Chereads / LIGERO ARTE (Tagalog) / Chapter 4 - The Supremos

Chapter 4 - The Supremos

3rd Person's POV

Naiwan si Principal Steffan at Mira sa loob ng opisina matapos kumain. May gusto kasi itong malaman sa kaniya kung kaya't matiim niya itong tinitigan.

"Hindi ka isang Vier at alam mo iyan, tama?" sabi pa nito kay Mira. Kunot-noo lamang ang naisagot ni Mira kaya't napabuntong-hininga ang Principal.

"Create a barrier, Ms. Feranil," utos nito. Kasabay noon ay nag-abot siya ng isang drawing pad, lapis, at coloring materials. Binalot na naman ng kaba ang buong katawan ni Mira. Nakaramdam siya ng takot---alam niya kasi sa sarili niyang hindi iyon ang kakayahan niya. At bukod doon, alam din ng Principal na nagsinungaling siya.

"Now, Ms. Feranil," sabi nitong muli nang hindi man lang kumilos si Mira para gawin ang iniuutos niya.

"Look, Ms. Feranil, alam kong hindi iyon ang kakayahan mo. Ang gusto ko lang naman malaman ay kung bakit isinikreto mo ito," nakangiting sabi niya. Batid niya kasi ang kaba na naramdaman ng dalaga sa pagtatanong niya. Hindi naman niya talaga intensyon ang takutin si Mira, may gusto lang talaga siyang makumpirma.

"N-natatakot po kasi ako," pag-amin nito. Napangiti na lang ang Principal nang sa wakas ay may nakuha na siyang sagot mula dito. Pinagsalikop niya ang dalawang palad tanda na handa siyang makinig sa kung ano ang sasabihin nito sa kaniya.

"Iyon po ang totoo. Natakot ako nang malaman ko na wala sa libro ng Ligero Arte ang kakayahan ko," bakas ang pag-aalangan sa boses ni Mira---tinitimbang ang bawat salitang binibitawan at binabantayan ang bawat reaksyon sa mukha ng kaharap niya.

"Hindi ko na tatanungin kung ano iyon. Pero pakatandaan mo lang na hindi magtatagal ay kailangan mo ring aminin ang totoo---sa buong paaralan na to, at maging sa sarili mo. Maraming salamat sa pagiging tapat, Ms. Feranil. Maari ka ng lumabas, naghihintay sa'yo si Zed at ililibot ka niya sa buong Arc Light."

At lumabas na nga si Mira matapos iyon, kinakabahan pa rin ngunit kahit papaano ay guminhawa ang pakiramdam dahil tingin niya'y naiitindihan siya ng Principal nila.

Napabuntong-hininga si Steffan matapos sumara ang pintuan na 'yon.

"Darating ang oras na kailangan mong aminin, dahil parating na rin ang araw ng paghuhukom. Lalo na ngayon at nagsisimula nang kumilos ang mga taga-Darkness Den Academy."

✴✴✴

Samantala, sinalubong naman si Mira ni Lux, Zed, at Vok na ikinagulat niya. Sa pagkakaalam kasi niya ay si Zed lang ang sasalubong sa kaniya gaya ng sabi ng Principal.

Nakangiti ang tatlo sa kaniya at niyaya siya. Katulad kanina ay naiilang pa rin siya sa mga tingin na ibinibigay ng estudyante sa kanila---paggalang para sa tatlo, at pandidiri para sa kaniya.

"Hindi rin pala nawawala ang bully dito. Tsk. Ang sarap dukutin ng mga mata," bulong niya sa sarili.

"Feeling mo naman! Kapal, Mira!" Nagulat siya sa nadinig at hinanap ang pinanggalingan noon, nagtaka rin sina Lux sa mga paglingon niya na tila may hinahanap.

"Bro, bakit?" bulong ni Zed sa kaniya.

"May narinig ka ba? Nagbanggit ng pangalan ko?"

"Huh? Kami pa lang nakakakilala sa'yo dito." Sa sagot na 'yon ni Zed ay naguluhan na naman siya. Nangyari na naman yung kanina---may nagsalita ngunit siya lang ang nakarinig, idagdag mo pang hindi niya mahanap ang pinanggalingan noon at tila nababasa pa ang iniisip niya.

"Hanapin mo ko, Mira!" muling sabi ng tinig, pero ngayon ay may halong pang-aasar na iyon. Napailing na lamang si Mira. "Magpakita ka, duwag."

"Soon, Mira. Soon. And when that time comes, you'll vanish." Napangisi na lamang si Mira. Hindi siya ganoon kaduwag para matakot sa banta ng taong iyon. Iwinaksi na lang niya ang kahit anong isipin at iniwasang magsalita sa isip bago nagpatuloy sa paglalakad.

Habang binabagtas ng apat ang hallway ay itinuon na lamang ni Mira ang atensyon sa itsura ng mga uniform na suot ng bawat isa. Hindi niya kasi iyon napansin kanina at ngayon lang nagkaroon ng tiyansa na purihin ang kagandahan nito.

Katerno ng puting coat ng lalaki at blazer naman sa babae ang necktie na may iba't ibang kulay; ang ilan ay green, meron din namang blue, red, at violet---naaayon sa kung anong lebel ng ligero ang kulay nito. Ang palda naman nila na dalawang pulgada ang taas mula sa tuhod at may mahabang linya na pahalang sa may laylayan---ang linya nito ay kakulay ng necktie nang may suot.

Napangiti na lamang siya. Bakas kasi ang karangyaan sa uniporme pa lang, at mas lalo siyang nagulat nang mapansin na iba na pala ang suot ng tatlo niyang kasama. Kanina kasi ay nakasibilyan ang mga ito samantalang ngayon ay nakasuot na ng itim na blazer si Lux na may necktie na kulay ginto at palda na kakulay rin nito, habang si Vok at Zed naman ay gintong kulay ang coat at itim ang slacks.

Pabulong na tinanong ni Mira si Lux sa kung ano na ang gagawin niya at sinagot naman siya nito na sumunod lang. Hindi na siya nagtanong pa at tahimik na lang din na nagpatuloy.

Pasimple na lamang na hinangaan ni Mira ang nasabing building. "Ang taray, feeling ko nasa Hogwarts ako!"

Napatakip pa siya ng bibig dahil baka marinig na naman siya nung babaeng kanina pa ume-extra sa isip niya. Nang wala siyang marinig na komento mula rito ay nakahinga siya ng maluwag---mukhang hindi na nga ito nakasunod sa kaniya.

Lumabas na sila ng main building at kasalukuyang naglalakad sa mahabang tulay na gawa sa bato nang makarinig sila ng malakas na kulog. Mayamaya lang din ang bumuhos na ang ulan at napatakbo na lamang silang apat.

"Shit, nagwawala na naman yata sina Nathan at Lexa." Napakunot ang noo ni Mira sa natatawang komento ni Zed.

"Nagpa-practice lang yon, may performance tayo next week kaya maghanda ka rin," pahayag naman ni Vok at tumingala sa langit.

Sumabay sa malakas na ulan ang kulog at kidlat. Hindi pa man lumilipas ang limang minuto ay tumutulo na rin ang tubig mula sa mga damit na suot nila.

"Warp, Zed!" utos ni Lux na palipat-lipat ang tingin sa langit at sa distansya ng kailangan pa nilang takbuhin marating lang ang Supremo Building.

"Aryt, Luxianna. Baka magwala na rin si Yannie at apoy naman ang bumagsak. Haha!" Pagkasabing iyon ni Zed ay agad nitong inilabas ang gitara mula sa bag sa kaniyang likod at nag-umpisa ng mag-strum.

Mula sa tunog na 'yon ay lumitaw ang kulay indigo na liwanag---na nabuo at naging isang portal sa harap nila. Dali-daling pumasok doon sina Vok at Lux habang nag-aalangan naman si Mira kaya't kinailangan pa siyang hatakin ni Zed. Wala pang isang segundo ay nasa loob na sila ng Supremo Building.

Bumulaga kay Mira ang napakagandang disensyo nang nasabing lugar. Nasa harapan niya ang mataas na hagdang may kulay pulang carpet. Pinasadahan niyang maigi ng tingin ang lugar na 'yon at napangiti na lamang siya sa kulay ng bawat nakikita ng mga mata niya---gold. Katulad ng kulay gintong flakes ay nagdulot din ito ng kakaibang saya sa puso niya. Hindi niya tuloy maintindihan kung bakit ganoon na lamang ang nararamdaman niya sa tuwing makikita ang kinang ng kulay nito.

Dahan-dahan siyang sumunod at umakyat na sa nasabing hagdan nang mahagip nang mata niya ang maliliit na kulay dilaw at asul na mga linya sa hangin. Nagmula ang mga linya ng liwanag na yon sa isang kuwartong nadaanan nila. Nang mapalapit siya sa pinto ng silid na iyon ay naintidihan na niya kung saan ito nagmumula.

Mula sa Arte ng dalawang taong tumutugtog na nagdudulot nang malakas na ulan na may kasamang kulog at kidlat.

"Siguro pag badtrip sila kaya nagkakaro'n ng bagyo." Natawa na lang din si Mira sa kaniyang naisip..

Hinatid ng tatlo si Mira sa isang silid at sinabing maghintay na muna doon. Pumasok ang tatlo sa kuwartong pinagmulan ng dilaw at asul na liwanag. Patitigilan daw muna kasi nila ang dalawa para naman makilala na siya.

Naupo na lamang siya at pinagmasdan ang kabuuan ng silid na iyon.

"Everything's gold and red. Ganito ba talaga ang mga Supremo? Pang-palasyo ang interior design! Gosh, malaking karangalan talaga na nakapasok ako dito."

"Wait, ang ganda ng tanawin sa labas! Oh my gosh, garden ba iyon?"

"Wait, ang taray ha, may kaniya-kaniyang sculpture sina Zed! Imba!"

Busog na busog ang mata ni Mira sa kaniyang mga nakikita. Ngunit napawi ang tuwa niyang iyon nang kasunod nina Zed, Vok, at Lux ay pumasok ang isang babaeng may maikling buhok at makapal na eyeliner. Sinundan pa siya ng babaeng kamukha ng nauna at lalaking singkit ang mata na tila pa mainit ang ulo dahil sa wala man lang kahit anong interes nang tingnan siya nito. 

Isa. Dalawa. Tatlo. Apat. Lima. Anim.

Halos manlambot ang tuhod ni Mira nang nakahilerang tumayo sa harap niya ang anim na 'yon. Ngayong nasa harap na niya ang anim na Supremo ay binalot na naman siya ng matinding kaba.

"Nakita ko na. Pwede na ba kong umalis?" tanong ni Nathan kay Vok. Hindi na niya hinintay ang sagot nito at lumabas na ng silid.

"Istorbo," komento ni Yannie at sinundan si Nathan.

Pakiramdam ni Mira ay nanliit siya sa harap ng mga ito. Napangiti na lamang siya ng mapait nang lima na lang silang natira sa silid na 'yon. Napayuko na lamang siya sa hiya.

"I'm Lexa, and you are?" Kasabay nang tanong na yon ay ang paglahad ni Lexa ng kamay. Marahang inangat ni Mira ang ulo para tingnan ang may-ari nang kamay na 'yon.

"M-mira," kabado niyang sagot bago tinanggap ang kamay na 'yon ni Lexa.

"Welcome to Arc Light Acad, Mira!" Isang matamis na ngiti ang ibinigay nito sa kaniya bago siya niyakap. Halos hindi pa nga siya makahinga, e.

"Lexa, tama na, papatayin mo naman siya!" nag-aalalang sabi ni Zed.

"Hug of three kasi. Ako na yayakap para kina Ate Yannie at Nathan. Hehe, sorry," sagot naman ni Lexa at humiwalay na kay Mira.

Muli, matamis na ngiti na naman ang nakita niya sa mga labi nito. Kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam ni Mira sa ngiting iyon.

Kahit papaano ay natuwa siya, dahil apat sa Supremo ang tinanggap siya.

"Practice na, practice na. Manuod ka muna sa amin dito, Mira," sabi ni Vok.

Nag-aalangan man ay sinundan na lang din niya ang tatlo papunta sa kabilang silid.

"Yeah, bro. Matatagalan pa bago tumila ang ulan. Badtrip ang dalawa eh," sabi ni Zed bago humalakhak at inakbayan si Mira.

"W-wait," natigil sila nang biglang humiyaw sa sakit si Yannie. Nang lingunin nila ito ay nakahiga na ito sa sahig habang nakahawak sa dibdib niya. At mula roon ay may itim na usok ang lumalabas.

Nagtaasan ang mga balahibo ni Mira nang makita iyon. Ang itim na usok na yon.

"Hindi! Kailangang may gawin ako, kailangan pagalingin ko siya bago pa umabot ang limang minuto," bulong ni Mira sa isip.  "Pero---pero---pero hindi nila pwedeng malaman ang kakayahan ko! God, paano na 'to?" dagdag niya pa.

"Don't do it, Mira! Let her die! Hindi totoong gusto ka niya!"