"Gano'n ba? Okay lang may next time pa naman, eh."
"`Wag kang mag-alala kapag may oras pa susunod ako sa `yo. Ibigay mo na lang ang address ninyo sa probinsya," alo ko rito.
Pasulyap-sulyap ako kay Nina na naglalakad sa dalampasigan `di kalayuan sa kinatatayuan ko para siguruhing hindi niya ako naririnig.
"Sige ite-text ko na lang sa `yo. Nag-aayos pa kasi ako ng mga dadalhin ko."
"Okay, pasensiya na talaga. I love you."
"Love you too."
Pagkatapos ng tawag ay tumunog muli ang cellphone ko tanda na may pumasok na mensahe. Nakita kong text iyon mula kay Lana kung saan nakasulat ang address nila.
"Sinong kausap mo?" tanong ni Nina na bahagya kong ikinagulat dahil hindi ko namalayan ang paglapit nito.
"Ha? `Yong tauhan ko sa shop. May itinanong lang.
"Ah…tara kain tayo. Nagugutom na ako," yaya nito sabay hawak sa kaliwang kamay ko kaya nagpatangay na lang ako rito at hindi na nagsalita.
Masyado akong nalibang sa pamamasyal namin kaya hindi ko na namalayan ang paglipas ng mga oras hanggang sa makabalik na kami sa condo ni Nina. At dahil sa pagod sa pamamasyal ay doon na rin ako natulog. At tulad ng dati ay magkatabi kaming nahiga.
Nasa kasarapan ako ng pagtulog nang mag-vibrate ang cellphone ko na nakalagay sa bulsa ng suot kong pajama. Nakapikit na kinapa-kapa ko iyon bago bumangon.
Nawala ang antok ko nang mabasa ko ang pangalan nang nag-text kaya dali-dali ko itong tinawagan.
"Lana…" bulong ko habang maingat na tumayo at naglakad palabas ng kwarto ni Nina.
"Sabi mo susunod ka. Naghintay ako…" sabi nito sa tila lasing na boses.
"Lasing ka ba?" Kunot-noong tanong ko.
"Hindi, ah. Na-nakainom lang," garalgal ang tinig na sagot nito.
"I'm sorry. Susubukan ko mamaya. Hindi kasi ako makatakas dahil lagi siyang nakakapit sa braso ko." Pagdadahilan ko.
"Pakiramdam ko nababalewala na ako, Levi. Hindi mo na ako nabibigyan ng oras. Sabihin mo nga mahal mo pa ba ako? Mahal mo nga ba talaga ako o ginawa mo lang akong panakip-butas sa pagkawala ni Nina? At ngayong bumalik na siya ay hindi mo na ako kailangan," umiiyak na sabi nito.
"Huwag mong sabihin `yan. Mahal kita at kahit kailan ay hindi kita ginamit para lang mapunan ang pangungulila ko kay Nina," mariing sabi ko.
"Pero bakit hindi ko maramdaman? Daig ko pa ang bulag na nangangapa sa dilim dahil kahit anong gawin ko wala akong mapanghawakan sa lahat ng mga sinasabi mo!"
"Please. Lana, mahal kita. Hintayin mo `ko pupuntahan kita r'yan."
Hindi ko na hinintay ang sagot nito at basta ko na lang pinutol ang tawag bago dali-daling bumalik sa kwarto ni Nina at nagbihis. Naghagilap muna ako ng papel at ballpen para mag-iwan ng note na kailangan kong umalis dahil sa isang emergency at inilapag iyon sa ibabaw nang ginamit kong unan para makita niya agad pagkagising niya.
Pagkatapos ay nagmamadali akong lumabas ng unit ni Nina para magtungo sa elevator habang nagte-text sa isang online app para alamin kung may available na sasakyan sa ganoong oras, kahit hating gabi na. Nang makumpirma kong may available ay agad kong itenext ang address na kinaroroonan ko. Pagpasok ko ng elevator ay halos hindi ako mapakali habang patingin-tingin sa floor number, hindi ko maintindihan kung bakit para bang napakatagal bumaba ng elevator gayong nasa fifth floor lang naman ako.
Hanggang sa bumukas na ang pinto ng elevator sa lobby kasabay ng pagtunog ng cellphone. Nang tingnan ko ay nalaman kong ang kinontrata kong sasakyan ang nag-text at nasa labas na raw ito. Kaya halos takbuhin ko na ang palabas ng building.
Natanaw ko ang isang kulay pulang kotse na nakaparada sa labas. Agad kong tiningnan ang plate number at nang masigurong ito ang sasakyan ko ay mabilis na akong sumakay habang sinasabi ang address na pupuntahan ko. Tinanong muna nito ang buo kong pangalan para siguruhing ako nga ang ka-text nito bago nagsimulang mag-drive.
Dahil hating-gabi na ay halos wala ng gaanong sasakyan sa kalsada kaya halos limang oras lang ibiniyahe ko na karaniwang aabutin ng sampung oras o higit pa kapag naipit sa traffic naging mabilis lang ang byahe.
Hanggang sa mamalayan ko na lang na huminto na ang sinasakyan ko sa tapat ng isang malaki at kulay puting gate, na malaya kong nakita dahil magliliwanag na. At mula sa siwang ay tanaw ko ang isang may kalakihang bahay 'di kalayuan sa gate.
"Sir, nandito na ho tayo," tawag-pansin ng driver. Hindi ko namalayang natulala na pala ako. Mabilis akong dumukot ng pambayad bago bumaba. Hindi ko na pinansin ang pag-alis ng sasakyan dahil agad na akong lumapit sa gate para pindutin ang doorbell.
Hindi ko maiwasang mag-alala para kay Lana dahil iyon ang unang pagkakataon na naglasing ito sa loob ng tatlong taon naming relasyon. Isang beses ko pa lang pinipindot ang doorbell nang may matanaw akong isang pigura na naglalakad papalapit sa kinaroroonan ko. Napakunot-noo ako nang mapansing para itong matutumba habang naglalakad.
"Lana…"
"Levi…dumating ka nga," nakangiting sabi nito habang binubuksan ang gate. At nang tuluyan iyong mabuksan ay agad niya akong dinamba ng isang mahigpit na yakap na muntik na naming ikatumba.
"Sabi ko naman sa `yo, `di ba? Susunod ako," sagot ko rito habang inaakay ito pabalik sa loob ng gate bago iyon isinara. At dahil mukhang ito pa lang ang nananatiling gising ay mabilis kaming nakapasok sa bahay at nakaakyat sa kwarto nito na walang nakakakita. Inalalayan ko itong mahiga at dahil nakayakap ito sa akin ay wala na akong nagawa kung hindi ang mahiga na rin sa tabi nito hanggang sa pareho na kaming nakatulog.
Nang magising ako ay napasulyap ako sa suot kong wristwatch at nalaman ko na inabot na pala kami ngala-una ng hapon sa higaan. Napatingin naman ako sa gawi ni Lana na mahimbing pa rin ang tulog kaya naman nagkaroon ako ng pagkakataong pagmasdan ito. Ang maamo at bilugan nitong mukha, ang makipot at mamula-mula nitong mga labi, ang may katangusan nitong ilong, at ang malalantik nitong mga pilik-mata. At ang malambot at lampas balikat nitong buhok na hindi ko mapigilang paglaruan.
Hindi ko alam kung gaano katagal na akong nakatitig dito nang umungot ito tanda na nagigising na ito. At ilang sandali pa ay bumungad na sa akin ang kulay tsokolate nitong mga mata.
"Good afternoon…" nakangiting bati ko rito bago ito dinampian nang isang mabilis na halik sa labi na ikinalaki ng mga mata nito. Napatakip sa bibig kasabay ng biglang pag-upo. Napadaing ito at nasapo ang ulo. "'Yan kasi iinom-inom, hindi naman pala kaya."
"Ewan ko sa 'yo. Kung hindi ko 'yon ginawa siguradong hindi ka pupunta."
Agad na nabura ang munting ngiti sa mga labi ko dahil sa sinabi nito.
"Sinabi ko naman sa 'yo na susunod ako, 'di ba?"
"Kailan pa? Kapag nakahanap ka ng tiyempo? Na pareho naman nating alam na mahirap mangyari dahil parang guwardiya siya na nakabantay sa 'yo."
"Hindi naman niya ako binabantayan. Nagkakataon lang na hindi ako makagawa ng palusot para tanggihan siya dahil kapag ginawa ko iyon mag-uusisa siya. Iisipin niyang may itinatago ako, ayokong matuklasan niya ang tungkol sa 'yo."
"Minsan nahihirapan na ako sa sitwasyon natin, pero tinitiis ko dahil mahal kita at ayaw kong mawala ka sa akin kaya handa akong maghintay na makalaya ka sa kaniya."
Nakaramdam ako ng kaba dahil sa narinig at para bang may dumaklot sa puso ko dahilan para mahirapan akong huminga.
"Huwag ka namang magsalita ng ganyan. Hindi ko rin kakayaning mawala ka sa akin. Maghintay ka pa ng kaunting panahon." Pagkatapos ay niyakap ko ito ng mahigpit na ginantihan naman nito.
Ilang sandali rin kami sa ganoong posisyon nang makarinig kami ng katok mula sa labas ng kwarto ni Lana.
"Lana, hindi ka pa kumakain mula kaninang umaga. Naghanda ako ng miryenda, bumaba ka na," sabi ng tinig nang isang babae.
"Okay po, mom!"
Mabilis na itong bumangon at nagtungo sa isang kabinet para kumuha ng mga damit bago nagtuloy sa banyo, ilang sandali pa ay narinig ko na ang lagaslas ng tubig. Nang maalala kong wala nga pala akong dalang kahit ano.
"Lana, wala akong pamalit. Hindi ako nakapagdala dahil nagmamadali ako."
"Sige, sandali lang. Titingna ko kung may kasya sa 'yong damit ni daddy."
"Hindi ba nakakahiya sa daddy mo?"
"Ano ka ba? Okay lang iyon. Naikuwento ko na ang tungkol sa 'yo sa kanila."
"Alam nila ang tungkol sa akin? Sa sitwasyon natin?" Napatitig ako sa kisame habang nag-iisip. Napatingin ako sa direksiyon ng banyo nang bumukas ang pinto.
"Oo. Na mag-boyfriend tayo. Bakit may problema ba?"
"Wala naman"
"'Yon naman pala, eh. Tara na ipakikilala kita sa parents ko." Kinakabahan man dahil iyon ang unang pagkakataon na makakaharap ko ang mga magulang ni Lana. "Mom! Dad! I want you to meet someone," sigaw nito nang makababa kami ng hagdan at mabungaran namin ang may edad na lalaki at babae na nakaupo sa sofa sa sala na katapat lang halos ng hagdan. At napalingon sa direksyon namin.
"Mom, dad. This is Levy, my boyfriend." Pakilala sa akin ni Lana sa parents niya. "Levy, my mom and dad."
Tahimik na nakatingin lang ang mga ito sa akin na para bang sinusuri ako, kaya hindi ko napigilang kabahan habang halos hindi na ako humihinga habang naghihintay sa sasabihin ng mga ito. Pero nakahingarin ako ng maluwag ng ngumiti ang mga ito sa akin. Niyakap ako ng mommy nito habang kinamayan naman ako ng daddy nito.
Magiliw akong tinanggap ng mga magulang ni Lana kaya hindi ko maiwasang makaramdam ng guilt dahil sa sitwasyon ng relasyon naming dalawa. Pero sinikap kong burahin sa isip ko ang tungkol doon at sinulit ang mga araw na magkasama kami.
Dahil wala akong natatanggap na text at tawag mula kay Nina ay itinuon ko ang buong atensiyon ko kay Lana. Itinawag ko rin sa shop na baka ilang araw akong hindi makapasok kaya ibinilin ko sa mga tauhan ko na sila na muna ang bahala roon. Tiwala naman ako sa kakayahan nila, at dahil wala na akong ibang aalalahanin ay nagawa naming magpakasaya ni Lana. Namasyal kami sa iba't ibang magagandang lugar sa probinsiya nila, kumain sa iba't ibang kainan. Malaya kaming nakakalabas na walang aalalahaning Nina na makakakita sa amin. Kitang-kita ko ang pagkislap ng mga mata ni Lana dahil sa labis na saya.
At dahil nalibang kami sa mga araw na magkasama kami ay hindi na namin namalayang umabot na pala kami ng isang linggo sa pananatili sa probinsiya nina Lana. Kung hindi pa ako nakatanggap ng tawag mula sa tauhan ko sa shop upang ipaalam ang tungkol sa isang bagong kliyente na gusto akong makausap ay wala pa akong balak na umuwi.
Ako lang sana ang babalik ng Maynila pero sumabay na rin si Lana dahil kailangan na rin nitong balikan ang computer café nito na ipinagkatiwala lang din sa isang tauhan. Kaya nagpaalam na kami sa pamilya nito at nangakong muling papasyal kapag nagkaroon ng libreng oras.
Pero wala sa hinagap ko na sa oras na makabalik kami ng Maynila ay muling magiging magulo ang lahat.
*****
Abala ako sa pagbabasa ng mga report na ginawa ng mga tauhan ko nitong nakalipas na linggo upang malaman ko ang naging mga transaksiyon nila nang makatanggap ako ng tawag muli kay Nina.
Marahas akong napabuga ng hangin dahil sa nadaramang inis, dalawang araw pa lang ang nakakalipas mula ng makabalik kami ni Lana galing ng probinsiya ay ito na agad si Nina. Nagdadalawang-isip pa ako kung sasagutin ko ba iyon o hindi lalo na at nakita kong nag-text din si Lana at gusto nitong pumasyal ako sa apartment niya.
Pero napagdesiyunan kong sagutin muna ang tawag ni Nina dahil ayaw akong tigilan.
"Napatawag ka?" Bungad ko at maging ako ay napangiwi sa paraan ng pagkakasabi ko.
"Busy ka ba? P'wede ka bang pumunta rito sa condo ko may kailangan kasi akong sabihin sa 'yo."
"Importante ba 'yan? Marami kasi akong kailangang tapusing report." Palusot ko dahil baka isa na naman ito sa mga kapritso nito. Sasabihing importante pero iyon pala'y magpapasama lang sa mall.
"Importante 'tong sasabihin ko. Ngayon na sana."
"Sige," napipilitang sagot ko. Nang maibaba ko ang tawag ay agad kong tinext si Lana at sinabing baka hindi ako makapunta dahil may importanteng sasabihin daw si Nina. Isang okay at heart lang ang naging reply nito. Napapailing na tumayo na ako para lumabas ng opisina, pagkatapos kong bilinan ang mga tauhan ko ay agad na akong lumabas ng shop at pumara ng masasakyang taxi. Agad kong sinabi ang lugar na pupuntahan ko nang makasakay ako.
Habang nasa byahe, hindi ko maiwasang hindi alalahanin ang araw na bumalik si Nina sa buhay ko at naging dahilan ng magulong sitwasyon ko ngayon. Apat na buwan, ganoon pa lang katagal pero pakiramdam ko ay ilang taon na ang lumipas dahil sa nararamdaman kong pagod sa pilit kong paghahati ng oras ko sa kanilang dalawa ni Lana. At alam kong malaki na ang pagkukulang ko kay Lana pero pilit nitong iniintindi ang sitwasyon at hindi nagde-demand. Hindi gaya ni Nina na kapag hindi ko agad nasamahan sa lakad nito ay magagalit na.
"Sana naman maging maayos na ang sitwasyon namin…" Bulong ko sa kawalan.
Nang matanaw ko na ang building na kinaroroonan ng unit ni Nina ay mabilis na akong dumukot ng pambayad kaya paghinto ng taxi ay nakababa na agad ako. Pero nang nasa lobby na ako ay para bang singbigat ng mga bakal ang paa ko na halos hindi ko na maihakbang. Hindi ko rin maipaliwanag ang kabang biglang bumundol sa dibdib ko. Gustuhin ko mang tumalikod at umalis na sa lugar na iyon ay hindi ko magawa kaya naman sinikap kong kalmahin ang sarili. Pagsakay ko ng elevator ay nakapamulsa akong sumandal sa dingding niyon habang nakatitig sa mga numerong nasa taas ng pinto.
Hanggang sa huminto na iyon sa destinasyon ko. Tiim-bagang na humigit ako ng malalim na paghinga at sinigurong blangko ang ekspresyon ng mukha ko bago nagsimulang humakbang patungo sa unit nito. Pagtapat ko sa pinto at akmang kakatok ng bigla iyong bumukas.
"Pasok ka," yaya nito na niluwangan ang pagkakabukas ng pinto. Tahimik naman akong pumasok at nagtuloy sa sala nito. Walang imik na naupo ako sa pang-isahang sofa habang nakatitig kay Nina. At doon ko napansing tila kinakabahan ito dahil sa hindi mapakali ang mga kamay nito, maging ang suot nito ay hindi akma sa style nito. Dahil mahilig ito sa mga sexy at fitted attire pero ngayon isang malaki at maluwang na t-shirt ang suot nito. Maging ang pang-ibaba nito ay isang malaki at maluwang na pajama pants.
"Ayos ka lang ba, Nina? May problema ba?" kunot-noong tanong ko. Dahilan para matigil ang mga kamay nito pero hindi pa rin ito tumitingin sa akin.
"Wala naman, gusto mo ba ng maiinom? Juice, coffe?" Natatarantang tanong nito.
"Hindi na. Sabihin mo na kung ano man iyang importante mong sasabihin."
Napaupo ito sa upuang katapat ng inuupuan ko, at muli ay naging malikot ang mga kamay nito at halos pilipitin na nito ang laylayan ng suot nitong t-shirt.
"Nina, I'm waiting…" naiinip na sabi ko.
"Levy…" Napatigil ito sa pagsasalita dahil sa paghigit ng malalim na hininga. "Babalik na ako sa trabahong iniwan ko…" Nakayukong sabi nito. Natigilan ako sa sinabi nito at mariing napakuyom ang mga kamao.
"Ano'ng sabi mo?"
"Kailangan ko ng bumalik sa tabahong iniwan ko, naayos naman na ang naging mga dahilan kaya napauwi ako ng wala sa oras."
" Aalis ka? Iiwan mo ulit ako ng gano'n-gano'n na lang!" Nakita kong napaigtad ito dahil sa pagsigaw ko pero binalewala ko lang iyon dahil sa namumuong galit sa dibdib ko. "Pagkatapos ng mga sakripisyo at muling pagsugal ko sa relasyon nating dalawa bigla ka na namang aalis!"
Nanatili itong tahimik at nakayuko at kitang-kita ko ang isa-isang pagpatak ng mga luha nito pero hindi ako natinag. Marahas akong napatayo at napahilamos ng mukha. Makalipas ang ilang buwan na pagsisikap kong hatiin ang oras ko para sa kanilang dalawa ni Lana. Ganito lang ang mangyayari?
"Pagkatapos ng muli kong pagtanggap sa 'yo. Ito lang ang magiging kapalit ng lahat? Ang muli mong pag-iwan sa akin!" Ramdam ko ang pagpintig ng sentido ko dahil sa pinipigilang pagsambulat ng galit ko.
"Sorry, Levi. I'm really sorry…" nagmamakaawang sabi nito.
"Sorry? Sorry! Sa tingin mo ba mapapawi ng sorry mo ang sakit at galit na nandito sa dibdib ko ngayon?" Mariing sabi ko na napaduro pa sa sariling dibdib. "Sabihin mo nga sa akin, trabaho ba talaga ang totoong dahilan ng pagbalik mo rito?"
"Levi…"
"Sumagot ka, trabaho lang ba talaga! At ngayon babalik ka ulit doon dahil wala ng problema? Dahil kung trabaho lang naman, p'wede ka namang maghanap ng ibang mapapasukan!"
Nanatilin itong walang imik kaya hindi ko na napigilan ang sarili ko at nahaklit ko ito sa braso dahilan para mapatayo ito at magtapat ang mga mukha namin. Napasinghap pa ito dahil sa pagkagulat. Pero sa halip na sumagot ay napahagulgol lang ito.
"Naging tahimik ang buhay ko nitong nakalipas na mga taon kahit nahirapan ako dahil sa biglaan mong pagkawala. Pagkatapos nang bumalik ka tinanggap ulit kita dahil ang sabi mo babawi ka! Ano `yon? Ginawa mo lang akong panakip-butas!"
"Levi…"
"So? May iba ka na roon. Sa kung saan mang lupalop ka nagpunta at nang magkaproblema kayo umuwi ka rito at ginamit mo ako. Gano'n ba `yon? Ha, Nina!" Nanggagalaiting sigaw ko. "Sana hindi ka na lang bumalik! Lalo mo lang ginulo ang buhay ko!"
"Sorry…I-im s-sorry…" humahagulgol na sabi nito.
Gusto ko man itong aluin ay hindi ko magawa dahil mas nangingibabaw ang galit na nararamdaman ko para sa kaniya. Pabalya ko itong binitawan kaya napaupo ulit ito. Hindi ko malaman kung saan ko ibabaling ang tingin ko dahil sa galit na nararamdaman. Pakiramdam ko ay nahihirapan akong huminga sa apat na sulok ng condong kinaroroonan ko. Ramdam ko ang panginginig ng buo kong katawan dahil sa pagtitimpi kaya mabilis na akong umalis ng lugar na iyon dahil baka kung ano pa ang magawa ko rito.
Wala sa sariling nagpalakad-lakad ako na walang tiyak na patutunguhan. Hanggang sa mapadpad ako sa isang parke at nang may matanaw akong isang bakanteng bench ay nahahapong tinungo ko iyon at pabagsak na naupo. At dahil hapon na ay wala ng gaanong tao kaya napakatahimik ng lugar dahilan para lalo kong maramdaman ang sakit at galit ko para kay Nina.
Hindi ko na napigilan ang sarili ko, sapo ang mukha na tuluyan na akong napahagulgol. Hindi ko alintana kung may makakita man sa akin sa ganoong estado. Mailabas ko man lang ang bigat at sakit sa pamamagitan ng mga luha ko. Nang wala na akong mailabas na mga luha ay nanatili na lang akong tulala nang biglang mag-ring ang phone ko. Wala sa sariling dinukot ko iyon sa bulsa ng suot kong faded jeans at sinagot na hindi inaalam kung sino ang tumatawag.
"Hello?" Bungad ko sa hungkag na tinig.
"Levi?" Natauhan lang ako nang marinig ko ang tinig ni Lana mula sa kabilang linya.
"Lana…"
"Are you okay?"
"Si Nina."
"What happened? Nasaan ka ba? Pupuntahan kita," sabi nito sa nag-aalalang tinig.
"Narito ako sa park." Iginala ko ang paningin para malaman kung anong lugar ang park na kinaroroonan ko, nang mapagtanto kong malapit lang pala iyon sa simbahan. "Malapit sa simbahan."
"Sige, hintayin mo ako. Pupuntahan kita riyan." Bago pa ako makasagot ay naputol na ang tawag.
Hindi ko alam kung gaano katagal na akong tulala nang makarinig ako nang isang pamilyar na tinig na tumatawag sa pangalan ko. At nalingunan ko si Lana na patakbong lumalapit sa kinaroroonan ko.
Pagkaupo nito sa tabi ko ay agad ako nitong niyakap ng mahigpit. Na ginantihan ko rin nang isang mas mahigpit na yakap. Tahimik lang akong sumubsob sa leeg nto hanggang sa gumaan ang pakiramdam ko. Kaya unti-unti na akong kumalas sa yakap namin pero nanatiling hawak ko ang isang kamay nito.
"Ano'ng nangyari?" usisa nito. Hindi agad ako nakasagot dahil muli kong naramdaman ang sakit at galit para kay Nina. Hindi ko namalayang napahigpit na pala ang hawak ko sa kamay ni Lana. "Levi…"
"Sorry." Napahigit ako ng malalim na paghinga bago ko nagawang ikuwento rito ang naging pag-uusap namin ni Nina."Wala na si Nina. Iniwan ulit niya ako at sa pagkakataong ito hindi na siya babalik…" sagot ko sa garalgal na tinig. Hindi ko na napigilan ang paglalandas ng mga luha ko. "Pagkatapos ng lahat, ng muli kong pagtanggap sa kanya? Ganito lang ang gagawin niya sa `kin!"
"Bakit ka nagagalit? Hindi ba dapat ay masaya ka dahil sa wakas ay aalis na siya at wala nang balak bumalik?"
Pakiramdam ko ay nanlamig ang buong katawan ko. Bakit nga ba ako nagagalit? Makakalaya na ako kaya dapat masaya ako, `di ba? Pero hindi iyon ang nararamdaman ko. Pakiramdam ko ay parang may pumipiga sa puso ko at nahihirapan akong huminga.
"Mahal mo pa rin siya, `di ba? Sa buong panahon ba na magkasama kayo naaalala mo ba ako? Minahal mo ba talaga ako?" garalgal ang tinig na tanong nito kaya marahas akong napabaling dito at kinabig ito para yakapin.
"Minahal kita at mahal kita hanggang ngayon. Maaaring nasanay lang ako sa presensya niya kaya nasasaktan ako sa kaalamang aalis na naman siya at iiwan ako ulit. Please, huwag mo `kong iwan. Kailangan kita," nahihirapang sabi ko rito kasabay ng lalong paghigpit ng mga braso ko sa katawan nito na para bang bigla na lang itong maglalaho.
"Huwag kang mag-alala hindi kita iiwan, ngayon pang kailangang-kailangan mo ako. Narito lang ako dahil mahal na mahal kita."
"Salamat sa pang-unawa mo." Nang humupa ang pagbuhos ng mga luha namin ay tahimik lang kaming nagyakap.
*****
Sa paglipas ng mga araw ay halos wala ako sa sarili habang patuloy na ginagawa ang mga pang-araw-araw kong gawain. Ang paggising sa umaga para pumasok sa trabaho, ang pakikipagkita kay Lana para sa mga karaniwan naming lakad noong hindi pa bumabalik si Nina. Manood ng sine, kumain sa labas at mamasyal, pero hindi ko magawang maging masaya dahil lagi kong naaalala si Nina lalo na sa ilang mga lugar na pinupuntahan namin ni Lana.
Alam kong nararamdaman ni Lana ang panlalamig ko pero hindi siya umiimik. Sinikap niyang intindihin ang pinagdaraanana ko dahil alam niyang masakit pa rin para sa akin ang ginawang muling pang-iiwan ni Nina.
Hindi siya nanunumbat kahit na halos ako na lang ang iniintindi niya at napapabayaan ko na ang relasyon namin. Alam kong mali ang ginagawa ko, dahil tini-take for granted ko na siya. Pinipilit kong ibalik sa dati ang lahat dahil ayaw kong pati si Lana ay mawala. Dahil kapag nangyari iyon, siguradong hindi ko na kakayanin.
Pero tulad nga ng laging sinasabi ng iba kapag dumating ang mga problema ay tulad ng ulan. Biglaan at hindi ka makakapaghanda. Dahil ang kinatatakutan kong araw ay dumating ng hindi ko inaasahan.
Apat na buwan makalipas ang pag-alis ni Nina ay hindi pa rin ako nakaka-recover sa sakit at galit. Sinikap kong magpakatatag para kay Lana, ang akala ko ay kuntenti na si Lana sa ibinibigay kong atensiyon at panahon. Pero hindi pala dahil kahit magkasama kami ay mas madalas akong tulala at wala sa sarili. At may mga bagay akong nagagawa rito na kay Nina ko pala ginagawa dati, kapag natatauhan ako sa pagkakamaling nagawa ko ay katakut-takot na sorry ang lumalabas sa mga labi ko na sinusuklian lang nito ng isang tipid nangiti at tango.
Pero isang umaga ng sabado ay nakatanggap ako ng tawag mula kay Lana. At sinasabing kailang naming mag-usap. Bigla ang pagbundol ng kaba at takot sa dibdib ko ng maalala kong ganoon din ang ginawa ni Nina bago ito magpaalam na aalis.
Hindi na ako nag-usisa, sa halip ay mabilis akong nagbihis at bumyahe patungo sa apartment nito. Ni hindi ko na nga namamalayan ang mga kilos ko hanggang sa matauhan na lang ako sa tapat ng pinto ng apartment ni Lana. Natatakot man sa dahilan ng pagtawag ni Lana ay lakas-loob akong kumatok.
"Ang bilis mo, ah? Halika pasok ka." Bungad nito ng buksan ang pinto. Walang imik na humakbang ako papasok at nanatiling nakatayo sa gitna ng maliit nitong sala. "Upo ka"
Napailing ako at mabilis itong hinarap. "Sabihin mo na kung ano ang kailangan mong sabihin dahil hindi ko na kakayaning manghula at maghintay."
"Maupo ka muna dahil mahaba-habang usapan ang gagain natin."
Ayaw ko man ay napilitan na akong maupo. Pero halos nasa dulo lang ako dahil hindi ko magawang maging kumportable.
"Pasensiya ka na pero kailangan talaga nating mag-usap."
"Lana…" Kinakabahang bigkas ko sa pangalan nito.
"Levi, alam mo naman na mahal kita, `di ba? Na kahit alam kung may kahati ako sa pagmamahal mo ay tinanggap ko iyon. Handa akong makihati at maghintay kung kailan ka p'wede para makasama kita," sabi nito habang nakatitig sa akin. "Pero nawala nga siya sa buhay mo kahati ko naman ang mga alaala niya. Pinilit kitang intindihin at unawain. Pero nakakapagod na rin pala…"
"Lana, `wag please. Pati ba naman ikaw?" Pagmamakaawa ko rito kasabay ng pagluhod sa harapan nito at paghawak sa mga kamay nitong nakapatong sa ibabaw ng mga hita nito.
"Patawarin mo 'ko, pero hindi ko na kayang makihati sa mga alaala niya dahil wala na akong laban doon. Hindi mo na nga siya nakikita at nakakasama ng pisikal, pero kalaban ko naman ang isip at puso mo," garalgal ang tinig na sabi nito habang nakayuko.
"Lana, please…mahal kita. 'Wag mo namang gawin sa 'kin to."
"Madali lang namang sabihing mahal mo ako, pero ang puso mo? Iyon ba talaga ang sinasabi?"
"Oo. Please…"
"Sorry, pero buo na ang desisyon ko. Kailangan ko lang muling buohin ang sarili ko. Hindi ako nagsisising nakilala at minahal kita pero hindi tayo lubusang magiging masaya kung hindi mo masigurado sa sarili mo kung sino ba talaga sa aming dalawa ang mas matimbang sa puso mo," sabi nito sa pagitan ng paghagulgol. Dama ko sa tinig nito ang labis na paghihirap ng kalooban dahil sa desisyong kailangan nitong gawin.
Wala na akong ibang nagawa kung hindi ang yakapin ito ng mahigpit at sumubsob sa tiyan nito upang itago ang mga luhang hindi ko na napigila ang pag-alpas. Napayakap na rin ito ng mahigpit sa akin at sumubsob sa leeg ko habang patuloy sa pag-iyak.
Ilang sandali rin kaming tahimik na magkayakap na para bang sinusulit namin ang mga huling sandaling magkasama kami. Ang huling pagkakataon na maaari naming iparamdam sa isa't isa ang pagmamahal namin kahit sa pamamagitan lamang ng mga bisig namin.
Makalipas ang isang taon…
Tahimik kong pinagmamasdan ang mga taong namamasyal sa parke habang nakaupo sa bench na nalililiman ng malalagong dahon ng malaking puno.
Napapikit ako nang dumampi sa balat ko ang mabining ihip ng hangin at hindi ko napigilang balikan ang nakaraan.
Ang nakaraan kung saan naging duwag ako at hindi ko nagawang manindigan at magdesisyon.
Kung sana lang…
Napadilat ako ng makarinig ng matinis na tili nang isang bata kasunod ang masayang tawanan. At natanaw ko 'di kalayuan mula sa kinauupuan ko ang isang pamilya na masayang nagpi-picnic sa malilim na bahagi ng parke na iyon.
Isang mapait na ngiti ang gumuhit sa aking mga labi dahil sa eksenang nasaksihan.
Kung tinanggap lang sana ni Nina ang proposal ko noon mayroon na sana kaming sariling pamilya. Masaya at tahimik na namumuhay.
Hindi sana nagulo ang mga buhay namin kung hindi niya pinili ang mga pangarap niya. Kaya ko naman siyang suportahan sa mga gusto niyang gawin kahit mag-asawa na kami.
Pero wala ako sa mga planong nabuo niya para sa buhay na gusto niyang tahakin.
Napalingon ako sa gawing kanan ko kung saan mayroon ding bench dalawang dipa ang layo mula sa kinauupuan ko.
Dahil naulinigan kong parang may umiiyak at nakita ko ang isang lalaking nakasubsob sa mga kamay nito at yumuyugyog ang mga balikat. Habang inaalo ng kasama nitong babae.
Isang pamilyar na eksena.
"Anong tinitingin-tingin mo! Ngayon ka lang ba nakakita ng lalaking umiiyak?" sigaw ng lalaki nang mapansing nakatingin ako sa kaniya.
"Pasensiya na may naalala lang ako," hinging-paumanhin ko at agad na nag-iwas ng tingin.
Lana…
Napangiti ako ng maalala ang mga panahong magkasama kami.
Ang ikalawang babaeng nagpatibok sa sugatan kong puso at tanggap ang lahat ng kakulangan at kamalian ko.
At inakala kong pangmatagalan na ang tahimik at masaya naming relasyon.
Pero katulad nga nang laging sinasabi ng ilan, nakamamatay ang maling akala. Hindi man ng pisikal na katawan, pero ng puso at pagkatao.
Napatitig ako sa mga naggagalawang mga dahon ng puno dahil sa muling pag-ihip ng mabining hangin. Kasunod niyon ay ang pagguhit ng isang malungkot na ngiti sa aking mga labi. Alam kong ako rin ang may kasalanan kaya nawala sa akin si Lana.
Totoo ngang nagbabago ang ikot ng mundo. Kung dati ako ang nahihirapang maghati ng oras at panahon, ngayon ako na ang nakikiamot ng kaunting oras.
Isang pagak na tawa ang lumabas sa aking mga labi dahil sa sitwasyon ko ngayon.
Masakit at hindi ko inaasahan na mangyayari ito.
Naputol ang pagkatulala ko nang mag-vibrate ang cellphone ko. Doon ko lang din napansin na lumuluha na pala ako.
Nang tingnan ko kung sino ang nag-text ay hindi ko napigilang mapangiti — si Nina.
Napangiti ako dahil sa picture na isinend nito, picture nito na kalong ang anak nitong si Nicole at parehong nakangisi sa camera ang dalawa.
Nanlulumong napasandal ako dahil sa paghihirap na nararamdaman. Unti-unting nag-init ang sulok ng aking mga mata dahil sa nagbabadyang mga luha. Kasabay ng pananakit ng aking lalamunan dahil sa pagpipigil na mapaiyak.
Hindi ko maiwasang makaramdam ng pagsisisi, nang panghihinayang at pangungulila.
Marami akong sinayang na pagkakataon dahil akala ko ay may oras pa ako para bumawi. Akala ko may panahon pa ako para ibalik sa dati ang lahat.
Pero puro lang pala akala ang lahat, sinayang ko ang lahat dahil sa karuwagan ko at hindi ako nakuntento sa isa.
"Only if I could… I'll change everything. Kung inalam ko lang agad sa sarili ko kung sino ang mas matimbang, kung sino ang hindi ko kayang mawala. Siguro masaya ako at kasama ko pa rin siya hanggang ngayon."
Napatitig ako sa kawalan habang malayang umaagos ang aking mga luha.
"Kung maaga siguro akong nakabuo ng isang desisyon hindi ganito ang magiging resulta ng lahat."
Napapikit ako nang muling umihip ang malamig na simoy ng hangin. Lamig na nanunuot sa bawat himaymay ng aking katawan, maging sa puso kong tila ba daig pa ang patay dahil sa naranasang pagkabigo.
Kung inayos ko lang ng mas maaga ang sarili ko at naging matapang akong pakawalan ang nakaraan hindi ka mapapagod, hindi ka sana mawawala sa akin.
Hindi ka mapupunta sa iba.
"Lana… mahal na mahal kita. Pero huli nang lahat."
Kung kanina ay pinagmamasdan ko lang ang isang lalaking umiiyak. Ngayon ako na ang nananaghoy dahil sa labis na pagsisisi. Nakagat ko na ang aking kamao upang pigilan ang malakas na paghagulgol.
"Mister, mukhang kailangan mo ito…" Wika ng isang tinig kasabay ng paglitaw nang isang panyo sa harapan ko. "`Wag ka nang mahiya…"
Nang hindi ko ito pinansin ay inilapag na lang nito ang panyo sa ibabaw ng hita ko. Nang mag-angat ako ng tingin ay tanging ang likuran na lang ng papalayong pigura nito ang nakita ko.
Wakas.