SUN'S POINT OF VIEW
MAAGA ang uwian namin ngayon, kaya alas quatro pa lang ng hapon ay nasa bahay na ako. Wala si Mama sa bahay, si Moon naman ay nasa attic. Pagod akong pumasok sa silid namin, hinagis ko ang bag ko sa ibabaw ng kama at nagsimula nang tanggalin 'yong nga butones nga aking uniform. Binilisan ko ang pagpapalit ng damit upang maagang magkaroon ng buhay ang kambal ko.
Pagkatapos ay kara-karaka akong kumaripas ng takbo patungo sa attic, "Moon!" Sigaw ko nang mabuksan ko na ang pinto ng attic. Bahagyang gumalaw ang dibdib ng aking kambal, senyales na siya ay humihinga na, at mabagal ding kumurap ang kaniyang mga mata. Napailing siya nang kaunti at marahang ngumiti nang madapo ang kaniyang tingin sa akin.
"Sun!" Sigaw niya sa aking pangalan at dali-dali akong binigyan ng yakap. Nako, ang sweet talaga ng kambal ko.
"Anong oras na?" Nae-excite siyang yumalas sa pagkakayakap nang lingunin niya ang maliit na bintana ng attic, "May araw pa?" Siya'y nagtaka, "Maaga pa?" Kunot-noo siyang lumingon sa akin.
"Oo, maagang na-dismiss ang klase namin ngayon, kaya nakauwi ako ng maaga." Sabi ko saka pumakawala ng isang ngiti, "Oh, siya, bumaba ka na at gawin ang nais mong gawin habang maaga pa," wika ko.
"Yahoo!" Parang bata niyang inalsa ang kaliwa niyang kamao na para bang nanalo sa isang laro. Pagkatapos ay dali-dali siyang bumaba ng hagdan, subalit isang hakbang pa lang pababa ng hagdan ay bigla na siyang natigilan. Nanigas ang kaniyang buong katawan at muling naging istatwa.
Napakamot na lamang ako sa aking batok at sinara ang pinto ng attic. Pagkatapos ay lumapit ako sa kaniya at hinawakan ang kaniyang kamay, "H'wag magpapadala sa excitement, matuto kang maghintay. Alalahanin mong oras ko pa," natatawa kong sambit habang marahanan akong bumababa ng hagdan hawak ang kamay niya.
"Pasensya naman," napabuntong hininga siya, "Nasanay kasi ako na tuwing pagdating mo ay siyang pag-alis ko."
"Naku, emote yarn?" Muli akong natawa.
Pareho kaming dumiretso sa aming silid at doon ay lumundag siya sa aming kama, "Namiss ko humilata!" Masigla niyang sabi saka gumulong-gulong sa ibabaw ng kama ngunit nahinto siya nang magulungan niya ang bag ko. "Aray! Ano ang laman ng bag mo? Bakit parang may matigas na tumusok sa likuran ko?" Nakangiwi niyang reklamo sabay hawak sa masakit niyang likod.
Natawa tuloy ako, "Malamang may mga notebooks at libro iyan," sabi ko saka kinuha ang bag at nilapag iyon sa mas maayos na lugar.
"Hindi naman kasi lalagyan ng bag 'tong kama, ih!"
"Sorry na, 'di ko naman inaasahan na lulundag at gugulong ka diyan, eh."
"Hays!" Inikutan niya ako ng mata, "Minsan na nga lang tayo makakahiga sa kama, eh, masasaktan pa." At nag-emote na naman ang aking kambal.
Speaking of, dahil nga umaga ang aking schedule at gabi naman si Moon, hindi na namin nagagawang matulog. Simula no'ng magtrabaho si Moon, 'di ko na muling naranasang matulog kasi nga, magkalayo na kami ng kambal ko. Hindi na tulad ng dati na magkatabi at magkayakap pa kami sa iisang kama. And what is good about our curse is, hindi naghahanap ng tulog ang aming katawan.
Base kasi sa research ko, 'yong mga taong kulang sa tulog ay sumasakit 'yong ulo, nagiging anemic, at iba pa. Ngunit sa kaso namin ay normal pa rin ang aming pangangatawan.
"Moon," malambing kong pagtawag sa kaniya saka umupo sa gilid ng kama.
"Oh?" Suplada niyang sagot. Naku, 'yan 'yong pinagkaiba naming dalawa. Napakasuplada talaga nitong kambal ko. Minsan nga ay nakaaway na niya 'yong ka-workmate niya.
"'Wag mo muna ipakita 'yang sungay mo, okay? Pwede ba iyon?" Pakiusap ko sa kaniya sa mahinahon na tono.
Inikutan niya ako ng mata, "Ano iyon, Kamahalan?" Sarkastiko niyang sagot. Ewan ko ba, may matinong bagay pa kayang tumatakbo sa kaisipan niya?
"Ano kasi, kilala mo si Glex, hindi ba?"
"Oo, 'yong bestfriend mong suicidal."
Natahimik ako saglit dahil sa huling sinabi niya, ngunit mas pinili ko na lamang na h'wag na pansinin. "Oo, siya. Ano kasi, malapit na iyong birthday niya." Sabi ko sa nahihiyang paraan. Ramdam kong medyo lumakas ang kabog ng dibdib ko, kinakabahan ako na baka hindi siya pumayag, gayong nakapag-oo na ako kay Glex.
"Ano naman ngayon?"
"Kaso," umiwas ako ng tingin sa kaniya, "Alas singco ng hapon magsisimula 'yong party. Alam mo namang isang oras na lang ang pagitan no'n sa pagtatapos ng aking oras, hindi ba?" Tanong ko sa kaniya at muling tumingin sa mga mata niya.
"At ano ang gusto mong mangyari?" Mahina niyang tanong na para bang naaamoy na niya ang takbo ng aking pag-iisip.
"Maaari bang ikaw na lang 'yong—" hindi ko pa nga natatapos 'yong nais kong sabihin ay nagsalita na siya kaagad.
"Seryoso ka ba?!" Lumundag siya patungo sa akin, "Ano ang susuutin ko? Gown ba? Dress? O ano ba?" Natataranta niyang tanong na may ngiti sa kaniyang labi. Kitang-kita ko ang bakas ng excitement sa kaniyang ngiti at sa mala-kumikinang na mga mata.
Nabigla ako sa kaniyang naging reaskyon, hindi ko inaasahan na makukumbinsi ko siya nang ganoon ka-bilis. "So, papayag ka?"
"Bakit naman hindi? Matagal ko nang hinahangad na makadalo sa isang okasyon. Nabubulok na ako sa paulit-ulit na sistema natin."
Nakaramdam ako kaagad ng lungkot, "Napapagod ka na ba, Moon?" Tanong ko sa kaniya.
Natawa lamang siya sa tanong ko, "Ano ka ba?" Umiling siya at tinapik ang aking balikat, "Sabi ko, nabubulok na ako. Pero hindi ko sinabing napapagod na ako. H'wag na h'wag mong iisip na napapagod na ako, sa katunayan ay mas inaalala nga kita dahil alam kong mas nakakapagod ang mag-aral."
Kahit na sabihin niya pa ito, ramdam ko pa rin 'yong lungkot sa mga ngiti niya.
Yunuko ako at bumuntong hininga na lamang, "Sana ay mahanap na natin ang solusyon sa sumpa na ito," sabi ko.
"Sana nga... Teka, bakit ba napunta tayo sa topic na 'to? Nalulungkot tuloy tayo," muli siyang natawa, "So, ano na, ano ang susuutin ko at saka kailan ba ang kaarawan ni Glex? Sabihin mo ahead of time para makapagpaalam ako sa manager."
"Kahit ano lang ang susuutin. Ang sabi ni Glex ay magsuot daw ako ng maganda," hinawakan ko siya sa kamay at taimtimang tinitigan ang kaniyang mga mata, "Pero pakiusap, h'wag kang lalapit sa mga lalake na dadalo sa kaarawan. Kahit na ipagpilitan ka pa ni Glex na makipag-usap sa kanila."
---