.
Destiny might not be a popular name, but Joshua had met some women who were named as such. Kaya naman hindi unusual kung Destiny man ang pangalan ng babaeng kaharap.
Pero ang hindi kapani-paniwala ay ang sabihin nitong siya daw ang Kapalaran.
"Minsan pa nga, Kismet; pero mas bet ko iyong isa, yung Serendipity. Ang lakas maka-sosyal noon," ang sabi ng babae kay Joshua.
"Ano?" Talagang naguluhan siya sa sinabi nito.
"Basta! Destiny na lang kasi. Mas alam mo iyon, for sure… Basta ako iyong landas na tatahakin ng isang nilalang sa buhay niya. Destiny nga. Kapalaran."
Joshua looked at her as if she's someone crazy or deranged.
"Miss, okay ka lang ba?"
"Huh?"
"Baka kasi naalog iyong utak mo, alam mo iyon? Noong gumulong tayo sa lupa." Siya kasi ay okay lang naman. Hindi minsan lang na nagawa na niya ang bagay na iyon sa mga pelikula o teleseryeng ginawa niya, kaya medyo sanay na siya sa ganoon.
"Grabe ka, ha! Hindi ako nababaliw!"
"You told me you are Destiny…"
"Ako nga! Hindi ka ba naniniwala?"
"Paano naman ako maniniwala? Eh tao ka?"
"Hindi ako tao," anang babae. "Nagkatawang tao lang para makausap ka ng maayos. Alangan namang kausapin mo ang hangin, hindi ba? O di ikaw naman ang nagmukhang tanga noon?"
Hindi pa rin makapaniwala si Joshua sa sinabi nito. Paanong ang babaeng ito ang Kapalaran?
"Alam kong naguguluhan ka ngayon. Normal lang iyan. Ganyan talaga. Mahirap paniwalaan sa umpisa, pero totoo ang nakikita mo. Ako nga ito, si Destiny, ang Kapalaran."
Joshua gaped at the woman, quite bewildered at what she just said. Hindi niya matukoy kung naguguluhan ba siya dahil nabagok nga siguro ang ulo niya kaninang bumagsak sila sa gilid ng daan, o magulo lang talaga ang sinasabi ng babaeng kaharap.
"Ang mabuti pa, ipapaliwanag ko sa'yo. Pero, naniniwala ka naman siguro sa destiny, hindi ba?"
Tumango lamang si Joshua.
"Okay... Bawat tao, may destiny, may kapalaran, at nasusulat iyon sa Libro ng Buhay ng bawat isa. Ako ang nilikha ng Maykapal para tulungan Siyang sumulat ng mga kapalaran na iyon... Naintindihan mo ba iyon?"
"Oo, pero..."
"Pero…?"
"Does that mean that... you're an angel?"
"No, I'm not an angel. I'm not a spirit either. I'm just... a being."
Mukhang lalo pang naguluhan si Joshua sa sinabi nito.
"Basta!" ang sabi naman ng babae. "Ganito na lang. Alam mo ang Holy Spirit?"
Tumango si Joshua. Hindi man siya relihiyoso pero alam naman niya ang basics ng relihiyong kinabibilangan.
"O parang ganoon lang ako. Isinugo ng Panginoon sa mundong ibabaw para sa isang misyon."
Medyo luminaw na ang lahat kay Joshua. He actually doesn't know why he feels so calm and relaxed despite the absurdity of everything that's going on right now.
"Ngayon, ipapaliwanag ko naman sa iyo kung bakit kausap mo ako ngayon," ang sabi ng babae. "Nakikita mo ba ang paligid?"
Tumingin si Joshua sa paligid.
"Sabihin na lang natin na nasa isang spacetime warp ka. Huwag mo nang pa-explain sa akin kasi masyadong teknikal. Hindi naman ako si Einstein. Basta ang gusto ko lang sabihin, kung ano man ang nangyayari ngayon sa iyo, walang ideya ang ibang tao sa labas ng kinalalagyan nating dimensiyon. At iyang truck na iyan, hindi iyan totoo."
Gulat na napatingin si Joshua sa babae, at pagkatapos ay ang truck naman ang tinignan niya.
"Ang ibig kong sabihin, totoo siya pero gawa-gawa ko lang iyan."
Muling napatingin si Joshua sa babae. "Ha?"
"It was just a test. Kinailangan ko lang malaman kung sino ba ang may busilak na puso at may malasakit sa ibang tao."
"So kailangang mamatay ka para sa ibang tao, ganoon?"
"Hindi naman masyado, pero iyon kasi ang pinaka-dakilang sakripisyo, hindi ba? O di ba, kaya nga nahugasan ang lahat ng kasalanan ng buong mundo dahil may isang nilalang na nagsakripisyo ng buhay niya para sa mga tao?"
"Paano mo naman masasabi na busilak ang puso ng isang tao nang dahil lang sa iniligtas ka niya? Dahil lang sa pagsasakripisyo na iyon? Even a bad person can do that on impulse."
"Alam ko naman iyon, pero knowing you, alam kong hindi ka naman nagkakasala ng matindi mula pa noong isinilang ka. Oo, may mga nagagawa kang mali pero maaari iyong malunasan ng sakripisyong ginawa mo."
"Talagang kilalang-kilala mo ako, ano? Pati mga kasalanan ko?"
"Oo naman," ang sabi ng babae. Tsaka nito ibinuka ang kaliwang palad nito. Isang libro ang bigla na lang lumitaw doon. "Tignan natin."
Binuklat ng babae ang libro habang shocked na nakatunghay sa kanya si Joshua.
"Hmn... mostly naman sa mga kasalanan mo, pagsisinungaling, pagmumura... as an expression... pangongopya sa klase noong... elementary... tapos high school... isa... dalawa... tat- nag-aaral ka ba noong high school ka?"
"Hindi lang naman ako ang nangongopya noon, ah! Lahat kami!" pagtatanggol ni Joshua sa sarili.
Saglit na nagbasa sa libro ang babae.
"Oo nga." Tumingin ito kay Joshua. "Nag-aaral ba kayo nung high school?"
Joshua grimaced. "You didn't go to high school that is why you don't know."
Nagkibit-balikat lamang ang babae at saka nito isinara ang libro. Pagkatapos ay bigla itong nawala.
Na muling ikinagulat ni Joshua.
"Joshua, tiwala ako na magagawa mo ang tungkuling ibibigay ko sa iyo. Lahat naman ng tao, nagkakamali. Lahat nagkakasala. Kung iyon ang pagbabasehan ko, eh di wala na akong makukuhang katulong sa mga gawaing kailangan kong gawin. Tandaan mo. Kahit ang mga santo, minsan silang naging makasalanan."
He still can't understand everything that's happening, but there's something about this woman that makes him feel calm and serene. Dahil doon ay nagagawa niyang makinig, at unti-unting maniwala dito.
"Pero bago iyan, may kailangan muna akong ipaliwanag sa iyo tungkol sa kapalaran ng isang tao."
Sa isang iglap ay napunta sa mataas na lugar si Joshua. Tanaw niya ang buong siyudad, ang mga gusali at mga daan, mga sasakyan at mga taong naglalakad. Katabi pa rin niya ang babae, at pareho silang nakatanaw sa may ibaba.
"Hindi ba, naipaliwanag ko na sa iyo ang tungkol sa kapalaran ng isang tao? Na sa mundong ito, ang bawat nilalang ay may kanya-kanyang kapalaran. Iyon ay itinatalaga bago pa man sila isilang sa mundong ito. Siyempre, kailangan din matukoy kung saan ba siya lulugar sa mundong ibabaw, kaya bago pa siya isilang ay mayroon na kaagad siyang role na gagampanan sa mundong ito."
"Pero hindi ibig sabihin nito na definite na ang kapalaran na iyon," pagpapatuloy ni Destiny. "Ang ibig kong sabihin, pwede pa naman itong mabago depende sa magiging buhay ng taong iyon dito sa mundo. Bawat isa kasi sa inyo ay binibigyan ng tinagawag na free will. Iyon ang pinakamalaking problema ko."
Napatingin si Joshua sa katabi.
"Kasi depende kung magiging mabuti o masama ba ang ugali noong taong iyon. Kapag naging mabuti siya, siyempre may reward. Magiging maganda ang kapalaran niya. Kabaligtaran naman iyon kapag naging masama siya. Kapag meron kang gustong-gusto tapos pinaghirapan mong makuha iyon, kapag nakita Niya na deserved mo iyon, mapapasaiyo iyon sa tamang panahon."
Napaisip si Joshua. "Siya?"
"Siya na Lumikha. Alam mo, masyado nga Siyang mabait, eh. Binigyan Niya kayo ng free will, tapos iyong kapalaran ninyo pwedeng magbago depende sa pamumuhay ninyo sa mundong ito. O hindi ba? Ang bait, ano?"
Alam iyon ni Joshua. Ilang beses na ba niyang napatunayan ang kabaitan at malasakit ng Diyos?
"Merong kaayusan na sinusunod ang mundong ito, at ang kaayusang iyon ay pinapatupad ko bilang ang Kapalaran. Pero meron akong nakakatulong sa tungkuling iyon."
Bigla na namang nagbago ang paligid. Bigla ay napunta si Joshua at ang babae sa isang ospital. Maraming tao ang naroon. Ang iba ay mga pasyente, ang iba naman ay mga bantay o watcher ng mga pasyente. May mga hospital staff din doon.
Biglang naglakad ang babae, and Joshua has no choice but to follow her. Nagpunta sila sa nursery na nang mga sandaling iyon ay punong-puno ng mga batang kapapanganak pa lamang.
"Ang mga Guardian, o guardian angels na tinatawag ng mga tao."
Isang nurse ang nagpasok ng isang kapapanganak pa lamang na sanggol. Inilagay niya iyon sa isang bakanteng bassinet. Nang maiayos ang sanggol ay umalis na ang babae. Bigla namang lumitaw ang isang lalaking nakasuot ng puti. Nakatingin ito sa sanggol at base sa suot nito, napagtanto ni Joshua na hindi ito empleyado sa ospital na iyon.
"Bago pa isilang ang isang tao ay may nakatalaga na silang Guardian. Sila ang nangangalaga sa mga mortal at sinisiguro nilang matutupad ang kapalaran ng isang tao."
Muling lumakad ang babae at sinundan ulit siya ni Joshua. This time ay sa ICU naman sila nagpunta. Isang pasyente ang malapit nang lumisan sa mundo at ang kanyang mga mahal sa buhay ay nagsisiiyakan na.
"Ang pangalawa ay ang mga Reaper, o ang mga angels of death. Grim reaper kung tawagin ninyong mga tao."
May isang nilalang na naka-kulay itim na damit ang nakamasid sa pasyenteng malapit nang mamatay. Medyo kinilabutan si Joshua pagkakita sa lalaki.
Muling naglakad ang babae at sinundan ulit siya ni Joshua.
"So, anong kinalaman ng mga iyon sa tungkuling ibibigay mo sa akin?" tanong ni Joshua habang naglalakad silang dalawa.
"Sabihin na lang natin na magiging katulad ka ng mga Guardian at Reaper."
"I'll be an angel?" Now, that doesn't seem so bad.
"You can't be an angel, Dude. Angels were never humans."
"Eh ano pala?"
Tumigil sa paglalakad ang babae at saka humarap sa kanya. "You will be a Cupid."
"Cupid?" Hindi malaman ni Joshua kung totoo ba ang narinig nito, o namali nga siya ng dinig.
Na kinumpirma naman ng babae. "As in kupido. Cupid."
"Okay… Hindi ba ang mga cupid, mga angels sila? Iyong mga babies na naka-diaper, tapos may hawak na pana, tapos papanain iyong puso ng dalawang tao, tapos mai-in love sila sa isa't isa?"
"Too much pop culture," ang sabi ng babae sa kanya. "Halika nga dito. Sumama ka sa akin at nang maipaliwanag ko sa iyo ang totoo."
Naglakad muli sila hanggang sa makarating sila sa may emergency room ng ospital. Nang mga sandaling iyon ay medyo puno ang ER at maraming taong nandoon, mga pasyente at mga bantay na rin. Siyempre, nandoon din ang mga nurses at mga residenteng doktor.
"Bawat isang nilalang ay may tinatawag na red thread."
Itinaas ng babae ang kamay nito at saka pumitik ang mga daliri. Instantly ay lumitaw ang mga kulay pulang tali na nakakonekta sa bawat taong nasa ER. Bawat isa ay may red thread na nakakabit sa tapat ng kanilang mga puso. Namangha na lamang si Joshua sa nasaksihan.
"Nakita mo iyon?"
Itinuro ng babae ang isang lalaking pasyente. Nasa mid-40s ito at, at may kasama itong babae na halos kaedaran nito.
"Tignan mo iyong red thread nilang dalawa," ang sabi ng babaeng kasama ni Joshua.
Magkakonekta ang red thread ng lalaki at babae.
"Iyan ang tinatawag na magka-red thread. Ibig sabihin, sila ang nakatadhana para sa isa't isa," paliwanag pa nito.
Tinignan ni Joshua ang iba pang red thread. Ang iba ay nakakonekta sa isa't isa, ang ilan naman ay walang kakonektang red thread.
"Bawat isang tao na isinisilang ay may ka-red thread. Isa pa iyan sa mga bagay na ikino-consider kapag ginagawa ang destiny ng isang taong ipapanganak."
"Eh paano iyong mga hindi nakakapag-asawa?" tanong ni Joshua sa kasama.
"May ibang destiny na nakalaan para sa kanila."
Nakakalungkot naman ang ganoon. Hindi ba pwedeng magkaroon na lang ng kapareha ang lahat?
"Ang tungkulin ng isang Cupid, sila ang gumagawa ng paraan para ma-in love ang mga magkaka-red thread. Minsan, kasama na dito iyong paano sila magkakakilala. Minsan, kasama din doon kung paano magbe-break sa present relationship nila yung bawat isa."
Para namang hindi iyong nagustuhan ni Joshua. "That is so bad." Ang sama naman na ikaw ang magiging dahilan para mag-break ang dalawang tao.
The girl shrugged. "Paano ka iibig sa tamang tao kung may ibang tao kang minamahal?"
Sabagay. Mas masama nga naman kung maling tao ang makakatuluyan mo.
"Ang hirap namang maging isang Cupid. Hindi ko yata kakayanin iyon."
"Madali lang iyon para sa iyo. Artista ka, hindi ba?"
"Anong namang kinalaman noon?" tanong ni Joshua.
"Eh kasi, magaling kang umarte. Marami ka ring kakilala, maraming nakakakilala sa iyo. Kumbaga, marami kang resources na magagamit. Tsaka, ang dami mo na kayang love stories na naging project. Hindi ka pa ba natuto sa mga ganoon?"
"Iba naman iyong dito." Buhay ng mga nilalang ang pinag-uusapan. Kahit papaano iyon isipin in Joshua ay hindi ito basta-basta lang. "Paano kung hindi ko magawa ang misyon ko? May parusa bang mangyayari sa akin kapag nagkaganoon?"
"Wala naman," sagot ng babae. "Kapag nagkaganoon, ibibigay na lamang sa ibang cupid ang misyon mo. Hindi naman ito sapilitan."
"Eh di kahit pala hindi ko gawin ang misyong binigay sa akin. Bakit kailangan mo pa akong kunin?"
"Joshua, kaya mo bang tanggihan ang tungkuling ibinigay sa iyo ng Diyos?"
Iyon lang. Hindi na nakapagkomento pa doon si Joshua.
Isang cellphone ang ibinigay ng babae kay Joshua. "Ito ang magiging line of communication natin."
Kinuha ni Joshua ang telepono. "So wala na pala talaga akong choice."
Tumaas ang kilay ng babae. "Sa tingin mo ba, choice din ng mga magulang mo na maisilang ka sa mundong ito?"
Napatingin si Joshua sa babae. Kumindat lamang ito sa kanya.
"Huwag kang mag-alala. Tuturuan ka naman ng Cupid Mentor mo."
"Cupid Mentor…" Joshua chuckled. Can this situation become more bizarre?
"Oo. Siya na ang magsasabi sa iyo kung ano ang kailangan mong gawin, pati na rin ang ibang mga bagay tungkol sa pagiging Cupid mo… Ah, oo nga pala."
Muli ay nagbalik silang dalawa sa spacetime warp na pinagmulan nila kanina sa may harapan ng 𝘗𝘶𝘳𝘦 𝘈𝘤𝘵 𝘊𝘢𝘧𝘦́.
"Maiwan na kita. Marami pa akong kailangang gawin. Basta, hintayin mo na lang iyong Cupid Mentor mo. Siya rin ang magiging katulong mo sa mga misyon mo. O sige, maiwan na kita. Bye!"
Bigla na lamang nawala ang babae, at bigla ay parang nag-iba ang pakiramdam ni Joshua. Napatingin siya sa paligid, at muli ay naging normal na ang lahat. Nabalik siya sa may parking lot sa tabi ng kotse niya. Nang mapatingin siya sa may daan ay wala na ang malaking truck na kanina lang ay katabi niya doon. Normal na rin ang daloy ng trapiko.
Parang walang nangyaring kakaiba sa paligid. Kung hindi lamang niya nakita ang hawak na smartphone ay hindi niya iisipin na may naganap ng kakaiba kani-kanina lang. Napapikit siyang bigla dahil parang biglang siyang nahilo. Nang medyo mahimasmasan ay tumuloy na siya sa kanyang kotse. Pinilit niyang mag-focus upang makapagmananeho siya pauwi sa bahay nila.