Download Chereads APP
Chereads App StoreGoogle Play
Chereads

Alaala Na Lang

Hoshilova_Yoshino
1
Completed
--
NOT RATINGS
6.4k
Views
Synopsis
Isang babaeng nagmahal, nasaktan at nag-reminisce. Tunghayan ang salaysay ng isang babae tungkol sa kanyang unang lalaking minahal. Nagkaroon kaya ng Happy Ending o hanggang ngayon ay bigo pa rin siya sa buhay pag-ibig niya? ABANGAN...

Table of contents

VIEW MORE

Chapter 1 - Alaala Na Lang

Alaala. Iyon ang isa sa mga napakagandang gawa ng Diyos para sa sangkatauhan. Iyong tipong, mangalumbaba ka lang sa isang tabi at mag-isip ng nakaraan ay parang ibinabalik ka nito sa panahon kung saan mo naisin. Mga alaalang gustong balikan at mga alaalang gusto mo nang kalimutan. Gayunpaman, kahit na ano pa ang gawin natin ay hindi na natin maibabalik ang panahon. Pagsisihan mo man ay hindi mo na maitatama ang mga mali mo sa nakaraan. Ang kailangan na lamang nating gawin ay panagutan ang naging desisyon natin at ipagpatuloy ang buhay.

Kayo ba, may mga alaala ba kayong gustong balikan at baguhin? O 'di kaya'y damdaming gustong maramdaman ulit? Tulad niyo, ako ay may alaala ring hindi kailanmang makakalimutan.

NAALALA ko, napakaganda ng araw na iyon sa loob ng apat na sulok ng isang silid. Naririnig ko ang iba't-ibang ingay na gawa ng ating mga kaklase.

Iyong iba ay nagsisigawan pa dahil sa sobrang intensidad ng kanilang pinag-uusapan at 'yong iba nama'y tahimik lang dahil mga bagong salta.

Ako ay nakalumbaba lamang sa aking upuan habang naghihintay sa ating guro nang bigla akong makaramdam ng kaba.

Iyon ay hindi na bagong pakiramdam sa 'kin dahil magmula nang mapagtanto ko ang aking tunay na damdamin para sa 'yo ay madalas ko na itong maramdaman.

Hindi nga nagkamali ang puso ko sa pagsikdo dahil hindi nagtagal ay namataan kita sa may pinto at ikaw ay papasok na sa ating silid.

Napatulala halos kaming lahat sa iyo dahil bakas sa iyong mukha ang kagalakan na makita ulit kami. At katulad nga ng dati ay masaya mo kaming binati ng isang magandang umaga habang nakangiti ka ng malapad.

Napabalik lamang ang ingay sa loob ng silid nang bahagya kang umupo sa iyong puwesto kung saan hinihintay ka ng iyong mga kaibigan.

Napabuntong-hininga ako no'n at napasapo ng aking dibdib dahil sa lakas ng pagtibok nito. Iyon kasi ang epekto mo sa 'kin kahit na makita lang kita.

Hindi tayo lubos na magkakilala no'n pero magkaibigan naman tayo. Nahihiya pa nga ako makipagkaibigan sa 'yo kasi medyo sikat ka sa mga babae at ako nama'y isang hamak na estudyanteng hindi gaanong palakaibigan.

Bilib na bilib ako sa 'yo noon kasi napakabait mo, napakagaling kumanta at magaling din sa larangan ng pagtugtog ng mga instrumento.

Hindi kalaunan ay napagtanto ko ring mahal na pala kita. Hindi ko alam kung pa'no, kailan at kung bakit. Pero nagising na lang kasi ako isang araw na inaamin sa sarili ko ang tunay kong nararamdaman.

Pinilit kong huwag isipin at pigilan pero napaka-pasaway talaga nitong puso ko, ayaw makinig sa sinasabi ng utak ko na huwag akong mahuhulog sa 'yo.

NAGDAAN ang maraming araw at palagi tayong magka-grupo sa kahit na anong activities sa loob ng silid-aralan natin. Unti-unti mong binibigyan ng pag-asa 'tong puso ko na baka puwede tayo.

Napakabait mo kasi at nakikita kong parang iba iyong kabaitan mo sa 'kin kumpara sa iba pa nating mga kaklase. Doong parte na talaga ako nagkapag-asa at umasa.

Hindi mo man sinabi ng harap-harapan ay parang nararamdaman ko sa pamamagitan ng iyong mga kilos. Ika nga nila, "Actions speak louder than words."

Hulog na hulog na ako sa 'yo noon at hindi ko na talaga kayang itago pa ang nararamdaman ko.

Ang damdamin ko ng mga oras na 'yon ay parang isang bulkan na malapit nang sumabog. Iyong tipong kaunting-kaunti na lamang ay ramdam na ramdam kong hindi ko na kaya pang pigilan at kailangan nang ilabas.

IKA-LABING-ISA ng Pebrero no'n nang napagpasyahan kong umamin sa 'yo sa Valentine's Day. Nag-isip ako ng paraan kung papaano ako magtatapat at napagdesisyunan kong bigyan ka ng liham. Medyo hindi ako magaling sa pagsasalita pero eksperto ako kung pagsusulat lang naman ang pag-uusapan.

Pagkatapos kong mag-desisyon ay araw-araw na akong hindi kumakain kapag recess at ingat na ingat akong gumastos. Kailangan ko kasi ng kaunting pera para maisagawa ang aking plano.

Napansin siguro ng aking mga kaibigan ang aking pagtitipid kaya hindi nila napigilang magtanong. At dahil mga kaibigan ko naman sila ay walang pag-aalinlangan na sinabi ko sa kanila ang aking nararamdaman sa 'yo at aking planong pagtatapat.

Lahat sila maliban sa dalawa ay pinangaralan ako sa aking gagawin. Kesyo, hindi ko raw dapat gawin 'yon dahil ako 'yong babae kaya hindi dapat ako ang unang magtatapat.

Nanatili lamang tahimik ang aking dalawang kakampi habang lahat sila ay sabay-sabay na nangangaral para sa gagawin kong katangahan. Pero kahit na gano'n ay hindi ako pinanghinaan ng loob at ipinagpatuloy pa rin ang aking plano.

ALA-SIETE ng gabi ng ika-labintatlong araw ng Pebrero no'n at magsasara na ang computer shop kung saan ako'y gumagawa ng aking liham para sa 'yo. Dalawa na lang kami ang tao sa loob ng kuwartong 'yon at ang may ari ay nagliligpit na ng kanyang mga gamit.

Nanginginig na 'ko noon dahil sa sobrang kaba kasi baka hindi ako umabot sa oras. At halos magtatatalon pa nga ako sa sobrang saya nang maipa-print ko sa isang mabangong papel na kulay rosas ang liham.

Parang lahat ng pagod ko sa pagtitipa nang mga oras na 'yon ay nawala nang mapagtanto kong nasa kamay ko na ang babasahin mong liham bukas.

Kinabukasan ay maaga akong pumasok para ibigay sa isa nating kaibigan ang liham na para sa 'yo. Nararamdaman ko kasi na parang hindi pa 'ko handa na malaman mo na ako ang may-ari ng liham na 'yon. Kaya naging misteryoso ang kinalabasan ng liham at hindi mo nalaman kung sino ang nagpadala.

Kating-kati na 'kong sabihin sa 'yo nang mga oras na iyon na sa akin galing ang liham pero pinigilan ko ang aking sarili dahil alam kong may tamang panahon para magtapat at iyon ay sa gaganaping JS Prom.

NAGPAGANDA talaga ako sa gabing magaganap ang JS Prom natin dahil gusto kong maging maganda habang umaamin. Naduduwag man ay kailangan ko na talagang umamin. Kailangan kong maging matapang para harapin ka at magtapat.

Nang nasa venue na ako kung saan gaganapin ang JS Prom natin ay hindi ako mapakali. Maya-maya ako napapatingin sa pintuan kung dumating ka na ba at minu-minuto rin ako pumupunta sa comfort room dahil kailangan kong mag-retouch.

Nagsimula na ang seremonya ng gabing 'yon at nawala ka sa isip ko dahil naaliw ako sa mga palabas. Halos hindi ko na nga maalala na kailangan ko palang magtapat no'n. Naalala ko na lang nang matapos na ang mga seremonya at pinahintulutan na tayo ng mga guro natin na sumayaw sa gitna ng dancefloor.

Aaminin kong hinihintay talaga kita no'n na lumapit sa 'kin dahil gusto kong ikaw ang maging first dance ko. Sabi kasi ng mga pinsan ko na ang unang lalaking makakasayaw ko sa JS Prom na 'yon ay magiging espesyal sa buhay ko. Hindi naman ako pabebe para hindi amining ikaw talaga ang sumagi sa isip ko nang sabihin nila sa 'kin iyon.

Naghintay ako sa 'yo pero iba ang dumating. Nilapitan ako ng kaibigan kong bading no'n at dahil kaibigan ko naman siya ay binigay ko na lang sa kanya ang first dance ko.

Nalungkot talaga ako at parang hindi maipinta iyong mukha ko no'n dahil sa sobrang disappointment.

Natapos lang kami sa pagsasayaw at parang bigla akong nawalan ng gana nang gabing 'yon. Pero parang nagliwanag ang buong kuwarto nang lumapit ka sa 'kin at inalok ako ng sayaw.

Masaya akong tumango at tumayo. Labis-labis ang kasiyahan na nararamdaman ko no'n at hindi ko maipaliwanag ang aking mga ikinikilos.

Nagsasayaw lang naman tayo no'n pero literal na nawala lahat ng mga tao sa paligid natin at biglang nawala iyong ingay. Ang tangi ko lamang nakikita nang mga oras na 'yon ay ikaw at ang tangi kong naririnig ay ang malakas na pagtibok ng puso ko.

Doon ko napatunayan kung gaano kita kamahal. Iyong tipong parang ikaw 'yong mundo ko; na kaya mong ibahin ang modo ko sa isang iglap lang. Hindi ko lubos maisip na totoo pala ang mga nababasa ko sa mga libro kasi para akong nananaginip.

Doon ako nagkalakas ng loob na magtapat sa 'yo. At hindi katulad ng mga akdang nabasa ko, ang panaginip na 'yon ay nauwi sa isang bangungot.

Parang literal na gumuho ang mundo ko at naramdaman kong parang sinabuyan ako ng isang baldeng may lamang malamig na tubig nang mga panahong 'yon. Akalain ko ba namang, sa JS Prom pa ako mababasted.

Hinding-hindi ko makakalimutan ang mga sinabi mo sa 'kin no'n: "Isa kang mabuting kaibigan sa 'kin at alam kong isa kang napakabait na babae. Pero patawarin mo sana ako kasi hindi ko kayang maibigay ang pagmamahal na deserve mo. Salamat kasi minahal mo 'ko pero hindi lang talaga ako ang lalaking para sa 'yo."

Bigla akong nanghina nang mga oras na 'yon at sa sobrang sakit ng puso ko, biglang namanhid ang aking buong katawan. Hindi ko nakayanan ang mga sinabi mo kaya napaluhod ako sa sahig at humagulgol ng iyak.

Nararamdaman ko ang mga titig ng mga tao sa paligid natin pero isinawalang-bahala ko na lamang 'yon. Wala akong panahon na intindihin pa sila dahil hindi ko kaya ang kirot sa aking puso.

At pagkatapos no'n ay wala na akong maalala. Iyong tipong, parang pirated na DVD na bigla na lamang naputol ang katapusan.

Alaala. Iyon ang isa sa mga napakagandang gawa ng Diyos para sa sangkatauhan. Iyong tipong, mangalumbaba ka lang sa isang tabi at mag-isip ng nakaraan ay parang ibinabalik ka nito sa panahon kung saan mo naisin. Mga alaalang gustong balikan at mga alaalang gusto mo nang kalimutan. Gayunpaman, kahit na ano pa ang gawin natin ay hindi na natin maibabalik ang panahon. Pagsisihan mo man ay hindi mo na maitatama ang mga mali mo sa nakaraan. Ang kailangan na lamang nating gawin ay panagutan ang naging desisyon natin at ipagpatuloy ang buhay.

At sa lalaking nasa alaalang ito, mensahe ko lang sa 'yo ay hindi ko pinagsisihan na minahal kita at ako iyong unang nagtapat. Dahil sa oras ding 'yon ay nalaman kong kailangan ko nang tapusin ang kahibangan ko dahil wala rin iyong patutunguhan.

Nanghinayang lang ako kasi nasayang lang lahat ng efforts ko at parang ako ang nanghinayang para sa 'yo. Binitawan mo kasi ang babaeng kayang gawin ang lahat para sa 'yo, at handa kang mahalin at tanggapin kahit ano't sino ka pa.

Masakit man ay kailangan kong tanggapin. Mabuti nang masaktan dahil nagmamahal kumpara sa hindi ka nga nasaktan dahil ayaw mo namang magmahal.

Dito na siguro magtatapos ang pagsasalaysay ko. Dahil simula sa araw na 'to, ang lahat ng iyon ay alaala na lang.

THE END