"Annie, nakita ko `yong crush mo doon sa labas kasama ang boyfriend ko," bungad ng kaibigan kong si Trish ng pumasok sa room at maupo sa tabi ko.
"So? Wala namang mangyayari kahit lumabas ako doon. Hindi naman niya ako papansinin."
"Narinig ko ang pangalan mo ng dumaan ako." Biglang bumilis ang tibok ng puso ko ng marinig ko ang sinabi nito.
"`Wag mo nga akong pinaglololoko!" saway ko dito.
"Hin—"
"Annie, may naghahanap sa `yo!" Anunsiyo ng isa kong kaklase. Nauna pang tumayo kaysa sa `kin si Trish at halos kaladkarin na ako patungo sa pinto.
"Sino raw?" usisa nito.
"Ako." Halos himatayin ako sa kaba nang bumungad sa harap ko ang gwapong mukha ni Rupert.
"B-bakit?" Ramdam ko ang pag-iinit ng aking buong mukha dahil sa pagkautal.
"May ibibigay lang sana ako sa `yo," sagot nito sabay abot ng isang kulay asul na sobre. "Basahin mo pag-uwi mo. At sana bukas may sagot ka na."
"S-sige…" usal ko na sinuklian naman nito ng isang tipid na ngiti bago tumalikod para umalis.
Eksakto namang tumunog na ang bell hudyat nang pagsisimula ng klase.
"Buksan mo na…" pangungulit ni Trish sa akin ng muli kaming umupo para hintayin ang aming guro.
"Ayoko. Mamaya na lang pag-uwi ko."
Napanguso na lang ito dahil sa sinabi at wala ng ibang nagawa kundi manahimik.
"Basta, sabihin mo sa `kin bukas, ha?" Tango nalang ang itinugon ko rito.
*****
Excited na nagtuloy ako sa aking kwarto para mabasa agad ang sulat. Nanginginig ang mga kamay na pinunit ko ang isang gilid ng sobre at sabik na binuksan ang sulat.
Pero agad din akong nanlumo at parang gusto ko nang umiyak dahil umasa ako. Umasa ako na nakapaloob sa sulat ang lihim nitong pagtingin para sa akin.
"Bwiset! Nakakinis. Paasa ka, Rupert!" Nanggagalaiting sigaw ko dahilan para biglang bumukas ang pinto ng aking kwarto at bumungad ang kunot-noong mukha ng aking kuya.
"Ano'ng nangyayari sa `yo?"
"Nakakainis ka, kuya!" sigaw ko rito sabay bato ng nilamukos na papel na tumama sa mukha nito.
"Inaano kita?" Nagtatakang tanong nito habang pinupulot ang papel at inilatag iyon. Narinig ko nalang ang paghagalpak ng malutong na halakhak ni kuya na lalo kong ikinainis. "Brokenhearted ka! Siguro iniabot `to sa `yo ng crush mo at akala mo love letter na?" Muli itong humagalpak ng tawa kaya hindi ko na napigilang umiyak. Kaya nahimasmasan ito at nilapitan ako para yakapin.
"`Wag mong damdamin ang nangyari dahil bata ka pa…" alo nito sa akin.