Chapter 16 - Chapter 16

Now playing: Weak by Larissa Lambert

Jennie

Maaga akong umalis ng bahay kanina para makalanghap ng sariwang hangin. Gamit ang aking bisikleta, ay inikot ko ang aming buong village.

Naka ilang ikot yata ako bago tuluyang nagpasya na tumigil na dahil ayokong ma-late sa unang klase.

Ang sarap pala kasi sa pakiramdam nang napapawisan sa umaga. Pagkatapos ay maliligo habang basang-basa ng pawis. Nakakagaan sa pakiramdam at talagang may energy sa buong araw.

Pauwi na sana ako nang maisipan kong dumaan sa paborito kong bakery para mag take out ng paborito kong tinapay mula rito.

"Thank you, Ate Razel!" Pagpapasalamat ko sa kahera. Madalas kasi akong bumili talaga rito kaya kilala na niya ako at kilala ko na rin siya.

"Walang anunan, Jennie!" Ganting sabi nito. "Nanggaling din dito si Lisa kanina, parehas kayo ng binili." Dagdag pa niya kaya agad akong natigilan.

Kunot noo na napatingin ako sa kanya.

"You mean, 'yung bestfriend kong si Lisa?" Napatango ito.

Paano niya nalaman mag bestfriend kami?

"Pasensya ka na ha? May pagka-Marites kasi ako eh. Hehehe. Madalas ka kasi naming topic sa tuwing nadadalaw siya rito." Napangiti na lamang ako dahil sa sinabi niya at mas naging interesado na rin.

Muli akong lumapit sa kanya sa cashier.

"Ate ha! At ano namang pinag-uusapan niyo tungkol sa akin?" Tanong ko rito. Noon naman biglang namula ang kanyang itsura bago napaiwas ng tingin mula sa akin.

"Wala ka na doon." Tatawa-tawa na sagot nito.

Napanguso ako.

"Ang daya! Pero kapag kay Lisa, nag-ku-kwento ka." Kunwari naman na nagtatampo na wika ko.

Magsasalita pa sanang muli ito nang may dumating na bagong customer.

"Sige na nga, hindi ba may klase ka pa? Baka ikaw ay ma-late." Paalala nito sa akin.

Noon ko lamang naalala ang oras.

"Shit!" Pagmura ko at agad na nagmamadaling lumabas ng bakery.

Pero teka nga...muli na naman akong natigilan nang mapansin ko ang isang babae na lumabas mula sa loob ng isang flower shop na aking nadaanan.

Hindi ko alam kung namalikmata lamang ba ako o si Lisa talaga ang nakita kong yun. Nakasuot kasi ito ng hoodie kaya hindi ko masyadong mamukhaan.

Napailing na lamang ako at pilit itong inalis sa aking isipan.

Pagdating ko sa bahay ay nagmamadaling naligo na ako dahil late na late na naman ako sa aking unang klase.

Hindi na nga ako nakapagsuklay noong matapos na ako sa lahat at halos kulang na lang eh liparin ko na ang gate ng aming bahay makalabas lamang rito kaagad.

Pagdating ko sa labas ng gate, doon naman naabutan ko sa akto si Lisa na may dala-dala na isang bouquet ng bulaklak. Hindi niya ako napansin na nasa labas na ako ng gate noong inilagay niya ito sa may gilid.

So, siya nga pala talaga 'yung babaeng nakita ko kanina. Kompirmado na sabi ko sa aking sarili.

Pigil ang ngiti at kagat labi na napatikhim ako dahilan upang mapatalon siya sa gulat.

"What the! You scared me!" Maarte na saway nito sa akin bago napaiwas ng tingin habang namumula ang itsura.

Habang ako naman eh hindi inaalis ang mga mata sa kanyang magandang mukha.

Ibig ba nitong sabihin, siya rin 'yung dahilan bakit sunod-sunod ang pagpapadala ng mga bulaklak sa akin noong mga nakaraang araw? Assumera na tanong ko sa aking sarili.

"Ahem!" Pagtikhim nitong muli at sa halip na ilapag na lang nito sa gilid ng aming gate ang bouquet ay dahan-dahan na muli niya itong pinulot at inabot sa akin.

"P-Para sa'yo!" Walang ka-emo-emosyon na pagbigay nito sa akin habang naka poker face.

Mas lalo namang pinigilan ko ang mapangiti ngunit hindi iyon maitatago ng aking mga mata.

"What?" Tanong nito sa akin noong 'di ko pa rin kinukuha mula sa kanya ang bulaklak.

"Ikaw ha!" Tukso ko sa kanya habang kinukuha ang bouquet.

"Bakit? Masama bang bigyan ka ng bulaklak?" Pagtataray-tarayan pa rin nito. "I just wanna make my best friend happy. That's it!" Seryosong dagdag pa niya.

At tuluyan na nga akong napangiti ng pagkatamis-tamis.

"T-Thank you!" Hindi mapigilan ng mga tenga ko ang mang init dahil sa cuteness ni Lisa.

Napaiwas ito ng tingin mula sa mukha ko. Napansin ko rin ang pamumula ng magkabilaang pisngi nito ngunit mabilis niya itong naitago.

"Welcome." Malamig pa rin na tugon nito ngunit napapangiti naman sa gilid ng kanyang labi.

"Oh siya, tara na dahil late na tayo sa ating unang klase." Biglang pag-aya nito sa akin at walang sabi na kinuha ang kanang kamay ko bago mabilis na ipinagdikit ang aming mga daliri.

Awtomatikong napayuko ako sa kamay namin na ngayon ay magkahawak na.

"Why?" Tanong nito sa aking muli. "Masama bang hawakan ko ang kamay ng bestfriend ko?" Dagdag pa niya.

Napailing ako at agad na napayuko.

"H-Hindi 'no?" Utal na sagot ko dahil kusa na lamang dumaloy ang kakaibang kuryente sa aking katawan dahil sa paghawak nito sa akin.

Kahit late na kami sa aming unang klase ay daig pa namin ang naglalakad sa ilalim ng buwan sa bagal.

Hindi naman ako nag-aalala kahit na late na kami dahil si Lisa ang kasama ko. Bawat minuto kasi na kasama siya, para sa akin ay mahalaga. At talagang ini-enjoy at ninanamnam ko. Sinusulit ko.

Nang makapasok na kami sa gate ng St. Wood ay panay ang tinginan ng mga tao sa amin. Hindi naman na ako nagtataka dahil unang-una, kasama ko ang kanilang Queen Lisa.

Pangalawa, ang ganda-ganda at ang hot niya sa suot niyang crop top ngayon kung saan lumalabas ang kanyang nagyayabangan na abs.

Hmp!

At pangatlo, mayroon akong hawak na bouquet na galing sa best friend ko. Pero syempre, hindi naman nila alam kung kanino ito nanggaling kaya panay ang tingin nila dahil nagtataka sila kung bakit may hawak akong bulaklak.

Iyong iba pa nga ay tumatawa.

Iniiisip kasi nilang ginagawa raw akong alalay ni Lisa. Which is, mas bagay daw sa akin dahil mukha naman daw talaga akong paa ng bestfriend ko.

Ang sakit naman nilang magsalita!

Bagay na agad na narinig ni Lisa at hindi nakaligtas sa kanya.

Napahinto ito at dahan-dahan na napaharap sa lalaking iyon, na ngayon ay nakangisi pang nakatingin sa akin.

Agad na hinawakan ko ang aking bestfriend sa kanyang braso para pigilan.

"Hayaan mo na. Late na tayo sa klase, remember?" Paalala ko sa kanya.

Ngunit tila ba hindi niya ako narinig.

"Paki ulit nga, 'yung sinabi mo?" Tanong ni Lisa sa lalaki.

Napalunok naman ito na tila ba biglang kinabahan. Lalo na noong humakbang si Lisa palapit sa kinatatayuan niya at huminto sa mismong harapan niya.

"H-Hi, Lisa." At nagpa-cute pa nga siya.

Hindi inaalis ni Lisa ang kanyang mga mata sa lalaki.

"Ang sabi ko, paki ulit 'yung sinabi mo kanina." Seryoso at maawtoridad na utos ni Lisa sa kanya. "Sino ang mukhang alalay na sinabi mo?" Muling tanong nito sa lalaki.

Napangisi ang lalaki bago muling ibinaling ang mga mata sa akin.

"Sino pa nga ba? Kundi 'yang stupid at jologs na kasama mong si Jennie--- Awwww! Tang*na! Ang sakit!"

Hindi na naituloy nito ang gusto niyang sabihin dahil namilipit na ito sa sakit nang bigla na lamang sinipa ni Lisa ang kanyang pagkalalaki.

"Ka-lalaki mong tao ang pangit ng tabas ng dila mo! Sa susunod hindi lang 'yan ang gagawin ko sa'yo!" Pagkatapos ay tinalikuran na ito ni Lisa.

Mabilis na muling nilapitan ako nito at hinila sa aking braso.

Bakit ba sa tuwing mainit ang ulo niya at nakikipag-away siya dahil at para sa akin, eh bigla niya akong kinakaladkad ng ganito?

Tapos ang bilis-bilis ng mga hakbang niya. Reklamo ko sa aking sarili.

"Teka nga, sandali." Pag pigil ko sa kanya. "Hinihingal ako sa'yo eh!" Dagdag ko pa.

Mabuti nalang at huminto rin naman ito kaagad.

"Nakipag-away ka na naman. Sabi ko naman kasi sa'yo hayaan mo na, 'diba?" Singhal ko sa kanya. "Palagi ka nalang nakikipag-away dahil sa akin---"

"Sa susunod hahalikan na lang kita bigla sa harap nila nang tumigil na sila kaka-insulto sa'yo---"

Mabilis na tinakpan ko ang bibig nito gamit ang kamay ko at hinampas siya sa kanyang braso. Iyong sakto lang ang lakas at hindi naman siya masasaktan.

Pero pikon na tinanggal niya rin agad ang kamay ko.

"Pwede bang hinayaan mo 'yang bibig mo at baka isipin nilang---"

"Eh ano ngayon kung may makarinig?!" Inis na putol nito sa akin.

"Sa tingin mo ba kapag ginawa mo 'yun titigilan na nila ako? Hindi. Kasi mas lalong mananaig sa kanila ang pagkainis sa akin." Dire-diretsong sabi ko sa kanya.

Napahinga ako ng malalim bago napangiti at tuluyan ng napatawa.

Kunot noo naman at nagtataka ang mga mata na tinignan ako nito sa aking mukha.

"Pwede bang huwag kang tumawa d'yan?" Sabay iwas nito ng tingin mula sa akin.

"Bakit? Eh sa nakakatawa ka eh! Para ka kasing bata." Natatawa pa rin na sagot ko rito.

"L-Lalo kang gumaganda kapag tumatawa." Tugon naman niya sabay muling tingin sa mga mata ko.

Iyong seryosong tingin na matutunaw ako. Iyong tingin na nagbibigay ng kiliti sa tyan ko. Iyong parang inilulutang ako sa ere.

"Baka kasi....b-bigla kong makalimutan na kapatid ka ng boyfriend ko at best friend kita, bigla kitang mahalikan d'yan." Pagkatapos noon ay iniwanan na niya akong nakatulala sa kawalan.

A-Ano daw?

Tama ba ako ng rinig?

Hindi ba siya nagbibiro sa sinabi niyang 'yun?

"Joke lang. Ito naman naniwala naman kaagad. Kahit kailan talaga, uto-uto ka." Wika nito dahil muling binalikan niya ako na ngayon ay naka ngiti na.

Napalunok ako atsaka napatingin sa mukha niya.

Hindi ko alam kung mapapahinga ba ako ng malalim o mapapahinga ng maluwag dahil sa huling sinabi niya.

Well, sa aming dalawa, alam ko naman na ako lang ang may pagtingin sa kanya. Habang siya naman ay pwede lang niyang sakyan lang ang mga ganitong moment.

Para mapagaan ang loob ko.

Hindi para mahalin din ako ng higit pa sa isang kaibigan.