Download Chereads APP
Chereads App StoreGoogle Play
Chereads

Questing Heirs: Tadhana ng Magkapatid

🇵🇭johnmg_95
--
chs / week
--
NOT RATINGS
8.8k
Views
Synopsis
Book 1 of Questing Heirs Trilogy: Fate of Brothers/ Tadhana ng Magkapatid. "Ang poot ay parang isang apoy na kapag sumiklab, magliliyab hanggang sa kumalat at sirain ang lahat." Maituturing na perpektong magkapatid ang mga Prinsipe ng Imperyong Cenpyre. Si Costan ang nakababatang prinsipe at si Fierro naman ang prinsipeng tagapagmana ng trono. Wala na silang mahihiling pa, ngunit sa isang iglap mag-iiba ang lahat. Sa pagdating ng babaing bibihag sa kanilang mga puso, sisiklab ang hidwaan sa pagitan ng magkapatid. Sa labis na pag-aasam sa kapangyarihan, sisirain ng kasakiman ang kanilang magandang samahan. Kasabay ng mga kaguluhan, matutuklasan ng isa sa kanila ang nakapangingilabot na misteryong bumabalot sa kanyang pagkatao. Isang kapangyarihang habang buhay na babago sa ikot ng kanilang mundo. Ito nga ba ang kanilang kapalaran? Itinadhana nga ba silang maging magkalaban?

Table of contents

VIEW MORE

Chapter 1 - Magkapatid

"Bilis! Hulihin mo ko kung kaya mo!" masayang paghahamon ni Costan habang pabilis nang pabilis ang kanyang pagtakbo.

"Mahuhuli rin kita, Costan," tugon ng mas nakatatandang si Fierro.

Sila ang mga Prinsipe at heredero ng Imperyong Cenpyre, ang pinakamalaking Kontinente sa Buong Lupain. Nasa gitna ng mundo ang Kontinente ng Cenpyre. Ito ang itinuturing na pinakadakila at pinakamakapangyarihan sa Buong Lupain na pinamumunuan ng pinakamataas na pinuno, Ang Emperador. Maraming Lupain ang sakop ng Imperyo, mga Lupaing dating nagsasarili at nagkakagulo ngunit ngayon ay pinagbuklod na bilang isang Imperyo sa mapayapang pamumuno, karamihan sa mga ito ay tahanan ng mga matataas na tao tulad ng Panginoon, Duke, Konde at marami pang iba. Nasa gitna naman ng kontinente ang Kapital na tinatawag na Sentralisadong Imperyo kung nasaan nakatayo ang Palasyo ng Emperador at namumuhay ang milyon-milyong Cenpyero.

Patuloy ang paglalaro at paghahabulan ng magkapatid sa Banal na Templo ng kanilang mga Diyos. Isa sa mga alituntunin ng templo na bawal mag-ingay, magtawanan at maglaro habang nasa loob ng banal na padasalan bilang pagrespeto sa kanilang mga Diyos, pero dahil sa kapilyuhan ng magkapatid na prinsipe kahit ito'y hindi nakaligtas.

Hindi naging hadlang ang Banal na Templo sa kasiyahan nina Fierro at Costan. Wala silang pakialam sa mga alituntunin na kailangang sundin, ang mahalaga ay nakapaglalaro sila na para bang ito na ang huling beses na sila'y maglalaro.

Walong taon ang nakatatandang si Fierro at pitong taon naman ang nakababatang si Costan. Malaki ang pagkakaiba ng kanilang mga hitsura. Si Fierro ay matangkad, itim ang buhok, kulay kahel ang mata, matangos ang ilong, pahaba ang hugis ng mukha at di-gaanong kaputian ang kutis. Samantalang si Costan naman ay mayroong katamtamang laki at pangangatawaan, kulay kapeng buhok, berdeng mata, malaki ngunit matangos na ilong, bilugang mukha at maputing kutis. Sinasabing namana niya ang mga katangiang ito sa kanyang ama at siya rin ang sinasabing mas kahalintulad ng Emperador sa pisikal na anyo. Kung hindi lang dahil sa pagkakaiba ng kanilang pisikal na anyo, mapagkakamalang kambal ang magkapatid.

Mahal nila ang isa't-isa at palagi silang magkasama sa lahat ng kanilang ginagawa at pinupuntahan. Kung mayroon mang maituturing na perpektong magkapatid, sina Fierro at Costan na iyon. Kahit kailan ay hindi sila nag-aaway at daig pa nila ang pinakamatalik na magkaibigan. Parehas sila ng mga kinahihiligan at wala silang bagay na hindi pinagkakasunduan. Iyon nga lang minsa'y nasosobrahan sila sa kakulitan. Bawat araw umiikot ang kanilang mundo sa pagsasaya at paglalaro tulad ng lahat ng bata.

Normal na senaryo na ang kanilang pangungulit sa iba't-ibang bahagi ng kastilyo. Noong isang linggo lang ay napagalitan sila dahil sa pagkakalat ng mga libro sa silid-aklatan at noong isang araw lamang nanggulo sila sa kusina at kumupit ng mga tinapay. Kahit ilang ulit silang pagsabihan hindi pa rin matigil ang kanilang kapilyuhan. Ngayon, ang Banal na Templo naman ang napagdiskitahan nila.

Sa kaliksian ng pangangatawan ni Costan, matagumpay niyang napag-iwanan si Fierro sa kanilang habulan. Mahusay niyang naiiwasan ang mga istatwa ng mga Diyos. Si Fierro naman ay nakabasag na ng dalawang istatwa sa paghahangad na mahuli at mataya ang kanyang kapatid. Narating nila ang sentro ng templo kung saan nakatayo ang apat na pinakamalaking istatwa ng kanilang mga Diyos.

Lahat ay napapaligiran ng mga kandilang sinindihan bukod sa isa sa pinakadulo. Siya lamang ang napapaligiran ng dilim dahil sa kawalan ng ilaw ng kandila.

Napatigil ang magkapatid nang masilayan nila ang apat na mahiwagang istatwa na kasing taas na ng isang palapag ng kastilyo.

"Fierro, alam mo ba na sila ang sumisimbolo sa ating mga Diyos?" tanong ni Costan.

"Oo naman," sagot ni Fierro. "Mas una ko pa ngang nalaman iyan kaysa sa iyo."

"Sige nga, pupuntahan ko sila isa-isa at sabihin mo sakin kung anong Diyos sila," muling paghahamon ni Costan.

"Sige ba," pagmamalaking sinabi ni Fierro, "ikinuwento na kaya sila sa akin ni ama."

Pinuntahan ni Costan ang unang istatwa. Ang istatwa ng Diyos na napapalibutan ng mga dahon at puno.

"Madali lang iyan," saad ni Fierro. "Siya ang Diyos ng Lupa, ang lumikha ng Buong Lupain na ating tinitirahan."

"Tama, kapatid," pagsang-ayon ni Costan. Pagkatapos ay dinala siya ng kanyang maligalig na paa sa ikalawang istatwa na napapaligiran ng mga alon at tubig.

"Siya naman ang Diyos ng Tubig, ang lumikha ng karagatan at mga anyong tubig."

"Ah, tama ulit," may pagkapikong pagkakasabi ni Costan. Matalino para sa kanyang edad si Fierro. Nilapitan ng nakababatang Prinsipe ang ikatlong istatwa. Ito'y mas mukhang simple kumpara sa mga naunang istatwa.

"Ito," pagturo ni Costan sa ikatlong Diyos. "Mahihirapan kang mahulaan kung anong Diyos ito. Wala siyang tubig, dahon o kahit ano mang tanda at bakas. Anong Diyos ito?"

"Iyan naman ang Diyos ng Hangin," saad ni Fierro na may pagmamalaki sa kanyang tinig. "Ang lumikha ng kalangitan, siya rin ang lumikha ng hangin na nagbibigay sa atin ng hininga."

"Paano mo nahulaan?" Tanong ni Costan.

"Pagmasdan mo siya mabuti," itinuro ni Fierro ang istatwa. Ginawa ni Costan ang utos ni Fierro at pinagmasdan niya mabuti ang istatwa.

"Nakikita mo ba ang hangin?" Tanong ni Fierro.

"Siyempre hindi," sagot ni Costan.

"Kaya simple lang ang istatwa ng Diyos na ito. Hindi natin nakikita ang hangin kaya hindi na rin kailangang lagyan ng palamuti ang Diyos ng Hangin."

Namangha si Costan sa magaling na paliwanag ng kanyang kapatid.

"Ang galing mo naman, Fierro", may pagkamanghang sinabi ni Costan. "Paano mo nalaman ang lahat ng ito?"

"Dinala ako ni ama dito nung nakaraang taon at ipinaliwanag niya sakin ang tungkol sa ating mga Diyos tulad ng pagpapaliwanag ko sa iyo."

Napangiti si Costan. Lumakad siya papunta sa panghuli at ikaapat na Diyos. Ang istatwang walang kandila at napapaligiran ng dilim.

Tumahimik ang magkapatid nang makita ang Diyos na tila hindi na sinasamba at dinadasalan ngunit kinakikilabutan ng bawat Cenpyero.

"Siya naman ang Diyos ng Apoy," paglalahad ni Fierro na may panginginig sa kanyang tinig.Iniiwasan niyang hindi tumingin sa istatwa. Sa lahat ng Diyos sa Templo siya lamang ang naiiba sa lahat. Maraming makikitang emosyon sa pagkakalilok sa kanyang mukha: galit, panghihimagsik, kalupitan. Mga bagay na di dapat tinataglay ng isang Diyos. Mga bagay na nauugnay sa kasamaan at kadiliman.

"Bakit siya lang ang naiiba?" Nagtatakang tinanong ni Costan. "At sa apat siya lang ang mukhang galit at napapaligiran ng dilim."

"Kailangan na nating umalis dito," dahil sa pagkatakot, biglang nagyayang umuwi si Fierro habang si Costan naman ay lubos na nahihiwagahan sa katauhan ng Diyos ng Apoy.

"Sandali, Fierro", sambit niya. "Gusto kong malaman kung bakit siya lang ang naiiba sa apat na Diyos. Kung bakit siya lang ang hindi natin sinasamba at sinisindihan."

Napabugtong-hininga si Fierro sa kuryusidad ng kapatid. Tila alam niya ang kasaysayan ng ikaapat na Diyos.

"Itanong mo nalang kay ama", sagot niya. "Tara na."

"Alam kong sinabi sa iyo ni ama", sambit ni Costan. "Pakiusap Fierro, ikwento mo naman. Pangako, aalis na tayo agad pagkatapos."

Napatingin si Fierro sa kapatid, kapag di niya sinunod ang gusto nito, buong araw siya nitong kukulitan hanggang sa sabihin niya. Parehas silang makulit pero mas lamang ang kakulitan ni Costan, sapagkat siya ang bunso at nasanay siyang nakukuha ang lahat ng gusto.

"Sige na nga," napilitang sagot ni Fierro.

"Salamat, Fierro," saad ni Costan na may ngiti sa kanyang mukha. "Bakit nga ba ganyan ang Diyos ng Apoy?"

"Dahil naging masama siya," sambit ng kanyang kapatid.

"Masama?"nagtaka si Costan sa kanyang inilahad at lalong dumami ang katanungan sa kanyang isip."Di ko alam na may Diyos palang masama. Paano nangyari yun?"

"Hindi gaanong ipinaliwanag sakin ni ama kung bakit," sinubukan niyang huwag ng palalimin ang detalye sa kanyang kapatid. "Sabi niya lang dahil sa inggit at kasakiman sa kapangyarihan nawala ang pagkadiyos at respeto sa Diyos ng Apoy."

Hindi nagtagal, bumigay na rin siya at naikwento na rin niya kay Costan. Sobrang seryoso ng mukha ni Fierro habang isinasalaysay niya ang kwento tungkol sa isa sa kanilang mga Diyos. Ngayon lang siya nakita ni Costan na ganoong kaseryoso sa isang bagay. Baka siguro dahil sa malaki ang naging epekto nito kay Fierro. Naalala ng nakatatandang Prinsipe kung paano ito ikinuwento ng kanyang Ama sa kanya. Anim na taon pa lamang siya noon at dahil tinatamad siyang basahin ang kanilang Banal na Aklat ng Elemento, nagpasya na lang ang Emperador na ikwento ito sa kanya, Lubha siyang naapektuhan sa kanyang mga nalaman, tumatak ito sa kanyang kaisipan kaysa sa ibang bahay na karaniwang tumatatak sa isip ng mga batang kanyang kaedad. Minsan nga hindi siya makatulog sa tuwing sasagi ito sa kanyang alaala.

Natapos ang kanyang paglalahad sa maselang paksa makalipas ang ilang minuto, "kung naguguluhan ka pa, tanungin mo na lang si Ama o kaya basahin mo na lang ang Banal na Aklat, halika na."

"Sige," pumayag na rin sa wakas si Costan na sila'y umalis ng Templo. Kontento sa pagkukwento ng kapatid.

Habang sila ay naglalakad pabalik sa kanilang palasyo, napansin nila ang dalawang maliit na istatwa na nabangga at nasira ni Fierro habang sila ay naghahabulan. Ang isa ay kulay puti at ang isa naman ay itim. Dahil sa maayos at matibay na paglililok, buo pa rin ang istatwa at natanggal lang ang kanilang mga ulo.

"Lagot tayo," nag-aalala si Costan. "Nasira natin ang dalawa sa mga Diyos."

"Diyos lang iyan ng mga Kanluranin," pagtatama ni Fierro. "Huwag kang mag-alala, ginagamit lamang ang mga iyan bilang palamuti sa Templo."

Pinulot ni Costan ang isa sa mga ulo gamit ang iisang kamay sapagkat hindi ito kabigatan. Bigla siyang napaisip at napangiti. Tiyak na mayroon na naman siyang naisip na kalokohan sa kanyang munting pag-iisip.

"Tara," pagyayaya niya. "May naisip ako."

Nilaro ng magkapatid ang mga ulo, pinagpasa-pasahan ito na para bang isang bola. Pinasa ni Fierro kay Costan ang puting ulo at pinasa naman sa kanya ang itim na ulo. Matapos ang kalahating oras na paglalaro, napagod ang dalawa at naisipang umuwi. Tila si Fierro naman ang mayroong naisip. Kinuha niya ang mga ulo, ipinatong niya ang itim na ulo sa puting istatwa at inilagay naman niya ang puti sa itim.

"Mali," pagtatama ni Costan. "Dapat magkatugma ang kulay ng ulo sa kanilang mga katawan."

Nakangiting umiling si Fierro.

"Tignan mong maigi," saad niya. "May gusto lang akong ituro sa iyo na ibinahagi sakin ni ama."

"Ano naman iyon?"

"Di ba madalas nilang sinasabi na sumisimbolo ng kabutihan ang puti at kasamaan naman ang itim."

"Oo."

"Anong kulay ang mas lamang sa kanila?" turo ni Fierro sa istatwang itim kung saan inilagay niya ang puting ulo.

"Itim," sagot ni Costan. "Ibig sabihin ba masama siya?"

"Hindi, ibig sabihin lamang nito na kahit mas lamang pa ang kasamaan ng isang tao mayroon pa ring natitirang kabutihan sa kanya. Tulad nito, kahit na mas lamang ang kulay itim sa kanya, nakikita mo pa rin ang kulay puti sa kanyang ulo."

"Ah," napagtantong pagtango ni Costan. "Ito naman. Ano ang ibig sabihin nito?"

"Mas lamang naman sa kanya ang puti di ba?" tanong ni Fierro na para bang isa siyang matandang gurong nagtuturo sa kanyang estudyante.

"Sinasabi naman nito na hindi tayo perpekto, kahit na tayo ay mabuting tao mayroon pa rin tayong mga kasalanan at maling pag-uugali. Pero ang mahalaga mas lamang satin ang kabutihan at ang paggawa ng mabuti kaysa sa kasamaan."

Tumatak sa isip ni Costan ang sinabi ni Fierro. "Ang galing mo talaga, tiyak na magiging mahusay na Emperador ka rin gaya ni ama."

"Sana nga," hiling ni Fierro. "Umuwi na tayo bago pa may makakita satin."

Bago pa makasagot si Costan, may narinig sila sa paligid ng templo. Nakarinig sila ng tapak ng mga paa. May taong naglalakad sa loob. Dahil sa paglalaro nila, inabot na sila ng gabi. Madilim na ang paligid at ang tanging liwanag na makikita ay ang sindi ng mga kandila sa tabi ng tatlong Diyos.

Palapit nang palapit ang tunog ng paglalakad at nakiramdam ang magkapatid.

"May paparating," mahinang bulong ni Fierro.

Sila ay nanahimik at nakinig sa mga yabag ng paa na tila may kakaibang epekto sa kanilang mga pandinig.

"Baka naman iyan na ang Higanteng Niyebeng Halimaw, totoo sila!" napalakas ang tinig ni Costan.

"Takbo!" utos ni Fierro. Nagmadaling tumakbo ang dalawa ngunit dahil sa dilim ng paligid nabangga sila sa isa sa mga haligi ng templo at sila'y bumagsak.

Lumapit sa kanila ang isang matandang lalaki na may hawak na kandila. Siya ang Punong Pari sa Templo ng Cenpyre.

"Mga munting prinsipe!" Nagulat niyang sinambit. "Ano ang ginagawa niyo rito?"

Nagtinginan ang magkapatid, hindi alam ang kanilang isasagot. Napangiti sila sa Pari na may nerbyos sa kanilang mga mukha. Napatingin ang Punong Pari sa kanyang paligid at nakita ang dalawang istatwang nasira ni Fierro. Bumagsak ang dalawang ulo mula sa istatwa at ito'y nabasag.

***

"Patawad po," paghingi ni Costan ng paumanhin habang siya'y nakayuko at nahihiya.

"Patawad?" sagot ni Emperador Cresento, ang kanilang ama at ang pinuno ng Imperyong Cenpyre. Suot-suot niya ang kanyang eleganteng asul na balabal at ang kanyang togang may apat na brilyanteng sumisimbolo sa apat na Diyos ng Elemento.

Dinala ng Punong Pari ang dalawang prinsipe sa Emperador at isinumbong ang kanilang pangungulit, panggugulo at paninirang ginawa nila sa banal na padasalan.

"Iyan na lamang ba ang sasabihin niyo?" tanong ng Emperador. "Ngayong linggo lang nanggulo kayo sa silid-aklatan, gumawa kayo ng kastilyo gamit ang mga libro, kumupit ng tinapay sa kusina ng walang paalam at ngayon kahit ang Banal na Templo ay di niyo pinalagpas! Sumusobra na kayo! Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko sa inyong dalawa."

Tahimik ang magkapatid, nakayuko at nahihiya. Mabait ang kanilang Ama pero matindi rin siyang magalit. Para siyang isang leon na may otoridad, nirerespeto at kinatatakutan  lalo na kapag galit.

"Patawad po, ama", muling paghingi ng paumanhin ni Costan. "Ako po talaga ang may kasalanan. Niyaya ko po si Fierro na maglaro sa Banal na Templo."

Napailing si Cresento habang hawak-hawak ang kanyang noo sa pamomroblema.

"Sabi ko na nga ba, alam ko namang ikaw ang may pasimuno" saad ng Emperador. "Fierro, ikaw ang nakatatanda, hindi mo man lang ba naisip na tanggihan ang iyong kapatid?"

Hindi nakasagot ang panganay na Prinsipe, nananatili lamang siyang nakatingin sa may sahig.

"Wala na ba kayong iintindihin kundi maglaro at mangulit? Wala na kayong pakialam sa mga alituntunin at mga turo ko sa inyo. Puro pangsariling kasiyahan lang ang iniisip niyo! Paano kayo magiging mabuting halimbawa sa ating mga nasasakupan kung hindi kayo magiging responsable sa inyong mga aksyon?"

Hindi nakasagot ang dalawa. Bumaba ang Emperador mula sa kanyang trono, humakbang pababa ng hagdan, lumapit sa kanyang mga anak at tumayo nang tuwid.

"Sinabi rin sakin ng Punong Pari ang tungkol sa dalawang istatwang nabasag niyo. Sino ba sa inyo ang tunay na nakasira sa istatwa ng mga Diyos?"

Humakbang papalapit si Fierro, ninenerbyos, nagbugtong-hininga muna bago magsalita. "Ako po."

"Ikaw", sagot ng kanyang ama,"at hindi ka man lang marunong humingi ng tawad sa iyong ginawa tulad ng iyong kapatid."

"Pero Ama, hindi naman po mahalaga ang mga iyon," pangangatwiran ni Fierro sa mahina at malumanay na boses. "Hindi naman sila ang Diyos na ating sinasamba."

"Magtigil ka!" Sigaw ni Cresento. "Huwag ka ng mangatwiran! Dapat nirerespeto mo rin sila kahit hindi sila ang Diyos natin. Hindi mo ba alam? Hindi lang sila basta palamuti sa templo, ipinagawa ko sila upang may madasalan ang mga Kanluraning nakatira at bumibisita rito. Kasama sila sa ating nasasakupan at mahalaga rin sa atin ang kanilang mga kultura at paniniwala. Ano sa tingin mo ang kanilang mararamdaman kapag nalaman nila na di nirerespeto ng susunod na Emperador ang kanilang Diyos?"

"Patawad po, hindi na po mauulit," paumanhin ni Fierro na may luha na sa gilid ng kanyang mata.

"Dapat lang," huminahon ang tinig ng Emperador matapos niyang mapansing naiiyak na ang kanyang mga anak.

Napabugtong hininga siya, matindi nga siyang magalit pero malambot rin ang kanyang puso pagdating sa kanyang mga anak. Sila ang itinuturing niyang pinakamagandang regalo na ipinagkaloob sa kanya ng mga Diyos.

Malumanay niyang hinawakan sa balikat ang panganay na anak.

"Patawarin niyo ako sa pagtataas ko ng boses," humingi siya ng paumanhin sa dalawa. "Kayong dalawa ang mamumuno sa Imperyong ito kapag ako'y wala na. Lalo ka na Fierro, ikaw ang magiging susunod na Emperador. Gusto ko lang naman kayong maitama, para kapag dumating na ang araw na kayo na ang mamumuno, maging magandang ehemplo kayo sa ating mga nasasakupan."

"Alam po namin iyon, Ama," sagot ni Fierro habang pinupunasan ang mga luha sa kanyang mata.

"Hinding-hindi na po namin uulitin iyon," dagdag ni Costan. "Susubukan na po naming maging masunurin at responsable."

"Totoo bang gagawin niyo na yun?"

Sabay tumango ang magkapatid na parehas umiiyak.

"Halika nga dito," pag-imbita ni Cresento. Niyakap niya nang mahigpit ang kanyang mga mahal na anak.

"Kaya ako nagagalit sa inyo dahil mahal ko kayo, wala akong ibang hangad kundi mapabuti kayo ganun din ang ating Imperyo."

Mula noon nagpakabait na ang magkapatid, naglalaro pa rin sila pero sa tamang lugar at oras. Binigyang limitasyon na rin nila ang kanilang kapilyuhan at kakulitin. Natuwa si Emperador Cresento sa kanilang pagbabago. Pinapanood niya ang mga anak habang naglalaro at nagagalak din siya sa maayos na relasyon ng magkapatid.

***

Lumipas ang ilang linggo, naging maayos ang pamamalakad ng Palasyo. Hindi na sila nagkakalat ng mga libro sa silid-aklatan, hindi na sila kumukupit ng tinapay sa kusina at pumupunta na lamang sila sa templo kapag sila'y magdarasal.

Isang araw, habang pinapanood niya ang mga batang maglaro mula sa balkonahe, nilapitan ng isa sa kanyang mga tagapayo ang Emperador.

"Mukhang nababawasan po yata ang kapilyuhan ng mga munting prinsipe, kamahalan," sabi ni Heman na isa sa pinakamatapat at pinakamatandang tagapayo ng Emperador. Nagsilbi siya mula pa noong pamumuno ng dating Emperador Cenon na ama ni Cresento.

"Oo nga," sagot ni Cresento. "Nawa'y natuto na sila sa kanilang mga pagkakamali. Sa totoo lang, mas mahirap pa silang alagaan kaysa pamunuan ang buong Imperyo."

"Mabuti ho ang ginawa niyong pagdisiplina sa kanila. Tiyak na mamamana nila ang inyong galing sa pamumuno pagdating ng takdang panahon."

"Sana nga."

Pinagmasdan rin ni Heman ang paglalaro nila Fierro at Costan. "Nakakatuwa naman ang relasyon nilang magkapatid. Magkasundong-magkasundo sila kahit magkaiba sila ng ina."

Napaisip ang Emperador sa sinambit ng tagapayo. Pilit niyang inaalis ang mga bagay na iyon sa kanyang isip pero laging mayroong nagpapaalala sa kanya.

"Tsaka nga po pala kamahalan," dagdag pa ni Heman. "Lumalaki na po si Prinsipe Fierro, wala po ba kayong balak na ipakilala siya sa kanyang ina, kay Emperatris Artura?"

"Dukesa Artura na lang," pagtatama ni Cresento na may pagkayamot sa kanyang tono. "Matagal ko na siyang tinanggalan ng karapatan sa ating Imperyo matapos niya akong lokohin. Hindi ko siya papayagang lumapit kay Fierro."

"Pero kamahalan, may karapatan po siyang makilala ang kanyang anak. Ganoon din ang Prinsipe Fierro, lumalaki na siya at nangangailangan siya ng pagmamahal ng isang ina."

"Maraming salamat po sa inyong payo," sagot ni Cresento,"pero di siya kailangan ni Fierro, ako na ang ama at ina niya. Mas mabuti pang manatili na lang siya sa Artemias kasama ang ama niyang si Duke Ambrosio. Hindi ko alam kung mapapatawad ko pa siya sa kanyang ginawa, alam ko nagkasala rin ako sa kanya pero pinagsisihan ko iyon, hindi niya dapat ginantihan ng isa pang pagkakamali ang aking pagkakamali."

"Sige po kamahalan," pagsang-ayon ni Heman,"kung iyan po ang kagustuhan niyo."

Yumuko siya sa harapan ng Emperador bilang tanda ng pagrespeto bago siya pinahintulutang umalis.

Muling naalala ni Cresento ang mga pangyayari maraming taon na ang nakakaraan na para bang kahapon lang ito naganap. Tila may mga bagay na kahit gaano na katagal ay sariwa pa rin.

Bago siya umupo sa trono bilang Emperador ng Imperyong Cenpyre, ipinagkasundo siya ng kanyang amang si Emperador Cenon sa anak ni Duke Ambrosio na si Artura. Siya'y mayroong kakaibang ganda na huhumaling sa kahit sinong lalaki. Mapang-akit ang kanyang kulay kahel na mata at mahabang hugis ng kanyang mukha. Nabighani niya ang puso ng batang Prinsipe. Nang pumanaw na si Cenon, umupo si Cresento bilang Emperador at agad niyang pinakasalan si Artura. Sobra niya itong minahal at ibinigay niya ang lahat sa kanya. Lahat ng alahas na kanyang gusto, lahat ng luho at marami pang iba, ngunit sa paglipas ng mga taon may isang bagay siyang hindi maibigay sa kanya: mga anak. Limang taon na nilang sinubukang bumuo ngunit walang nabuong sanggol sa sinapupunan ni Artura. Nalugmok ang Emperador dahil sa kawalan nila ng mga supling. Tila hindi kumpleto ang buong Imperyo kung wala silang anak at tagapagmana, hindi matutumbasan ng lahat ng yaman at ginto ang saya ng pagkakaroon ng pamilya. Naisip ni Cresento na baka nasa kanya ang problema, ganoon din ang sinabi ni Artura, naging madalas ang kanilang sisihan at pag-aaway hanggang sa nagpasya munang umalis si Artura at bumalik sa kanyang tahanan sa siyudad ng Artemias.

Isang araw, dahil sa kalungkutan, inubos ng Emperador ang lahat ng alak at siya'y nalasing. Dahil sa sobrang kalasingan nawalan siya ng malay. Hinatid siya ng isa sa mga kusinera na nagngangalang Audrella o mas kilala sa tawag na Drella. Siya'y may taglay na kagandahan at maputing kutis ngunit mahahalata mo rin sa kanyang damit na siya'y galing sa mahirap na pamilya. Anak siya nina Conrado at Eda na dating nagtatrabaho sa palasyo. Naging magkaibigan sina Cresento at Drella, dahil sa kanyang pangungulila kay Artura ibinaling niya ang kanyang atensyon sa kusinera. Sinasabi niya ang lahat ng kanyang problema at handa namang makinig si Drella. Tila napamahal sila sa isa't-isa. Nahumaling si Drella sa karisma at kagwapuhan ng Emperador at makikita sa kanyang mata ang pagsinta sa kanyang Emperador. Ganoon din ang Emperador at hindi mo siya masisisi. Si Drella ay maganda, maalaga at napakabait. Labing anim na anyos lamang siya noon at dalawampu't-walo naman si Cresento.

Umabot sa sukdulan ang kanilang relasyon at isang gabi nangyari ang di nila inaasahan. Nilisan ni Drella ang Palasyo upang umiwas sa malaking kahihiyan. Hinanap siya ni Cresento at nalamang siya'y nagdadalang-tao sa kanilang anak. Hindi siya makapaniwala dahil buong akala niya siya'y baog, pinagdudahan niya ang sanggol na kanyang dinadala. Nasaktan si Drella sa kanyang isinambit at isang malakas na sampal ang humampas sa mukha ng Emperador.

Pagbalik ni Cresento, sinalubong siya ni Artura na noon ay nagdadalang-tao rin. Lubos ang tuwa ni Cresento sa pagbabalik ng Emperatris at lubos din ang kanyang saya sapagkat biniyayaan na rin sila sa wakas ng supling.

Nanganak si Artura ng isang malusog na sanggol na lalaki at pinangalanan nila itong Fierro. Sobrang saya nila ng mga panahon na iyon hanggang sa isang araw kumalat ang balita na ipinanganak ang bastardo ng Emperador. Pinuntahan ni Artura si Drella, inatake niya ito, pinahiya at kinaladkad upang ipakita sa publiko ang kerida ng kanyang asawa. Ipinagtanggol siya ni Cresento at inutusan si Artura na itigil ang kanyang pagpapahiya. Naging laman ng tsismis ang naging ugnayan ng Emperador sa isang kusinera.

Pinuntahan ni Cresento si Drella at ipinagamot, tinignan niya ang sanggol na sinasabing kanyang anak. Dumilat ang sanggol at napansin ng Emperador ang maliit na kulay berde niyang mata. Napagtanto niya na sa kanya nga ang batang ito sapagkat namana niya ang berdeng matang taglay lamang ng kanyang pamilya at ng lahat ng naging Emperador. Tumangis siya at humingi ng tawad kay Drella sa kanyang mga kasalanan. Napagdesisyunan naman ni Drella na ibigay ang sanggol sa kanyang ama upang siya'y magkaroon ng mas maayos na buhay. Napagpasyahan naman nila Mang Conrado at Aling Eda na umalis at lumipat sa ibang bayan upang maprotektahan ang anak at di na maulit ang nangyari sa kanya. Pinakiusapan ng Emperador na sila'y manatili. Pumayag siyang kunin ang kanyang anak pero di ibig sabihin na tatanggalan na niya ng karapatan ang ina. Tinulungan niyang makalipat ng bahay sina Drella at ang kanyang mga magulang upang hindi sila matunton ni Artura pero hindi sila lumayo ng tuluyan sa Palasyo. Nagkaroon sila ng kasunduan na papayagan niyang makasama ni Drella ang kanyang anak isang araw kada linggo. Pinangalanang Costan ang sanggol.

Nang iuwi ni Cresento ang sanggol sa palasyo, lubos ang galit at panggagalaiti ni Artura sa bata. Hindi niya ito matanggap at lagi niyang sinasabi na bunga lang ito ng kataksilan ni Cresento sa kanya. Sinuyo ng Emperador ang kanyang Emperatris, ginawa niya ang lahat upang bumalik sa dati ang lahat at di nagtagal naayos din nila ang kanilang relasyon. Sa kabila ng lahat, di pa rin matanggap ni Artura ang bastardong si Costan.

Ilang buwan ang dumaan, napansin ni Cresento na may kakaibang ikinikilos ang kanyang kabiyak. Tila hindi siya makatingin ng diretso sa kanyang mga mata, parang laging malalim ang iniisip at umiiwas sa kanya. Hindi niya matukoy kung ano ang kanyang problema at kung ano ang dahilan ng kanyang mga aksyon.

Isang araw, pumasok si Cresento sa kanilang silid at may nakitang di niya inaasahan. Nakita niyang may kahalikang lalaki si Artura habang sila ay nagsisiping. Nang humarap ang lalaki, nanlisik ang mata ng Emperador sa galit at pagkagulat. Ang lalaking kasama ni Artura ay isa sa kanyang mga pinagkakatiwalaang kawal at kapitan ng hukbo na nagngangalang Raon.

Sa sobrang galit ni Cresento muntik na niyang mapatay si Raon, tinadtad niya ito ng suntok ngunit siya'y nakatakas. Tumatangis na humingi ng kapatawaran si Artura habang siya'y nakaluhod. Hindi matanggap ng Emperador ang kanyang ginawang pagtataksil. Alam niyang may nagawa din siyang pagkakamali noon pero pinagsisihan na niya ang lahat ng iyon. Sobrang sakit para sa kanya na makita ang kanyang kabiyak na may kalandiang ibang lalaki. Parang tinusok ang kanyang puso ng espadang puno ng lason at kamandag.

Sinubukang magpaliwanag ni Artura pero di na siya pinakinggan ng Emperador. Di niya matanggap na siya'y kayang lokohin ni Artura gaya nang di pagtanggap ni Artura kay Costan. Tinanong ni Cresento kung ilang beses na siyang naikama ni Raon ngunit siya'y natahimik at di nakasagot. Nagwala si Cresento at narinig ang kanyang paghihinagpis sa buong Palasyo.

Kinaladkad niya si Artura palabas ng Palasyo at binalaang huwag ng bumalik pang muli. Nagmakaawa si Artura na huwag siyang paalisin alang-alang sa kanilang anak na si Fierro. Sinambit ni Cresento na wala na siya ngayong karapatan sa kanilang anak at siya na lang ang mag-aalaga at magpapalaki sa kanya.

Kumalat sa buong imperyo ang lahat ng pangyayari, agad na pinuntahan ni Duke Ambrosio ang kanyang anak, umuwi sila sa kanilang palasyo sa lupain ng Artemias at mula noon hindi na bumalik si Artura sa Sentralisadong Imperyo ng Cenpyre.

Mula ng araw na iyon, binuhos ni Cresento ang lahat ng pagmamahal sa kanyang mga anak na sina Fierro at Costan. Hindi na siya muling umibig at nag-asawa.

Fierro, patawarin mo ko at ipinagkakait ko sa'yo ang iyong ina, balang araw kapag nasa tamang edad ka na, ipapaliwanag ko ang lahat at nawa'y maunawaan mo ako.