"If the people we love are stolen from us, the way to have them live on is to never stop loving them."
Now playing: The One That Got Away
Ivy
Mugto ang mga mata at palaging tulala sa kawalan, yan ang palaging makikita sa akin ngayon. Ni hindi na ako lumalabas ng aking kuwarto, walang kinakausap, ayaw kumain, ayaw uminom kahit na konting tubig. Ayaw ko na ring mabuhay kung ganito lamang din.
Sa tuwing naiisip ko kung bakit ako ang naiwan dito, kung bakit ako ang humihinga ngayon, nasasaktan ako ng sobra. Bigla na lamang akong iiyak dahil hanggang ngayon, ramdam na ramdam ko parin ang sakit. Ang hapdi at kirot sa pagka wala niya.
Akala ko, magiging thankful ako kapag nagawa ng maayos ang aking operasyon. Akala ko, ikatutuwa ko ang mabuhay muli, ang mabigyan ng mahabang pagkakataon na mabuhay sa mundo. Pero hindi ganon ang nangyari. Araw-araw, hindi kaligayahan ang nararamdaman ko, kung hindi pagdurusa, pangungulila at sobrang nababalot ang aking puso ng nakamamatay na kalungkutan.
Araw-araw, pasan ko ang bigat sa aking dibdib. Araw-araw ko siyang namimiss. Araw-araw kong hinahanap ang mga nakasanayan kong bagay kasama siya. Noong nandiyan pa siya. Araw-araw akong umaasa, na sana, nasa tabi ko parin siya, ngumingiti, tumatawa at paulit-ulit na tinatawag ang pangalan ko. Pero sa araw-araw na iyon, mas lalo lamang lumalalim ang aking sugat. Pakiramdam ko, hindi lamang puso ko ang nawasak, kung hindi namatay na rin akong kasama niya.
Minsan, parang ayaw ko ng imulat pa ang aking mga mata. Dahil lalo lamang akong nagigising sa katotohanan na wala na talaga siya, na iniwan na niya ako ng tuluyan. Ngunit minsan naman, ayaw ko rin ang pumikit, dahil sa tuwing gagawin ko iyon, ang maamo nitong mukha ang nakikita ko. Iyong mga buhay naming alaala na hanggang ngayon, nananatili parin sa aking puso at isipan ang nakikita ko.
"Sommer..." Muli na naman akong napaluha habang naka upo rito sa tabi ng bintana ng aking kuwarto. Yakap-yakap ang unan na palagi niyang ginagamit sa tuwing dito siya natutulog.
Isang linggo na ang nakalipas simula noong mailibing ito. At simula noong araw na iyon, walang humpay ang aking pagluluksa at pagmumukmok. Parang ayaw ko ng maging masaya at habambuhay na lamang na maging ganito.
Ang sakit-sakit...
Ang sakit na nagsimula tayo sa masaya at natapos lamang tayo sa ganitong paalamanan. Hindi ko alam kung papaano ko ngayon haharapin ang araw-araw na wala kana. Hindi ko alam kung paano ang mabuhay ng tama, dahil ayoko namang sayangin ang ibinigay mong pagkakataon sa akin. Ang ibinigay mong panibagong buhay. Panibagong buhay kung saan, kailangan kong matutunang gumising sa umaga na hindi kana muling makikita pa.
Ibinigay mo ang bagay na kailan may ay hinding-hindi ko malilimutan, para ako ay mabuhay. Bagay na hanggang ngayon hindi ko alam kung ipagpapasalamat ko ba sayo o ikagagalit ko. Pero kahit na ano pa man ang nararamdaman ko ngayon, mas nangingibabaw parin ang umaapaw kong pagmamahal para sa iyo. At Sommer...miss na miss na kita. Miss na miss na kita ng sobra.
Para na rin akong nawala kasama mo kung nasaan ka man ngayon. Para narin akong namatay kasama mo. Ipangako mo sa akin, isasama mo ang aking puso at pagmamahal sa iyong hukay. Umasa ka, at nangangako akong paka iingatan ko ang pusong ibinigay mo sa akin.
Mahal na mahal kita. At kahit na wala kana, patuloy parin kitang mamahalin. Patuloy ko paring bubuhayin ang mga masasayang alaala natin. Dito...kasama ang puso mo na ngayon ay nasa akin na.
Ayaw ko ng magmahal ng iba o ng bago, Sommer. Ayokong palitan ka dito sa puso ko. Ayokong kumilala ng bagong tao, ng bago na namang pag-ibig at ayokong ngumiti sa iba dahil para lamang iyon sayo. Ayokong maging masaya, dahil ang gusto ko ikaw parin ang magiging dahilan 'non. Ayokong mag 'I love you' sa iba, dahil kahit na sino pa ang nasa harap ko, ikaw at ikaw parin ang makikita ko. Ang paulit-ulit na hahanap-hanapin ko, ng mga mata ko at ng puso ko. Ikaw lamang, Sommer.
Alam kong nakikita mo ako ngayon sa ganitong kalagayan, sa ganitong kalugmukan, at hindi mo gusto na maramdaman ko ang mga ito. Pero sana kung nasaan ka man, sana maintindihan mo na hindi madali ang kalimutan ka. Hindi madali na basta ko na lamang tatanggapin ang lahat. Kaya pasensya kana, kung kahit magkabilang mundo na ang ginagalawan natin ngayon, eh patuloy parin kitang binubuhay sa isipan ko. Iyon na lamang kasi ang natatanging paraan, para makasama kita. Para kahit kunwari, nasa tabi parin kita...
----
Hanggang sa umabot nalang ang maraming linggo at buwan. Marami na ang naka move on sa nangyari, marami na ang tanggap na wala na talaga si Sommer at marami na ang nasanay na wala na siya...pero ako, heto parin, nagbabakasali. Umaasa at naghihintay kahit na alam kong wala na talagang babalik o darating pa.
Paulit-ulit akong bumalik sa lugar kung saan kami unang nag kakilala. Sa resort kung saan unang umikot ang mundo ko para sa kanya. Nagbabakasali na baka magpakita siya. Na baka bigla niya akong dalawin. Palagi ko siyang kinakausap sa pamamagitan ng hangin, na yakapin niya ako kahit sandali, maramdaman ko lang na nasa tabi ko parin siya. Pero hanggang ngayon, hindi parin nangyayari ang bagay na gusto kong mangyari. Kahit sa panaginip, kahit ilang beses pa akong maghintay, hindi ko na talaga siya muling nakita pa.
Hanggang ngayon kasi, hindi ko parin matanggap. Hindi ko parin kayang isipin na basta niya nalang akong iniwan ng ganon nalang. Ang sakit parin. Na kahit konting paalam, wala akong narinig mula sa kanya. Sana kahit papaano, naihanda ko sana ang sarili ko. Sana hindi ganito kasakit, sana hindi ako ganitong nangangapa sa dilim at hindi alam kung saan patungo. Para na akong nababaliw.
Miss ko na ang boses niya, ang mga tawa niya. Miss ko na ang mga haplos niya sa tuwing hinahawakan nito ang mga pisngi ko, ang mga ngiti niya na paulit-ulit na tumutunaw sa puso ko. Miss ko na siyang yakapin. At masakit mang sabihin o aminin, natatakot ako na baka dumating ang araw na unti-unti ng maglaho ang mukha nito sa aking isipan. At tanging maiiwan nalang ay kanyang ang mga alaala pero...ang mukha niya...hindi ko na maimagine pa.
Habang tumatagal at lumilipas kasi ang panahon, unti-unti na iyong nagiging malabo para sa akin at nagiging isang tunay na lamang na alaala ang lahat. Kaya takot na takot ako. No more making memories na. Kaya palagi kong tinitignan ang litrato niya. Ayokong mabura ang mukha nito sa alaala ko, sa isipan ko. Lalo na iyong mala anghel nitong boses. Gusto ko habang nabubuhay ako, maaalala ko parin siya. Mukha niya parin ang makikita ko kahit saan man ako tumingin o magpunta.
"Ang daya-daya mo.." Lumuluha na namang wika ko habang naka tingin sa mga hampas ng alon mula sa unahan. Nandito na naman ako ngayon sa may dalampasigan, sa kanyang resort na ngayon ay pagmamay-ari na ni Adriana.
"ANG DAYA-DAYA MO, SOMMER!!" Dagdag na sigaw ko pa at muling napa tungga ng alak mula sa hawak na bote sabay punas ng luha sa pisngi.
"Iniwan mo ako...hinayaan mo akong mag-isa, hindi mo tinupad ang mga pangako mo. SINUNGALING KA!!" Napayakap ako sa aking sarili habang umiiyak.
"Ivy," Rinig kong boses ni Rae mula sa aking likuran atsaka napahinga ng malalim. "You're drunk again." Pagkatapos ay dismayado ang mukha na lumapit ito sa akin at mabilis na inagaw ang bote na aking hawak.
"M-Miss na m-miss ko na siya, Rae...." Awtomatiko na niyakap ako nito ng mahigpit at marahan na hinagod ang aking likod.
"Sshhh. It's okay." Pagpapakalma niya sa akin.
"Mahal na mahal ko parin siya. Kahit na ang daya-daya niya. Kahit na mas pinili niya na iwanan ako." Patuloy lamang ako sa pag-iyak at paghikhi, hinahayaan lamang din nito na tumulo ang aking sipon at luha sa kanyang damit. "Kahit na ayaw na niya akong mahintay, naghihintay parin ako!" Dagdag ko pa.
Hindi na muling nagsalita pa si Rae. Tahimik lamang itong nakikinig sa akin habang yakap-yakap niya ako. Hanggang sa hindi nagtagal, naiyak na rin siyang katulad ko.
Hindi ko alam kung hanggang kailan ako magkakaganito. Pero nakakapagod din pala, ang umiyak ng umiyak at umaasa sa isang tao kung babalik pa, kahit na alam mong hindi na talaga mangyayari.
Hindi ko rin alam kung kailan tuluyang gagaling ang sugat sa puso ko, pero kung nasaan man si Sommer ngayon, sana masaya na siya. At sana rin, matanggap ko na ng tuluyan na wala na talaga at hindi na babalik pa sa akin, ang babaeng pinakamamahal ko...