Chereads / ROSE'S THORN PHR / Chapter 19 - CHAPTER NINETEEN

Chapter 19 - CHAPTER NINETEEN

MAHIGIT isang linggo na ang nakalilipas simula noong makilala ni Rose ang lola ni Thorn na si Pamela. Since then, she hadn't seen Thorn yet. Noong una ay hindi naman siya naalarma dahil sa hindi nito pagpapakita. In fact, naisip niya agad na baka kinailangan lang nitong asikasuhin muna si Lola Pamela. Nabalitaan niya kasi na isinugod daw ito sa ospital.

Hindi na siya nagpakita noong kasal ni Baileys dahil ayaw niyang lalong magkagulo. Baka kapag nakita siya ni Lola Pamela doon ay maibalik na naman ito sa ospital. Tiniis niya na huwag munang makita si Thorn dahil umaasa siyang babalikan din siya nito, kagaya ng pangako nito bago sila maghiwalay nang araw na iyon.

Ngunit nasaan na ito? Bakit ni anino nito ay hindi niya maaninag? Namigat ang dibdib niya dahil sa kaisipang iyon. Sinukuan na ba siya nito agad? Walang kabuhay-buhay na hinaplos niya ang mga bulaklak na naka-display sa kanilang flowershop.

"Ganoon ba ako kadaling isuko?" kausap niya sa mga bulaklak. "Ni hindi man lang namin sinubukang ipaglaban kung ano ang mayroon kami ngayon," malungkot niyang anas.

"Sabi naman kasi sa iyo, ako na lang eh. Ako na lang ulit, `Poy."

She glared at Nicanor who suddenly talked back, quoting one of the famous Filipino movie One More Chance's heroine played by Bea Alonzo. Kasalukuyan niya itong kasama sa shop dahil wala silang delivery nang umagang iyon.

"Kahit kailan talaga ay ang korni mo," asik niya.

"Pinapatawa lang naman kita eh. Ewan ko ba naman kasi sa iyo kung bakit mas pinipili mong magmukmok diyan eh nandito naman ako," iling nito.

Kahit paano'y napangiti siya sa kayabangan nito. "Hindi ka talaga titigil?"

"Titigil lang ako kapag ngumiti ka na. Tanggap ko nang binasted mo ako. Kaso hindi ko matanggap na malungkot ka ngayon dahil sa isang walang kwentang lalaki," himutok nito.

Napabuntong-hininga siya. Sana natuturuan ang puso. Kung si Nicanor na lang sana kasi ang minahal niya eh `di wala sana siyang pino-problemang Lola Pamela ngayon.

"Lolo, bakit kasi ang gulo ng naging love life mo?" hindi niya napigilang itanong sa hangin. Narinig niya ang mahinang pagtawa ni Nicanor.

"Iwanan na nga muna kita rito. Tama iyong mga kapatid mo eh, nababaliw ka na. Ewan ko sa iyo ah pero sa tingin ko ay simple lang naman ang problema sa sitwasyon mo." Tumigil ito sa pagsasalita at tsaka siya matamang tinitigan.

"Walang mangyayari kung magmumukmok ka lang. Mas maganda iyong ikaw na mismo ang gumawa ng paraan para malaman kung ano ba talaga ang score sa inyong dalawa ni Thorn. Kumprontahin mo na iyong gago. Kung kaya ka bang panindigan o hindi. Oo, masakit kung sakaling sumagot siya ng hindi pero at least, hindi ka parang tanga ngayon na naghihintay sa wala. Isa pa, pagsabihan mo iyang Lola Pamela na iyan."

"Masyado siya kamong maarte. Limampung taon na ang nakalipas pero hindi pa rin siya nakakapag-move on? Kung hindi na siya makahakbang papunta sa kasalukuyan, handa kamo akong buhatin siya makapag-move on lang siya. Kahit tumalon talon kami, ayos lang sa akin. Ewan ko ba naman kasi sa Lolang iyon. Iba ang buhay pag-ibig niya noon at sa buhay pag-ibig ng apo niya ngayon. Porke ba hindi siya naging masaya noon ay may karapatan na rin siyang gawin sa inyo ngayon iyon? Mag-isip isip naman kayong lahat!"

"Ang kasiyahan ng tao ay hindi basta bastang nakukuha. Minsan, ang pagmamahal ay parang presyo ng gasolina, ipinaglalaban din. Kaya ngayon palang ay mag-isip ka na. Karapat-dapat bang ipaglaban si Thorn? Kung oo ang sagot mo, ngayon palang ay umalis ka na diyan at puntahan mo siya. Kung hindi naman, eh `di huwag ka ng magpagod. Tayo na lang," ngisi nito.

Kahit na kadalasan ay nakakairita ang mga pinagsasabi ni Nicanor, her greatest suitor, minsan ay nakakatsamba rin naman pala ito. At least, nagbunga ang madalas na pagbabasa nito ng pocketbooks sa tuwing siesta time nito. He had a point.

Kailangan pa ba niyang hintayin si Thorn na gumawa ng hakbang? Wala na siya sa panahong kailangang nauuna lagi ang mga lalaki sa paggalaw. Isa siyang independent woman, may sariling paninindigan at may sariling kagustuhan. Tama ito, hindi niya dapat hayaan ang kanyang sariling mabuhay lang lagi sa anino ng "what if", bagkus ay dapat niyang matutunan na tumayo sa kanyang sariling paninindigan at maging matapang na alamin ang tunay na kwento sa likod ng mga "siguro" na nabuo sa isip niya.

Paano kung magaya siya kay Lola Pamela na hindi nagkaroon ng tapang na alamin ang tunay na nangyari noon? Paano kung maging kagaya siya nito na mas piniling kimkimin ang sakit imbes na harapin ang kanyang problema? Ayaw niyang mabuhay sa poot at sa pagsisisi, hindi sa mga bagay na nagawa niya kundi sa mga bagay na hindi niya nagawa.

Hindi niya hahayaang habangbuhay siyang mapoot kay Thorn dahil hindi na ito nagpakita pa ulit sa kanya. She has to know what happened to him. Matatahimik lamang siya kung makikita niya mismo kung ano ba ang tunay na nangyari rito.

Matapang siyang tumayo mula sa kanyang kinauupuang bangko. Pupunta siya sa kinaroroonan ni Thorn at aalamin niya ang tunay na dahilan kung bakit hindi na ito ulit nagpakita pa sa kanya. Handa na siyang malaman anuman ang dahilan na iyon. Kahit masakit? Bahala na!