"At saan ka naman pupunta?"
HALOS mapatalon ako. Napaikot ako para harapin ang may-ari ng boses.
He looks annoyed. He was casually leaning his back against the wall, right beside the building's corner, arms crossed. His one calf was rested on top of the leg's shin, hands pocketed on his black hooded jacket with Adidas printed on the front. He squinted his eyes on me.
"Naisip ko talaga na dito ka dadaan at lalo akong nagduda noong matagal kang lumabas." Umalis siya pagkakasandal at lumapit sa akin.
"Pupuntahan naman talaga kita sa harap," I reasoned out.
He sneered. "Do you expect me to believe? Let's go! I'm taking you home. Just in case you are planning of fleeing again, I know where to find you."
He held my wrist rigidly and dragged me to his car. Wala akong magawa kung hindi ang magpatianod kasi nasasaktan ako sa hawak niya.
"Sorry," pabulong na sabi ko sa lalaking humahatak sa akin. Hindi naman ako ma-pride na tao pero ewan ba kung bakit nahihirapan akong mag-sorry sa ginawa ko sa kaniya.
Napalingon siya na nakakunot ang noo. Beast mode pa rin.
"What?" He halted and looked back at me. Sobrang sungit nitong lalaking ito.
"I said, sorry. Hindi ko naman kasi alam na hindi ikaw iyong pumatid sa akin eh. Buwisit kasi iyong lalaking pumatid sa akin. Ikaw kasi ang pinakamalapit noong matumba ako kaya napagkamalan kita," I lowered my tone.
"Exactly! Hindi ka muna nagtanong bago mo ako hinampas ng bag mo. And the worst thing you did was when you purposely stepped on my feet. Your sorry is not enough. Let's go! Let's meet at the cafeteria on Monday so we can talk about your payment." Binuksan nito ang kotse sa front seat para pasakayin ako. "Get in."
"Anong payment? Bumbay ka ba na nagpautang? Nagso-sorry na na ang tao."
Tiningnan niya ako ng matalim.
"Anong kaguluhan ito?" Nagpalipat-lipat ng tingin sa amin si Nancy. Sumulpot ito bigla sa likuran namin. Noong hindi ako sumagot ay lumapit ito sa akin na nagtatanong ang mga mata.
"Arte." Inirapan ko iyong lalaking nakasimangot at binuksan ang pinto ng backseat para doon umupo. "Dito ako sasakay! Halika dito sa tabi ko, Nancy."
"Dito ka sa front seat! I am not your driver." Nagdilim ang itsura nito habang nakatingin sa akin.
"Friend ako na lang sa front seat kung ayaw mo." Malapad pa ang ngiti ng bruha. Buwiset! Ang landi nitong besfriend ko. Sa inis, hinablot ko ang kamay niya papasok ng kotse at muntikan siyang mapasubsob.
"Aray naman, Keana. Magdahan-dahan ka naman." Nilingon at sinilip ni Nancy iyong lalaki sa labas at nginitian. "Pasensiya ka na sa kaibigan ko, Pogi. Mabait naman talaga 'to."
"Hindi pa ba tayo aalis? Hinihintay ako ng kapatid ko, kung wala ka pang balak mag-drive diyan, eh lalabas na lang kami." Umakto akong tatayo para lumabas pero sukat ba namang ibagsak ang pinto ng kotse. Kinabahan ako dahil muntik maipit ang kamay ko. "Hoy kung naipit mo ang kamay ko gaganti talaga ako! Kesehodang madagdagan ang babayaran ko sa iyo!"
Pinaandar na niya ang kotse ng walang sinasabi. Nakakainis! Nag-so-sorry na nga ako pero ayaw tanggapin. Magbabayad pala ako ng kasalanan ha! Tingnan natin kung hanggang saan mo ako makakayanan.
"Craige," narinig kong sabi nito habang nakatingin sa akin sa rearview mirror.
"Ano kamo?" narinig ko naman ng maayos ang sinabi niya kahit mahina ang boses. Siyempre kulob at aircon ang magara niyang kotse. Yayamanin ang lalaking ito. Ano naman ang mapapala niya kung pagbabayarin niya pa ako? Maiistorbo lang siya sa presensiya ko.
"I'm Craige David Montello. I think we should know each other. I don't like stranger riding with me." Sinulyapan niya uli ako sa may salamin.
"Hindi ko naman gustong sumakay dito! Pinilit mo lang ako." Inirapan ko siya. Ayaw pala ng stranger tapos hinatak ako!
"Hi! Ako si Nancy. Ito namang magandang friend ko ay si Amara Keana De Amorie." Wala na akong nagawa sa atribidang kaibigan ko. Napailing na lang ako sa kanya.
"Nice meeting you, Nancy." Himala dahil ngumiti si Mokong este Craige. Sinulyapan niya ako kaya nag-iwas ako ng mata sa kaniya. Ang perfect ng smile niya. Gosh! Hihimatayin yata ako. Ang ganda ng mga mata niya tapos para siya commercial model ng isang toothpaste brand!
Natampal ko bigla ang noo ko sa naisip ko. Bakit ba ako kinikilig sa mokong na ito?
"Ano bang ginagawa mo sa sarili mo friend? Sinasaktan mo ang sarili mo eh." Siniko ako ng bruha at saka inginuso si Craige sa harap habang abala sa pagda-drive.
"Yummy!" Bulong ni Nancy sa tainga ko na kinikilig. Parang sinisilihan ang puwet ng babaitang ito. Kung alam lang niya na namumuroblema ako dahil dito. Itinuon ko na lang ang paningin ko sa labas ng kotse. Pinagmasdan ang mga nadadaanang nagkikislapang iba't-ibang kulay ng ilaw ng mga bukas na signage ng mga establishment.
"Saan ko kayo ihahatid?" Sumulyap uli ito sa rearview mirror at tumingin sa akin. Oo nga pala, hindi niya alam kung saan ako nakatira.
"Sitio Kampupot, Barangay Lupang Pangarap, malapit na. Pakihinto mo na lang kami sa tapat ng school." Bumuntong hininga ako pagkatapos kong sagutin siya. Paano pa ang pribadong buhay ko? Ini-envade ng lalaking ito. Ganon ba kalaki sa kaniya ang kasalanan ko para bantayan niya talaga ako? He's a total jerk.
"Sa school ka ba nakatira? " Nang sulyapan ko siya, parang naiirita na naman.
I rolled my eyes and flaunted a fake grin. "Malamang hindi! Paano namang school ang magiging tirahan ko?"
"Obvious naman na hindi. Ang sabi ko sa bahay mo kita ihahatid para alam ko kung saan ka nakatira. Malay ko ba kung hindi ka sa mismong bahay mo magpahatid. I wanted to make sure you're not deceiving me." Nakatingin lang siya sa kalsada habang nagsasalita.
Segurista ang lintik na lalaking ito. Sa inis, hinampas ko ng bag ang ulo niya kaya gumewang ang kotse.
"What are you doing? I'm driving here so back off!" pasinghal nito sa akin.
"Oo nga naman Keana, kung gusto mo mamaya na lang pagnakababa na tayo." Natawa ako sa sinabi ni Nancy.
"Walang nakakatawa sa sinabi ng kaibigan mo." Lagi na lang gusot ang noo ng lalaking 'to. Kapag nalaman kong pikon talaga siya, aasarin ko siya lagi.
"We're here, tell me where to stop."
"Iliko mo sa may kanto, doon sa may arko sa taas na may nakalagay na malaking ibon tapos huminto ka sa tapat ng kulay pulang gate." Mabuti na lang pala mas napabilis ang uwi ko dahil may libreng service kami ngayon.
Natatanaw ko na ang gate ng tinutuluyan ko at huminto na siya. Mabilis pala makakuha ito ng deriksyon. Bumaba si Craige sa kotse at maagap na binuksan ang pintuan sa tapat namin.
"Salamat sa paghatid. Ngayong alam mo na kung saan ako nakatira ay puwede ka nang umalis." Hindi na ako nag-atubiling bumaba. Masakit na rin kasi ang katawan ko at kailangan ko nang magpahinga. Maaga pa akong gigising bukas para mag-asikaso sa kapatid ko bago pumasok sa school. Ang hirap talaga ng walang magulang pero hindi ko naman puweding pabayaan si Aira. Dalawa na lang kaming magkasama at ako ang panganay kaya responsibilidad ko siya.
"Friend uuwi na ako. Inaantok na rin kasi ako eh." Niyakap niya muna ako bago humarap kay Craige. "Craige, salamat sa libreng sakay. Na-save ko iyong pamasahe ko."
"Walang anuman." Hindi ko mawari kung bakit naapektuhan ako tuwing ngingiti siya. Ang guwapo talaga ng mokong na ito.
Maganda ang pagkakatangos ng ilong nito, hindi malaki. Itim na itim ang tuwid na makapal at 'di kahabaang buhok na mukhang alaga sa mamahaling shampoo. Mas makintab pa nga ang buhok niya kaysa sa akin. Napaka-seductive ng aura ng mga mata niya habang nagre-reflect dito ang mangilan-ngilang ilaw sa tabing kalsada. Bumagay sa makapal niyang kilay na akala mo laging sinusuklay dahil wala man lang kahit isang hibla ang lumihis ng deriksyon sa magandang arko nito.
At iyong labi, napakagat ako sa ibabang labi ko ng dumako dito ang mga mata ko. Ang sarap sigurong halikan ng maninipis at mapupulang labi niya.
Ano ba itong iniisip ko? Nababaliw na yata ako.
Tumalikod na si Nancy nang muling magsalita si Craige.
"Did I pass your criteria?" Nakangising sabi nito.
"Ha?!" napamulagat kong turan.
"Nakapasa nga ba?" nakangiting tanong niya uli.
I cleared my throat. Wala kasi akong maisagot. Caught in the act eh. Krimen lang?
Pero bakit parang ang saya niya na nahuli akong nakatitig sa kaniya? Kumikislap ang mga mata niya. Nakakahiya na nga dahil naaktuhan niya akong pinag-aaralan ang mukha niya. Mabuti na lang medyo madilim kun'di sigurado kitang-kita ang pamumula ng pisngi ko. Naramdaman ko kasi ang pag-iinit nito.
"U-umuwi ka na." Ano ba 'yan! Bakit ba ako nauutal? Nagmumukha akong tanga nito eh!
"Not until I see you get in. Malay ko ba kung hindi iyan ang bahay mo." Nakapamulsa itong sumandal sa puting kotse niya habang hinihintay na pumasok ako. May nakalagay na silhouette ng tumatakbong kabayo sa bumper noon kotse.
Magkano kaya ang ganoong kotse? Wala lang, naisip ko lang naman kasi ang gara sa loob.
"Ibang klase ang pagiging sigurista mo! Ano naman ba ang mapapala mo sa pagbabantay sa akin? Para sa kapirasong kalasanan ko, akala mo ninakawan ka ng milyones at takot matakasan." Naiiling akong tumalikod sa kaniya para pumasok na sa gate.
"Magkita tayo sa cafeteria bukas!" pahabol na sigaw nito. Hindi na ako lumingon sa kaniya at nagtuloy-tuloy na pumasok ng bahay.
Sinilip ko siya sa bintana pagkapasok ko sa loob. Ibang klase talaga siya, saka lang pinaandar iyong kotse ng makasigurong nasa loob na ako. Napailing ako at hindi mapigilang mapangiti. Ngayon lang kasi ako naka-experience na may naghatid na lalaki sa akin kahit na ang dahilan niya para bantayan ako para hindi tumakas sa kaniya, iba pala talaga ang pakiramdam na may umaaligid sa iyo.
Umaaligid? Assuming ka day?
"Ay butiki!" Napatalon ako nang may kumalabit sa akin. Biglang kong nasapo ang dibdib dahil parang gustong kumawala ng puso ko sa sobrang bilis ng kabog nito. "Ate Monica, naman eh! Bakit po ba kayo nanggugulat?"
Napakamot ako nang makita kong ngingisi-ngisi si Ate Monica habang kabang-kaba ako. Kasama namin siya sa boarding house bilang mag-isa lang din siya. Dito na kami pinatira kaysa sa ibang unit dahil dalawa ang silid nito. Iyong isa ang inuukupa niya. Para may kasama kami pati siya rin. Nasa ibang bansa kasi ang mga magulang niya bilang OFW. Doon na nanirahan ng matagal na panahon pero ayaw niyang sumunod dahil walang maiiwan sa naipundar na paupahan nila.
Ini-on niya ang ilaw na nasa tabi ng pinto ang switch saka sumilip sa labas ng bintana. "Sino iyong lalaking naghatid sa iyo? May boyfriend ka na ba?"
"Wala naman po, Ate Mon ah!" Naging mailap ang mata ko. Tsismosa talaga itong si Ateng.
Dinutdot ng hintuturo niya ang noo ko. "Hoy Kakai, huwag ka ngang magsinungaling diyan! Kaya ako nagising dahil sa ingay ng kotse na huminto sa tapat natin. Kitang-kita na nga nagde-deny pa."
"Pambihira ka Ate, kanina pa po pala kayo gising tapos hindi niyo manlang binuksan iyong ilaw." Napailing ako sa kalokohan nito. Kalog din kasi si Ate Mon at kasundong-kasundo namin. Para na siyang nakatatandang kapatid namin. Sana nga hindi muna siya mag-asawa.
"Gusto ko kasing makita iyong may-ari ng sasakyan. In fairness, guwapo iyong manliligaw mo. Pero Kakai, paalala lang ha. Mag-aral ka muna para magkaroon kayo ng kapatid mo ng magandang kinabukasan." Umupo ito sa sofa at isinampay sa mesita sa harap ang mga paa na magkapatong. Sumandal pa ito na inunanan ang mga braso saka humikab.
"Hindi ko po siya manliligaw ate Mon, ipaliwanang ko na lang po sa inyo kapag wala na akong pasok. Matutulog na ako po ako, Ate. Kayo po ba hindi pa matutulog?" Binuksan ko na ang pinto ng kuwarto para pumasok.
"Mamaya-maya pa, magpapaantok uli ako. Sige na matulog ka na."
Magpapa-antok daw eh panay na nga ang hikab. Pumasok na ako at isinara ang pinto. Mahimbing nang natutulog ang kapatid ko.
Nag-inat ako ng mga kamay sabay hikab. Hayyy...kanina pa rin ako inaantok. Nagpalit na ako ng damit na pantulog saka humiga. Pabaling-baling ako sa higaan. Ano ba kasi naman eh! Inaantok na ako pero hindi ako makatulog. Kainis! Sa tuwing pumipikit ako nakikita ko ang mukha ng mokong na iyon. Hindi ko na namalayan kung anong oras na ako nakatulog. Siguro dahil na rin sa sobrang antok.
"Good morning - eyes bags?" Nanlaki ang mga mata ko sa harap ng salamin.
Craige, kasalanan mo ito, eh! Ayaw magpatulog.
Makaligo na nga.
Kasalukuyan akong nagbibihis ng school uniform nang maulinigan ko na may kausap si Ate Monica sa may sala.
Sino kaya iyon? Napakunot ako ng noo.
Siguro iyong makulit niyang manliligaw. Ang aga namang manligaw ng unggoy na iyon. Kahit magligaw instik pa siya, walang siyang pag-asa kay ate Monica. Hanggang ngayon kasi umaasa pa siya na makikita uli iyong first love niya slash first boyfriend na tinakasan niya pagkatapos niyang sagutin.
Nanalamin ako sa half-body mirror namin sa kuwarto. Kulay cream ang long sleeve blouse na uniform ko na may maroon checkered ribbon. Iyong palda ko naman ay above knee ang haba na may maliliit na pleats. Kapareho ito ng tela ng ribbon sa blouse ko. Kinuha ko na ang bag para lumabas ng kuwarto.
Kanina pa sa labas si Aira dahil pinauna ko siya. Nagsalubong ang kilay ko nang marinig ang bumubungisngis ni Aira. Sino kaya iyong bisita sa labas? Hindi naman ganoon si Aira kung si Kuya Ashmond iyong bisita.
Nagmadali akong lumabas ng kuwarto. Nagsalubong ang kilay ko nang makita ang kausap ni Aira. Ang lapad ng ngiti nito pagkakita sa akin.
"Anong ginagawa mo dito?"
******