"MAGKAIBANG MUNDO"
Puti at itim.
Nasanay akong mamuhay sa puti at itim lamang.
Puti, sa t'wing malalasap ko ang tagumpay pagkatapos ng libo libong sablay
At itim,
Sa tuwing pagkabigo ang hantungan ko sa dulo ng takbo kahit ilang beses ko pang piliting tumayo.
Puti at itim.
Ito ang aking mundong tinatakbuhan, kung saan tagumpay o pagkabigo lamang ang tinitingnan.
Kaya isa ako sa mga taong nakasubsob sa isang mesa mapaaraw o gabi na kahit pagtulog sa gabi ay isinasantabi
Hindi ako isang talunan,
'Yan ang sinasabi ko sa sarili ko dahil mas gugustuhin ko ang nakakasilaw na kaputian kaysa nakabubulag na kadiliman.
Pero dumating siya.
Siya na nagpakita sa akin na may ibang kulay pa pala, siya na nagpamulat sa akin kung gaano kakulang ang aking mundo at siya, na kumumpleto sa walang kulay na ako.
Siya, na galing sa ibang mundo.
Tinuruan niya akong magalit, lumuha, tumawa at magmura kapag nakakasawa na.
Tinuruan niya ako kung paano tanggalin ang tanikalang nagbibigkis sa aking mga paa, tinuruan niya akong lumipad, maging malaya at magbingi-bingihan sa mga sinasabi ng iba,
Pero higit sa lahat, tinuruan niya akong maging masaya.
Sa mga panahon na kasama ko siya, nalimutan kong may mundo nga pala siyang dapat balikan, hindi ko namalayang nahihirapan na siya.
Pasensya na.
Pasensya na sayo, kung naging makasarili ako't pinilit kang manatili sa mundo ko.
Nasiyahan lang talaga ako sa iba't ibang kulay na ipinakilala mo
Akala ko rin kaya kong baguhin ang mundo ko ng gaya ng sa'yo kaso may mga bagay pala talagang kahit anong pilit ang gawin mo, hinding hindi na magbabago.
Kaya heto, pinili kong itulak ka, pabalik sa makulay mong mundo
Pinili kong bitawan ka, kaysa makita kitang nagdurusa magisa
'Yun nga lang masakit sa una.
Mali pala, hanggang ngayon, masakit pa ring tanggaping wala ka na
Pero alam kong wala akong magagawa kundi lunukin ang kirot at at tiisin ang hapdi sa t'wing naaalala ko ang nakaraan kung saan nandito ka pa.
Truth hurts nga talaga.
Pero salamat.
Salamat sa'yo dahil binigyan mong buhay ang puso kong nalulumbay, binigyan mong kulay ang dating kupas na ako, kahit na tayo'y magkaibang mundo.