Chereads / Joey, Lorence and Miguel / Chapter 4 - Three

Chapter 4 - Three

#Wasted

FRIDAY na. Saktong maglilimang araw na simula nung umalis sila Miguel, pero wala pa ding tawag galing kay ninang Sonya. Kamusta na kaya sila? Pero baka naman agad na silang naging busy dahil nga nag transfer sa bagong school si Miguel at Lian at kailangan nilang humabol sa mga aralin, kaya baka wala na silang oras para tumawag. Malapit na din kasi ang 2nd grading.

Tama. Baka yun nga ang dahilan. Hindi naman pwedeng kami ang maunang tumawag dahil baka makaabala kami. At wala din naman akong balak na mauna sa pagtawag dahil ayokong istorbohin si Miguel.

Noong mga nakaraang araw, kung anu-ano na ang mga naisip ko kung bakit wala pa din kaming natatanggap na tawag mula sa kanila. Na kesyo ganito ganyan. Pero bigla ko ding naisip na masyado akong nag oover react. E mag iisang linggo pa lang naman simula nung umalis sila.

"Nay! aalis na po ako"

Kanina pa akong parang estatwa dito sa labas ng bahay namin sa kaaantay kay Anne para sana sumabay, kaso mukhang maaga syang pumasok. Hindi ko pa din nakikitang lumabas ng bahay si Mari.

Ang tahimik ng kalsada.

Igina-gala gala ko lang sa kalsada ang paningin ko ng hindi ko sinasadyang mapatingin kay Lorence na palabas sa gate ng bahay nila. Nagkatitigan kami pero agad din syang umiwas at nag aktong may naiwang gamit kaya dali-dali syang bumalik. Ano bang problema nun?

Matapos nung nangyari nung lunes ay tinigilan na nya ako. Bumalik sya sa dati na minsan lang ako kibuin. Para syang sira ulong biglang nagbabago ng ugali. Nakakapagtaka pero ayos na din dahil bumalik sa dating katahimikan ang buhay ko sa school.

Pagkalagpas ko mula sa bahay nina Lorence ay agad na akong nagmadali dahil baka malate pa ako. Pinaalalahanan pa naman kami kahapon na ngayon sasabihin yung mga coverage para sa darating na exam. Kailangan kong makapasa para mabalance ko pa yung mga mabababa kong grade dati. Mahirap na dahil baka magsisi ako kapag hindi ako natanggap sa kukunin kong kursong Education. Ang taas pa naman ng mga standard ng Colleges at University dito sa probinsya.

"Joey!" paakyat palang ako sa floor ng classroom namin ng bigla naman akong hatakin pababa nitong si Mari at Anne na parang hinahabol at kinakagat ng langgam dahil may patalon talon pa itong si Anne.

Napakunot noo ako.

"Bakit?"

"Ikaw ha. Bakit hindi mo man lang kami sinabihang may boyfriend ka na pala!" bungad ni Anne na kilig na kilig. Hinampas pa ako sa braso.

Ano bang sinasabi nito? Alam naman nilang nasa maynila na si Miguel. Saka paano naman naming mapag-uusapan yang status status na yan e hindi pa nga kami nag-uusap.

"Akala ko ba hindi pa kayo ni Miguel? bakit may pa bulaklak at chocolate na?" singit naman nitong si Mari.

"Anong pinagsasasabi nyo?" gutom ba sila?

Napansin nilang kadarating ko lang dahil dala-dala ko pa ang bag ko, kaya mabilis nila akong hinawakan sa kamay at hinatak paakyat. Muntik pa akong madapa at mapasubsob sa isa sa mga baitang dahil sa pagtakbo nila.

Kahahakbang ko lang mula sa pinto ng classroom at naghahabol pa ng hininga ng biglang nag sigawan  ang mga kaklase ko.

"Ayiiie!!!"

"Ikaw ha!"

"Pahinging chocolate!"

"Sana all!"

"kinikilig ako!"

Sigaw ng mga kaklase kong parang walang nagkaklase sa kabilang classroom.

Napansin ko ding late na pala ako dahil andito na pala si Ma'am Cruz, ang math teacher namin. Nakatayo mula sa table sa harap at nakatingin sa aking parang nanunuri. Buti nalang pala nagpahatak na ako sa dalawang 'to.

Agad naman nyang sinaway ang buong klase. Ang iingay kasi.

"Ms. Santos, good morning" plastic syang ngumiti at itinuro ang upuan ko. Socks! "ano ang ibig-sabihin nyan? hindi ba at nasabi ko ng sa oras ng klase ko ayokong  may naaabutan akong wala namang kinalaman sa subject. Kabata bata pa ninyo" anong ginagawa ng bulaklak at tsokolateng yun sa desk ko?!

"sorry po" simple kong sagot at dali-dali akong lumapit sa upuan ko at isa-isang ibinaba ang mga bulaklak at tsokolate sa sahig.

"kanino 'to?" kunot noo kong tanong sa katabi ko.

"Basahin mo yung nasa papel" bulong nya.

May nakita akong papel na nakasipit sa isa sa mga bulaklak.

To: Joey Nicole Santos

Sino to? si Lorence na naman ba?

"Good morning ma'am" agad kong ibinaling ang atensyon ko sa pamilyar na boses na parang kadarating lang. Late na naman sya.

"Mr. Mabunga, late ka na naman..come in" Ani Ma'am Cruz. Simple lang syang ngumiti kay ma'am Cruz at hindi nagsalita.

Ano bang bagong pinagkakaabalahan nitong si Lorence at mukhang nagkanda baliktad ang mga nangyayari sa kanya? Nung una, simpleng magkakilala lang kami tapos pangalawa, inumpisahan nyang guluhin ang buhay ko nung malaman naming mag tratransfer si Miguel at ang kapatid nya tapos pangatlo, bigla nalang syang babalik sa dati. Umiiwas na sya sa akin. Tapos ngayon, ilang araw ng late kung pumasok.

Pero teka, kanino naman kaya galing ang mga ito? Imposible namang si Lorence. Maganda ang pagkakasulat sa pangalan ko kaya imposibleng siya.

"Class makinig kayo. Since Friday na ngayon at may dalawang lesson pa tayong hindi ko pa naituturo, pipilitin nating matapos yun ngayon kaya mag ready kayo. Yung remaining days next week bago mag exam ay hindi na muna tayo mag kaklase. Gusto kong mag review lang kayo ng mag review. Lalo na sa subject nating ito"

Ugh. Mabuti naman. Yung iba naming teachers ay paniguradong mag kaklase lang ng mag kaklase hanggang sa huling araw bago mag exam. Tapos sa huli hindi naman pala part ng exam yun. Masyadong advance para sa susunod na grading.

Nagpatuloy lang sa pagsasalita si Ma'am Cruz hanggang sa idisccuss na nya yung mga topic na sinasabi nya. Habang patagal ng patagal ay humihirap lalo ang mga numbers na kailangang i-solve sa math na 'to. Akala mo naman magagamit sa totoong buhay.

"Naiintindihan nyo ba?"

Kahit hindi ko lubusang naintindihan yung mga diniscuss ay naki 'oo' nalang din ako. Magpapaturo nalang ako kay Anne. Matalino yun. At sigurado akong kabisado nya ang bawat steps kung paano isolve bawat problems.

Hindi kami natatakot na magsabi ng 'opo naintindihan ko' sa subject na 'to dahil sigurado naman kaming hindi nya kami tatawagin isa-isa at bibigyan ng problems na sasagutan sa harapan ng buong klase. Kapag narinig nya kaming sumagot ng 'oo' naghahanda na agad syang umalis. Malaki lang siguro ang tiwala nya sa section namin, dahil pangalawa kami.

At tulad ngayon, matapos nyang isulat sa pisara yung coverage ng exam ay agad na din syang nagpaalam at lumabas.

"Anne" kinulbit ko silang dalawa ni Mari na parehong nasa unahan ko.

"Review tayo bukas?"

Agad naman silang tumango.

Hindi ko naman talaga gawain ang mag-aral ng may kasama dahil kakaunti lang ang natututunan ko, dahil daldal lang naman ang nangyayari. Kaso kasi kailangan ko ng tutor sa math.

Kailangan kong makapasa para sa ikagaganda ng grades ko para sa college. At para naman mapantayan ko ng kahit papaano yung grades ng mga kaibigan ko. Nagsasawa na din kasi ako sa linya ni Nanay na

'Ang tataas ng grade nina Anne at Mari ano?'

At pati si Lorence at Miguel, mataas din.

Mukhang ako lang ang naiiwan.