Caroline Faith's POV
Kasalukuyan na akong naglalakad papunta ng aming bahay galing trabaho. Thirty meters lamang ang layo nito mula sa may kalsada hanggang sa bahay. Mga ilang sandali pa ay may narinig akong isang pamilyar na boses, kilala ko na kung sino tumatawag sa nickname ko at wala ng iba kundi ang bestfriend kong si Tristan James de la Paz. Apat na taon ang tanda niya sa akin at para ko na nga siyang kuya pero naiilang akong tawagin siyang ganoon lalo na crush ko siya. Oo gusto ko siya simula noong high school pa lang kami, natutuwa kasi ako sa kanya.
"Uy kanina pa kita tinatawag bakit hindi ka lumilingon?" nakasimangot na tanong niya pero napangiti naman ako ng palihim.
"Alam ko naman na ikaw 'yan, bakit pa ako lilingon?" nagmamaang-maangang tugon ko.
Ayaw ko lang kasi siyang titigan para akong natutunaw kapag ganoon kaya napailing-iling na lang ako para makaiwas ng tingin sa kanya.
"Suplada ka na pala ngayon, tzk!" reklamo niya.
"Hindi naman sa ganoon noh. Alam ko namang ikaw 'yon kaya di ko na kailangan lingunin." muli kong paliwanag sa kanya.
"Suplada ka na nga talaga. Ayaw nang mamansin kahit sa bestfriend niya." nagtatampong saad muli nito kaya lumapit ako sa kanya at kumapit sa kanyang braso.
"Sorry na ohhh. Hindi ko sinasadya. Happy?" nginitian ko siya.
"Bakit parang naiinis ka pa ata eh." pagmamaktol niya.
"Hindi nga eh kaya nagso-sorry na ohhh." paglalambing ko pa.
"Sige na nga." ngumiti siya at mas lalo pa niya pinakapit ang mga kamay ko sa braso niya para lang kami mag-jowa nito. "Kung hindi lang kita bestfriend nako." sabay naman pisil sa kaliwang pisngi ko kaya napadaing naman ako sa sakit.
"Aray ko naman, grabe ka makahila sa face ko." reklamo ko sabay hawak sa pisngi na hinawakan niya at napansin kong parang namamaga kaya pinaghahampas ko na siya sa braso at iniwan na siyang mag-isa.
"Teka lang uy. Sorry hindi na mauulit. Sarap lang kasi pisilin ang pisngi mo ang tambok kasi." nakangising saad pa niya kaya sinimangutan ko na lang siya at tinalikuran.
Hinabol naman niya ako pagkatapos at siya naman umagkla sa braso ko.
"Sorry na cef, hindi na mauulit." tinaas niya ang kanang braso tanda na nangagako na hindi na uulitin.
"Ok na." sabay irap.
Hinatid niya muna ako sa amin kaya dinaanan lang muna ang kanilang bahay kaya nakaramdam ako ng kilig sa loob-looban ko.
Nang makarating na kami hinayaan at hinintay na muna niya ako makapasok sa loob bago napagdesisyon na umalis. Napangiti naman akong pumasok sa loob ng bahay nang bigla ako salubungin ng mga kapatid ko. Alam kong aasarin nanaman ako ng mga ito, haixt.
Bakit ba kasi ako nagkaroon ng mga ganitong kapatid? Kainis!
"Lola tignan mo si ate kasing pula na ng kamatis oh. Hinatid lang ni Kuya Tristan kinilig na." pang-iinis sa akin ni Cipher at pinatahimik ko kaagad ito baka kasi marinig ni Tristan pati ng kapitbahay.
"Oo nga ayieee." dinagdagan pa ni Candy.
"Magsitigil nga kayo dyan. Impossible 'yang mga naisip niyo saka magkaibigan lang kami, ok?" tinititigan ko na sila ng seryoso hudyat na ititigil na nila ang pagbibiro.
Napakamot na lang ng ulo si Cipher pagkatapos nanahimik na rin si Candy.
Totoo naman talaga na kaibigan at parang isang kapatid na babae lang turing sa akin ni Tristan at wala na hihigit doon pero mayroon talaga akong romantic feeling para sa kanya at hindi ko lang pinapahalata dahil ayaw kong masira at mawala ang friendship namin dahil sa nararamdaman ko. Hindi ko isasakripsyo ang aking feelings sa pagkakaibigan namin na matagal na nabuo. Ayos lang sa akin na ganito lang, na nakikita ko siyang masaya at magkasama kaming nagkakatuwaan minsan asaran ayos na sa akin.
Sa kabila ng pag-iisip hindi ko namalayan nakapasok na pala ako ng aking kwarto. Ni-lock ko muna ang pinto, nilapag ang bag sa table at dumukot ng damit pambahay sa aparador at nagbihis. Pagkatapos lumabas na rin ako at nadatnan kong inihanda ni lola ang meryenda para sa akin at agad akong nagpasalamat.
KINAUMAGAHAN.
"Good morning everyone." masayang bati sa mga ka-workmates ko.
"Good morning, too. Mukhang maganda ang araw natin ah. Anong meron?" bungad na tanong ni Joanne sa akin kaya napalingon naman ako sa kanya.
"Wala naman. Basta maganda ang araw ko lang ngayon." nakangiti lang ako habang sinasabi iyon.
"Hindi eh parang mayroong naganap tell me. Teka….." napahinto siya ng ilang segundo bago nagsalita. "Tungkol ba 'yan sa bestfriend mo? Nanligaw na ba siya sayo?"
Napangiwi na lang ako sa mga tanong niya at sinimulan ko na rin ang trabaho.
"Ano?"
"Hindi siya naligaw, ok. Napaka-impossible naman ata ng sinasabi mo saka hindi ako yung tipo niya para magustuhan. Ayaw niya sa mga clumsy, innocent at childish na tulad ko." biglang nawala ang aking ngiti nang sabihin iyon.
Sinabi ko lang yung ayaw niya sa isang babae at masasabi kong hanggang bestfriend lang kami.
"Sigurado ka ba sa sinasabi mo? Pero malay mo ngayon magustuhan ka na niya." dugtong pa ni Joanne kaya muli akong napatitig sa kanya.
"Impossible 'yon, ok. Mabuti pa magtrabaho ka na at mapagalitan pa tayo ni Sir Marlo." sabi ko sa kanya kaya tumigil na rin at sinimulan na ring gawin ang trabaho.
Actually siya naman talaga ang dahilan kung bakit masaya ako ngayon kasi kahapon lang kami nagkita ulit dahil sa sobrang busy namin sa trabaho bihira na lang din kami magkita at kung minsan nagcha-chat lang kami sa facebook kapag breaktime at kapag nasa bahay.
Pagkababa ko ng jeep agad kong ginala ang aking mga mata baka sakali muli kaming magkasabay maglakad patungong bahay. Naglalakad na ako ng limang minuto pero walang tumatawag sa pangalan ko. Napabuntong-hininga na lamang ako habang patuloy na tinatahak ang aming bahay.
Pagkarating na pagkarating ko dumiretso na kaagad ako sa kwarto at ayaw ko na munang makipag-usap sa mga kapatid ko at siguradong iinisin nanaman ako ng mga 'yon. Muli nanaman akong huminga ng malalim na tila napakalalim ng iniisip.
Sa pagiging abala ko sa computer games hindi ko na ring namalayan na magagabi na pala at nakaramdam na rin ako ng gutom. Sumabay na rin ako sa kanila pero kaagad naman ako nakabalik sa kwarto at napansin kong umilaw ang cellphone ko, baka may nagtext.
Laking tuwa ko na lang na siya yung nagmessage. Muli nanamang tumatalon-talon ang puso ko sa sobrang saya. Mabilis ko siyang nireplayan hanggang sa marami nanaman kaming napag-usapan kaya late na rin ako nakatulog sa gabi.
"Uy ano ngingiti-ngiti mo diyan ah?" tanong sa akin ni Joanne pero hindi ko lang pinansin yung tanong niya at tinuloy ko lang din ang trabaho ko.
"Hay nako, iba talaga kapag in-love." pagpaparinig nito sa akin at hindi ko na rin pinansin.
Pagkatapos ng office hours, napagdesisyon ko na rin umuwi baka sakaling magkita ulit kami ni Tristan, nami-missed ko na kasi siya sobra.
Tinamaan na talaga ako sa bestfriend ko!
Nakauwi na rin ako ng bahay at tinulungan ko naman si lola magluto at maghanda ng dinner tutal naiinip ako kasi wala akong magawa sa kwarto. Nakakasawa na rin kasi maglaro ng computer games at mag-internet.
"Matanong lang kita apo, mayroon ka bang gusto kay Tristan ahhh?" nagulat ako sa tanong ni Lola kaya napatigil ako sa paghihiwa ng sibuyas at bawang saka nilingon siya saka tumango.
"Pero hindi naman ako yung gusto niya eh. Bestfriend lang talaga ang turing niya sa akin lola."
Medyo nalungkot siya nang sabihin ko 'yon.
"Bakit hindi mo na lang siya kausapin at aminin na lang sa kanya ang feelings mo malay mo naman gusto ka rin niyon, nahihiya rin umamin." dagdag pa niya.
"Hinding-hindi ko po 'yan gagawin lola, ayaw kong ako yung gagawa ng first move. No way. Babae pa rin ako saka ayaw kong tumulad sa iba diyan noh kahit gusto ko na talaga si Tristan." nakangusong tugon ko saka tinuloy na rin ang ginagawa.
Pagkatapos ng gabihan, tumungo na rin ako sa kwarto para makapagpahinga na rin para bukas. Humiga ako nang maayos sa kama at humarap sa kisame ng bahay sabay isip ng kung anu-ano hanggang sa napadako ang aking mga mata sa cellphone.
Binuksan at tinignan koi to kung nagtext siya subalit nabigo ako. Wala siyang message sa akin. Sinubukan ko na rin magbukas ng facebook baka doon siya magchat at wala siyang load pang-text.
Pagkabukas ko rin ng fb wala siyang message kaya napabuntong-hininga nanaman ako at di maiwasan makaramdam ng lungkot. Hinintay ko pa rin ang text o chat niya sa akin baka may ginagawa lang o kumakain ng dinner. Lumipas na ng isang oras wala pa rin at nakaramdam na ako ng antok kaya nagawa ko na lang na ipikit ang aking mga mata.
"Teka bakit parang pang-Biyernes santo 'yang itsura mo? Nakaraang araw lang abot tainga ang ngiti at ngayon susko hindi maipinta ang mukha. Ano ba kasing nangyari ahhh?" di mapakaling tanong niya sa akin ni Joanne.
"Hindi kasi siya nagtext o nagchat man lang sa akin kagabi." nagmamaktol na tugon ko kaya napangiwi naman siya.
"Wow Carol! Akala mo ikaw na ang jowa kung makatampo ka diyan. " nainis ako sa saad niya kaya sinimangutan ko na lang siya.
Pinamumukha talagang kaibigan lang ako ni Tristan at walang karapatan maging girlfriend niya. Ang sakit lang.
"Sorry na. Ikaw naman kasi umaasa sa wala. Pilit kang nag-aassume na magustuahan ka ng bestfriend mo at maging kayo. If I were you, you need to stop now kasi masasaktan ka lang kung ipagpapatuloy mo pa 'yan. Buong akala ko magkakatuluyan na kayong dalawa pero base kasi sa kwento at sa itsura mo malabo na ngang na maging kayo." sa huling sinabi ni Joanne doon ako muli napatingin sa kanya.
Titigil na ba ako? Pero hindi ko kaya eh mahal ko na si bestfriend.
"Mahal ko na siya…."
Iyon lang ang tanging nasambit ko pagkatapos.
Lumipas ang isang buwan na hindi pagte-text o chat sa akin ni Tristan doon ko napagtanto sa sarili ko na itigil na aking kahibangan ko sa kanya. Na-realized ko rin kasi ang sinabi sa akin ni Joanne nakaraan at yung paulit-ulit niya akong pinaalalahanan. Sa una naiinis ako sa kanya dahil akala ko hindi lang niya ako naiintindihan pero napag-isip- isip ko rin na tama siya. Kaya heto pilit pinatatatag na lang ang sarili.
Bigla akong nagising sa tunog ng cellphone ko. Nakalimutan ko rin kasi i-turn off sound nito kagabi dahil sa sobrang antok na. Agad ko ito kinuha sa mesa katabi ng kama saka binuksan ang phone.
Nanlaki na lang ang mga mata ko at nawala ang antok nang mabasa ko ang message niya.