Mula noong gabing iyon ay naging malayo na sa akin si Jiro dahil sa madalas ang panahon niya'y ibinibigay na niya kay Mark ang panahon niya. May mga araw na hindi na natutulog siya sa tinutuluyan ni Mark at ako na lang mag-isa sa bahay.
Dati, hindi siya natutulog sa condo tuwing may inuuwi akong babae at balewala lang sa akin iyon ngunit ngayon ay tila di na kumpleto ang aking araw kung di ako gigising at matutulog na siya ang huli o una kong nakikita. Madalas sofa na lang ang aking pinagmamasdan at tuwing doon naman siya matutulog ay di ko maiwasan na panoorin siya sa kanyang pagtulog.
Namimiss ko yung araw-araw niyang pag-aalaga sa akin, ang kanyang pagluluto, ang kanyang pag-ayos ng aking mga gamit, ang kanyang pag-aasikasong siya lang ang nagbigay sa akin. Bukod doon, ang mga sermon niyang minsan sa akin tungkol sa aking mga kinagisnan, ang aking pagiging burara ang lagi niyang pinupuna. Natatawa ako tuwing naaalala ko ang itsura niyan kapag naiinis siya sa akin.
Sa opisina, hindi naman siya naging pabaya sa responsibilidad niya pero ngayon kasi iba na ang mga bagay-bagay, may mga trabaho na ako ang kailangang sumalo na di na niya kinukuha. Professional na kumbaga. Tuwing break naman, di nawalan ng pagkakataon si Mark na sabayan si Jiro at kung magkaganoon man ay si Jiro mismo ang pumupunta sa kanyang department.
Di ko na alam kung ano ang aking gagawin. Alam kong gusto ko si Jiro pero pilit kong tinataggi ang katotohanan sa aking sarili. Kalahati ng aking pagkatao'y gustong manindigan sa aking pagkalalaki at ang isa nama'y gustong magsumamo't talikuran ang aking buong pagkatao upang mapasaakin lang si Jiro. He's the most amazing person that I've met and now I feel like I lost something that should've been mine. Nasa harap ko na di ko pa nakita.
Si Frida, medyo umiiwas na sa akin dahil nga sa kumalat na tsismis. Hindi man si Mark o si Jiro ang nagkwento ngunit marami sa staff na kasama namin nung inuman ang nakakita ng aming halikan.
Isang umaga, nang sa bahay umuwi si Jiro mula sa out of town nila ni Mark.
Nakasalampak lang ako sa sofa't tulala sa TV ngunit malayo ang aking isip sa palabas at dala na rin siguro ng aking hang-over sa pag-inom kagabi. Gulat na gulat si Jiro nang makapasok siya sa loob ng bahay at makita ang mga nagkalat na boteng aking ininom kagabi na hindi ko niligpit.
"July, bakit ang dami mo ininom kagabi? Hindi ka pa rin ba nakakaget-over diyan kay Claire mo?" ang natatawang pabirong tanong niya. Ako nama'y matamlay lang na pinagmasdan siyang nakatayo sa pintuan bitbit pa rin ang kanyang gamit. Abot tenga ang kanyang ngiti tulad ng dati mula nang maging sila ni Mark.
"Matagal na akong nakaget-over kay Claire, Jiro. Nastress lang ako nitong huli sa dami ng trabaho sa opisina kaya ako uminom kagabi para makapagrelax." ang tamad na tamad sa pagsasalita kong sagot sa kanya.
"PALUSOT! Baka binasted ka ng isa mga nililigawan mong mga babae na dinadala mo dito. Ikaw pa kung uminom na magrerelax lang di ganyan karami." ang natatawang biro niya sa akin at pumunta sa CR kung saan naroon ang laundry basket niya nakalagay upang ilipat ang kanyang maruming damit na dala.
Hindi naman ako nakasagot sa biro niya. Ano pa nga naman ba ang masasabi ko kung alam niyang nagdadala ako ng babae dito para aliwin ang aking sarili? Hindi rin malayo para isipin niyang nakahanap ako ng aking liligawan kahit wala naman talaga. Tahimik na lang akong napailing sa kanya. Gusto kong mangatwiran ngunit hindi ko alam kung saan ako magsisimula. Minsan na rin kaming nagtalo noon ni Jiro sa mga simpleng bagay, isang debate lang tungkol sa isang puna namin sa aming opisina at natalo naman niya ako dahil di hamak na matalino siya.
"Kamusta naman kay ni Mark?" ang aking biglang nasabi. Palabas na siya gn CR sa mga sandaling iyon at natulala lang siyang lumapit sa aking tabing naupo.
"Okay ka lang? Sigurado kang interesado kang pag-usapan natin ang tungkol sa bagay na iyan?" sa di niya makapaniwalang tono.
"Wala. Tropa tayo eh. Masama ba na kamustahin kita?" ang sagot ko. Napangiti naman siya sa akin na may halong awa.
"Masaya ako, more than a year na kami at kalilipas lang ng anniversary namin kaya kami nagpunta ng Palawan. Hindi pa kami nagtalo minsan sa tagal ng pagsasama namin." ang kwento niya.
"Paano kayo magtatalo noon? Mukhang may pagkakumander ka din minsan eh. Madalas sweet pero pag tinamaan may sayad mang-ander." ang natatawa kong sagot. Natuwa naman si Jiro sa kanyang narinig.
"Hindi no. Hindi kaya. Indimidating lang ako. Ikaw ha, July. Inoobserbahan mo pala ako ha." ang katwiran niya na aking lalong tinawanan.
"Dapat lang, tauhan kita kaya dapat kilala kita."
"Oo nga naman... Alam mo ba?"
"Ano yun, Jiro?"
"Nagpaplano na kaming mangupahan ng isang lugar para lagi na kami magkasama."
"Iiwan mo na ko?"
"Hindi, dahil mabait ka. Aalis lang ako dito kapag nagkagirlfriend ka na."
"Ganun ba? Kailangan ko na pala madaliin ang paghahanap."
"Makikilala mo na rin siya. Hindi mo siya kailangang hanapin pero kailangan mo na magmadali."
"Based from experience ba yan?" ang biro ko. Tumango naman si Jiro at ngumiti.
"Seryoso, bakit hihintayin mo pa na magkaroon muna ako ng girlfriend?"
"Ayoko kasi na nakikita kang mag-isa." ang may pinanghuhugutan niyang sagot sa akin. Napansin kong malungkot ang mga titig niya kahit nakangiti pa rin siyang kumakausap sa akin.
"Tang ina, touchy na topic natin ayoko ng ganito." ang bigla kong iwas ng medyo nagiging iba na takbo ng aming usapan.
"Eh ikaw naman kasi ang nagsimula." ang sagot niya sabay tayo upang abutin ang remote na nailaglag ko pala sa sahig kagabi. Hindi ko na kasi nilipat ng chanel bago ako mag-inom kagabi.
"July, yang natatakpan na lang ng underwear mo ang hindi ko alam sa iyo. Kung may gusto kang sabihin sa akin pwede naman natin pag-usapan. Hindi ka na nasanay sa akin. Nandito naman ako, huwag ka magmukmok ng ganyan. Kahit suntuk-suntukin mo ulit ako tulad ng dati, okay lang. Mailabas mo lang ang nasa dibdib mo. Hindi masama umiyak minsan. Lalaki ka pero tao ka pa rin." ang biglang sinabi ni Jiro nang siya'y pabalik sa aking tabi bago ilipat ang chanel ng TV sa isang puro pelikula ang palabas. Tinamaan ako sa sinabi ni Jiro. Marami na kamign pinag-uusapan noon tungkol na sa halos lahat ng bagay maliban sa tungkol sa pagiging isang bakla at mga bagay na ukol din sa bagay na ito.
"Hindi mo maiintindihan, Jiro. Babae kasi puso't isipan mo."
"But I can see through you, July. I can see your depression. Kung hindi mo ilalabas yan babaho yan." ang biro niya.
"Kakajebs ko lang bago ka dumating." ang pabiro kong sagot.
Nagsimula na si Jiro mag-ayos ng bahay habang nagkukuwentuhan kami. Nang siya'y matapos ay nagluto na rin para sa aming tanghalian. Puro tungkol sa kanila ni Mark ang naging topic na namin. Hindi namin pinag-usapan ang kanilang intimate details ngunit sa mga kwento niyang paglalambing at pagmamahal sa kanya ni Mark na nagdudulot sa kanya ng kilig habang nagkukuwento siya. Tila kutsilyong humihiwa sa aking dibdib ng marahan at matagal tuwing nangingiti siyang sinasabayan ng kislap ang kanyang mga mata habang binibigay niya sa akin ang detalye ng mga lakad nila, ng mga ginagawa nila habang kumakain, naglalakad, at kung anu-ano pa.
Hindi ko naitago ang pagbakas ng lungkot at sakit sa aking mukha. Puno ng pagsisisi at pagkatalo ang buong katauhan ko sa mga sandaling iyon.
"Tutal, weekend naman. Out of town tayo. Tayo namang dalawa. Tropa." ang yaya ko sa kanya. Nagtaka naman si Jiro bigla sa tinakbo ng aking isip nang maputol ko siya sa kanyang kinukuwento tungkol sa nangyari sa kanila ni Mark sa MRT na sobrang siksikan noong pumunta sila sa Edsa.
"Saan naman tayo pupunta?" ang tanong niya. Sa mga sandaling iyon ay inaayos na niya ang aming kakainin sa hapag.
"Saan mo gusto. Ikaw ang bahala. Gusto ko lang makaroon naman tayo ng parang team building nating dalawa. Sagot ko."
"Galante ka ngayon ha... Hmmm... may dalawang request muna ako bago ako pumayag."
" 'Ba yan. Ako na nga sasagot may conditions ka pa. Ano yun?"
"Paalam mo muna ako kay Mark, pag pumayag siya, magcocommute tayo papunta sa gusto kong puntahan natin. Ayokong mapagod ka."
"Okay. Saan ba gusto mo at ayaw mo kong magmaneho?"
"Sa resort na dati nating pinuntahan. Yung resort na ginawa natin yung commercial para dun sa Kerbiambam Bini Cologne?" ang pauna niya.
"Ah... dun ba? Yung may tinuro ka pa nga sa bandang pantalan na sabi mo doon ka dinala ng mga tunay mong magulang? Bakit naman? Blacklisted na sa akin ang lugar na yun eh. Alam mo na nga nangyari doon."
"Eh di wag na lang. Ikaw na lang magteam building mag-isa mo." ang mataray niyang sagot. Napakamot na lang ako ng aking ulo dahil di ko maintindihan kung ano nanaman ang tumatakbo sa isip niya.
"Ito naman, tampo agad. Ang taray mo na mula nung magboyfriend ka."
"Mataray talaga ako nasa lugar lang at nasa tamang lugar na magtaray ako ngayon. May angal?"
"Opo boss, sorry na." tameme ako.
Hindi na ako nagpatumpiktumpik pa't agad na hinagilap ang aking teleponong naiwan ko sa aking higaan. Napailing naman na pinagmasdan lang ako ng nagtatakang si Jiro.
Nang maabot ko ang aking telepono'y agad kong tinawagan si Mark. Matapos ang ilang ring...
"Sir July?" ang bati niya.
"Mark, pare. Di na ako magpapaligoyligoy pa."
"Ano yun sir?"
"Kami naman may lakad ng misis mo. May pupuntahan kami. Sabi niya ipaalam ko daw muna sa iyo eh." ang maangas kong pagkakasabi sa kanya sa pautos kong tono. Halata naman sa hinga niyang dinig ko mula sa linya na tila nanginig naman siya.
"Tinatakot mo eh! Batukan kita." ang inis na sigaw ni Jiro na nakaabang na pala sa aking likuran.
"Ano? PAYAG ka ba o hindi?" ang panakot ko pa sa kanya at di napigilan ang aking pagngiti sabay talikod kay Jiro upang itago ang aking reaksyon. Kinikilig ako na hindi ko maintindihan sa sobrang tuwa. Para na akong ewan.
"S-San ba kayo p-punta?" ang nauutal na sagot ni Mark.
"Dami pang tanong! OO o hindi lang ang sagot! Si Jiro ang may alam ng pupuntahan namin siya bahala sa lugar."
"P-Pwede ko ba kausapin si Jiro muna?"
"Bakit? Pwede mo namans abihin sa akin nasa likod siya ngayon."
"E-Ah-Eh.. "
"Ano?! Oo o hindi lang! Ah-eh ka pa diyan eh!"
"Tinatakot mo eh! Ikaw na lang mag-isa magteam building!" ang inis na banat ni Jiro na sa mga sandaling iyon ay namumula na sa inis. Nagdabog na siya ng isa niyang paa't balagbag na naglakad papunta sa kama upang dumapa roon. Hindi ko napansin ang aking mga sumunod na ginawa. Tumabi ako kay Jiro't hinaplos ang kanyang buhok na parang bata. Nang matauhan ako habang hinihintay na lumabas ang sagot ni Mark sa kanyang bibig ay natigilan ako sa aking ginagawa kay Jiro't napabagong tumayo sa gilid ng kama.
"Saan daw ba?" ang inip niyang tanong sa akin. Tila balisa marahil dahil nabigla sa aming lakad na dalawa na ngayon lang mangyayari kaya't di niya naiwasang mapag-isip.
"Akin na nga yan!" ang sabi sa akin ni Jiro sabay abot ng kanyang kamay upang ibigay ko sa kanya ang telepono.
"Nakakatakot." ang asar ko sa kanya't sabay tawa. Unti-unting gumagaang ang aking damdamin sa takbo ng mga nangyayari. Ang napipikon si Jiro at natatakot si Mark.
"Sa resort na dati nating venue, yung lugar na unang nagjugjug si Seashell at si Bully?" ang agad na paalala ni Jiro kay Mark sa telepono. Napansin ko naman ang kanyang nasabi.
"Sinong Seashell at Bully?"
"Tropa namin? Bakit? Company property ba yung resort na yun? Ikaw ba kausap ko?" ang banat naman sa akin ni Jiro't nantaas ng isang kilay.
"Ang taray. Nakakatakot." ang banat ko sa kanya sabay halakhak ng malakas bago humiga sa kama ng pahilata sa kanyang tabi.
"Oo, doon. Okay lang ba sa iyo? Si July lang naman. Alam mo naman ito may sayad." ang sabi niya sabay tutok ng mga mata niya sa akin halatang buwisit na buwisit na.
"Okay. I love you. Enjoy ka po." ang paalam ni Jiro matapos ang ilang saglit bago niya ibaba ang linya't tumitig sa kisame bago nagpakawala ng isang malalim na buntong hininga. Nagpaltik naman ang tenga ko nang marinig ko ang sinabi niyang "I LOVE YOU".
"I love you... sus! I love you... KADIRI!" ang biro ko kay Jiro. Muling nagsalubong ang kanyang kilay at tumagilid paharap sa akin.
"Bakit bumalik nanaman yang pagtitrip mo sa akin?"
"Wala. Gusto ko lang. Bakit? May angal?" at tahimik naman si Jirong tumagilid muli patalikod naman sa akin. Sa lagay niyang ganon ay malakas na tinulak ako ng aking kagustuhang yakapin siyang muli ngunit nanalo pa rin akong pigilan ang aking sarili. Nakakagigil si Jiro mainis. Nakakagigil na nakakatuwa.
Bumangon si Jiro't mabilis na naglakad patungo sa dining area. "Ang baho mo na, maligo ka na nga. Kakain na ako bago pa ako mawalan ng gana." ang wika niya pa.
Naconscious naman ako't inamoy ko ang magkabila kong kilikili. Amo'y deodorant panlalaki pa rin naman ako maliban sa mahinang amoy ng alak na aking nainom kagabi na kumapit na sa aking damit.
"Di naman ah..." ang sabi ko sa kanya at bulaslas lang niya ng nakakalokong tawa habang paupo sa hapagkainan.
"Tara na. Ayoko gabihin sa biyahe." ang sabi niya. Agad akong napatayong sumunod na lang sa kanya at kumain. Di ko alam, para akong nagmistulang robot na mula sa mga oras na iyon na sunud-sunuran na. Inutusan niya akong mag-ayos ng gamit namin ginawa ko kahit di maayos. Sinermonan niya pa ako habang inaayos ang pagkakatupi ng aming mga damit sa aking bag na aming gagamitin dahil ang kanya'y marumi na't baka kapitan pa daw ng amoy ng mga gamit niyang dinala ang mga malinis na ilalagay namin roon. May kaartehan si Jiro pero nasa lugar at isa iyon sa mga ikinatutuwa ko sa kanya.
Habang kumakain kami, di ko maiwasang titigan si Jiro habang seryosong kumakain. Tuwing nahuhuli niya ako'y agad nagsasalubong ang kanyang kilay at nagsusungit. Ako naman, agad na humahalakhak kahit na sumabog pa sa mukha ni Jiro ang laman ng aking bibig.
Pasado ala-una na kami umalis ng condo. Nagcommute kami tulad ng utos ni Jiro sa akin, naging masaya ang aming biyahe dahil sa hindi ako abala sa pagmamaneho't sa unang pagkakataon ay nakaroon kami ni Jiro ng oras para sa isa't-isa bilang magkaibigan kahit sa loob ko'y nanaig ang matinding pagnanasang maging akin siya.
Ako ang nagbuhat ng aking bag, pang dalawang gabi ang damit na aming dinala. Gusto daw niya kasi maligo din sa dagat. Balak talaga niyang magswimming dahil mukhang nakahiligan niya ang paglangoy mula noong bata pa raw siya.
Halos ala sais na nang makarating kami sa resort ay agad kaming nagcheck-in at nagpahinga muna sa dating silid kung saan din kami ni Jiro nagstay noong gumagawa kami ng commercial. Sa mismong silid kung saan ako unang nakatikim ng hiyas ng isang babae. Sa mismong silid kung saan ako huling kinausap ni Claire.
Humiga agad ako sa ibabang kama ng double deck na dati ko rin pwesto. Si Jiro naman, agad na inayos ang aming mga gamit sa cabinet bago nagtanggal ng kanyang damit pang-itaas. Pinagmasdan ko ang kanyang likuran.
Lumingon si Jiro't nahuli niya akogn seryoso ang aking mga titig sa kanya.
"Ano tinitingin-tingin mo? Ako bawal tumitig sa iyo tapos ikaw tinititigan mo ng ganyan? Tigang ka ba?" ang alaska niya sa akin sabay tawa ng malakas. Nangiti lang ako.
"May iniisip lang ako." ang palusot ko sa kanya.
"Ano? Ano nasa isip mo? Ako kunwari si Frida? Gago ka, July." ang sagot niya sabay hagis sa aking mukha ng sinuot niyang shirt. Hindi ko pansin na itinakip ko pa sa aking mukha ang kanyang damit at malalim na huminga upang amuyin ang damit niya. Natauhan ako bigla kaya't inalis ko agad ito at ibinato pabalik sa kanya.
"Ang baho." ang palusot ko.
"Mokong." sabi niya sabay amoy sa kanyang damit at sinabing, "Tarantado ka, di naman ah. Loko mo nanaman ako ha."
Humalakhak ako't bumangon sa kama. Nag-alis agad ako ng shirt na kanyang ikinabigla. Napatitig siya sa aking dibdib at biglang napayukong nahiya nang makita niyang nakita ko ang pagtingin niya. Namula agad ang pisngi ni Jiro.
"O? Ngayon ka lang ba nakakita ng dibdib ng isang lalaki?" ang tukso ko sa kanya sabay ko ng bahagya ng suot kong walking shorts upang ilabas ang tela ng aking brief na karugtong ng nakalabas nitong garter na kulay itim at may nakalagay na pting letrang CK. Proud na proud ako sa aking sariling naaakit ko si Jiro at lalo akong nangigil sa kanya.
"Timang." ang nahiyang sagot niya. "Bakit nagtanggal ka ng shirt mo?" dagdag niya.
"Punta tayo sa beach habang maaga. Pabili na rin ako ng inumin sa helper bayaran ko na lang siya." habang angfeflex ako ng aking biceps na kinakausap siya. Di na makatingin si Jiro kaya't tumalikod na alng at kunwari'y hinahalungkat ang cabinet.
Bumaba kami ni Jiro na shorts at tsinelas lang ang suot. Nagdala na ako ng tatlong libong piso para mautusan ang helper na bumili ng inumin matapos pasindihan ang ilaw sa likuran ng resort para magamit namin.
Nang makarating kami sa dalampasigan, pareho kaming humiga ng pahilata't magkatabi sa ilalim ng gabing tuluyan nang sinakop ang kalangitan at naglabasan na rin ang mga bituin sa langit. Inuunanan ko ang isa kong kamay at si Jiro nama'y nakapatong lang ang magakakapit niyang mga kamay sa ibabaw ng kanyang tiyan.
"July, salamat ha?"
"Saan?"
"Masaya lang ako."
"Bakit ka masaya?"
"Out of town ulit ako eh."
Natawa naman ako sa sinabi niya't ibinaling na ang aking titig sa kanya't kinalimutan na ang magagandang nangungutitap na mga bituin.
"Basta ikaw."
"Talaga? Bakit?" ang tanong niya. Tinamaan ako sa aking nasabi. Kinabahan akong baka bigyan niya ng malisya.
"W-wala."
"Ah... pero seryoso, July. Masaya ako."
"Ako rin naman, salamat sa iyo Jiro. Isipin mo na lang na, bumabawi ako dahil tinulungan mo ko na bumangon sa pagkalugmok ko dati. Siguro di ko na rin magagawang pumunta dito kung di ko pa rin tanggap ang nangyari sa amin ni Claire at sinisisi ko pa rin ang sarili ko ngayon."
"Hindi ko alam kung paano nangyari yun, pero masaya ako na natulungan kita sa maliit na paraan. Ginawa ko lang ang kaya kong gawin."
"Oo nga eh. Kahit napakatarantado ko sa iyo dati. Pasensiya na ha?"
"Wala lang yun. May sayad ka na talaga at tanggap ko na ganun ka talaga." ang biro niya't humagikgik na tumawa. Bigla kong napansin ang aming pinagdaanan na puro ako na lang ang nagpakilala sa kanya. Marami pa rin akong bagay na di alam kay Jiro. Habang nananaig ang katahimikan sa aming dalawa't inakay ko siyang unanan ang aking braso't lalong tumabi sa akin.