Sa isang memorial garden, isang binatilyong may makisig na pangangatawan at kaaya-ayang hitsura ang kaswal na naglalakad tungo sa kung saan.
Tinatahak nito ang daanan papunta sa isang espesipikong puntod, bagama't hindi niya kilala ang nakalibing roon, nais naman niyang
maisagawa ang huling habilin ng kaniyang yumaong ama.
Malamig ang simoy ng hangin at ramdam ito ng binatilyo, walang bahid ng takot at kaba ang makikita sa kaniyang mukha. Payapa lamang ito at may kaunting ngiti na nakaguhit sa kaniyang labi.
Nang sa wakas ay nakarating na ito sa nais nitong puntahan, sinuri niya ang lapidang matagal nang hindi nililinis, halatang napaglipasan na ng panahon. Binabalutan ito ng mga patay na damo at pinaliligiran ng maraming alikabok at tuyong dahon.
"Dito pala nakahimlay, ang babaeng tinutukoy ni ama sa kaniyang salaysay... Ang kaniyang unang pag-ibig na biglaang binawian ng buhay" Mahinang sambit ng binata, may halong lungkot ang tono nito.
Naupo ang binata sa damuhan ng walang kaarte-arte at may inilabas na kapirasong papel na nakatupi. Tinitigan niya ito saglit bago binuksan.
Binati niya at nag-alay pa ito ng maikling dadsal ang kung sino mang nakabaon sa ilalim ng lupang inuupuan niya at sinimulang mag wika:
"Para sa babaeng una kong minahal,
Mahal, sana ako'y iyong pakikinggan,
Ngayon ay nakamit ko na ang aking inaasam na kaligayahan.
Bagama't hindi man ikaw ang aking nakasama sa hulihan.
Ganoon pa man, hinding hindi ko malilimutan,
Ang pagmamahal ko sa iyon at ang dati nating pinagsamahan.
Aking pinapahalagahan,
Ang ating naging nakaraan.
Masakit at masalimuot man,
Ako'y nagpapasalamat, dahil ika'y aking minsan nasamahan.
Kahit ako'y iyong unang nilisan.
Habang buhay kong babaunin ang alaala nating dalawa.
Huwag kang mag-alala,
Lumipas man ang panahon, may mga pangako man tayong 'di natupad at nanatiling nakabaon,
Alam kong balang araw,
Tayo'y muling magkikita.
At sana sa pagkakataong iyon,
Ay sana matapos na natin ang aking kuwentong 'di pa nga nagsisimula, ngunit biglang naputol.
Hanggang sa muli..."
Matapos basahin ng binatilyo ang maikling liham na gawa ng kaniyang yumaong ama, may butil ng luhang dumausdos mula sa kaniyang kaliwanh mata. Ramdam niya ang sinseridad at ang taos pusong pagmamahal ng kaniyang ama para sa una nitong inibig.
Lumipas man ang panahon, dumaan man ang maraming taon, hindi pa rin magawang limutan ng kaniyang ama ang babeng unang bumihag ng kaniyang puso. Kahit na may nahanap ng iba ang kaniyang ama, at nakabuo ng pamilya, nananatili pa rin sa puso nito ang babaeng matagal ng yumao.
Dahil ang pagmamahal ay mahirap malimutan. Pupuwede itong ipag-paliban, pero kahit anong gawin mo, hinding hindi na magbabago na minsan mo ring minahal ang isang taong mula sa nakaraan mo