Download Chereads APP
Chereads App StoreGoogle Play
Chereads

Atros Grem

🇵🇭labandeRON
--
chs / week
--
NOT RATINGS
10.6k
Views
VIEW MORE

Chapter 1 - Kabanata I: Kasunduan sa Impyerno

Sa kabundukan ng Rakkor, malakas ang malamig na hangin, umaalulong ang lumiliwanag na itim na ulap, hindi na nakikita ang langit at di umaabot ang liwanag ng araw sa lupang iyon. Walang buhay ang natira sa isang iglap, pagtapos ng isang bulong na nagpahinto sa lahat...

"Papatayin mo ba ako? Akos? Tal?"

Bumigat ang langit na nagpaluhod sa lahat. Walang makakilos walang makapagsalita. Ang lahat ay nakayuko sa pagtayo ng lalaking balot sa posas at kadena. Ang isang sandali ng bulong na nagpakawala ng apoy na nagpaabo sa lahat ng nasa paligid ni Karom.

Sa pagkamulat muli ng mga mata ni Karom ay wala nang iba kung hindi siya. Nawala ang mga taong nagsisigawan, mga kawal at maharlika. Walang natira kundi siya at ang bundok. Nawala na ang mga taong sanhi ng poot, pighati, at paghihirap niya ngunit ang poot, pighati, at paghihirap sa puso niya ay nananatili pa rin.

"Ito nanaman tayo. Hahaha", pighati ng mga nawala at bigat ng papasaning pagsisisi na dadalhin habang nabubuhay, pagod na si Karom sa mga iyon. Sa buong buhay ay puro nalang pasakit ang nakukuha ni Karom sa kahit saan siya mapunta.

"Paulit-ulit nalang"

Gusto na niyang matapos ang lahat. Hindi nababagay sa kaniya ang mundong iyon. Paghihirap ang dala sa kaniya ng mundong iyon at paghihirap rin ang dala niya dito. Sa mundong ito, ano bang meron sa impyernong hindi niya pa nararanasan? Tanong niya. Anong kabayaran sa kasalanan na dahilan ng paghihirap niya?

Buhay...

Buhay ang nawala ng dahil sakin, buhay rin dapat ang kapalit.

Hindi niya na kayang magpatuloy sa buhay sa lahat ng sugat na naiwan sa kaniya na mga taong nawala na. At anong malay natin, baka madagdagan pa ito sa kinabukasan o kailan pa. Hindi niya na tiyak kung kaya niya pa, baka isang araw magising nalang siya nang wala na ang katinuan niya.

"Hayyy... Paalam sa lahat", iniangat ang kaniyang kanang kamay, pinagbaga't umapoy. Ipinikit ang mga mata, ibinwelo ang nag-iinit na kamay at mula sa langit ay malakas itong patatagusin sa dibdib na ipaaabot sa puso nang matapos na ang lahat... ngunit hindi ito ang nangyari nang may isang lalaking humablot sa kanyang braso at nagpatigil sa kaniyang balak.

"Wag... Masama yan", sambit ng misteryosong lalaki. Nakasuot ng kayumangging kapa at may nakakasilaw naliwanag na nakabalot sa kanya. Hindi maaninag ni Karom ang mukha ng lalaki.

Gulong-gulo ang isip ni Karom. Hinablot ng kanang kamay ni Karom ang kamay ng lalaking humablot rin sa kanya. Hinila niya ito habang nakahanda na ang kaliwang kamay upang humampas sa mukha ng lalaki. Nagpakawala ng napakalakas na nagbabagang suntok na nagpalipad sa lalaki. Hindi pa nakuntento si Karom. Sinundan niya ang direksyon ng lalaki nang mas mabilis pa sa pagtalsik nito. Nalagpasan niya ito at may nakahandang suntok paitaas ang sasalubong sa lalaki. Tumama sa gulugod at pinaangat sa ere ng sumasabog na kamao ang lalaki. Nanggigigil si Karom. Tumalon siya't itinaas ang dalawang nanggigigil na kamao, inihampas ito sa lalaki at nagdulot ng pagkakaroon ng malaking pagsabog sa lupang kinabagsakan. Kulang pa. Hinila ni Karom ang kwelyo ng lalaki at hinampas ito sa lupa. Inihagis niya ito, sinapak-sapak, sinipa. Sunod-sunod ang pagsabog sa hagupit ng galit ni Karom. Binuhat niya ang mga nagkalat na malalaking bato at hinagis sa direksyon ng pinagtalsikan ng lalaki. Galit na galit si Karom. Ang paligid ay parang naging isang impyerno, nag-aapoy, puno ng pagsabog, yumayanig ang lupa. Ito ang dahilan kung bakit kinunsidarang banta sa mundo si Karom. May kakayahan siyang dalhin ang impyerno sa mundo. Sa isang maliit lang na galaw ay maraming masasawi kung di' niya ito makokontrol, bagay na ayaw niya rin.

Lumipas ang ilang oras, kumalma na si Karom. Kamusta ang lalaki?

"Hah hah", hingal si Karom. Buong lakas niya ang ginamit niya roon. Sa kadalasan sa pagwawala niya sa galit ay nakakapatay siya ng malalaking mga halimaw o malalakas na kalaban, nakapatay pa iyon ng ilang libong kawal o higit pa. Doon niya lang ginamit ang buong lakas niya sa buong buhay niya. Ngunit wala siyang balak na patayin ang lalaki bagkus alam niya na ang buong lakas niya ay hindi sasapat sa lalaking kaharap niya ngayon.

"Ayus ka na?" tanong ng lalaki kay Karom habang pinapagpag ang sarili niya.

"Hah... hah... Sandali..... Hinihingal pa ako.." sagot ni Karom habang nakayuko't hawak ang magkabilang tuhod at tumutulo ang pawis sa lupa.

Sa isang pitik ng misteryosong lalaki, umayos ang gumunaw na paligid. Nawala ang mga apoy at umayos ang lupa ganun rin ang langit na lumiwanag na muli nang kulay kahel ng dapit hapon.

Hinagod ng lalaki ang likuran ni Karom. Tumawa't hinampas-hampas ito nang parang matagal na silang magkumpareng kakatapos lang uminom.

"Hahahahahaha", tawa ng lalaki. "Hindi tatalab ang iniisip mo Karom. Hindi sapat ang ginawa mo para patayin kita."

"Tsk sayang pagod ko", sagot ni Karom na medyo umaayos na. Kinalma ni Karom ang sarili at inobserbahan ang kasalukuyang sitwasyon. Bibitayin dapat siya ngunit sumabog nanaman siya. Magpapakamatay sana siya ngunit inistorbo siya ng estranghero, sumabog ulit siya. Ngayon kalmado na siya. Tinignan niya ang paligid, mga bundok, kalmado na ang langit. May lalaking pasensyosong naghihintay na pansinin siya. Pero ang pinakaimportante.... gusto pa rin niyang mamatay.

"Kalmado na ko pero gusto ko pa ring mamatay", sambit ni Karom habang sumasalampak sa lupa at pinagmasdan ang magandang tanawin sa bundok.

"Sige 'di na kita pipigilin. Pero bago ka mamatay ay may ikekwento ako", sambit ng lalaki habang iniangat ang palad sa hangin, may sumulpot na rolyo ng papel at kinuha ito.

"Bilisan mo lang dahil nagmanadali ako", sabi ni Karom.

Tinanggal sa pagkakarolyo ang papel at binasa ito ng lalaki.

"Ehe... Ehem.. Atros Grem. Pamilyar ba?" tanong ng lalaki.

"Atros Grem? Aaaaahhh.... Parang... Oo pero ano yon?"

"Interesado ka na? Kaso nagmamadali ka ata e. Wag na nga lang" pangbibitin ng lalaki.

Inis si Karom, siraulo 'to ah, sa isip niya.

"Ah ganon sige paalam. Punyeta ka" iniangat ang nagbabagang kamay.

"Teka biro lang haha" sabi ng lalaki habang pinipigil ang kamay ni Karom"

"Sige tuloy."

"Ehem, Atros Grem, yan ang eternal na pangalan mo. Lahat ng tao ay may eternal na pangalan. Ang Karom na pangalan mo ay mortal na pangalan mo lang. Kada- pagkakabuhay ng kaluluwa ng tao sa pisikal na mundo lagi siyang may bagong pangalan na binibigay sa kanya sa kapanganakan at iyon ang dadalhin niyang pangalan hanggang mamatay siya. 'Yon ang mortal na pangalan. Ang eternal na pangalan naman ay ang pangalan mo simula sa pag-usbong hanggang paglaho. Ito ang pangalan ng kaluluwa mo, buhay ka man o patay."

"Aaah", naliwanagan si Karom. Oo nga pamilyar ang pangalang iyon pero wala sa memorya ng isip niya yon. Pero anong gagawin niya sa impormasyong 'yon e sigurado naman siyang iyon ang itatawag sa kaniya ng nasa impyerno pagdating niya roon. "Oo nga....Atros Grem.. Ang galing.. E ano ngayon?"

"Sa papel na'to nakatala ang lahat ng mga nangyari sa kaluluwa mo, sa lahat ng mga nakaraan mong buhay. At nandito ako dahil sa mga nakasulat dito. Dahil sa lahat ng buhay mo paulit-ulit lang ang nangyayari sa'yo."

"Oh? Anu-ano yon?"

"Halimbawa ito. No'ng nakaraang buhay mo bago ito. Bibitayin ka rin dapat na iinom ka ng lason, desidido ka na mamatay no'n. Ininomin mo na. Pero alam mo sa sarili mong hindi tatalab sayo ang lason, ta's sumabog ka pa. Sunog yung mga tao sa paligid. Nagsisi ka. Nagpakamatay ka. Ganun rin sa iba. Ito no'ng matagal-tagal na. Bibitayin ka rin. Isasawsaw ka sa nagbabagang putik sa harap rin ng maraming tao. Syempre walang talab rin sa'yo yon pero sumabog ka pa rin. Patay nanaman lahat. Nagsisi ka ulit tas nagpakamatay. Marami pa. Lahat ng paraan ng pagbitay naranasan mo na. Lahat ng paghihirap o kung anu-ano pa sa buhay. Paulit-ulit, at kung walang gagawin ay siguradong mauulit lang ang lahat. Laging sa impyerno ang bagsak mo at sa pagkabuhay mo maghihirap ka pa rin."

Hindi makaimik si Karom. E ano pa bang magagawa? Sa isip niya.

"Alam ko kung bakit ayaw mo na sa mundo, natatakot ka na baka isang araw 'di mo na kayanin, mawala ka sa katinuan at mangyari na nga ang kinakatakutan mo, ang maging halimaw ka na magdadalaw ng bangungot sa mundo. Pinapahirapan ka ng mundo pero iniisip mo pa rin ang kapakanan nito, yan ang gusto ko sa'yo. Pero sobra na ang sakripisyo mo para sa mundo kaya oras na para tapusin ang paghihirap na 'di naman dapat nararanasan ng sinuman. Pero 'di lang para sa'yo ang pagpaparito ko. Ang totoo di ko pa nasasabi ang totoong sadya ko rito. May ibang dahilan ang pagpaparito ko."

"Ano yon?"

"Pinipigilan kitang mamatay dahil sa isang problema. Masyado nang populado ang impyerno, ilang siglo nang sobrang populado ng impyerno. Ewan ko ba sa mga Tagapagpanatili kung anong ginagawa nila at di nila maayos ang problema. Nawala na ang balanse ng kaluluwa sa pisikal na mundo, sa langit at sa impyerno. Ang daming naliligaw na kaluluwa sa pisikal na mundo, halos walang kaluluwang nakakaabot sa langit, ta's halos lahat sa impyerno ang punta." mahabang salaysay ng lalaki. " Ang sabi mo kanina gusto mo pang mabuhay, gusto mo pang makita ang magandang mundo na laging tumatalikod sayo."

Hah. Wala akong sinabi ganon sa kaniya ah. Litong isip ni Karom.

"Di kita pipigilin sa pagpapakamatay mo at kaya kong siguruhing sa susunod na buhay mo ay 'di na mauulit ang siklo ng paghihirap mo. Makikita mo ang ganda ng mundo. Makakasama mo ulit ang mga taong importante sa'yo. Magiging masaya ka. Sa isang kundisyon."

"Kundisyon?"

"Sa isang napakalaking problema ng mundo ng nabubuhay at namatay, ikaw ang magiging solusyon. Hahayaan kita sa nais mong pumunta sa impyerno at bibigyan ka ng espesyal na trato roon. Sa loob ng milyong taon ay nakareserba ang buong impyerno sayo. Lahat lahat sa impyerno ay mararanasan mo, lahat ng mga Binagsak ay sayo lang ang atensyon. Mararanasan mo ang espesyal eksperyensya na ikaw lang ang makakaranas. Walang ibang kaluluwa do'n ikaw lang, solo mo lahat. Ikaw ang magiging dakilang martir na sasagip sa lahat ng mga kaluluwa sa kasalanan nila, maghihirap ka para sa kanila, sasaluhin mo ang kasalanan ng mundo. Isa iyong dakilang sakripisyo para sa lahat. Ikaw ang dakilang tagapagligtas! Walang ibang makakagawa no'n kung 'di ikaw! Ikaw lang!" panghihikayat ng lalaki kay Karom. "At pagtapos ng milyong taon ay mabubuhay kang muli nang walang hanggan, magkakaroon ka ng karagdagang kapangyarihan at magkakaroon ka ng eksklusibong akses sa piling mga lugar sa mundo na kauntilang ang nakakapunta! Magkakapaglakbay ka sa buong mundo at makakalat mo ang napakagandang karanasan mo sa impyerno. Malalaman nila ang hirap, sakit, at takot na kakaharapin nila sa impyerno! At doon ay masusulusyunan ang problema sa populasyon sa impyerno dahil walang tangang gustong maghirap!"

"Kung makapagsalita ka para kang nag-aadbertays ng magandang serbisyo samantalang maghihirap lang ako ng hindi lang basta-bastang hirap, kundi espesyal na hirap!"

"Kaya nga! O naintindihan mo di'ba? O ano sa'n ka pa. Impyerno na!"

"Dakilang Martir, Dakilang Tagapagligtas, mabubuhay ulit ako, magkakaro'n ng karagdagang kapangyarihan, walang hanggang buhay at may akses sa ilang lugar sa mundong kaunti ang nakakapunta, lilibot ako sa mundo para takutin ang mga tao tungkol sa impyerno para di na nila gustuhing pumunta don, di na masama, maghihirap lang naman ako katulad ng lagi kong nararanasan..... Kaso may isa akong problema."

"Ano? Sige ako bahala!" tanong ng lalaki na sabik na sabik.

"Hindi kita kilala. Sino ka ba?"

P.S.: Pasensya na wala pang cover yung story kakainstall ko lang ng app 'di ko pa gets. Pero kapit lang, maraming maaangas na mangyayari. Mga tol! Thanks for reading send feedbacks! At kung anu-ano pang gusto niyong gawin bahala kayo basta masaya kayo! Bye!