Chapter 5 - Chapter 4

Craige's POV

Pinigilan ko ang mapangiti nang makita ko siyang lumabas sa kuwarto. Sa totoo lang nakatatawa ang hitsura niya. Malaki ang pagkakanganga ng bibig niya. Ang malalim at mapupungay niyang mga mata ay nanlaki ng husto. Ang cute niya sa suot na school uniform.

Napakasimple niya, walang make-up. Natural na mamula-mula ang kaniyang pisngi, maganda ang pagkakatangos ng ilong at prominente ang kaniyang checkbone na bumagay sa maliit at bilugang hugis ng mga labi. Hindi siya masyadong maliit at 'di rin matangkad. Sa tingin ko ay lagpas balikat ko lang siya.

Nagbago ang expression ng mukha niya at biglang nagusot nang makabawi sa pagkabigla. Isinara nito ang pinto at tinaasan ako ng kilay. Nginitian ko siya para lalong mainis.

"Anong ginagawa mo dito?" salubong ang kilay na tanong sa akin.

"I'm here to fetch you. Mahirap na, baka hindi ka na naman sumipot sa cafeteria mamaya." Ipinamulsa ko ang dalawa kong kamay kasabay ng pagtayo mula sa couch.

"Ate Kakai, umalis si ate Monica para mamalengke. Ate, boyfriend mo ba si kuya Craige?" Nakangiti ang kapatid ni Keana at kumiskislap ang mga mata habang tinatanong ang ate niya. Lalong nagusot ang mukha nito at tiningnan ako ng matalim.

Cute.

"Hindi ko boyfriend ang unggoy na iyan, Aira! Sa susunod huwag kang magpapapasok ng hindi mo kakilala dito sa bahay. Mamaya miyembro iyan ng sindikato. Naghahanap ng makikidnap na bata para may pagkuhanan ng internal organs na ibebenta sa mga parokyano nila." Sinulyapan ako nito at pinanlakihan uli ng mga mata.

Iyong kapatid naman niya napaatras at tiningnan ako ng masama sabay takip ng dalawang kamay sa bibig nito.

"Hoy, ikaw!" Pinanlakihan ko rin siya ng mata. Gusto ko sanang duruin ang noo niya ng daliri ko kung hindi lang nakikita ng bata.

"Are you crazy? Anong miyembro ng sindikato ka diyan? Wow, your imagination was really out of this world!" Hinablot ko ang isang kamay niya sabay hatak.

"Halika na at mahuhuli na ako sa klase ko."

Nagpupumiglas siya pero hindi ko siya binitawan. Nilingon ko ang kapatid niya na si Aira.

"Halika na baby, ihahatid na rin kita sa school mo." Kinindatan ko siya at napangiti naman ito saka sumunod sa amin palabas.

Binuksan ko ang pintuan sa front seat ng puting kotse at itinulak siya sa loob. Sinamaan niya ako ng tingin bago umayos ng upo. Binuksan ko rin ang sa backseat para doon paupuin ang kapatid nito. Napangiti ako bago umikot sa driver's seat.

"Fasten your seatbelt."

Hindi siya kumilos kaya inabot ko ang seatbelt at dumukwang sa harap para ikabit ito sa tagiliran niya. Naramdaman ko ang biglang pag-estawa niya sa upuan. Parang pinipigilan niya ang kaniyang paghinga dahil hindi ko maramdaman ang init ng hininga niya. Sinadya kong tagalan ang pagkakabit. Tingnan natin kung hindi mapugto ang hininga niya.

"A-ang tagal mo naman diyan!" Effective ang ginawa ko, nauutal siya. Akala mo kung sinong matapang, ano ka ngayon? Hindi mo ako madadala sa katarayan mo!

"Be still! Lalo akong matatagalan." Napangiti ako bago bumalik sa pagda-drive.

"Kuya Craige, ang tagal mo naman! Mali-late na ako eh." Kumakamot si Aira sa ulo niya at nakasinabangot na.

"Okay baby, aalis na tayo. Si Ate mo kasi parang bata." Ihinarang ko ang isang kamay sa may gilid ng bibig habang kinakausap si Aira. Kunwari'y bumubulong ako pero alam ko naman na naririnig nito. Sinulyapan ko si Keana na hindi maipinta ang mukha. She's getting more beautiful every time she make a face.

Nilingon nito si Aira sa likod. "Hindi mo siya kapatid kaya huwag mo siya tawaging kuya, Aira!"

Nag-facepalm si Aira at itinukod ang mga siko sa tuhod niya. "Mas matanda siya sa akin ate kaya kuya ang tawag ko sa kaniya."

Binuhay ko na ang makina para paandarin ang kotse. Pinakinggan ko na lang sila sa pag-uusap nila.

"Kung gusto mo maging magalang, manong Craige ang itawag mo sa kaniya." Balewalang sabi nito habang nakalingon sa labas ng bintana. Alam ko namang binubuwesit niya ako. Masyado siyang halata.

"Kuya Craige, sa tabi na lang po. Ito na school ko."

"Masyado pa akong bata para maging manong. Tsk..." Nagpreno ako sa tapat ng school na pinapasukan ni Aira.

"Thank you sa paghatid, Kuya Pogi. Ingatan mo si Ate kong manang ha!" Kinindatan pa ako nito kaya napangiti ako.

"Anong manang Aira. Ikaw talaga!" Nanggigigil na piningot nito ang tainga ng kapatid. Naabot niya bago makalabas sa kotse. "Umuwi ka kaagad pagkatapos ng klase mo ha! Huwag kang gagala at mag-aral ng mabuti."

"Aray Ate, opo. Good girl naman ako eh." Ngumiti ito bago tumalikod para pumasok sa school campus.

Tahimik kami sa biyahe papuntang GSMIC. Hindi man lang ito nag-aksaya ng laway para kausapin ako. Panakanaka ko siyang sinusulyapan at napapangiti ako ng maalala ang unang araw ng pagkikita namin. Napabuntong hininga na lang ako at ipinagpatuloy ang pagmamaneho hanggang makarating kami sa school campus. Inihinto ko ang kotse ko sa parking area ng campus. Agad siyang bumaba ng sasakyan. Pambihira, hindi man lang hinintay na makababa ako para pagbuksan siya.

"Salamat sa pagsundo mo pero sana hindi na maulit!" Sabay talikod at walang lingon-lingon na umalis.

"Tss...nagpasalamat ba iyon?" Mas mukhang galit kaysa nagpapasalamat. Agad na itong tumalikod 'di pa man ako nakasasagot sa kaniya.

Keana's POV

Business Mathematics ang una kong subject. I decided to take Bachelor of Science in Business Administration as a degree course then I'll acquire certificate in fashion design after I graduated. Gusto kong magkaroon ng knowledge about how to run a business.

Nakahinga ako ng maluwag nang makapasok ako sa room at umupo na sa assign seat ko. Nakunot kaagad ang noo ko nang mapansin ko na umupo si Craige sa katabing upuan ko.

"Bakit nandito ka? Dito rin ba ang klase mo?" Nakakairita na talaga siya. Naging stalker ko na yata itong taong 'to. Hindi ko na siya pinansin, nagkunwari na lang ako na wala siya.

"Kaena, hihintayin kita mamayang lunch sa cafeteria. Huwag kang magkakamali na hindi sumipot."

Iyon lang tumalikod na siya at lumabas ng room. Mabuti nga sigurong siputin ko na siya para matapos na ang pangungulit niya.

"Keana, nanliligaw ba sa'yo iyong poging nakabuntot sa'yo?" Kinalabit ako ni Yana na nasa likod ng upuan ko umu-occupy. Ang laki ng ngiti niya kaya nakalabas ang braces ng ngipin niya.

"Hindi ko manliligaw ang unggoy na iyon. May kailangan lang siya sa akin." Nailing na lang ako sa pagiging usyusera nito.

Pumasok na sa silid ang prof naming si Miss Robena Yu kaya umayos na sa pagkaka-upo si Yana. Tsinita si Miss Yu, sa pangalan pa lang halata namang may Chinese blood siya. Medyo istrikta siya pero mabait naman.

Nagsimula na siyang mag-lecture sa amin. Hindi ko siya masyadong maintindihan dahil nagagambala talaga ang isip ko ng buwesit na lalaking iyon.

Ano kaya ang ipapagawa o hihingin ni Craige na bayad sa 'kasalanan' ko daw?

Nagsulat ako ng mga maaaring ipagawa niya sa akin. Siguradong may ipapagawa siya sa akin dahil hindi niya tinaggap ang sorry ko. Naitukod ko ang palad sa isang pisngi ko habang kinakagat-kagat ang dulo ng ballpen. Naipagsalubong pa ang mga kilay ko dahil hindi ako makaisip ng puwede niyang ipagawa.

"Miss De Amorie!" Napatayo ako sa kinauupuan ng narinig ko ang pagsigaw ni Miss Yu sa akin. Napuno ng tawanan ang silid ng mga kaklase ko.

"Yes ma'am?" Napatingin ako sa kaniya habang kumakabog ang dibdib ko. Nakakahiya talaga. Hindi ko narinig ang sinasabi niya. Masyadong ukupado ang isip ko.

"Do you know how many times I called your name, Miss De Amorie? Four times." Lumapit siya sa tabi ko habang tinitingnan ako mula ulo hanggang paa. "You are not paying attention. You are an academic scholar but if you continue such manner during class, I will not be surprise if you won't make it to the next semester."

Napatungo ako sa hiya. "Sorry po ma'am. It won't happen again."

"I am counting on it. Anyway, solve the problem written on the board."

Pumunta ako sa harapan para sagutan ang Math equation sa whiteboard. Mabuti na lang kabisado ko ang simple equation. Kapareho lang sa high school kaya mabilis kung nasagutan. Bumalik ako sa upuan pagkatapos kung magsagot.

Tiningnan ni Miss Yu ang sagot ko sa whiteboard. "Very good, Miss De Amorie. Next time I caught you not paying attention, you will be out of this class. Do you understand?"

"Yes ma'am." Napabuntung hininga ako. Itinuon ko na ang atensyon ko sa klase hanggang matapos.

Mabilis lumipas ang oras at natapos ang dalawa ko pang subject. Lunch time na. Dalawang oras ang bakante ko dahil alas dos pa ang susunod kong schedule. Tinungo ko na ang school's cafeteria at baka nandoon na iyong buwesit na lalaking iyon. Sana naman madali lang ang kabayaran ko para mabawasan ang isipin ko.

Napangiti ako ng mapakla pagkapasok sa cafeteria. Hati sa dalawang pangkat ang umpok ng mga estuyante. Iyong isa, sa mga katulad ko, scholar o kaya hindi kayamanan ang pamilya. Sa kabilang parte, sa mga anak mayaman.

Nahahati rin sa dalawa ang menu dito sa cafeteria. Iyong isa, Filipino cuisine samantala ang isa naman ay international. Araw-araw, iba-iba ang tema ng cuisine doon. Minsan western minsan naman ibang Asian dishes. Karaniwan na ang Korean, Japanese, Indonesian at Thai food ang pagkain dito. Marami kasing students na mula sa bansang iyon.

Hindi ako nakapagbaon ngayon kaya dito ako kakain ng tanghalian. Karaniwan na sa ilalim ng puno ng narra ako kumakain ng mag-isa. Pero ngayon dito muna. Siyempre doon ako pumila sa kabisado ng sikmura ko. Um-order ako ng dalawang plain rice at isang bicol express. Heavy lunch ako dahil nakakagutom talaga. Nagkape lang ako kaninang umaga tapos mamayang hapunan naman, tinapay lang ako. Alas sais ng gabi, duty ko na naman sa Drix Pizza House. Inukupa ko ang pandalawahang table malapit sa corner. Ayoko talaga ng malapit sa karamihan dahil naiilang ako sa kapwa ko mga estudyante na mukhang mayayaman maliban doon sa talaga ng mayayaman.

Hindi pa ako nakasusubo ng isang beses ay may lumapit sa aking babae. Mestiza ang hitsura niya at matangkad. Balingkinitan ang hubog ng pangangatawan nito at maputi ang makinis na kutis. Mataray ang mata nitong tsinita. Iyong tinatawag na cat's eye ang dating na kulay brown. Manipis ang mga labi nito na namumula sa lipstick.

"You!" turo nito sa akin. Nagpagkit ang kilay ko. Anong problema niya sa akin?

Lumingon ako para magkunwaring hindi ko siya naririnig. Kumakalam na ang sikmura ko tapos mukhang may istorbo pa. Nagmamadali pa naman akong kumain habang wala pa si Craige tapos may asungot pa.

"Bakit magkasama kayo ni Craige kaninang umaga?"

"I'm talking to you so pay attention!" satsat niya uli nang hindi ako sumagot.

Naks! Kung makapag-utos akala mo boss ko. Sino ba itong bruhita na ito?

"Miss, pasensiya ka na pero kasi kanina pa ako nagugutom."

Sinimulan ko nang sumubo pero nagulat ako dahil bigla niyang itinaob iyong lalagyan ko ng ulam. Natapon tuloy lahat. Napatayo ako sa kinauupuan ko saka hinablot ang buhok niya sabay subsob ng mukha niya sa natapong ulam. Punyemas na higad na ito, gutom na gutom na ako eh!

Siya kayang tanghaliin ko!

"Alam mo bang wala na akong pambiling ulam tapos itinapon mo lang? Kumakalam ang sikmura ko nang lumapit ka para manggulo."

"Ouch bitch! Let me go!"

"Sige magsisigaw ka diyan pero hindi kita bibitawan. Baka mamaya niyan ikaw pa ang iulam ko!"

Nagpupumiglas siya pero hindi ko binitiwan. Sigaw siya nang sigaw nang may biglang bumuhos na kung anong malamig sa ulo ko.

Nabitawan ko iyong babae at napatingin ako sa nagbuhos sa akin. Susugurin ko sana ngunit maagap na hinawakan nito ang kamay ko pati na ng isa pang kasama niya.

"Sige Trixie, bawian mo at kami ang bahala."

Napatingin ako sa maarteng magsalita na nakahawak sa kanang kamay ko. Iyong isang nasa kaliwang kamay ko ay hindi nagsalita. Hinawakan ng babaeng tinawag nitong Trixie ang baba ko t'saka itinaas ang mukha ko. Kinuha niya ang natapong ulam saka pilit na isinubo sa bibig ko. Kinagat ko ang kamay niya kaya napatili siya.

"Shit!" Nagmura siya saka sinampal ako sa magkabilaang pisngi. Nangapal bigla ang mukha ko.

Pinunasan niya ang sauce na dumikit sa kaniyang mukha. "Next time, you should try to know who you're dealing with."

Umigkas na naman ang kamay niya para samapalin ako nang biglang humarang ang isang lalaki sa harapan ko kaya ito ang tinamaan nong Trixie. Nanlaki ang mata nito nang makita ang lalaki.

"Craige!?" she uttered in horror. "I - I'm sorry."

"Let her go!" Matalim ang mga matang ipinukol niya sa mga nakahawak sa akin. Binitawan naman ako ng mga ito na parang takot na takot. Hindi ako makagalaw sa kinatatayuan ko. Maliban sa pamamanhid ng aking pisngi, bigla kong naramdaman ang panginginig ng mga kamay ko. Mahigpit akong napahawak sa dulo ng palda ko.

I was terrified.

"I'm really... really sorry, Craige." Hinawakan ni Trixie ang kamay ni Craige pero tiningnan din siya ng masama kaya binitawan niya ito.

"Apologize to her!" utos ni Craige dito. Naniningkit at namumula ang mga mata nito sa galit.

"Hey, why would I?" tumaas ang boses nito pero halatang nahihindik sa iniutos sa kaniya. "She bit me!"

"It's all your fault! Say sorry to my girlfriend or I'll bring you to the disciplinary committee," banta ni Craige.

"Girlfriend!? You're kidding," she hissed.

"I'm not. Say it!" He gritted his teeth.

"Sorry," paghingi nito nang paumanhin pero halos siya lang ang nakaririnig.

"Louder!" singhal ni Craige na ikinakislot nito.

"You, too!" Turo niya sa dalawang babaeng humawak sa akin.

Para silang mga basang sisiw na humingi ng tawad sa akin pero hindi ako umumik. Ang hirap magpatawad gayong kumakalam na naman ang sikmura ko. Pero kung may kasamang lechon ang sorry nila, puwede na. Joke, gutom lang talags ako. Tumalikod na ang tatlo at nagmamadaling lumabas ng cafeteria. Nagbubulungan ang mga estudyanteng nakasaksi sa telenobelang nangyari.

"Are you okay?" Pinunasan ni Craige ang bibig ko ng panyo. Nakita ko ang pag-aalala sa mga mata niya.

Kinuha ko ang panyo sa kamay niya para ako na ang magtuloy ng pagpupunas.

"Okay lang ako except na nagugutom talaga ako. Buwesit na mga iyon, ibinuhos ang pagkain ko."

Napahawak ako sa tiyan ko ng humapdi ito. Hindi ko maintindihan kung bakit bigla na lang siyang ngumiti. Kinuha niya ang bag ko saka hinila ako." Teka, saan mo ako dadalhin?"

"Magla-lunch tayo. Hindi ba nagugutom ka?" Hindi na ako umangal sa paghila niya sa akin.

"Wala na akong pera," Nahihiya kong sabi.

"My treat."

Pumasok kami sa isang mamahaling restaurant. Iba ang ambiance ng paligid, nakakabutas ng bulsa.

Sabi na eh!

"Ayoko nang kumain!"

******