Gaano naba katagal?
Simula nung ideya ay naging matumal?
Mga tugma ay mistulang utal utal
Tumigil sa bagay na mahal
Huminto sa bagay na aking takbuhin
Tuwing labis ang damdamin
Ito ang paboritong gagawin
O teka baka iba pa ang isipin
Isa lang naman ang dating tuunan ng pansin
Ang dating hilig at lagi kong gawin
At yon ay papel at pluma ay kunin
Mga salita at tugma sa isip pa daluyin
Ngunit sa paglipas ng panahon
Waring nahirapan akong bumangon
Dumaan lang ang oras at mga hamon
Ako'y natangay ng alon
Kaya heto ako ligaw
Damdamin nag susumigaw
Ngunit tila walang marinig ng aking hiyaw
Nais kong kumawala't maghanap ng ilaw
Dito sa aking tinatahak na landas
Na diko malaman saan ang bukas
Mga problemang mahirap malutas
Damdamin na di mahanapan ng lunas
Ano na nga ba ang nangyari?
Nasaan ang dulo ng bahag-hari?
Parami na ng parami ang mga bagay na di maari
Imbes ang nais na mangyari
Kaya nga heto ako lito
Hindi malaman ang gusto
Sarili'y hindi matimpla't mahusto
Nais bumalik sa bagay na paborito
Bagay na minsang nagpagaan at pasaya
Naging kaibigan sa gitna ng trahedya
Takbuhan noong walang nagbibigay simpatya
Gusto kong ibalik yung gana at saya
Nung ako palang ay nagsisimula
Noong nagaaral palang ng tamang timpla
Kung paanong ang bawat tugma ay kay sigla
Nais kong bumalik sa paghabi ng tula
Pero ako lang ay di sigurado
O akin lang tong ginagawang komplikado
Ang hirap maging desido
Lalo kung ang daan ay dimo kabisado
Ngunit maari namang subukan
Malay natin muli kong matagpuan
Ang insipirasyon at kasiyahan
Sa likod ng mga taludtod at tugmaan
Aking mahanap mga kasagutan
Sa milyong katanungan
Tungkol sa mga bagay na nasa aking harapan
Baka ito ang magbukas ng pintuan
Tungo sa bagay na nais kong makamtan
Ang pagbalik ng dating kasiyahan
Pag balik ng aking takbuhan
Mula sa magulong nararamdaman
Kaya buo na ang aking pasya
Muli nating buksan at ituloy ang istorya
Susulat muli ng mga tula na tungkol sa trahedya
Ang tanong kaya ko pa kaya?