Pale Ruins Sector. Distrito ng Calcanoo. "Dern, narinig mo ba ang kwento ng hambog na si Sawsee? Gusto daw niyang maging pinakamalakas na adventurer?"
Malakas na tumawa si Clifford. "Hindi nga niya kayang protektahan ang sarili niya eh… ultimo si Labo kayang-kaya siyang talunin sa takbuhan."
"Naku Clifford, puro salita talaga iyang si Sawsee… nag-slime hunt kami kahapon at hinayaan naming siyang lumaban mag-isa sa slime. Kundi lang dumating si Erika eh baka nagpagamot na naman siya kay Apong Gusting."
Maya-maya ay dumating sina Erika at Sawsee. "Pinag-uusapan niyo na naman si Sawsee, mga bully talaga kayo!" ani Erika. "Isinasama niyo sa mga delikadong gawain niyo tapos iiwanan niyo mag-isa, wala kayong mga puso."
Gigil na gigil si Erika habang nakatiklop ang kanyang mga kamao. Pinigil siya ni Sawsee. "Hayaan mo na sila Erika, mahina naman talaga ako eh… dapat lang akong iwanan sa gitna para may mapatunayan ako."
"Narinig mo Erika? Hahaha!" asar ni Clifford sabay tawanan sila ni Dern.
"Hayaan mo Sawsee, magiging malakas na adventurer ako at proprotektahan kita sa bawat pagkakataon. Papasok ako sa mga pinakasikat at pinakamalalakas na guild para lumakas ako. Sabi ng ability tester sa Admission Camp mataas daw ang chance na mag-triple S Adventurer ako. Purple Type ang talent ko."
Masayang sabi ni Erika sa harap ni Sawsee.
Biglang tawanan ulit sina Dern at Clifford. "Hahaha! Pinakabest na ng katabi mo eh Class E Adventurer, biruin mo BrownBlack Talent."
Pag-uuyam ni Clifford.
"'Lika na nga." Yakag ni Erika kay Sawsee.
Lulugo-lugong umuwi ng bahay si Sawsee. Napansin ni Layda na malungkot ang mukha nito.
"Binully ka na naman ba? Huwag ka na kasi lumabas, hayaan mo na lang ang tatay Emeros mo. Malakas pa siya at kayang-kaya ka niyang suportahan sa iyong pag-aaral at maging Medicine genius."
Sabi nito habang haplos sa buhok ng anak.
"Pero 'nay, malaki ang gugol sa Medicine, hindi sapat ang kita ng tatay bilang Class D adventurer." Malungkot nitong sabi sa ina.
"Kaya nga nagsisikap kami ng tatay Emeros mo para makapag-aral ka ng Medicine, di ba? Kita mo naman ang peligro na dala ng halimaw sa dungeon di ba? Ayaw ko na danasin mo pa iyon, anak. Ilang beses nang umuwi ang tatay mo na di na makabangon dahil sa mga sugat na natatamo niya sa dungeon conquering na iyan." Galit na wika ng Nanay Layda ni Sawsee.
"Layda!"
Nabigla sila sa biglang pagbukas ng pinto at paghangos ni Apong Gusting. Tarantang tanong ni Layda, "Bakit po Apong Gusting, ano pong nangyari? Ano pong nangyari sa asawa ko?"
"Napasok nila ang Class A dungeon na connected sa Class D dungeon na mission nila. Kritikal ang lagay ng asawa mo sa sector guild hospital." paliwanag ni Apong Gusting.
Sinamahan niya ang mag-ina pagtungo sa hospital. Napaluha si Layda sa nakitang kalagayan ni Emeros. Wala na ang kaliwang binti, putol ang kanang braso at may mga lapnos sa balat nito.
"May isang misteryosong pinto ang lumitaw matapos naming mapatay ang boss sa Class D dungeon. Pinagdesisyunan naming buksan ang pinto…" mahinang wika ng isang sugatan at nakahigang kasamahan ni Emeros.
"…hindi namin akalain na yun na ang huling laban ng higit sa labinlimang adventurer at party leader na kasama namin. Isa si Emeros sa dahilan kaya marami kaming nakatakas." Mapait na dagdag nito. Napayakap na lang si Layda sa walang malay na asawang si Emeros.