Chereads / Grace Ayana / Chapter 3 - CHAPTER 2

Chapter 3 - CHAPTER 2

Kaarawan ni Tiyo Romy kinabukasan. Mag-a-out of town silang buong mag-anak sa isang resort sa Batangas.

"Alin kayang isusuot ko, Min?"

Di magkandaugaga si LynLyn sa pagpili sa mga swimwears na binili kahapon sa ukay-ukay. Kinaladkad pa siya nito para samahan, di pa man siya nakapagpalit ng uniporme para lang gawing critique .

"Ito kaya?"

Nakataas sa ere ang kulay pulang two-piece swimwear.

"Sige isuot mo yan at nang mapingot ka ni Tiyang."

"Palibhasa, pareho kayong conservative. Mamaya, magduster si Tiyang. Ikaw nga pala, ano bang isusuot mo?"

"Hindi naman ako maliligo."

"Anilao yon. I'm sure maganda don."

"Pwede na siguro yong jersey shorts ko," aniya na inginuso ang shorts na nakasampay sa monoblock chair.

"Di ka pa nagsasawa diyan?"

"Okay na yan." Di naman niya kailangang magpa-impress. Isa pa, babaunin pa rin niya ang mga schoolworks.

Itinuon niya ang pansin sa pag-impake sa iilang gamit sa backpack. Dalawang gabi lang naman yon. Madaling siyang natapos samantalang si LynLyn ay halos mapuno ang may kalakihang travelling bag.

"Para kang mag-aabroad," kanitiyaw niya saka pinagkasyang tulungan si Tiya Letty sa kusina. As usual, pangkumbera ang handaan.

"Yong ibang ulam iinitin na lang natin pagdating doon. Kung magluluto man tayo para sa pangalawang araw na."

Tiya Letty knows best talaga pagdating sa kusina. Naa-amaze siya sa araw-araw na may natutunan siya mula rito.

"Nay, dagdagan ninyo ng mas maraming sili ang Bicol Express ha."

"Kung tumulong ka kaya dito," singhal nito sa anak.

Nakasimangot na naupo si Voltaire at nakapangalumbabang nakatingin sa ina. "Nanay naman eh nagba-vlog ako dito." Dinodukemento nito ang buong kaganapan sa kusina.

"Naku puro ka cellphone. Pareho kayo ni LynLyn. Nasaan na pala ang isang yon? "

Siya na sana ang sasagot ngunit siya namang pagpasok ng hinahanap.

"Tsaran!"

Parang model na pakinding-kinding ito sa paglalakad habang nakapatong ang swimsuit sa damit.

"Sira!" si Voltaire na tatawa-tawang itinuon sa pinsan ang cellphone habang si LynLyn ay nag-ala Venus Raj naman.

"Hopeless case na talaga itong dalawa," naiiling niyang puna.

"Ewan ko ba, minsan nagtataka ako kung anak ko ba talaga itong si Voltaire. "

"Baka napalitan ho sa ospital, Tiyang."

Nagkatawanan silang dalawa.

"Mabuti na lang at may matinong kagaya mo pa. May maaasahan ako."

May kurot sa puso ang sinabi ng tiyahin. Di naiwasang lapitan niya ito at yapusin sa likuran.

"O, bakit?"

"Wala ho."

Napangiti ito. "Namimiss mo ang Nanay mo?"

Hindi siya kumibo. Hangga't maari ayaw niyang pag-usapan ang ina.

"Paano ko naman siya mamimiss eh andiyan naman kaayo."

Malayo man sa pamilya ay napupunan naman ang pangungulila niya sa pagmamahal at pag-aarugang ipinanaparamdam ng mga kamag-anak.

"Uy, sali naman kami diyan."

Ang dalawang engot na mga pinsan aay sumugod sa kanila at nakiyakap na rin.

Magtatanghalian na nang nakaalis ang mag-anak kinabukasan dahil kinailangan pang ayusin ang minor na sira ng jeep. Bukod sa jeep ay may isa pang rented van ang ginamit nila. Sa dyip nakasalansan ang mga gamit habang puro pasahero ang sakay ng van.

"Yong bomba ng salbabida huwag kaligtaan."

Old school talaga si Tiyang. Magbibitbit ng sariling salbabida na para bang walang ganon sa kanilang pupuntahan.

Tumulong na rin siya sa pagluload ng mga gamit. Karga-karga niya and case ng coke nang muntik na niya iyong mabitiwan. Mantakin ba namang bigla na lang sumulpot si Luke sa kung saan at kinalabit siya sa tagiliran.

"Mukha ka talagang kargador sa palengke niyan."

Panimula na naman ng kantiyaw nito. Wala itong ibang makita maliban sa kanya.

"Mabigat?"

"Obvious ba?"

Ngising aso ang isinagot nito. Malayo sa Luke na kumanta ng magandang awitin noong nakaraan.

"Umalis ka nga diyan sa daraanan ko kung ayaw mong iitsa ko ito sa paa mo."

Umakto itong natatakot sa exaggerated na ekspresyon.

"Help is around the corner. Bat't hindi ka manghingi?"

"Naniniwala ako sa women empowerment at sa kakayanan ng mga babae na maaaring pumantay sa mga lalaki."

"Equality of men and women," napatangu-tango ito." Pero may mga bagay na di nagagawa ng mga babae ang nagagawa naming mga lalaki."

Pagdidiskusyunan pa ba nila yon?

"Ayaw mo talagang umalis?" Inilapag niya sa lupa and bitbit. "O, isaksak mo yan sa baga mo. I'm sure kayang-kaya yan ng mga lalaking gaya mo."

Saka siya nagmartsa patungo sa front seat ng jeep.

"Dito ka uupo?" si Tiyo Romy na kasalukuyang pinapainit ang makina.

"Nababahuan ho ako sa air freshener."

Ang totoong dahilan ay nasa van si Luke. Iinisin na naman siya nito ng sagad-sagaran.

Bakit ba kasi kailangang sumama-sama pa ito samantalang family affair naman ang lakad nila? Di nila ito kadugo pero extended family na itong maituturing.

Sumandal siya sa headboard at pumikit. Igugugol niya sa tulog ang buong biyahe. Mag-uumaga na din kasi silang natapos ni Tiyang.

Nang may maramdamang kung kaninong balat na sumagi sa braso niya ay ipinagkibit-balikat niya lang. Masyado siyang kinain ng antok. Hanggang sa tuluyan siyang naidlip sa saliw na rin ng slow rock na nakasalang sa car stereo.

"Anak ng pating!"

Parang humiwalay sa katawan niya ang kaluluwa nang bigla na lang siyang alugin ng kung anong bumulabog sa mahimbing niyang pagtulog.

"Anong nangyari, Tiyong?" mulagat na tanong niya sa tiyuhin.

"Lumindol habang natutulog ka. Ang lakas ba naman ng hilik mo."

Imbes na si Tiyo Romy ay iba ang sumagot. Mabilis na nilingon niya ang pinanggalingan ng boses at ganoon na lang ang pagkunot ng noo niya.

"Good morning."

Tuluyan nang nawala ang antok niya sa isiping katabi niya si Luke sa buong biyahe.

"Anong ginagawa mo dito?" sa daan siya nakatingin at nakakrus ang mga bisig sa dibdib.

"Nauupo."

"Pilosopo. Bakit dito ka umupo?"

"Grabe siya o, ginawa mo na nga akong unan buong biyahe. What an ingrate!"

"Hindi ako ingrato."

Ang tiyuhin bagama't sa daan nakatutok ang pansin ay natatawa sa palitan nila ng banters.

"Mas lalong hindi ako naghihilik."

Nakita niyang inilabas ni Luke ang cellphone nito at may ini-scroll sa gallery at ipinakita sa kanya.

"See."

Talagang nakasandal nga siya sa balikat ni Luke.

"Para ka lang lasing na naglalaway. Nangagamoy utot na nga itong shirt ko."

Pasimple niyang inamoy ang sarili sa pamamagitan ng pagbuga ng hininga sa palad niya. Narinig na lang niya ang malakas na halakhak nina Luke at Tiyo Romy.

Bwisit talaga, sa isip-isip niya.

Sa inis ay nanahimik siya. Kapag may sasabihin pa siya, may isusukli namang hirit si Luke. Palibhasa hindi nawawalan ng bala. Kinalimutan niyang katabi ito at itinuon ang atensyon sa magandang scenery. Nang dahil sa antok ay nawalan siya ng chance na mamalas ang ganda ng paligid lalo ang bughaw na dagat.

Nature is quite a spectacle. Sobrang ganda.

"Maganda?" tanong ni Luke sa kanya.

Tumango siya.

Ilang saglit pa ay pumasok sila sa malawak na gate na nakapalibot sa malaki at modernong beach house. Background ng naturang bahay ang malinaw na dagat ng Anilao. Kung sana may camera siya. Ang mga pinsan niya'y panay picture-taking kaagad nang makalulan.

"Ang ganda naman pala at ang laki ng bahay ninyo, Luke. Grabe ang ganda dito." Si Voltaire na umakbay pa sa kaibigan.

Awtomatikong napalingon siya kay Luke na ngayon ay nakaibis na rin. "Inyo 'to?"

"Sa parents ko, actually. Hindi akin."

Hindi lang basta maykaya ang may kakayanang magpatayo ng ganito kagarang beachhouse. Nakakapagtakang puros mga odd jobs ang kinukuha ni Luke. Minsan pa nga ay nakiextra sa talyer ng Tiyo dahil kinulang ng pangrenta.

"Okay lang ba sa parents mo na nakikigamit kami rito?"

"Apparently, they are not around."

Inilahad nito ang kamay upang alalayan siya sa pagbaba. Bigla yatang naging gentleman.

"Kaya ko."

Napapailing na sinabi nitong "Miss independent strikes again. Oo nga pala, women empowerment." Lumigid ito sa likuran ng dyip at nakitulong sa paghahakot ng mga gamit.

Kahit papano may maganda namang qualities si Luke. Naisip niya habang tahimik itong pinapanood na walang kaarte-arteng nagbubuhat ng mga gamit.

Matapos ilagak ang mga gamit sa kanya-kanyang silid ay late lunch muna ang inatupag nila.

"Ito nga pala yong Bicol Express, pare. Extra spicy yan."

Si Luke, sarap na sarap sa pagkain habang nakakamay lang.

Talaga kayang masarap? May bahagi ng puso niya ang nakaramdam ng tuwa.

"Sarap no?" tanong ni Voltaire.

"Sobra."

"Hasmine, pasado kay Luke ang timpla mo," nakangising turan ng pinsan na nag-thumbs-up sign pa.

Panandaliang naparam ang pagsubo ni Luke at napatingin sa kanya.

"Luto mo to?"

"Sa lagay na yan at di ka naniniwala?"

Halos naubos na nga nito ang isang bandeha. Di pa nakuntento at tumabi pa ito sa kanya kung saan abala siya sa pagsalin ng inihaw na bangus sa bilao.

"Akala ko ba sa kasungitan ka lang magaling."

Pinukol niya ito ng masamang tingin. Okay na sana, humirit pa.

"Bukod sa Bicol Express may iba ka pa bang alam na lutuin?"

"Meron. Grilled baga at pinausukang tadyang ng mga makukukit na tao."

Mas nagatungan ang inis nang bahagya pa nitong ilapit sa tenga niya ang bibig nito at bumulong.

"Kahit umuusok na yang ilong mo sa galit, cute ka pa rin."

Cute?

Nilingon niya ito. Pilit na inaarok sa mga mata nito and katotohanan ng sinabi ngunit natuklasang nakangisi ito. Ginugudtaym na naman siya. Siya naman itong tangang muntikan nang maniwala kahit alam niyang loko-loko ang kausap.

"Bagay talaga sayo ang pangalan mo no? Luke. Loko-loko."

Tinalikuran niya ito at mas piniling sa mga tiyahin makiumpok. Naaaliw naman siya sa usapan ng mga ito.

"Di ka sasali sa mga pinsan mo?"

Kasalukuyang nagkakatuwaan na sa dagat ang mga ito kasama si Luke at ang mga tauhan ni Tiyo Romy sa shop at ng mga tindera ni Tiyang sa palengke.

"Dito na lang ho ako, Tiyang."

"Kung ayaw mong maligo aba'y mas maige pang maglibot-libot ka." Kinuha nito ang cellphone at ibinigay sa kanya. "Gamitin mo na muna yan." Binalingan nito si Aling Dolores at tinanong, "Safe naman ho dito Manang?"

"Low crime rate ang lugar namin."

Mas maigi pa nga na mag-isang mag-stroll sa dalampasigan at enjoyin ang kagandahan na inihahain ni Mother Nature.

Pamumulot ng shells at pagkuha ng larawan ang inatupag niya. Nang makaramdam ng pagod ay naupo siya sa batuhan at inantabayanan ang sunset. Hanggang sa unti-unting bumaba si Haring Araw. Nag-iba ang kulay ng paligid, nagiging mas maganda. So scenic. Kung marunong lang sana siyang magpinta ay ginawan niya na ng obra ang nakikita.

Absorb na absorb siya sa magandang tanawin nang makaramdam ng mga kaluskos. May ibang tao bukod sa kanya. To her dismay, si Luke ang nasa likod niya. May hawak na camera. Siguro'y kumukuha ng larawan.

Mang-iinis na naman ito panigurado kaya bago pa man ito mabigyan ng tsansa ay magmamartsa na siya palayo. Akmang tatayo siya upang umalis ngunit maagap siya nitong sinenyasan na manatili.

"Don't worry inienjoy ko lang ang view and the beauty that nature provides."

Nababaliw na yata siya. Pakiwari niya kasi sa kanya patungkol ang 'beauty' na sinasabi nito. Mataman kasi itong nakatitig sa mukha niya habang nagsasalita.

Gaga, eh nagawa nga akong dingguyin kanina.

Without an invitation, naupo ito ilang pulgada ang layo sa kanya.

"Sunset person ka rin?"

Wala yata ito sa mood para mangukray. May recess period din naman pala ang pagkabalasubas.

"Oo."

Katahimikan. Nagmatyag siya. Oras na gaguhin siya ay aalis siya.

"Romantic ka siguro."

Ano namang alam niya sa romance.

"Sunset o sunrise."

"Sunset nga."

"Nangungulit lang."

Katahamikan ulit.

"Cake o leche flan?" ilang sandali pa'y hirit muli nito.

"Ano to, Q and A?"

"Sort of."

Wala naman sigurong masama kung once in a while ay sakyan niya ang tupak nito kesa naman panay bangayan sila.

"Leche flan."

"Flowers o chocolate?

"Flowers."

"Thought so, most girls love flowers."

"Pero orchids ang paborito ko."

Napatangu-tango ito, napapaisip.

"Kotse o motor?"

"Mas gusto kong sumakay ng bus o di kaya ay train."

"With that, short or long distance travel?"

"Long distance. Lalo na pag may scenic view na nararaanan."

May itatanong pa ba ito?

"Old soul," anito kapagkuwan.

"Ha?"

"All of your choices directed sa pagiging old soul mo. Kaya pala imbes na kaming mga kaedad mo ang kakwentuhan mas nakikisama ka sa usapan ng mga matatanda."

"Psychologist ka ba?" tanong niya.

"Marunong lang makiramdam."

May pakiramdam din pala.

"At kung psychologist ako o di kaya pyschic ikaw na siguro ang isa sa pinakamahirap na subject ko."

"Bakit?"

"Ang hirap mo kayang basahin minsan. Hirap pang lapitan."

Lagi naman itong lumalapit, nangungulit nga lang.

"Teka, tanong ka ng tanong sa akin, turn ko naman."

"Game!"

Ibubuka na sana niya ang bibig para magsalita nang biglang may pumatak na butil ng ulan sa mukha niya.

"Ang daya," angil niya na sa langit nakatingin habang nakapagkit ang ngiti sa labi.

"Luke, mabuti pa bumalik-"

Hindi niya naituloy ang sasabihin nang matuklasang titig na titig si Luke sa mukha niya. Dahan-dahan ay napalis ang ngiti niya.

"B-bakit?" naaasiwa niyang tanong nang hanggang ngayon ay di nito inaalis ang mga mata sa kanya.

"Dapat ganyan ka lagi. Nakangiti, masaya. Mas gumaganda ka."

Hindi niya malaman kung seryoso ito o nagbibiro na naman. Kung biro man ang linyang binitawan nito, sapat na yon upang tumahip ang kayang dibdib. Biro man o hindi, apektado siya.

"Tayo na," nasabi na lang niya at nagpatiunang tumayo.

Magkaagapay at tahimik nilang binaybay ang dalampasigan pabalik ng bahay. Funny how it seemed like a lazy stroll on the seashore with the beautiful sunset at the background while the fine sand serves as their carpet.

Tuksong napatingin siya sa kamay ni Luke. Ano kaya ng pakiramdam na kahawak-kamay ito? Unang beses na ganito ang tumatakbo sa utak niya at si Luke pa talaga ang naiisip niya.

Wishful thinking. Pinalis niya sa isipan ang nakakatawang ideyang iyon.

"Nanunudyo lang yata ang langit. Di naman tumuloy."

"Oo nga. Wrong timing," ayon niya.

Hanggang sa narating nila ang bahay.

"Thank you ha?"

"Saan?"

Huminto sa paglalakad si Luke at humarap sa kanya.

"For spending time with me."

Nakakapanibago ang pagiging seryoso ni Luke ngayon. Kung tutuusin, this is the longest time na nagsama silang dalawa ng matiwasay. Record-breaking sa tagal. Ang sarap din naman pala sa pakiramdam na ganito sila.

Eksaktong alas sais y medya nang magtipon-tipon sila sa mahabang mesa sa dining para sa hapunan. As usual, di pa man nagsisimula ang hapunan ay napuno na ng ingay, saya at kwentuhan sa hapag. Kapansin-pansing wala si Luke.

Nasaan siya? Dati naman wala siyang pakialam rito.

"Nasaan ba si Luke Manang Dolores?" si Tiya Letty ang nagsatinig ng kanyang katanungan.

"May binili lang saglit."

Thankfully, dumating si Luke. May bitbit itong dalawang eco bags na may kung anong laman. Ewan niya ngunit ang hibang niyang puso ay biglang umigpaw sa tuwa. Nababaliw na yata talaga siya.

Naupo ito sa bakanteng upuan matapos ibigay kay Manang Dolores ang bitbit.

Habang maingay ang lahat, pangiti-ngiti lang si Luke sa kinauupuan. Aaminin niya, mas gusto niya ang Luke na ganito. Ibabalik na sana niya sa pagkain ang pansin nang bigla itong tumingin sa gawi niya. Nag-ugnay ang mga mata nila at gumihit ang matamis na ngiti sa mga labi nito.

Simpleng ngiti lang ngunit sapat na para magkaroon ng kakaibang reaksyon ng kanyang puso.

"Luke, anak, hindi ka kumakain," puna ni Tiya Letty Kay Luke daan upang maputol ang kakatwang scenario.

Nagkaka-crush na ba siya kay Luke? Hindi. Walang puwang sa buhay niya ang ganoong mga bagay.

"Dessert time."

Masyado siyang kinakain ng walang kwentang isipin. Kasalukuyan na palang dinidistribute nina Luke at Manang Dolores ang individually-packed na panghimagas.

"Wow, moist choco cake," palatak ni Jennilyn nang mabuksan ang container.

Siya ang pinakahuling inabutan ni Luke.

"Hinanap ko pa talaga yan sa bayan," bulong nito sa kanyang tenga.

May nakasulat na Hasmine sa ibabaw ng lalagyan. Leche flan ang nasa loob.

"Cake o leche flan?"

Naalala niyang tanong ni Luke kanina.

May humaplos na kung ano sa kanyang puso. Napuno iyon ng di maipaliwanag na tuwa. Pakiramdam niya ay napakaespesyal niya. Napatingin siyang muli sa gawi ni Luke na nakatingin rin pala sa kanya. Mukhang inaantabayanan ang magiging reaksyon niya.

"Masarap."

Mas sumasarap yata ang leche flan ngayon. Saka lang din ito parang nakahinga ng maluwag nang makitang ganado niyang nilantakan ang pagkain.