Lisa
"Jennie, pwede bang paki timpla na rin kami ng juice pagkatapos mong maglinis dyan?"
Kapapasok ko pa lamang ng pintuan nang marinig kong inuutusan na naman ng batogang si Fynn si Jennie, habang nagliligpit ito ng kanilang mga kalat dahil katatapos lamang nila sa pag gawa ng kanilang projects.
Dito kasi nila naisipan kina Brent na tapusin ang kanilang project. Pumunta na rin ako dahil ilang araw na rin kaming hindi nagkakasama ni Brent, dahil sa masyadong abala ito sa kanyang pag-aaral at training.
"O-Oo. Malapit na itong matapos." Agad na sagot naman ni Jennie at nagmamadaling nagtungo na sa kusina.
"Bilis! Ang bagal." Reklamo naman ni Austine na abala sa pagkalikot ng kanyang cellphone.
Hindi yata napansin nang mga ito ang pagdating ko kaya hindi na muna ako nagsalita. Hinanap ko sa paligid si Brent ngunit hindi ko ito makita.
Nasaan na naman kaya ang lalaking yun?
"Jennie! Pwede bang paki bilisan naman!" Muling sigaw na utos ni Fynn.
Hindi ko mapigilan ang mapamura sa aking sarili habang napapanganga in disbelief, atsaka mabilis na hinubad ang sapatos ko at ibinato ito sa mukha ni Fynn.
"Aray ko! Taena naman!" Agad na reklamo nito habang napapatalon pa sa sakit nang magtama ito sa kanyang mukha.
"Gago ba kayo? Bahay niyo ba ito?! Kung makautos kayo kay Jennie parang katulong lang ha!" Sigaw at maktol ko sa kanila dahilan upang mapatakbong muli si Jennie galing ng kusina.
Hindi ko mapigilan ang mabwisit kapag ganitong inaapi lang nila ang kapatid ng kaibigan nila.
"Mga wala ba kayong bayag?!" Dagdag ko pa habang nag-uunahan sa pagtaas baba ang aking dibdib.
"Grabe ka naman Queen Lisa. Syempre may mga bayag kami. Pwede ba namang wala? Hahahaha." Pang aasar pa ni Austine na agad kong nilapitan at sinuntok sa kanyang mukha.
Aray ko! Ang sakit 'non ha! Napapangiwi na reklamo ko sa aking sarili. Habang si Austine naman ay naluluhang napapahawak sa kanyang ilong na natamaan ko.
"Pwede bang tumigil na kayo?" Rinig kong saway sa amin nang kadarating lamang na si Brent galing sa kanyang kuwarto. Halatang katatapos lamang na maligo.
Mabilis na tinignan ko ito ng masama. Iyong masamang masama.
"Oh bakit pati ako nadadamay?" Parang bata na wika nito bago napa pout.
"Pwede bang palitan mo na 'yang mga bastos mong kaibigan?" Kumukulo parin ang dugo ko sa kanila. Napakamot ito sa kanyang batok.
"Hon naman." Reklamo nito. "Ano na naman ba kasing ginawa niyo?" Kunot noo na tanong nito sa dalawa.
"HOY BRENT! Mamili ka, papalitan mo 'yang mga kaibigan mo o palitan mo girlfriend mo!" Pagkatapos ay nag walk-out na ako at sinundan si Jennie sa kusina.
Hindi ako nagsasalita na naupo lamang sa isang silya na naroon habang abala ito sa pagtitimpla ng juice. Sandali itong natigilan at lumapit sa akin.
Marahan na kinuha nito ang kanang kamay ko na ginamit ko sa pagsuntok kay Austine. Narinig ko itong napa buntong hininga.
"Tignan mo nga 'yang kamao mo, namumula oh!" Saway nito bago kumuha ng yelo at maingat na nilagyan niya iyon. Hindi parin ako kumikibo at tanging nakatingin lamang sa kanyang ginagawa.
"Hindi ka pa ba sanay sa mga 'yun? Mga ganon lang sila palagi, pero alam mo namang mababait 'yun. Sila pa nga ang nagtatanggol sa akin minsan kapag may nang bubully sa akin sa school, hindi ba?" Paalala nito sa akin.
This time, ako na naman ang napabuntong hininga.
"Isa pa, alam mo naman na solid silang kaibigan ni kuya." Dagdag pa nito. "Mga kuya ko na rin 'yung mga 'yun kahit pa ganoon sila." Noon din ay nag-angat na ako ng aking paningin atsaka tinitigan siya sa kanyang mga mata.
"Huwag mo na nga silang ipagtanggol. Kaya nasasanay 'yung mga iyon dahil sinasanay mo." Ngunit sa halip na sagutin pa ako ay napatawa lamang ito.
Bakit ba ganito itong babaeng ito? Nakakairita na rin minsan 'yung kabaitan niya. Hindi man lamang alam kung paano ipagtanggol ang sarili.
"Jennie, seryoso ako. Kailangan mong matutunan kung paano mo ipagtanggol ang sarili mo. Paano kapag bigla na lang akong nawala? O kung hindi naman---"
"Hindi ka mawawala." Seryoso ang mukha na sabi nito sa akin bago napaiwas ng kanyang tingin pagkatapos ng ilang segundo.
"Ilalabas ko lang itong juice sa kanila." Paalam nito sa akin atsaka walang lingon likod na muling nagtungo sa sala.
Napapailing na lamang ako sa aking sarili. Kahit kailan talaga. Tsk!
---
Habang tahimik na nakatulala lamang ako sa kawalan at nakaupo lamang dito sa labas ng bahay nina Brent, ay naramdaman ko ang paghalik nito sa tuktok ng aking ulo. Naupo ito sa aking tabi bago iniyapos ang kanyang kaliwang braso sa aking beywang.
Nakauwi na rin ang kanyang mga kaibigan na hanggang sa makaalis nalang ang mga ito ay hindi ko talaga pinapansin. Manigas sila!
"Hindi ka ba napapagod, hon?" Biglang tanong nito sa akin na ikinakunoot ng aking noo at mabilis na pag baling ng aking mga mata sa kanya.
"Sa pagtatanggol palagi sa mga nang-aaway at nangbubully kay Jennie." Pagpapatuloy niya.
Hindi kaagad ako nakapag salita. Napahinga muna ako ng malalim.
"Bakit? Dapat ba mapagod akong gumawa ng mabuti para sa kaibigan ko?" Tanong ko rin dito pabalik. "Kaibigan ko siya. Para ko na rin siyang kapatid. Mga bata palang tayo, kami. Taga pagtanggol na niya ako, ngayon pa ba ako mapapagod?" Pagpapatuloy ko.
Isang matamis na ngiti ang iginawad nito sa akin pagkatapos dahilan upang mas lalong mapakunot ang noo ko.
"Kaya mas lalong minamahal kita eh." Sabi nito. "Salamat, hon. I mean it. For always protecting Jennie." Dagdag pa niya.
Muli ay hindi na ako kumibo at piniling ibaling nalang sa ibang direksyon ang aking mga mata.
"Pwede bang wag kana masyadong mag-isip pa riyan?" Muling wika ni Brent. "Okay naman si Jennie. Nasa kuwarto na siya, nagpapahinga."
Napalunok ako at muling napaharap sa aking nobyo.
"Basta Brent ha. Kapag kinasal tayo, gusto ko kapitbahay parin natin siya." Pakiusap ko rito. Napatawa naman ito kaagad dahil sa narinig.
"Brent, seryoso ako." Sabay pout ko. "I don't think I can live without her."
Napatango ito. "Okay, hon. kung gusto mo sa bahay na rin natin siya tumira eh." Agad naman na lumiwanag ang aking itsura dahil sa narinig.
"Talaga ba?" Hindi makapaniwala na tanong ko habang namimilog pa ang mga mata.
"Of course! She's my little sister. Hindi ko siya pwedeng basta nalang pabayaan. Isa pa, mukhang wala siyang planong mag-asawa." Dahil sa sinabi ni Brent ay napaisip ako.
Simula kasi noong mga bata pa lamang kami, wala pa akong nabalitaan na may natitipuhan si Jennie. Kung meron man, panay Kdrama at Hollywood actors lang naman ang meron siya. Bukod doon, wala na.
Sa totoo lang, hindi naman talaga pangit si Jennie. Siya na nga yata ang pinaka magandang babae sa buong University eh. Hindi lang talaga ito nag-aayos at mas trip 'yung mga sinaunang porma at kasuotan.
At mas lalong hindi ito pala kaibigan. Palaging ballpen, papel at libro lamang ang makikita mong hawak niya. Masaya na siya sa mga bagay na iyon. Kaya minsan, hindi ko rin mapigilan ang mas lalong hindi mag-alala para sa kanya.
Hays. Ewan ko rin nga sa babaeng iyon. Masyadong kinukulong ang sarili kahit na hindi naman dapat.
"Hon." Pagtawag sa akin ni Brent na siyang muling pumukaw sa aking atensyon.
"May problema ba?" Nag-aalala na tanong nito. "Bigla ka nalang kasing napatulala riyan eh." Agad na napailing ako.
"Wala naman. Napapa isip lang." Sagot ko bago marahan na isinandal ang aking ulo sa kanyang balikat.
"Hon." Muling pagtawag nito sakin.
"Hmmm?"
"Tangad ka." Utos nito. Hindi ko siya kaagad sinunod dahil napahikab muna ako dahil sa biglang nakaramdam ng antok.
"Please?" Pakiusap pa niya. Dahil doon ay hindi ko na napigilan ang muling mapangiti.
Ginawa ko ang sinabi nito. Muling iniangat ko ang aking ulo at noon din ay sinalubong ako ng kanyang mga labi. Isang matamis na halik ang ibinigay nito sa akin na agad ko ring ginantihan.
Ngunit wala pang ilang segundo nang mabilis ko itong itinulak palayo mula sa akin nang makita kong nakatayo si Jennie sa may unahan na tila ba nagulat pa sa kanyang nakita.
"S-Sorry. A-Akala ko lang kasi walang tao...p-pasok na ako ulit." At pagkatapos ay patakbo na muli itong pumasok sa kanilang bahay habang ako naman ay napapalunok na nakatitig lamang sa pintuan kung saan siya nang galing.
Hays. Nakakahiya! Reklamo ko sa aking sarili at ibinaon ang aking mukha sa dibdib ng tatawa-tawa na si Brent.