Benjamin Arevalo
Paborito ko ang buwan ng December. Kasi panahon yun ng Pasko. At kahit sino naman sigurong normal na taong naniniwala sa Pasko ay alam kung bakit nakakatuwa ang December para sa akin. Nakakatuwa din ang February. Hindi dahil sa Valentine's o ano pa mang may kinalaman sa love. February kasi ang birthday ko. Yun.
Nilubos ko ang buong maghapon ko kahapon. Nakailang sigaw din si Lola ng "Benjie ano ba? Matulog ka na! May pasok ka na bukas!" Syempre, kung sinunod ko yun, hindi na ako si Benjie. Tumambay ako sa labas ng bahay hangga't may araw pa at nang dumilim, nanuod ng TV hanggang hatinggabi.
Hindi nakakatuwa ang buwan na to. Alam mo naman siguro kung bakit. Sa isang tulad ko, na walang kagana-gana sa pag-aaral, pinakainaayawang buwan ang June. Na kung pwede lang lampasan na agad. Yun tipong pagkatapos ng May, December agad. At pagkatapos, February na. At yun, March, April, May, tapos December ulit. Ayoko ng June. Ayokong magpasukan, ayoko ng eskwela.
Kung kelan nahihimbing ako sa pagtulog saka ko narinig ang pinakamalakas na alarm clock sa buong mundo - ang boses ng Lola ko. "Benjie bumangon ka na dyan! Mahuhuli ka na sa klase! Talagang ikaw bata ka. Sinasabi ko na nga ba, sa halip na natulog ka nang maaga kagabi, kung anu anong ginawa mo blah blah blah." Pambihira. Akala ko tatanghaliin na siya ng gising kasi pareho lang kaming napuyat kagabi. Ako, dahil nga inenjoy ko ang huli sa maliligayang araw ko ngayong taon, at siya, sa kakabantay sa akin. Akalain mong magagawa niyang bumangon nang pagkaaga aga at inunahan pa yung sinet kong oras sa totoo kong alarm clock? Ibang klase talaga 'tong Lola ko.
Si Lola lang ang meron ako. Siya na ang nagpalaki sa akin. Mula yata nang magkaisip ako, siya na ang kasama ko. Hiwalay kasi ang mga magulang ko. May kani-kaniyang pamilya. Eh palibhasa, nag-iisang anak ni Lola ang magaling kong ama, wala na ring ibang pamilya si Lola kaya heto, kaming dalawa ang nagsama.
Hmmm. Ang drama. Nakakaantok kasi. Halos nakapikit ako habang naglalakad papunta sa school. Ang ginaw pa. Parang gusto ko na ngang pagsisihan yung mga ginawa kong kung anu ano kagabi. Kung pwede lang ibalik ang oras, matutulog na lang ako. Tutal no choice din eh. Papapasukin pa rin ako ni Lola kahit anong tactics pa yung ginawa ko.
Sa totoo lang, higit pa sa tinatamad ang dahilan ko kung bakit ayokong pumasok sa school ngayong taon. Kung tutuusin, konting konti na lang ang bubunuin ko. (May binubuno ba, ang tanong?) Fourth Year na ko sa high school. Ibig sabihin, huling taon na para pagbigyan ang kagustuhan ni Lola. Ang totoo kasi, hindi ko alam kung ano ba ang naghihintay sa akin doon. May nangyari kasi noong February. JS Prom namin noong Third Year. At di ba nga, nabanggit ko na birthday ko February din? Yun, magkasunod na araw yung prom at yung 15th birthday ko. Syempre. Akong walang alam kundi magpasaway, nagpuslit ng alak sa prom, at hindi ako umuwi sa bahay kinaumagahan. Kaming magkakabarkada, kasama ang ilang kaklaseng babae, doon dumeretso sa bahay ng pinakamaganda kong kaklase, si Marjo. Nagkataong nasa Maynila yung parents niya kung kaya libreng libre kami. Anong aasahan mo sa mga kabataang tulad namin - nakainom, walang kasamang matanda, at may kani-kaniyang kapareha?
Kung tutuusin, wala naman sanang eskandalo, kung hindi lang isang tanga't kalahati tong si Kenneth. Sukat ba namang kunan ng video yung ginawa namin ni Marjo? Manung kung gusto niya eh siya na lang at yung kapartner niya ang vinideohan. Hindi niya siguro naisip na lilikha yun ng malaking gulo na aabot sa puntong pati siya at ang lahat ng kabarkada namin ay madadamay.
Syempre. Magkakasama kami eh. Nagkalaglagan rin lang, aba, di naman pwedeng ako lang.
Sa madaling salita, February lang yun, pero nakamit na namin ang pinakaaasam naming bakasyon. Pinatawag ang mga magulang namin sa school at ibinigay na ang final grade namin. Hindi na daw kami matatanggap pa sa school. Dude, kung alam mo lang kung paano bumaha ng luha mula sa mga magulang namin, lalong lalo na sa Lola ko. Pero kami, kahit medyo napahiya, lihim na nagdiwang.
Sila Kenneth, Andrew, at Chino, pati na rin yung mga babae nila na mga kaklase rin namin, sila Leslie, Macy, at Janine, palibhasay nakick out, inenroll ng mga magulang nila sa school sa kabilang baranggay. Si Marjo naman, noong mismong araw na nakick-out kami, dinala na ng mga magulang niya sa Maynila. Galit na galit ang mga magulang niya sakin lalo na yung nanay. Ilalayo daw yung anak nila sa akin. Masama daw akong impluwensya. Nakakatakot daw ang sasapitin ng anak nila dahil sa akin. Natawa na lang ako. Para namang may pakialam ako sa anak nila. Lasing lang ako nun. At maganda lang si Marjo. Yun lang yun. Wala naman akong mahihita sa kanya. Patayin man nila ako, wala na akong kabalak balak na ulitin pa yung ginawa ko.
At ayun nga, habang silang lahat ay may reunion sa bago nilang school, ako, heto, suot ang bago, pero parehas pa rin sa uniform ko last year, dala dala ang pitong nagkakapalang mga libro na wala naman akong kaplanu-planong buklatin, at naglalakad papunta sa St. John King Academy, ang school kung saan ako nagelementary, First Year, Second Year, at Third Year. Ibig sabihin, iyon ang school kung saan ako nakick-out last February.
Nagtataka ka siguro. Ako rin eh. Ewan ko ba. Hindi ko nilalahat, pero palibhasa private school, lahat ng bagay nadadaan na lang yata sa pera. Nakakatawa lang. Nasaan na ang paninindigan nila? Kunwari pa, hindi na raw ako matatanggap doon. Palibhasa, nagpadala ng malaki si Daddy kay Lola at nagpunta si Lola doon sa school last week, nang umuwi siya, ang laki na ng ngiti niya habang inaanunsyo, "Benjie! Pumayag si Maam Tere. Naenroll na kita."
Para akong natuklaw ng ahas sa sinabing yun ni Lola. Parang nakundisyon na ang utak ko na hindi na ko papasok ngayong taon. At masaya na ko dun. Tapos biglang ganoon? Gustung gusto kong sabihin sa kanya na "Lola, patayin mo na lang kaya ako?" Pero nang makita ko ang saya sa mga mata niya, na binigyan ng isa pang pagkakataon ang paborito niyang apo, hindi na lamang ako kumibo.
Kaya lang, hindi pa rin maalis sa akin na mag-isip. Ayoko nito dahil hangga't maaari ayoko nga ng may inaalala. Pero kahit sino naman, pagkatapos ng lahat ng kahihiyan, makikita pa rin ang pagmumukha, eh tatamarin talagang pumasok.
Idagdag pa na wala na yung mga kabarkada ko doon. May ilan pa namang natira na kabatian ko pa rin, pero iba pa rin syempre sina Chino, Andrew at Kenneth. Mula Grade 1 magkakasama na kami. Sabay sabay pa nga kaming nagpatuli noong bago kami mag Grade 5. Tapos ngayon, ngayon kung kailan kailangan ko ng mga kabarkada para kahit paano ay makagawa ako ng sarili kong mundo sa school, saka pa sila nahiwalay sa akin.
Kung tama ang nabalitaan ko, ngayong taon daw ay pagsasamahin na ang dating III-A at III-B at magiging isang section na ang Fourth Year. Pambihira. Dadalawa na nga lang, pinagsama pa. Parang nakinikinita ko na, sardinas kami sa classroom nyan. Ang katwiran, final year na daw kasi, kaya magandang magkaroon ng unity ang lahat ng Seniors, at magagawa lang yun sa pamamagitan ng paghahalo ng dalawang section.
Hmmm. Maniwala. Duda ko, nagtitipid lang sila. Syempre, pag ganoon, tipid sila sa kuryente, dahil isang classroom lang ang gagamitin. Tipid sa classroom, at pwede pang magdagdag ng isa pang section sa First Year, ibig sabihin, pwede pa silang tumanggap nang tumanggap ng enrollees, yung tipong wala pang alam sa monkey business na meron sila, at maloloko nila. At syempre, dahil iisa na lang ang section, tipid din sila sa teachers. Akalain mo yun, yung dapat ihahandle ng dalawa sa bawat subject, magagawa na ng isa? Kahit kelan nga naman.
III-B ako last year. Masaya sa section namin kasi magaan ang paghandle ng mga teachers. Palibhasa, aminin man nila o hindi, hindi ganoon kataas ang tingin nilang IQ level namin kung ikukumpara sa mga taga III-A. Doon, walang humpay ang kompetisyon. Kabi-kabilaang contests, pagsali sa mga organization, at kung anu ano pa. Nakakaburyong. Hindi ko gusto ng ganoon. Sabi ng class president namin, kami daw ang pilot section kasi ang ibig sabihin daw ng III-B ay III-Bright. At yung III-A, III-Average. Paniwalang paniwala naman ang tangang si Matthew, yung kaklase kong laging nakakazero sa mga quiz, at ipinagyabang pa sa kapitbahay niyang III-A. Ikaw? Ano sa palagay mo ang reaksyon ng mga magagaling at matatalinong III-A?
Hmmm. Ang yayabang. Kanila na ang talino nila. Gusto nila angkinin na rin nila pati ang St. John King Academy eh. Pero pupusta ako, sa ganyan lang magagaling yang mga yan. Hamunin ko lang ng suntukan tiyak titiklop sakin kahit sino sa mga yan.
Teka. Oo nga pala. III-A siya dati. Yung panganay na anak ni Aling Romina. Sila yung nakatira doon sa kanto ng kalye bago lumiko papunta sa school kung manggagaling sa amin. Siya yung nag-Top 1 nitong nakaraang recognition sa pagkakaalam ko. Yung lalaking napakasuplado, at hindi man lang namamansin. Pero lagi ko siyang nakikita pag dumadaan ako sa kanila. Oo tama. Magiging kaklase ko siya. Sa wakas. Baka sa pagkakataong ito pansinin na niya ako. Baka maging tropa ko pa siya. Jeruel ang pangalan niya. Jeruel Santillan.