KINABUKASAN gaya ng sinabi ni Dave, pagkatapos ng klase ay sa bahay ng grandparents nito sila nagtuloy. At paris din naman ng naramdaman niya nang una siyang dalhin ng binata sa bahay ng mga ito ay pirmi ang kabang nasa dibdib niya.
"Bakit ang tahimik mo? May masakit ba sayo?" si Dave nang ipasok nito sa loob ng malawak na bakuran ang dalang kotse.
"W-Wala, medyo kinakabahan lang ako" pagsasabi niya ng totoo.
Noon siya inabot ng binata saka dinampian ng simpleng halik sa mga labi na bahagya ring nagtagal. Kusa niyang naipikit ang kanyang mga mata nang maramdaman ang pamilyar ngunit napakasarap na daloy ng kuryente na laging naroon kahit sa simpleng paglalapat lang ng kanilang mga palad.
"Feeling better now?" nangingislap ang mga mata ni Dave nang pakawalan nito ang kanyang mga labi.
Ngumiti siya. "Oo, alam na alam mo talaga ang cure sa lahat ng nararamdaman ko. Kaya mahal na mahal kita" thrilled niyang tugon.
Isang mahinang tawa ang narinig niyang naglandas sa lalamunan ng binata. "I love you too, halika na" anitong pagkasabi ay bumaba na ng kotse saka umikot para pagbuksan siya.
"Dave!" nang marahil maramdaman ng dalawang matanda ang paglapit nila ay magkapanabay pang lumingon ang mga ito. Nasa veranda ang mga ito at kasalukuyang nagpapahangin.
Mahigpit na hinawakan ni Dave ang kamay niya saka siya hinila palapit sa mga ito.
"Gumaganda ng husto ang lola ko ah!" ang binata nang makalapit sa matanda ay yumuko at hinalikan ito sa noo. "Lo, kumusta po?" saka naman nito hinawakan ang balikat ng matandang lalaki na sa pagkakaalam niya ay siyang isa sa apat na founder ng SJU.
Si John David Estriber Sr.
Nakita niyang masayang nagpalitan ng tingin ang mag-asawa. "Binola pa tayo nitong apo mo David" anang babae. "bumabawi ka lang yata dahil ilang araw kang hindi nadalaw dito sa amin?"
Nagkamot ng ulo nito si Dave saka siya sinulyapan ng nakangiti. Dahil doon ay nabaling sa kanya ang atensyon ng dalawang matanda.
"Medyo naging busy po lately eh" paliwanag pa nito. "si Audace po, girlfriend ko."
Noon siya ngumiti bagaman sa isip niya ay ang pagkalito kung ano ba ang dapat gawin kaya minabuti niyang iabot nalang ang kamay sa lolo at lola ni Dave na malugod namang tinanggap ng mga ito, nang nakangiti.
"Kaya naman pala" si David na may paghanga pa siyang pinakatitigan. "nagmana talaga sa akin itong apo ko pagdating sa pagpili ng babae."
"Halika rito hija at maupo ka" ang lola naman ni Dave na si Theresa.
"S-Salamat po" nahihiya niyang sambit saka naupo sa hinilang silya ni Dave.
"Mabuti pa magpapahanda ako ng meryenda ninyo kay Lina, sandali lang" si David na tumayo.
"Taga-saan ka, Audace? Napakaganda ng pangalan mo alam mo ba?" ramdam niya ang pag-iinit ng kanyang mukha sa sinabing iyon ng matandang babae.
"Salamat po. Taga-San Jose din po ako Donya Theresa" aniyang sinulyapan sandali si Dave na nakangiting nakikinig lang sa usapan nila.
Tumango ang matanda.
"Lola nalang ang itawag mo sa akin hija. Alam mo kasi kahit hindi mo naitatanong ngayon lang nagsama ng nobya niya dito sa amin itong si Dave at ipinakilala. Marahil alam mo naman siguro kung ano ang ibig kong sabihin hindi ba?"
Humaplos sa puso niya ang sinabing iyon ng matanda saka buong pagmamahal na nilingon ang nobyo na makahulugan lang siyang nginitian. Pagkatapos ay saka nito ginagap ang kamay niyang nasa ilalim ng mesa saka iyon pinisil.
"Masaya ako at isang kagaya mo ang napiling seryosohin nitong apo ko. Hindi ko alam pero siguro sa mabilis na pagbabago ng panahon o curiosity nalang kaya nagagawang gawin ng ibang kabataan ang isang bagay na dapat sana ay ginagawa lang ng mag-asawa" kung ilalarawan naramdaman niya nang mga sandaling iyon? Siguro pagsamahin mo ang pakiramdam ng gulat at takot.
Ganoon kasidhi, kaya mabilis na nanlamig hindi lang ang kanyang mga palad kundi ang buo niyang katawan.
"Bata palang si Dave palagi ko ng sinasabi sa kanya na sana piliin niya iyong babaeng karapat-dapat magsuot ng bestidang puti. Kahit mahirap, ang importante iyong marangal dahil dito niya ipupunla ang mga magiging anak niya" pagpapatuloy ng matanda.
Nang mga sandaling iyon ay undeniable ang pakiramdam na parang gusto niyang magtatakbo palayo sa lugar na iyon. Pero nagpigil siya, alam niyang hindi iyon makatutulong kahit pa sa puso niya ay naroon ang matinding insecurity na alam niyang unti-unting kumakain sa lahat ng katatagang mayroon siya.
"La, matanong ko lang po. Kumusta na ang preparation para sa golden wedding anniversary ninyo ng lolo?" lihim siyang nagpasalamat sa nobyo dahil sa ginawi nito. Ang totoo kasi ay hindi siya kumportable sa binuksang topic ni Theresa.
"Hayun okay naman, ang problema lang wala pa kaming maid of honor at best man. Nag-back out kasi iyong mga nauna na naming kinausap" sagot ng matandang babae.
"Bakit hindi nalang kaya kayo ang pumalit sa kanila?" si David na kasunod si Lina na may dalang tray ng pagkain.
Noon sila nagkatinginan ng binata. "What do you think? As much as possible kasi ang prefer ng lolo at lola eh dalaga at binata" anito sa kanya.
Kahit apektado parin siya ng mga sinabi ni Theresa kanina ay parang wala siyang lakas ng loob na tumanggi. Wala naman kasing alam ang matandang babae kung ano ang totoong pinagdaanan niya at isa pa alam naman niyang tama ang sinabi nito.
Hindi lang talaga niya maialis ang takot sa dibdib niya dahil kung pinalaki si Dave ng matandang babae sa ganoong pangaral. Baka nga ganoon ang hinahanap nito sa isang babae.
Mahirap pero marangal. Kumurot iyon ng husto sa puso niya, kaya ba sa kabila ng pagiging mahirap niya ay siya ang sineryoso ng binata? Dahil iniisip nitong karapat-dapat siyang magsuot ng bestidang puti? Nag-init ang mga mata niya pero sinikap niyang huwag mapaluha.
"Audace?" untag sa kanya ni Dave nang manatili siyang nakatitig lang dito.
"H-Ha?" ang tila natauhan niyang tanong.
Mahina pang natawa si Dave saka inilagay sa platitong nasa kanyang harapan ang hiniwa nitong halayang ube.
"Ang sabi ko, okay lang ba sayo kung tayo nalang ang mag-abay sa kasal nila lolo at lola ten days from now?"
"O-Oo naman, walang problema" mabilis niyang sang-ayon saka nahihiyang nginitian ang dalawang matanda na halatang nasisiyahan habang pinanonood sila.
Sa isip niya, gusto niyang maging katulad nina David at Theresa balang araw. Silang dalawa ni Dave, tatanda ng magkasama. Masarap sanang isipin na someday ang mukha nito ang una niyang makikita sa umaga. At huli naman sa gabi, ang ipagluluto niya ng agahan at higit sa lahat, ang lalaking maghihintay sa kanya sa altar ng simbahan.
Pero paano mangyayari iyon? Kung ngayon palang parang gusto na niyang tumalikod? Parang gusto na niyang umatras dahil sa isiping posibleng magbago ang pagtingin at nararamdaman ni Dave para sa kanya kapag nalaman nito ang totoo?
Buong pagmamahal niyang pinagmasdan ang nobyo habang masayang nakikipagkwentuhan sa dalawang matanda. Ang mga ngiti nito ang kislap ng mga mata nito, ang init ng palad nito. Ang lahat ng tungkol kay Dave minahal at mahal na mahal niya. Sana lang ituro sa kanya ng langit kung ano ba ang dapat niyang gawin. Para sa ikabubuti hindi niya, kundi ng lalaking pinakamamahal niya. Si Dave.