Date: May 25, 2020
Time: 6:00 A.M.
Maaga ang call time nila Jin para sa kanilang finals na magaganap ng 10 a.m kaya 6 a.m. pa lang ay umalis na siya sa bahay at iniwanan niyang tulog sina Jon at Bullet.
Nang makarating na siya sa kanilang office building, marami ng mga tao na nag aasikaso para sa pag prepare ng events. Lahat ay busy, nagtatakbuhan, aligaga, at may mga kinakausap at nag aayos.
Napadaan siya sa Midnight Hall at nakita niya na nag-aayos na ang mga coordinators at sineset-up na ang lugar para sa event nila Chris na magaganap ng 6:30 p.m.
Pagkadaan niya sa Midnight Hall, dumiretso na siya sa gymnasium upang kitain ang kanyang team. Pagkarating niya sa entrance ng gymnasium, wala pa masyadong tao ngunit pumasok na siya at umupo sa bench, at nag-phone na lang muna pampalipas oras.
Habang nagtitingin siya ng mga posts sa Facebook, biglang may tumabi sa kanya at kinausap siya.
"Ang aga mo naman talaga, Jin!" sinabi ni Rjay na kararating lamang sa gymnasium.
"Nandito ka na pala, Rjay!" nakangiting bati ni Jin, "Oo, call time namin kaso wala pa sila. Oo nga pala, kayo makakalaban namin. Parang noong nag practice match lang tayo ah?" nakangiting sinabi ni Jin.
"Kaya nga, Jin, buti wala pa sila. Masasabi ko 'to sa'yo, mag ingat ka sa mga players namin ah? Feeling ko may binabalak sila sa'yo. Hindi ko alam kung ano, pero hangga't maaari mag-ingat ka." paalala ni Rjay.
Natawa si Jin sa paalala ni Rjay at hindi niya ito sineryoso, "Bakit? Pipilayin ba nila ako? Nako, masasayang lang effort nila. Hindi lang naman ako ang magaling sa amin."
"Sa paningin nila, Jin, oo. Ikaw pa lang naglakas loob na tumalo sa kanila. Kaya nasayo lahat ng mata nila at gagantihan ka nila."
"Sandali, bakit mo sa akin sinasabi? 'Di ba magkalaban 'yung team natin?"
"Sinasabi ko sa'yo 'to kasi kaibigan kita. Magkalaban lang yung teams natin, pero hindi ibig sabihin na pababayaan na lang kita." nag aalala na sinabi ni Rjay.
"Aba naman! Mahal na mahal talaga ako!"
Niyakap ni Jin si Rjay nang pabiro, at hindi naman ito tinanggal ni Rjay dahil gusto niya rin ito.
Biglang dumating si Jorge sa gymnasium at lumapit sa pwesto nina Jin at Rjay.
"Ang sweet naman oh!" pabirong sinabi ni Jorge.
Nakayakap pa rin si Jin kay Rjay at hindi niya ito tinanggal habang nakatingin kay Jorge na nakangiti. Bigla naman humiwalay si Rjay mula sa pagkakayakap ni Jin dahil nahiya na siya.
"Sige, Jin, pupunta na ko sa post ng team namin, padating na rin sila. Basta 'yung sinabi ko sa'yo kanina ah?" nagpaalam na si Rjay at umalis na ito.
Kinausap na ni Jorge si Jin, "Jin, ready ka na ba mamaya? Makakalaban na naman natin sila. Hindi na ito practice match, pero tunay na laban na. Mas gagalingan na nila ngayon kaya alerto."
Sasabihin sana ni Jin ang binabalak ng Management Team sa kanya, ngunit nagdalawang isip siya at inilihim na lang, dahil baka magkagulo pa 'pag nalaman ni Jorge. Tingin niya ay masisira ang event, kaya hinayaan niya na lang ito.
Nagsimula na magsidatingan ang mga members ng bawat team pati, na rin ang mga coordinators na mag seset-up ng event para sa finals ng basketball.
Nang makumpleto na ang team ng Operations at Management, ay nag warm-up na ang bawat teams. Habang nag pa-practice sila Jin, napapansin niya na tinitingnan siya ng ibang mga players ng Management team. Masama ang tingin sa kanya, ngunit hindi niya na 'to ininda at nagpatuloy na lang sa pag-practice.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .
Punong puno na ng mga audience ang gymnasium dahil ilang minuto na lang ay magsisimula na rin ang finals ng basketball event. Halos lahat ng upuan ay wala ng bakante at ang iba ay nakatayo na. Excited ang lahat dahil isa ito sa mga events na pinakahihintay bukod sa Mr. and Ms. Star of the Night. Marami ang nag-uusap kung ang Management team pa rin ang mananalo o ang Operations team ang makakasungkit ngayon, at maaagaw ang trono sa sunod-sunod na panalo ng Management kada taon.
Habang hindi pa nagsisimula, ay hinahanap ni Jin sina Chris, Jade, Luna at Jon. Nagmamasid siya at hinanap sa lugar ng mga audience kung nasa gymnasium na sila para manood. Ngunit, bigo niyang makita ang mga kaibigan niya at pati na rin si Jon. Dahil malapit na magsimula, ay bigla siyang tinawag ni Jorge.
Pinapunta na sa gitna ng court ang lahat ng players ng bawat team at isa-isang pinakilala. Lahat ay naghihiyawan sa bawat pangalan ng player na binabanggit ng host. Ang pinakamalakas na cheer mula sa mga audience, ay ang parehas na Management at Operations dahil sa sinusuportahan nila ang sari-sarili nilang team.
Pagkatapos ipakilala ang bawat team, pumwesto na ang lahat ng maglalaro sa court at ang iba ay bumalik muna sa kani-kanilang mga posts at benches.
Kasama sa first five si Jin, pati na rin si Rjay. Nang magsimula na ang first quarter, mainit na agad ang mga pangyayari. Si Jin agad ang binabantayan ng Management team.
"Ako na naman binabantayan niyo. Hindi na gagana 'yan!" sinabi niya sa dalawang players ng Management team na nagbabantay sa kanya.
Hindi makakilos si Jin at makaporma, kaya naman ang ibang teammates niya muna ang gumagalaw.
Sa kalagitnaan ng 1st quarter, dahil sa pagbabantay kay Jin, ay ang iba niyang teammates ang kumilos at dahil dito, nakalamang sila. Ang standing ay 19-16, 19 sa Operations at 16 naman sa Management team. Tuwang tuwa ang mga nasa Operations team na nasa bench at ang kanilang mga workmates na nasa audience dahil nakakalamang sila.
Tuloy-tuloy lang ang flow ng laban at hindi nakahawak si Jin sa bola kahit isang beses dahil sa tindi ng pagbabantay sa kanya.
Natapos ang 1st quarter at ang standing ay 26-24. Lamang ang Operations team sa unang round. Habang nag-hahanda para sa second quarter, ay nag-meeting muna ang bawat teams para sa kanilang mga strategies.
Kinausap ni Jorge ang kanyang team, "As expected, si Jin agad ang kanilang target. Hindi ka na lalabas muna sa 2nd quarter, Jin. Sila Fred at iba pang players ang bahala muna sa quarter na 'to at papanoorin ko kung anong magiging galaw nila."
Pagkatapos ng pag prepare at pag-uusap ng bawat teams, ay nagsimula na ang match para sa 2nd quarter. Habang nasa bench si Jin, ay hinahanap niya pa rin ang kanyang mga kaibigan ngunit hindi niya pa rin sila makita.
"Darating kaya sila? Sabi ni Jin Tanda manonood daw siya, pero tingnan mo wala pa. Baka ayaw niya makita 'yung mangyayari. Hayaan mo na nga siya." bulong niya sa kanyang sarili habang pinapanood ang ongoing match.
Mas lumakas ang cheer ng Management team ngayong 2nd quarter, dahil nakakalamang na ang team nila. Ang standing ay 31-36, 31 sa Operations at 36 sa Management team.
Pilit na pinapalabas ng Operations team na mga nakaupo sa audience si Jin upang maglaro ito ulit. Kaya naman, nang magsimula ang 3rd quarter ay kasama na ulit si Jin sa line up.
Sa tuwing naglalaro si Jin ay nagbabago ang strategy ng Management team at nagfofocus sa kanya. Nag "boo" naman ang Operations team na nasa audience, dahil sa ginagawa ng Management team kay Jin.
Ngunit as expected, dahil sa strategy ng Management team na kay Jin ang focus, ay malaya na naman nakakagalaw ang ibang teammates ni Jin.
"Sinasabi ko na sa inyo. hindi nga 'yan gagana!" asar ni Jin sa mga kalaban niya at tila nagsisimula na mainis ang mga kalaban niya na nagbabantay sa kanya.
Nang matapos ang 3rd quarter, nakakalamang ang team ng Operations team ulit at ang standing ay 48-45. 48 sa Operations at 45 sa Management team.
Habang naghahanda ang bawat teams para sa fourth quarter, nakita ni Jin na kinausap ng coach ng Management ang referee. Napatingin siya kay Rjay na nakatingin rin sa kanya sa malayo, at sinenyasan siya nito at pinapaalalahanan na mag-ingat, at tumango naman siya.
Nagsimula na ang 4th quarter, at mas nag-iinit na ang Management team dahil pinapagalitan na sila ng kanilang coach sa pagkalamang ng Operations team.
Parehas na naglalaro sina Jin at Rjay sa 4th quarter. Nagbago ang strategy ng team ng Management at hindi na nila binabantayan masyado si Jin, ngunit may ginagawa na sila na hindi tama. Nakakalamang na ang team ng Management dahil sa ginagawa nilang plano. Binabangga nila ang katawan ng mga players ng Operations team upang hindi makatira ng maayos.
Napansin na ito ni Jorge, at sumisigaw na siya dahil hindi pa nag fo-foul ang referee. Ngunit ang referee ay tila hindi pinapansin ito at tuloy pa rin sa laban na parang walang maduming kaganapan ang nangyayari.
Sa kalagitnaan ng 4th quarter, nakakalamang na ang Management team at ang standing ay 51-66, 51 sa Operations at 66 naman sa Management team. Biglang pinanghinaan ng loob ang Operations team dahil lumalaki na ang lamang, at si Jorge naman ay naiinis dahil sa hindi fair na treatment sa kanilang laban ngunit wala siyang magawa.
Sa Operation Team's courtside, sumisigaw na si Jorge sa kanyang team na 'wag makikipaglaro ng madumi at panatilihing malinis ang laban. Nawawalan na ng lakas ng loob ang team ng Operations, dahil kada mapupunta sa kanila ang bola, ay binabangga sila ng Management team. Hindi din makakilos ng maayos si Jin dahil hindi niya makuha ang bola at napapagod na rin siya.
Naiinis na ang mga workmates ng Operations team na nakaupo sa audience, at sumisigaw na madaya ang labanan at luto na ito.
Malayong malayo na ang score dahil sa maruming paraan nang paglalaro ng Management, at tingin ng Operations team ay wala na silang pag-asa na makahabol dito. Ngunit gaya ng bilin ni Jorge sa kanila, pinagatuloy pa rin nila ang paglalaro ng malinis kahit pagod na sila at medyo pinanghihinaan na ng loob.
Meanwhile sa audience, sa lugar kung nasaan nakaupo ang ibang employees ng Operations team na hindi kasali sa basketball ay biglang may nagsalita.
"Ano ba 'yan! Bakit ganyan na ang scores? Tsaka bakit may nandadaya! Hindi pwede 'to!" sinabi ni Jade na naiinis.
Kadarating lang nina Jade at Chris kasama sina Jon at Luna naka shades at cap, dahil baka makita siya na nasa pwesto siya ng Operations team. Na-late sila sa pagdating dahil may mga inasikaso sila bago pumunta ng gymnasium.
"'Wag niyo sabayan 'yung inis ng team natin guys! Hindi 'yan makakatulong. Oh ito hawakan niyo 'to! Grabe kayo manonood kayo tapos wala kayong props! Dali dali dali!"
Inabot ni Jade isa-isa ang mga light sticks, sign boards, at cartolina na may message na—
Go Operations Team!
Wag papatalo sa mandaraya!
Laban lang ng malinis!
Kaya pa 'yang humabol!
Inabot naman ni Jon kay Chris ang isang cartolina na nakatupi pa. Ito ang signboard pang cheer para lang mismo kay Jin.
Tinanong ni Chris kung ano ang nakasulat dito, ngunit hindi sinabi ni Jon at ayaw niya muna ito ipaalam. Nakafold pa ang cartolina, at sinabi niya itaas lang ito ni Chris at buksan, at siya ang sisigaw para makita ito ni Jin. Ito ay para lumakas ang loob ni Jin at ganahan sa paglalaro.
Nang makuha ng ng Operations team ang lahat ng cartolina at lightsticks, ay nagsitayuan sila at isa isa na itinaas ang mga gamit pang cheer sa mga players ng kanilang department.
Nakita ito ng ibang team ng Operations team na naglalaro at unti-unti ay lumalakas ang kanilang mga loob. Ang mga players naman na naka-upo sa bench, kasama si Jorge, ay tumayo at pumunta sa pwesto ng mga workmates nila na nasa audience side. Inabutan din ni Jade ng lightsticks ang mga iba pa niyang workmates na kakarating lang sa pwesto nila na galing sa bench.
"Alam ko walang tulong 'to sa match, pero malaki ang magagawa nito para lumakas 'yung morale nila, at alam nila na nandito tayo na sumusupport sa kanila! Tsaka, mamaya gamitin niyo pa 'yan sa amin! Para din 'yan sa pageant namin ni Chris! 'Wag niyo sayangin battery ah?" pabiro ni Jade at habang nakangiti siya sa lahat.
Ang kaninang naiinis na Operations team sa audience side ay nabuhayan ng loob. Tinanong ni Jorge sina Jade kung bakit ngayon lang sila at paano nila ito naisip, kaya sinagot naman sila ni Jade.
"'Wag niyo ko tanungin, kasi, sumama lang ako nang tinawagan ako ni Chris. Sinabi niya na ang nakaisip nito ay 'yung super pogi at hot na kapatid ni Jin." tinuro ni Jade si Jon na tila kinikilig, "Ayun oh, 'yung kausap ni Chris ngayon!"
"Ay oo nga Jade, parang artistahin naman 'yung kapatid ni Jin, ang pogi nga!" sinabi ng isang workmate nila kay Jade.
"Oh, tama na ang mga tanungan, tara na at mag cheer na tayo! Go!" sinigaw ni Jade.
Isa isa na itinaas ng Operations team na nakaupo sa audience side ang mga signboards at lightsticks, at sumigaw naman si Jorge sa kanyang team na naglalaro sa court, "Hindi pa tapos ang labas! May oras pa, kaya pa 'yan team! May tiwala kami sa inyo!"
Nang marinig ng players ng Operations team ang sigaw ni Jorge at nakita nila ang mga signboards, lightsticks at ang pag-cheer ng kanilang mga kasama, ay nabuhayan ulit sila ng loob sa paglalaro.
Bigla naman sumigaw si Jon ng napakalakas para marinig ito ng batang Jin.
"Jin!"
Pagkasigaw ni Jon ay napatingin ang batang Jin sa kanya at nakita nito ang mga kaibigan na kanina pa hinahanap at inakalang hindi na manonood. Kaya naman biglang ginanahan si Jin na mas lalo niya pang galingan sa paglalaro, lalo na nang makita niya si Chris na sumusuporta para sa kanya.
Itinaas na ni Chris ang signboard habang ito ay nakafold, at hanggang ngayon ay hindi niya pa rin alam kung anong nakalagay dito.
Sinenyasan ni Jon ang batang Jin na tingnan ang nakasulat sa signboard na hawak at itinataas ni Chris.
Pagkabukas ni Chris sa signboard ay nabasa ni Jin ang nakasulat dito. Biglang natawa si Jin at mas lalong nabuhayan ng loob. Itinaas niya kanyang kanang kamay at nag okay sign siya kay Chris at nagpatuloy sa paglalaro.
Nakataas pa rin ang signboard na hawak ni Chris at pati na rin ang iba pang mga kasama nila sa Operations Department na nasa audience side para mag cheer.
Dahil nabuhayan ng loob ang Operations team ay nakahabol sila sa Management team. Ang standing ngayon ay 66-67 at malapit-lapit na rin matapos ang 4th quarter. Kaunting oras na lamang, ay malalaman na kung sino ang mananalo.
Tinanong ni Chris si Jon kung ano nga ba ang nakasulat sa signboard na hawak niya at bakit parang biglang ginanahan si Jin nang mabasa ito.
"Sir Jon, pwede ko na po ba makita kung ano 'yung nasa sign board?" nahihiyang tanong ni Chris.
"Okay, sige, pero 'wag ka magagalit sa akin Chris ah? Sorry sa mababasa mo, pero kailangan ko lang gawin 'to para ganahan si Jin." sagot ni Jon.
Binaba ni Chris ang signboard at binasa niya kung ano ang nakasulat dito. Nakisilip rin sina Jade at Luna kung ano nga ba ang nakasulat sa signboard na hawak niya. Natawa sina Jade at Luna sa nabasa nila at kinukurot-kurot na nila si Chris sa tagiliran at inaasar.
JIN GALINGAN MO! KAPAG NANALO KAYO, MAY SURPRISE KA SA AKIN MAMAYANG GABI!!!
"Ano 'yang surprise mo kay Jin ha, Chris?" pabirong tanong ni Jade kay Chris.
"Hala, Ms. Jade! Hindi ko alam! Binigay lang sa akin to ni Sir Jon!" nagtataka at natatawang sinabi ni Chris.
"Sorry talaga, Chris, na ginamit kita para kay Jin. Alam ko kasi 'pag nalaman niya na may surprise ka para sa kanya, magiging determinado 'yun na malaman kung ano ito. Isip ka na lang kung anong i-susurprise mo sa kanya. Sorry talaga hindi kita sinabihan dito." paliwanag ni Jon.
"Hindi po, Sir Jon, okay lang. Tsaka sakto lang 'to. May surprise talaga ako para kay Jin mamaya!" nakangiting sinabi ni Chris kay Jon.
"Oo, Chris, alam ko. Kaya 'yan ang sinulat ko, kasi 'yung gabi na nakita kita sa gitna ng stage, nasurprise ako. At gusto ko ulit maramdaman 'yung feeling na 'yun ng isa pang beses. Gusto ko rin makita 'yung itsura ko noon at 'yung reaction ko." nasa isip ni Jon.
Habang nag uusap sina Chris, ay biglang nagsigawan ang mga tao na tila may naaksidente habang naglalaro.
Nakita nila na nakahiga na sa court si Jin at tila namimilipit sa sakit.
"Hoy! Ano 'to! Wrestling ba 'to? MMA ba 'to? Bakbakan ba 'to! Bakit may gan'yan! Hindi pwede 'yan ah! Foul 'yan! Bakit hindi 'yan inaaksyunan!" galit na galit na sinigaw ni Jade.
Naiinis na rin si Jorge sa mga nakikita niyang pangyayari ngunit wala siyang magawa,
"Kanina pa 'yang referee na 'yan eh! Hindi niya binibigyan ng foul ang Management team. Tingnan mo kahit ngayon, wala pa rin. Teka, papalitan ko si Jin. Baka lalo pa siyang mapano."
Sesenyas na dapat si Jorge para mag-sub, ngunit bigla niyang nakita si Jin at sinensyasan siya nito na 'wag siyang palitan.
Mula sa pagkakahiga ay muling tumayo si Jin at sumigaw, "Sir Jorge! Okay lang po ako! Nakakatakbo pa ko medyo napilayan lang 'yung braso ko pero kaya ko pang tiisin hanggang matapos!"
"Hindi na, Jin! Masasaktan ka lang!" sigaw ni Jorge.
Nag-alala lalo sina Jade, Luna at Chris dahil napilayan ang braso ni Jin. Malakas ang pagkakabunggo sa kanya ng mga players ng management team at talagang hindi nila hinahayaan na makapaglaro si Jin ng maayos.
Tiningnan ni Chris si Jon at labis ang pag-aalala niya kaya napansin naman siya nito at binulungan siya.
"Wag ka mag-alala, Chris. Wala lang 'to kay Jin. Nararamdaman niya 'yung sakit pero manhid na siya sa mga oras na 'yan at kaya niya tiisin ito. Mamaya niya pa 'yan mararamdaman pagkatapos ng laro. Gusto niya lumaban hanggang sa huli kaya hayaan natin siya." sagot ni Jon habang nakangiti siya kay Chris at nagpapahiwatig na 'wag ito mag-alala.
Hindi maiwasang mag-alala ni Chris para kay Jin lalo na't baka mapuruhan ito kapag pinilit pa ang kanyang sarili na mag laro kahit may pilay na sa braso. Pati na rin ang ibang kasama nila sa audience side ay napatahimik dahil sa sinapit ni Jin at sa labis na pag-aalala.
Patapos na ang match at ang standing ay 79-80, 79 sa Operations at 80 naman sa Management. Habang naglalaro ang ibang players, nagsimula nang maglakad ng pa ika-ika si Jin papunta sa side ng court nila at tumayo muna roon.
Nasa 20 seconds na lamang ang timer at nasa kalaban ang bola, isang shoot na lang nila ay panalo na talaga sila.
Nang isho-shoot na ito ng kalaban at nakaalis na ang bola sa kanyang kamay, ay agad itong nahablot ni Fred, gaya nang ginawa ni Jin noong practice match.
Nang makuha ni Fred ang bola, ang tahimik na Operations team na nasa audience dahil sa aksidente na nangyari kay Jin, ay biglang nabuhayan ng loob. Halos lahat ng audience ay napasigaw na rin at naghiyawan dahil sa maliit na pagitan ng oras ay naagaw pa ang bola.
Nagwawala na ang coach ng Management dahil naagaw pa sa kanila ang bola. Si Rjay naman ay nakatayo na lang sa court, nakangiti at alam na magagawa pa ng Operations team na maihabol ito dahil nakita niya na nakapwesto na si Jin sa side ng court nila.
Inakbayan na ni Jon si Chris at pati na rin si Luna, at napatingin ang dalawa sa kanya.
"I-ready niyo na mga sarili niyo, Chris at Luna. Malapit na matapos ang laro."
Nakita naman nina Chris at Luna na nakangiti na si Jon hahang pinapanood ang laban, at kasabay nito ay napanatag din ang loob nila.
Naka focus na kay Fred ang mata ng mga players ng Management team. Agad nang tumakbo si Fred nang makuha ang bola at papalapit na kay Jin na nakatayo at nag-aabang na sa side ng court nila.
Habang tumatakbo si Fred papunta kay Jin ng napakatulin, sinusundan na siya ng mga malalaking players ng Management at handa siyang banggain sa oras na mahabol nila ito.
Limang segundo na lang ang natitira nang maipasa ni Fred ang bola kay Jin na siya namang nakuha nito.
Tahimik na ang mga audience at inaabangan kung magagawa ito ni Jin bagamat may pilay siya sa kanyang braso.
Matindi rin ang pagkakakapit ng mga nasa audience side ng Operations team at lahat sila ay magkakayakap dahil sa kaba.
5, 4, 3, 2, 1… Tumunog na ang buzzer hudyat na natapos na ang laban.
At sakto na naishoot ni Jin ang bola sa court nila at biglang naghiyawan ang lahat ng audience at nag sitayuan sa tuwa.
Ang buong Operations team na nasa audience side ay pumunta na sa court upang punatahan ang kanilang mga kasama, at pinuntahan rin si Jin na nakahiga na pagkatapos niya mai-shoot ang bola. Hindi na niya maigalaw ang isang braso at napaiyak na lamang sa labis na tuwa.
Nagdiwang ang buong Operations team at nagkumpol sila papunta kay Jin, at binuhat nila ito at pati na rin si Fred na siyang nagpanalo sa kanilang team. Si Jon ang bumuhat kay Jin at inangkas ito sa likod niya at ang iba naman ay si Fred ang binuhat.
Sobrang saya ng lahat dahil natalo nila ang Management team na hindi pa natatalo kahit kailan. Tahimik ang team ng Management sa kabilang banda.
Tuwang tuwa si Jorge dahil nanalo sila sa malinis na paraan at walang pandaraya na ginawa. Kaya naman sinabi niya na deserve ng players ng Operations team ang panalong iyon.
Tuwang tuwa ang lahat kina Jin at Fred, pati na rin ang iba pang mga nasa audience na galing sa iba't ibang department at sinisigaw ang pangalan nila.
Pinagmasdan ni Jon ang paligid at tila tuwang-tuwa siya sa kanyang nakikita dahil nasaksihan niya ang pangyayaring ito. Hindi niya inakala na matutunghayan niya ito, dahil noong oras niya ay natalo sila. Bagamat hindi niya oras, ay sobra ang tuwang nararamdaman niya para kay Jin. Naalala niya ang araw na ito na parang kahapon lamang nangyari at siya ang nasa posisyon nito.
Inabot na sa kanila ang trophy at hawak ito ni Fred at Jin sa magkabilang kamay. Nag picture taking sila kasama ang buong Operations team at si Jon na ang nag inisist na siya ang kukuha ng picture kaya naman ibinaba niya muna si Jin at si Jorge ang nagbuhat para rito.
Habang kinukuhaan ni Jon ang buong Operations team, nakangiti lang siya ng labis. Pinipigilan niyang umiyak sa tuwa, ngunit sa loob niya ay sobra ang tuwa niya para sa lahat. Pagkatapos ng picture taking ay sobrang saya ng Operations team at sumigaw naman bigla si Jade, "Okay! Mamaya kami naman! Kahit hindi ako ang manalo basta si Chris ang manalo! Go lang!"
"Wooh! Pati din 'yung pageant hakutin na natin, Jade! Lahat na kailangan pareho kayo ni Chris!" sigaw naman ni Jorge.
"Manonood ako mamaya Chris! May surprise ka pa sa akin!" biglang sigaw ni Jin, ngunit bigla siyang nawalan ng malay pagkatapos at kinabahan ang lahat.
Kinuha agad ni Jon ang walang malay na katawan ni Jin mula sa pagkakabuhat ni Jorge upang dalhin ito sa pinakamalapit na hospital sa kanilang building.
Nagalala sina Chris, kaya naman tinawag niya agad si Mr. Jill upang sunduin sila. Agad naman nakarating sina Mr. Jill dahil nakapark lang sila malapit sa office building at binuhat si Jin papasok sa kotse upang maihatid ito sa hospital kasama sina Chris, Rjay, Luna at Jon.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .
Dahan-dahang iminulat ni Jin ang kanyang mga mata nang magkamalay na siya at napansin niya na nasa isang hospital siya at nakahiga.
Tatayo na sana siya ngunit nakaramdam siya ng labis na sakit sa kanyang braso at napansin na may nakalagay na cast at hindi niya ito magalaw ng maayos.
Biglang pumasok sina Jon at Chris sa room kung saan naka-admit si Jin at nakita nilang gising na ito.
Agad lumapit si Chris na tuwang-tuwa dahil nagkamalay na si Jin ngunit bigla itong nagtanong.
"Nasaan ako?"
"Nasa hospital ka, Jin, Malapit sa building natin," sagot ni Chris.
"Huh? Sino ka? Sino ako?" tanong ni Jin na tila parang walang maalala, kaya kinabahan naman si Chris at napatingin kay Jon.
Lumapit si Jon sa hinihigaan ni Jin at hinampas ito ng mahina sa ulo.
"Sa braso ka tinamaan, hindi sa ulo kaya 'wag ka magpanggap na may amnesia ka!" pabirong sinabi ni Jon.
Tila nakahinga ng maluwag si Chris nang malamang okay na ulit si Jin dahil nakakapagbiro na itong muli.
"Anong nararamdaman mo ngayon, Jin? Masakit ba braso mo?" tanong ni Chris
"Hindi, okay lang ako. Mabilis lang din ako gagaling," nakangiting sagot ni Jin at naalala ang event ni Chris, "Hindi ba mamaya na 'yung event niyo? Bakit hindi ka pa nag pe-prepare?" tanong niya.
"Pinapaalis ko na si Chris, kaso ayaw niya. Gusto niya daw makita ka na okay bago siya umalis, kasi kung aalis siya agad, baka hindi lang siya makapag focus. Kaya pag 'yan nalate at pinagalitan, ikaw ang may kasalanan!" pabirong sinabi ni Jon.
"Chris, sige na. Mauna ka na para makapag-prepare ka. 'Wag mo na ko intindihin kasi okay lang ako. Mamaya manonood kami sa'yo ni Kuya Jon, kaya galingan mo ah?" sinabi ni Jin ng may ngiti sa kanyang mga labi upang hindi mag-alala si Chris kalagayan niya kahit labis ang sakit na nararamdaman niya.
Chris' phone ringing!
Tinawagan na ni Jade si Chris dahil hinahanap na siya ni Will at kailangan na nila maayusan lahat at makapag-prepare na rin para sa Mr. and Ms. Star of the Night.
"Jin, mauuna na ko ah? Magpagaling ka." paalam ni Chris.
Bago umalis si Chris at pagkatalikod niya, ay hinablot ni Jin ang damit niya, kaya bigla siyang napalingon.
"Good luck, Chris! Kaya mo 'yan! Basta 'pag kinakabahan ka, hanapin mo lang ako doon at itataas ko 'yung isang kamay ko, 'yung pinakamataas. Kung hindi mo makita. si Kuya Jon ang magtataas ng kamay para sa akin!" paalala ni Jin bago niya bitawan si Chris.
Tumango si Chris at nakatingin ito sa mga mata ni Jin. Malapit nang tumulo ang mga luha niya, ngunit ayaw niya itong mapansin ni Jin kaya naman agad niya itong pinunasan at umalis na rin siya room pagkatapos.
Pagkaalis ni Chris, ay nag-usap ang dalawang Jin.
"Alam mo ba na mangyayari 'to? Na mapipilayan ako?" tanong ni Jin habang namimilipit siya sa sakit.
"Oo, napilayan ka, sorry hindi ko sinabi sa'yo." paliwanag ni Jon.
"Eh 'yung nag cheer lahat para sa team? Nangyari din ba 'yun?"
"Hindi 'yun nangyari. Ako lang ang nagisip. Noong oras ko kasi, walang nag-cheer sa amin at masakit sa loob. Hindi kami nanalo noon..." kwento ni Jon.
"Huh? Ibig sabihin binago mo? Alam mo na matatalo kami?" Nagulat si Jin sa nalaman niya, dahil hindi niya inaasahan na babaguhin ni Jon ang mangyayari.
"Sabi ko sa'yo, may mga mission ako. Hindi lahat pwede kong sabihin. May mga bagay ako na gustong itama, at kung may masama man itong idulot, ako ang gagawa ng paraan." paliwanag ni Jon.
"Bahala ka nga! 'Pag may hindi magandang nangyari sa akin, alam mo na kung sinong may kasalanan!" naasar na sinabi ni Jin.
"Oo na! Ako na, pero at least sa pagkakataon na 'to nanalo tayo ng hindi tayo nandadaya. Na nakipaglaro tayo ng malinis." nag aalala na sinabi ni Jon dahil nasa isip niya ay may kasunod itong ibang resulta na pwedeng mangyari, ngunit handa siya sa kung anong magiging epekto ng pagkapanalo nila sa oras na 'to.
"Basta manonood tayo mamaya kay Chris. Sasamahan mo ko! Ikaw ang umalalay sa akin!" naiinis na sinabi ni Jin.
"Oo na! Alam mo naman na baby kita eh!" pabirong sinabi ni Jon habang hinahaplos ang buhok ni Jin.
Inaalog ni Jin ang kanyang ulo para alisin ang kamay ni Jon dahil nandidiri siya sa ginagawa nito sa kanya. Napailing na lang si Jon at umalis muna sa room para hayaang makapagpahinga si Jin.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .
Nakaset-up na ang lahat para sa Mr. and Ms. Star of the night na gaganapin sa Midnight Hall. Lahat ng participants ay nasa backstage na at naghihintay na lang ng signal. Nakaayos at nakasuot na ng kani-kanilang 50s outfit ang lahat ng participants para sa kanilang opening number.
Sina Chris at Jade ay gano'n pa rin ang suot kung ano ang kanilang ginamit noong photoshoot nila. Habang naghihintay, lumabas saglit si Chris mula sa backstage, at tiningnan ang lugar kung saan nakaupo ang mga audience. Laking gulat niya dahil punong puno ang Midnight hall at lahat ay naghihintay na magsimula ang event.
Biglang kinabahan si Chris dahil ngayon lang siya haharap sa maraming tao ng ganito, at hindi niya alam kung kakayanin niya. Namutla siya bigla at pakiramdam niya ay bumabaliktad na ang kanyang sikmura sa kaba. Nakatayo lamang siya at hindi makagalaw dahil sa kaba, nang biglang may tumapik sa kanyang balikat.
"Chris, namumutla ka na. Kinakabahan ka ba masyado?" pag-aalala ni Luna.
"Oo, Luna, pakiramdam ko masusuka ako. Hindi ko alam kung kaya kong humarap sa kanilang lahat!" nag-aalala na sinabi ni Chris.
"Chris, ano ka ba! Ang layo na ng narating mo oh? Para saan pa 'yung rehearsals natin? And isa pa, ang laki na nga ng improvement mo simula noon. 'Yung 'Chris' na kilala ko dati, hindi sumasali sa mga ganitong contest! Laging nakatago at ayaw magpakita. Pero 'yung 'Chris' na kilala ko ngayon, mas brave na." nakangiting sinabi ni Luna at tila naluluha ngunit pinipigilan niya dahil masisira ang kanyang makeup.
Napangiti si Chris dahil sa mga words of encouragement ng kanyang kaibigan at nagpasalamat siya kay Luna. Tiningnan rin ni Luna at sinilip niya kung nasa Midnight Hall na ba sina Jin, dahil hindi niya rin ito mahanap.
"Hindi mo pa rin ba sila nakikita, Chris?"
"Hindi ko pa din sila nakikita. Pero baka makita ko sila mamaya 'pag nasa stage na siguro tayo."
"Oo, basta Chris, pag kinakabahan ka, isipin mo kasama mo ko sa stage. Para alam mo na may kaibigan kang kasama doon." paalala ni Luna kaya mas lalong napanatag ang loob ni Chris.
Tinawag na sina Luna at Chris dahil magsisimula na ang event.
Kinausap muna ni Will ang lahat ng participants bago magsimula habang silang lahat ay nasa backstage.
"Gusto ko lang magpasalamat sa inyong lahat sa isang buong linggo na pagsasama natin. Nakita ko kung paano kayo nag improve lahat. Marami ako nakita sa inyo na noong una, hindi alam ang gagawin at nangangapa pa, pero hanggang dulo hindi sumuko at grabe ang improvement! Ang iba naman ay magaling na at mas lalo pang gumagaling! Thank you sa inyo kasi hindi magiging successful itong event na 'to kung hindi din dahil sa cooperation niyong lahat. Hindi pa man nagsisimula pero gusto kong sabihin sa inyong lahat na Congratulations! Kung sino man ang manalo sa inyo, deserve niyo 'yun so palakpakan niyo lahat ang mga sarili niyo!"
Pumalakpak ang lahat ng participants at kasama na rin ang ibang coordinators.
Meanwhile, sa stage, ay nagsimula ng magsalita ang host ng Ms. and Ms. Star of the Night event.
"Good evening sa inyong lahat! Kamusta kayo? Tonight ay malalaman natin kung sino ang magiging this year's 'Mr. and Ms. Star of the Night'! Alam ko excited na kayong lahat at gusto na makita ang mga nag ga-gandahan at nag ga-gwapuhan nating mga participants! 'Wag kayo mag alala, dahil pasasayawin natin sila at pasasayahin nila kayo sa kanilang opening dance number! So, ano pang hinihintay natin? Palakpakan natin sila! Ang 18 participants ng Mr. and Ms. Star of the Night!"
Biglang nagdim ang lights ng stage at nagulat ang lahat at tumahimik. Isa isa nang pumasok ang mga participants sa stage hanggang sa makumpleto sila. Nang makapwesto na sila, ay bigla ng bumukas ang stage light at nagsimula na sila sa kanilang dance number.
Lahat ng audience ay naghihiyawan dahil sa pag-support sa mga pambato sa kani-kanilang mga department.
Habang nagsasayaw sila ay hinahanap ni Chris kung nasaan si Jin, ngunit sa dami ng tao ay hindi niya ito maaninag at makita, kaya nagpatuloy lang siya sa pagsayaw.
Pagkatapos ng kanilang dance number, bumalik na ang lahat ng participants sa backstage para makapagpalit, at pumasok na ulit ang host sa stage.
Habang nagpapalit ng mga damit ang mga participants para sa kanilang Mr. And Ms. Star of the night outfit, ay inuubos muna ng host ang oras at kinakausap ang audience.
"Okay! Nakita na natin ang ating mga magaganda at gwapong participants! Opening number pa lang 'yan pero grabe na ang support ah!"
Meanwhile, sina Jin at Jon naman ay kararating lang sa Midnight Hall. Naka-cast pa rin si Jin at inaalalayan naman siya ni Jon. Nakatayo lang sila sa entrance at hinanap nila kung saan nakaupo ang Operations team para doon sila pumwesto.
Sa pwesto naman ng Operations team sa audience, nakita sila ni Jorge at kumaway ito sa dalawang Jin na nakatayo sa Entrance ng Midnight hall para papuntahin sila sa mga nakareserved na upuan para sa kanilang dalawa.
Nang makaupo na ang dalawang Jin, ay tinanong ni Jin si Jorge kung kasisimula lang ba ng event.
"Sir Jorge, late na po ba kami?"
"Hindi pa Jin, kakasimula lang. Kamusta na 'yung pilay mo? Anong sabi ng doctor?"
"Okay naman po, Sir Jorge. Hindi naman daw malala at kaunting pahinga lang at babalik na ulit sa dati"
"Good! Congrats ulit, Jin! May good news ako sa'yo, Ikaw ang MVP for this season!" natutuwang ibinalita ni Jorge.
"Talaga po?" nanlaki ang mga mata ni Jin sa gulat at kinausap muli si Jorge, "Thank you po! Para sa buong Operations Team po ito!"
Nang malaman ni Jin ang balita, ay agad niyang binulungan si Jon at tinanong kung siya nga ba talaga dapat ang MVP. Dahil hindi niya alam kung matutuwa siya o hindi sa pagbabago.
"Oy, Jin Tanda! Sino 'yung MVP noong oras mo?" bulong ni Jin.
"'Wag ka mag alala, ako din 'yung MVP noon kasi nandaya 'yung kalaban natin. Kaya 'wag mo masyado isipin! Matuwa ka na lang!" paliwanag ni Jon.
"Siguraduhin mo lang, nako! Teka, mag C.R. muna ako naiihi ako!" pabulong na sinabi ni Jin.
"Samahan kita mag C.R.? Baka hindi mo mabuksan zipper mo!" pabirong sinabi ni Jon.
"Tumigil ka nga! Kaya ko sarili ko!" Tumayo na si Jin at pumunta muna sa C.R. habang hindi pa nagsisimula ulit ang event.
Walang tao pagpasok ni Jin sa C.R. at dumiretso na siya sa pinakadulong cubicle.
Habang nasa loob na ng cubicle si Jin, ay may naririnig siyang boses—isang pamilyar na boses para sa kanya.
Narinig na naman ni Jin ang magandang boses ng isang lalaki na narinig niya sa rooftop at sa parehas na C.R.
"'Yung boses na hinahanap ko, nandito siya ngayon? Teka, baka hindi ko na siya marinig kumanta ulit at 'di ko masabi na maganda ang boses niya kahit pareho kami lalaki. Pero, ang ganda talaga ng boses niya, nakakarelax sa pandinig at para akong hinehele at pinapagaan ang loob ko. Sana makita ko siya, kaso nakakahiya." bulong ni Jin sa kanyang sarili.
Hindi niya na napigilan ang kanyang sarili at kinausap niya na ang lalaking naririnig niya sa isang cubicle.
"Umm, sir, 'wag niyo po mamasamain 'yung sasabihin ko ah? Matagal ko na po kasi kayo naririnig kumanta. Gusto ko lang sabihin na maganda po 'yung boses niyo. 'Yun lang po!" sinabi ni Jin habang nasa loob siya ng cubicle, "Okay na siguro 'yun, kahit hindi ko na siya makita o marinig ulit basta nasabi ko sa kanya. Para alam niya na may fan siya." nasa isip ni Jin.
Pagkatapos niya magsalita, ay biglang narinig niya ang isang pintuan ng cubicle na nagsara at tila umalis na ang tao na nasa loob nito.
"Nahiya siguro siya sa akin!" natatawang sinabi ni Jin, "Hindi niya naman ako nakita tsaka 'di ko naman siya nakita, kaya bakit siya mahihiya?"
Pagkatapos mag C.R. ni Jin ay bumalik na siya sa kanyang pwesto. Pagkaupo niya, tinanong niya agad si Jon at binulungan ito.
"Dati ba may naririnig ka na kumakanta na lalaki na may magandang boses? Natuklasan mo ba kung sino 'yun?"
Hindi sumagot si Jon at nginitian niya lang ang batang Jin.
"Sino!" tanong ni Jin at atat siyang malaman kung sino ang lalaking ito.
Hindi na nakapagsalita si Jon dahil lumabas na muli ang host sa stage para sa next program.
"Okay! Guys, ready na ba kayo? Next up, introduction ng bawat participants habang suot nila ang this year's Mr. and Ms. Star of the Night outfits! Nandito na sila at isa-isa natin ipakikilala ang participants ng bawat department!"
Naghiyawan ang lahat sa paglabas ng unang pair na sina Lizzie at Butch. Pagkatapos nila magpakilala, marami na agad ang nag-cheer para sa kanila.
Sunod-sunod ang flow ng pagpapakilala ng bawat participants at sunod ng magpapakilala ay ang department ng Research and Development.
Lumabas na sina Julian at Maxene sa stage at marami ang humiyaw para kay Julian.
Kinausap muli ni Jin si Jon, "Mukhang maraming supporters si Julian 'no? Pero suportahan din natin siya kasi tropa na natin 'yan!" nakangiting sinabi ni Jin.
"Talaga? Friends na kayo ni Julian? Nice!" natatawang sinabi ni Jon.
"Bakit? anong mayroon? Siempre hindi mo sasabihin kung bakit! Bahala ka nga!" naiinis na sinabi ni Jin.
Nang magpakilala si Julian, nag cheer din ang dalawang Jin para sa kanya.
Pagkatapos ng Research and Development, sunod na magpakilala ay ang Operations Department.
Kinausap na ni Dave, ang manager ng Operations team, ang kanyang buong team, pinatayo silang lahat at pinabukas ang lightsticks.
Kitang kita ng lahat ng tao ang mga nakatayong taga-Operations department dahil sa agaw pansin nilang lightsticks na sila lang ang may dala at ang namumukod tanging gumawa nito sa lahat ng departments.
Nang biglang pumasok na sa stage sina Jade at Chris, nagtalunan at naghiyawan ang lahat ng nasa Operations team at sumisigaw sa tuwa kahit na mapaos sila, basta suportado nila ang dalawa.
Parehas nilang suot ang company anniversary na color white na t-shirt at may logo ng Mr. and Ms. Star of the night. Ngunit sa lakas ng dating nilang dalawa, kahit simple ang damit ay nagawa nila itong gawing mas attractive pa sa paningin.
Naka t-shirt si Jade at bagay na bagay sa kanyang bob cut hairstyle habang naka high-waist skinny jeans, may makapal na belt, at naka 5-inch high heels na boots.
Si Chris naman ay nakasuot rin ng company anniversary shirt, may suot na blue na cardigan, black na skinny jeans at military boots. Mas lalo itong nadadala ng napaka-fierce na look ni Chris kapag seryoso ang kanyang mukha, ngunit pagkangiti niya, ay lumabas na ang kanyang cuteness na nagpatili sa lahat.
Ang dalawang Jin naman, ay nakatitig lang kay Chris. Hindi sila makagalaw dahil nang makita nila ito paglabas ng stage, ay tila parang nag slow-mo ang lahat at si Chris na lang ang nakikita nilang dalawa.
"Whaaat! Si Chris ba 'to? Grabe! Bakit ibang-iba ang aura niya ngayon? Sobrang cute at pogi ni Chris! Bagay na bagay sa kanya 'yung suot niya! Hindi ko maalis 'yung mga mata ko kay Chris. Gusto ko supportahan din si Ms. Jade, kaso hindi ko magalaw 'yung katawan at mata ko, kay Chris lang nakatingin talaga!" sabay na nasa isip ng dalawang Jin.
Na-starstruck ang dalawang Jin at hindi makapag cheer habang ang iba ay humihiyaw at tila kita na ang litid sa leeg kakasigaw, kaya naman tinawag sila ni Jorge.
"Huy, Jin at Jon! Bakit nakatulala lang kayo d'yan! Mag cheer kayo!"
Natauhan ang dalawa, kaya itinaas din nila ang lightsticks nila at sinisigaw ang pangalan ni Chris.
Nauna na magpakilala si Jade, at pagkatapos ay hiyawan ang lahat ng Operations team.
Sumunod naman ay si Chris, ngunit hindi pa ito nagpapakilalala at kinakabahan na siya. Tumahimik ang lahat at tila hinihintay siya na magpakilala.
Si Jade ay nakangiti pa rin, ngunit sa loob-loob niya labis na kinakabahan na siya para kay Chris.
"Jin Tanda, anong ginagawa ni Chris? Bakit hindi pa siya nagpapakilala?" nag aalala na sinabi ni Jin.
"Ibato mo 'yung lightstick mo! Dali! Para makita ka ni Chris! Hinahanap ka niyan!" binulong ni Jon.
Binato ni Jin pataas ang kanyang lightstick, na siya namang napansin ni Chris.
Nang makita ni Chris ang lightstick, nakita niya rin na si Jin ang may gawa nito kaya biglang nawala ang kaba niya nang malaman na nasa loob na si Jin at pinapanood siya.
"Go Chris! Kaya mo yan! Wooh!" sigaw ni Jin at pati na rin ang lahat ng nasa Operations team ay naghiyawan.
Nagpakilala na ito ng buong confidence at halos lahat ng buong tao sa Midnight hall ay naghiyawan nang marinig nila ang boses ni Chris.
Habang ang lahat ay naghihiyawan, narinig ng dalawang Jin ang mga comments ng nasa likod nila.
"Grabe, ang cute tsaka ang pogi nung Chris! Hala Crush ko na siya!" sigaw ng isang babae sa likod nila at tumitili.
"Oo! Grabe! Ang cute niya! Liligawan na kita, Chris!" sigaw naman ng lalaki sa likod nila.
Tiningnan ng dalawang Jin ng masama ang lalaki na sumigaw sa likod nila na gustong ligawan si Chris, at nahiya naman ito dahil natakot siya sa dalawang Jin, kaya napaupo na lang ito bigla dahil sa takot.
Habang nakatingin ng masama ang dalawang Jin sa lalaking nasa likod nila, ay biglang kinausap ni Jorge si Jin, "Grabe! Mukhang ang lakas ng hatak ni Chris ah? Sa kanya 'yung narinig ko na halos lahat ng audience sumigaw para i-cheer siya!"
"Oo nga po, Sir Jorge, sana talaga 'wag kabahan si Chris. Kung hindi siya kabahan, alam na natin kung sino panalo!" sagot naman ni Jin.
Pagkatapos magpakilaka nila Jade at Chris, ang huli naman na nagpakilala ay ang Management team.
Marami rin ang sumigaw para kay Luna, kung si Chris sa mga lalaking participants, si Luna naman ang may pinaka maraming nag cheer para sa mga babaeng participants.
Malakas rin ang dating ni Luna kaya naman marami rin ang humihiyaw para sa kanya. Suot rin niya ang color white na company shirt at nakasuot ng plaid skirt at military boots gaya ni Chris. At dahil sa napakahabang buhok ni Luna na naka high ponytail style, ay mas lumakas ang kanyang dating.
Pagkatapos magpakilala ng lahat ng participants, naghihintay sila sa backstage at nag-aayos na para sa susunod na program kung saan ipapakita naman nila ang kani-kanilang mga talent.
Nagsalita na ulit ang host sa stage para i-announce ang next portion ng program, "All right, mukhang intro pa lang 'yan pero may malakas na agad ang isa sa mga participants ah? Pero siempre, hindi lang yan base sa palakasan ng sigaw, mayroon din tayong malaking points para sa talent portion! Next naman ay papanoorin natin sila at ang kani-kanilang mga talents! Pabibilibin nila tayo! Narito na ang first contestant natin na si Lizzie!"
Nagsimula na si Lizze sa kanyang talent, meanwhile, pinaguusapan nila Jin at ng iba pang kasama nila sa Operations Team kung anong gagawin ni Chris. Hindi nila alam ang talent ni Chris, habang si Jade ay sinabi na ang kanyang gagawin.
Tinatanong ng lahat si Jin, ngunit hindi din alam nito ang sagot. Kaya naman ay tinanong na ni Jin ang matandang Jin, "Ano ba talaga gagawin ni Chris? Kinakabahan ako!" bulong ni Jin.
"Kabahan ka lang! Gusto ko masurprise ka! 'Wag ka pipikit, 'wag ka lilingon, 'wag kang mamamansin kahit sino basta panoorin mo lang siya." bulong ni Jon.
"Pakaba ka din eh no! 'Pag 'yan si Chris nagstory telling talaga, sinasabi ko sa'yo!" hirit ni Jin.
Natapos na ang ibang mga contestants sa kanilang talents at ang susunod na ay si Julian.
Pumasok si Julian dala dala ang kanyang gitara. Marami ang naghiyawan para sa kanya dahil napaka astig niya tingnan sa kanyang suot na naka black leather jacket, white company anniversary t-shirt, skinny jeans at high cut shoes.
"Aba! ang cool ni Julian tingnan sa gitara niya ah? Alam mo ba, siya pala 'yung singer sa Jinny's?" bulong ni Jin.
"Ay oo nga pala! Nakalimutan ko, siya nga pala 'yun! Matagal ko na kasi hindi nakita 'yan si Julian din" bulong naman ni Jon.
Umupo na si Julian at inayos ang kanyang gitara at nagsimula na mag salita.
"Good evening po sa inyong lahat. Ako po ulit si Julian ng Research and Development Department. Sana magustuhan niyo lahat ang song na kakantahin ko. I-dinededicate ko to para sa isang tao."
Naghiyawan ang mga babae kay Julian at tinuloy niya ang kanyang sasabihin, "Para sa'yo 'to kung nakikinig ka man..."
Iuukit natin ang ating buhay
na parang isang larawan,
puti man at itim ang simula
sa mundo na puno na ng kulay.
Hindi man nila makita ang ating larawan,
basta't alam ko sa isang tingin
kumupas man ang kulay
para sa akin, punong puno pa rin ito ng buhay.
Habang kumakanta si Julian, gandang ganda ang lahat sa boses nito dahil sa pagka-husky at maganda ang timbre ng boses nito. Lahat ay napapahiyaw lalo na ang mga babae na parang nakakita sila ng sikat na singer na idol na idol nila talaga, isa pa, korean ang facial structures ni Julian kaya naman para silang nanonood ng isang K-idol na singer.
"Tingin mo, para kanino 'yung kanta niya, Jin?" bulong ni Jon.
"Hindi ko alam, para kay Chris ba? Kasi alam ko gusto niya si Chris eh." bulong ni Jin.
"Hindi 'yan para kay Chris." hirit ni Jon.
"Huh? para kanino, bukod kay Chris, wala na akong kilala." Biglang naguluhan si Jin at nagtaka sa sinabi ni Jon.
"Para sa atin 'yan" bulong ni Jon at sabay ngumiti kay Jin.
"Whaaaaaattt! Para sa atin? Anong sinasabi mo dyan? Si Chris ang gusto niya 'di ba!" gulat na sinabi ni Jin.
Nginitian at tinawanan ni Jon ang batang Jin at muli itong binulungan, "Malalaman mo rin 'yung totoo, mamaya!"
Nag eye-roll na lamang si Jin dahil alam niya na bibitinin na naman siya ni Jon.
Nang matapos kumanta si Julian, ay umalis na ito ng stage at tumungo na sa backstage. Habang papasok na siya sa backstage, ay naghihiyawan pa rin ang mga babae sa audience side.
Pagkatapos ni Julian, ay susunod na si Jade sa mga magpeperform at ipinakilala na siya ng host. Tumahimik ang lahat ng biglang nag dim ang lights ng stage. Unti-unti na ito nabalutan ng fog, at tumugtog ang huni ng isang flute.
Lumabas na si Jade na balot na balot ang kanyang katawan at nagperform na ng kanyang interpretative dancing. Hindi muna naghiyawan ang mga teammates niya dahil gusto ng nilang lahat na mafeel ang sayaw ni Jade, kaya naman tahimik ang lahat habang pinapanood siya kung gaano kalambot ang kanyang mga kilos.
Biglang nag pause si Jade sa kanyang sayaw at namatay ang ilaw, kaya nagulat ang mga audience. 5 seconds after, bumukas ulit ang ilaw sa stage, at nakita ulit nila si Jade sa stage, na iba na ang suot. Naghiyawan ang lahat dahil namangha sila sa bilis ng pagpalit ng damit ni Jade. Nag pause ulit si Jade at namatay na naman ang ilaw, at 5 seconds after ay nagpalit na naman si Jade ng kanyang damit. Manghang-mangha ang lahat ng audience na tila nanonood sila ng magic show.
Nagpause ulit si Jade, at ganoon ulit, namatay ang ilaw. Pagkabukas after 5 Seconds, ay naghiyawan ang lahat ng lalaki dahil sa suot ni Jade na super seductive na dress, at tinuloy niya na ang kanyang interpretative dancing.
Nang matapos si Jade, ay saka nag hiyawan ang buong operations team at ang ibang mga audience. Malakas din ang hiyawan lalo na ang mga kalalakihan, dahil sa interpretative dancing ni Jade na nakakaakit at medyo seductive ang datingan.
Nang bumalik na siya sa backstage, ay kinabahan na bigla si Jin dahil si Chris na ang susunod. Ang ibang operations team na nasa audience, kasama na rin sina Jade at Luna na nasa backstage ay kinakabahan na rin.
"Sabihin mo na kasi! Anong gagawin ni Chris? Kinakabahan na ko!" Kabado na si Jin at kinukulit niya na si Jon, ngunit nakangiti lang ito sa kanya at hindi pa rin sinasagot ang kanyang tanong.
Biglang dumilim at biglang nag-off ang ilaw sa buong Midnight hall. Halos walang makita ang lahat kaya nag taka ang lahat ng mga tao, pati na rin ang mga judges dahil akala nila ay technical problem ang nangyari.
Nang tumayo na ang mga Judges para papuntahin ang mga staff para ayusin ang ilaw, ay biglang nag spotlight sa gitna ng stage.
Nagulat ang lahat sa pag-spotlight sa gitna ng stage, at nakita ng lahat si Chris na nakatayo.
Lahat ay napatigil at natahimik.
Napapalibutan silang lahat ng dilim sa loob ng Midnight Hall. Ang tanging liwanag lang na nanggagaling dito ay ang spotlight sa gitna ng stage na naka-focus kay Chris na nakatayo sa gitna at lahat ng mata ay nakatingin lamang kay sa kanya.
End of Chapter 19