita ko?
"Sandra alas tres na ng hapon anong balak mo? Ni magwalis ay hindi mo nagawa. At kung kailan hapon saka ka matutulog riyan." Mahabang saad ni mama sa akin.
Nakatulog pala ako? Pero bakit parang hindi man lang ako naka idlip?
Sa pagkakaalam ko nga rin ay umidlip ako. Bago nagising sa malakas na tawag ni mama sa aking pangalan.
Muli akong napatingin sa orasan. Alas tres pasado na. Kung hindi ako nagkakamali, bago ako matulog kanina'y alas tres na ng hapon. Kung gayon, ilang oras ba akong nakatulog?
Sa kaisipang iyon ay napatingin ako kay mama, bago nagtanong.
"Ma, kanina pa po ba kayo riyan? Nakita n'yo po ba akong tulog?" Maang na tanong ko kay mama.
"Aba'y Sandra, mula pagpikit mo kaninang alas dose'y narito na ako. Nakapag hugas na ako ng pinggan. Nakapag samsam narin ako ng mga sinampay, at ngayon nga'y katatapos ko lang mag linis. At hayan ka, kagigising lang." Sunod sunod na paliwanag ni mama.
Bakit gano'n? Bakit parang bumalik ang orasan at huminto noong pumikit ako? At ano ang ibig sabihin ng napanaginipan ko? Tila ba totoong totoo, na akoy isang malamig na bangkay at nakahimlay sa itim na ataul.
"Ah panaginip lang 'yon!" Singhal ko sa aking sarili, bago umiling.
Pumasok na ako sa silid ko, upang balikan at sagutan narin ang aking takdang aralin. Nais kong abalahin ang aking isipan sa pag-aaral, at hindi sa mga bagay na wala namang kabuluhan.
Ako nga pala si Sandra Alcantara labing siyam na taong gulang. At panganay na anak nina Alfredo at Samantha Alcantara. Ang bunso kong kapatid na si Rhian ay nasa ika-huling baytang na sa elementarya. Maaga kaming naulila sa aming ama. Limang taon pa lamang ako ng mamatay siya, sa hindi ko malamang kadahilanan.
Nasa ika-lawang simestre na ako sa kolehiyo, at kumukuha ng kursong Bs Psychology. Mahirap oo, pero kinakaya naman. Kailangan, para sa pangarap ko at sa kinabukasan narin ng aming pamilya.
Kinuha ko ang notebook ko at binuklat, kung saan naroon ang huli naming pinag-aralan.
Nakasulat din dito ang takdang aralin na ibinigay sa amin ng aming propesor. Istrikto ang aming propesor kung kaya't todo aral talaga kami. Lalo na kapag nagtanong siya at hindi nakasagot, panigurado na tatayo ka sa harap katabi niya.
What is psychology?
What is the difference between psychology and psychologist?
Iyon ang tanong na nakasulat sa notebook ko. Humarap ako sa computer upang hanapin ang kahulugan ng mga 'yon.
Ngunit natuon ang pansin ko sa isang salita na mukhang naiiba, ayon sa hinahanapan ko ng kahulugan.
Premonition...
Sinimulan kong basahin pa ang mga nakalagay patungkol sa salitang iyon.
Premonition -, A strong feeling that something is about to happen, especially something unpleasant.
Napaisip ako bigla ng mabasa ko 'yon. Iyon ba ang tawag sa panaginip ko? Ngunit panaginip lang naman 'yon diba? Sabi ng matatanda, ang panaginip ay kabaligtaran daw ng mangyayari sa kasalukuyan.
Maaari rin naman na sa pamamagitan ng panaginip, malalaman mo ang kasagutan kung ano ang nangyari sa nakaraan. Iyon ay ayon sa sabi sabi nila. Kwentong barbero ika pa ng iba.
Ngunit para sa akin, hindi mo na maibabalik ang nakaraan. Pero kaya mong baguhin ang kasalukuyan.
"Sandra"
Hindi ko pinansin ang mahinang bulong na iyon ni Rhian. Abala ako sa pagsusulat ng takdang aralin ko para bukas, at wala akong balak na makipag laro.
Narinig ko pa ang mahina niyang hagikhik sa gawing likuran ko. Ngunit imbes na mainis, pinabayaan ko na lang siya.
"Sandra"
Sa pangalawang pagkakataon ay tinawag niyang muli ang pangalan ko. Kunot ang noong napahilot ako sa aking sintido, bago bumaling sa aking likuran.
Ngunit wala si Rhian. Sarado ang pinto ng silid ko at ako lang din ang tao dito.
Tumayo ako upang lumabas. Baka kasi magpapaturo siya sa aralin niya. Wala namang ibang magtuturo sa kaniya kun'di ako, dahil dalawa lang naman kami. Abala rin palagi si mama kung kaya't hindi niya rin matutukan ang kapatid ko.
Nakita ko pa si mama na nakaupo at nakayuko sa mesa. Nagtitipa sa cellphone niya bago naglilista sa papel na nasa harap niya. Malamang bayarin na naman 'yon.
Papasok na sana ako sa silid ni Rhian ng bigla akong tinawag ni mama. Kung kayat napahinto ako at lumapit sa kaniya.
"Sandra, ang kapatid mo tawagin mo na. Hapon na naroon parin kila Alain." Saad ni mama habang abala parin sa paglilista.
Kumunot naman ang noo ko sa sinabi niya.
"Wala po ba si Rhian dito ma?" Kunot noong tanong ko sa kaniya.
"Kanina pa wala, naroon kila Alain. Nagpaalam sa akin ng maagang maaga, may group study raw sila ng mga kaklase niya. Diba kaklase niya rin ang kapatid ni Alain? Ngunit hapon na, kaya tawagin mo na." Sunod sunod na saad ni mama.
Ngunit hindi doon natuon ang atensyon ko. Kun'di sa kaalamang wala rito ang kapatid ko. Kung wala siya dito, sino ang tumawag sa akin kanina?
"Tinawag mo po ba ako kanina ma?" Tanong ko kay mama.
"Tatawagin palang sana, pero lumabas ka naman na kaya hindi na." Sagot niya naman.
"May kausap ho ba kayo dito kanina at humagikhik?" Muli ko pang tanong sa kaniya.
Umaasa na baka nagkamali lang ako ng dinig. O baka naman si mama ang narinig kong tumawa kanina.
"Sino naman ang kakausapin ko at bakit naman ako hahagikhik? Kita mo't problemado ako dito sa mga bayarin. Dumagdag pa ang tuition fee n'yong dalawa ni Rhian. Paano paba ako makakatawa niyan?" Muli namang sagot ni mama.
Naging palaisipan sa akin ang mga sinabi niya. Kung hindi si mama at Rhian ang tumawag sa akin kanina at tumawa... sino?
Pailing iling na kumamot na lang ako sa aking ulo bago akmang lalabas.
Gutom lang siguro ito o 'di kaya'y dahil sa puyat. Nitong mga nakaraang araw kasi, hirap akong makatulog.
"Tama, puyat lang siguro." Mahina kong bulong sa aking sarili.
Palabas na ako ng pinto, sakto naman na dumating si Rhian. Kung kaya't ang balak kong pagsundo sa kaniya, ay hindi na natuloy.
"Ate, pinasasabi nga pala ni ate Alain na sabay na daw kayong pumasok bukas." Saad ng aking kapatid ng makalapit siya sa akin.
Tumango lang ako bilang tugon.
Pumasok na siya sa loob ng bahay, at susundan ko narin sana.
Ngunit ang matandang nakatalikod sa tapat ng bahay namin sa 'di kalayuan, ay nag pahinto sa akin upang tignan siya. Nakasuot ng itim na damit at may itim din na belo.
"Sino kaya 'yon?" Kuryosong tanong ko sa aking sarili.
Ilang minuto ko pa siyang tinitigan, hanggang sa humarap siya.
Halos takasan ako ng malay tao, dahil ng humarap ang matanda wala siyang mukha! Sa nanlalaking mata'y nakita ko pa ang pag-angat ng kamay niya, at tila hinihintay na abutin ko.
Kinusot ko ang aking mata bago pumikit at bumilang ng sampo. Sa ika-sampo'y dumilat ako, ngunit wala na ang matanda.
Tumingin din ako kay Rhian na ngayon ay nasa loob na ng bahay. Nakita niya kaya ang nakita ko? Ano ba ang ibig sabihin ng mga nakikita kong ito? Ayaw ko mang isipin at sanay mali lang ako, ngunit ito ba ang sinasabi ng mga matatanda na...
PANGITAIN...