Nang magising si Jacob noong umagang iyon ay parang nakahiwalay ang kaluluwa niya sa sariling katawan dahil wala pa rin siya sa sarili niya. Hindi kasi siya nakatulog nang maayos dahil hindi niya maialis sa isipan ang pagkakapasok bilang miyembro ng Paramount.
Hindi naman sa hindi siya masaya sa naging achievement, pero sadyang hindi niya lang talaga maintindihan kung bakit nakasali siya sa grupong iyon. Pilit niya na lamang na ikinubli iyon dahil ayaw niyang maging kill joy, lalo na't tuwang-tuwa ang nanay niya matapos niyang ibalita rito ang nangyari.
Napaupo siya sa higaan at napabuntong-hininga, bago dumiretso sa banyo para maligo at maghanda nang pumasok. Ilang minuto lamang ang tinagal niya doon, at paglabas niya ay naabutan niyang kakagising pa lang ng pinsan niyang si Kevin.
"Tumayo ka na diyan at maligo ka na... Baka ma-late ka niyan, sige ka," ani Jacob sa pinsan habang isinusuot niya ang uniporme.
Bumaba ito mula sa kinahihigaan at dumiretso sa banyo para magsepilyo. Pero habang nasa kalagitnaan ito ng ginagawa ay lumabas ang lalaki para panoorin siyang magbihis.
Napailing si Jacob nang mapansing pinagmamasdan siya ng pinsan. Naibutones niya na ang suot na long sleeves, at kasalukuyan na niyang inilalagay ang necktie niya.
"Doon ka nga sa loob ng banyo mag-toothbrush... Sira ulo 'to..." saway niya sa pinsan na hindi naman natinag sa pwesto nito. Nakatayo pa rin ito sa tabi ng bintana at nakayakap sa makapal na kurtina.
Nang matapos niyang maisuot ang necktie, kinuha niya ang kahon kung saan nakalagay ang brooch na tanging ang mga miyembro lamang ng Paramount ang maaaring gumamit. Kinuha niya ang maliit na badge mula sa loob at ikinabit iyon sa suot niyang royal blue suit, sa bandang itaas ng name plate na nakakabit sa damit niya.
"Grabe..." biglang saad ni Kevin na punong-puno ng bula ng toothpaste ang bibig, "Para kang ibang tao, Kuya Jacob... Ang astig mong tingnan ngayong suot mo na 'yang Paramount badge. Nakakabilib..."
Umiling-iling si Jacob habang tumatawa. "Baliw ka rin, ano? Badge lang naman 'to, kaya bakit naman ako magmumukhang ibang tao?"
"Ewan ko rin. Basta iba lang sa paningin kapag nakakakita ako ng mga may suot na ganyan. 'Yung mga members kasi ng Paramount last year, sobrang cool nila. Kaya sobrang cool din ng tingin ko sa'yo ngayon... Idol talaga kita, Kuya..."
Binato ni Jacob ng unan ang pinsan. "Idol ka diyan... Tapusin mo na nga 'yang ginagawa mo at baka –"
Naputol ang pagsasalita ni Jacob nang makarinig sila ng mga katok mula sa pinto. Nang pagbuksan ni Jacob ang nasa labas, laking gulat niya nang bigla na lamang pumasok ang apat na lalaki sa loob ng kwarto nila. Nakasuot ito ng asul na overalls na may tatak ng official seal ng Faircastle High School sa likod.
"T-teka... Sino po kayo?" tanong ni Jacob sa mga lalaki.
"Mga staff kami ng Faircastle High School na naka-assign sa Paramount Program. Andito kami para kunin ang mga gamit mo at ilipat iyon sa Room 008 ng Paramount Building," tugon sa kanya ng isa sa mga ito.
Hindi na nakaangal pa si Jacob, at hinayaan na ang mga lalaki na dalhin ang mga gamit niya. Tumulong na rin siya sa paglalagay ng ilan niyang mga nakakalat na gamit sa mga kahon na nasa loob ng kwarto para mas madali iyong makuha ng mga lalaki.
Habang patuloy ang paglalabas ng mga gamit niya, nilapitan siya ni Kevin. "Kuya, bakit parang hindi mo alam 'to? Hindi ba nag-meeting na kayo kahapon? Nagpapicture pa nga kayo kasama 'yung director ng school."
Napakamot na lamang si Jacob. "Hindi kasi ako nakinig kahapon eh..."
Kevin literally face-palmed himself after the younger man heard his reply. "Kuya naman eh... Sa susunod nga, makinig ka naman. Seryosohin mo sila kahit konti lang... Paano na lang kapag kung anu-ano na pala ang ibibigay o ipapagawa sa inyo..."
Jacob chuckled uneasily as he started wearing his shoes. "Oo na, oo na... At ikaw, maligo at magbihis ka na, para sabay na tayong pumasok... Kapag hindi ka pa nakapaghanda ng 6:30, iiwan na talaga kita. Bahala ka diyan."
Mabilis na tumakbo papasok ng banyo ang pinsan niya, kaya naiwan siyang mag-isa sa kwarto. Habang nakaharap siya sa salamin at inaayos ang buhok, muling bumalik ang isa sa mga lalaking kumuha ng gamit niya.
Iniabot nito sa kanya ang isang key card. "Ito ang susi sa kwarto mo. Ingatan mo 'yan. Ilalagay na namin doon ang mga gamit mo, kaya pagkatapos ng klase, doon ka na dumiretso. Magmula ngayon, ang Room 008 sa third floor ng Paramount Building na ang magiging tirahan mo sa buong academic year na 'to. Welcome to the Paramount, Mr. Vergara."
Isang maliit na tango lamang ang naisagot ni Jacob, hanggang sa maiwan na siyang mag-isa sa loob ng kwarto. Pinagmasdan niya ang key card na hawak, bago ito itinago sa loob ng wallet niya. Pagkatapos ay muli niyang hinarap ang salamin, at tinitigan ang Paramount badge na suot niya.
Napailing siya at bahagyang natawa habang nilalaro ang badge na nakakabit na sa damit niya. "Ano pa bang special treatment at privileges ang kaya mong ibigay?"
********
"Kevin, bilisan mo nga..." ani Jacob sa pinsan habang naglalakad sila palapit sa gate ng campus, "Kung bakit ba kasi hinintay pa kita... Muntik pa tuloy tayong ma-late..."
"Hindi pa naman tayo late ah. Malapit na, pero hindi pa naman..." pamimilosopo sa kanya ng pinsan na pilit na humahabol sa paglalakad habang isinusukbit ang bag sa likod.
Habang naglalakad sila papasok, doon napansin ni Kevin ang guard na nakapwesto sa entrance. Nanlaki ang mga mata ng binata, at agad siniksik ang sarili sa likod ni Jacob.
"Ano bang problema mo? Bakit ka ba nagtatago diyan?"
"Yung guard kasi sa may gate, Kuya... Terror 'yan. Lagi akong nasesermunan..."
Pinagmasdan ni Jacob ang guwardiyang nakatayo sa entrance ng campus, at napansin na masama ang tingin nito sa mga late na estudyante, at manaka-naka pang sinisermunan ang mga ito. Napailing na lamang si Jacob habang pinagtatawanan ang pinsan.
"Suki ka siguro ng guard na 'yan kaya nagtatago ka... Lagi ka kasing late."
Nang papasok na sila, bigla silang pinigilan ng guard. Mukhang napansin nito ang pagtatago ni Kevin, kaya mas lalo pa itong nagsumiksik sa gilid niya. Pinigilan ni Jacob ang pagtawa habang pilit na tinatanaw ng nakasimangot na guard ang pinsan niyang nagtatago sa tabi niya.
"Pinsan ko siya..." kalmadong saad ni Jacob sa guard na masama na ang tingin sa pinsan niyang kulang na lang ay pumasok sa loob ng sarili nitong bag.
Magsasalita na sana ang guard, pero nang tumama ang tingin nito sa suot niyang Paramount badge ay unti-unting lumambot ang ekspresyon na nasa mukha nito. Tila binasa pa nito ang pangalang nakasulat sa name plate niya, bago sumilay ang isang malapad na ngiti sa mukha nito.
"Pasok na kayo..." malumanay nitong saad, "Mabuti na lang at hindi kayo naabutan ng pagsara ng gate. Sa susunod, agahan niyo na ang pagpasok."
"Pasensya na po talaga..." Nginitian ni Jacob pabalik ang guard. "Salamat po, Manong."
Dahil sa nangyari, halos magsisigaw sa tuwa at pagkamangha si Kevin. Parang bata nitong niyakap ang braso ni Jacob habang pinipigilan ang sarili na tumawa nang malakas. "Ang astig mo talaga, Kuya! Kung wala ka, siguro napagdiskitahan na naman ako nun."
Habang naglalakad ay binatukan ni Jacob ang pinsan matapos kumawala sa pagkakayakap nito sa kamay niya. "Ungas ka talaga... Umalis ka na nga. Late ka na."
Nang maiwan na siyang mag-isa, mas naramdaman ni Jacob ang atensyon na ibinibigay sa kanya ng mga nadadaanan niyang estudyante. Kapag nakikita kasi ng mga ito ang suot niyang badge ay magkahalong inggit at pagkamangha ang nababakas sa mga mukha nito.
Pagdating niya sa classroom, hindi pa rin siya tinantanan ng mga tingin na ngayon ay nanggaling naman sa mga kaklase niya. Ang iba ay agad na lumapit para alamin ang experience niya bilang isang miyembro ng Paramount, habang ang iba naman ay tila intimidated at nahihiyang magtanong sa kanya. Hindi man lang siya pinaupo ng mga ito kaya nang dumating ang teacher nila ay naabutan siya nitong nakatayo sa pintuan.
Bahagya siyang kinabahan dahil akala niya ay sisitahin siya nito, pero sa halip ay ipinatong nito ang kamay sa balikat niya at bahagyang pinisil iyon.
Nginitian siya ng teacher niya. "Congratulations, Mr. Vergara. Member ka na ng Paramount. Alam kong magiging magaling kang representative ng InterID, and I commend you for this great achievement..." Pagkatapos ay magkasabay silang pumasok sa loob ng classroom. "Everyone, I want you to give Mr. Vergara a round of applause. Siya ang representative natin sa Paramount, and I hope that you will all aspire to be like him..."
Habang patuloy ang pagpuri sa kanya ng guro, pakiramdam niya ay mas lalo siyang nacoconscious at nahihiya. Hindi niya na tuloy alam kung ano ba talaga ang naidudulot sa kanya ng Paramount badge na suot – kung swerte ba o isang sumpa.
********
Pagkatapos ng klase, nagtipon na naman silang walong miyembro ng Paramount sa classroom nila sa ikalawang palapag ng Paramount Building. Dalawang rows lamang ng mga upuan ang nasa loob ng room na iyon, kaya pumwesto sa likod sina Nico at Jacob, habang nasa harap naman nila si Sketch. Nakapwesto naman sa tatlo pang upuan sa harap sina Axis, Emma, at Leia, habang naupo naman si Vladimir sa upuan na malapit sa pintuan. Nahuling dumating si Gwen, kaya pumwesto siya sa tabi ni Vladimir na sinusundan naman siya ng tingin habang tahimik siyang nauupo sa bakanteng pwesto.
Nang makumpleto na silang lahat ay tumayo na si Mr. Arevalo mula sa kinauupuan nito sa bandang kanan ng harap ng classroom. Tumayo ito sa likod ng podium at sinimulan ang supplemental class nila para sa hapon na iyon.
"As you already know, I, Daniel Arevalo, will be your class adviser in the Paramount Class. But instead of calling me Mr. Arevalo – which feels so stiff and proper – you can just call me 'Sir Daniel'. Para mas madali tsaka hindi masyadong awkward." Iginala ng guro ang mga mata niya sa buong silid, bago ibinalik ang tingin sa mga estudyanteng nasa harap niya, "All of you are the most outstanding students from the intelligence divisions you came from, and you are all here for a reason. But first, let me discuss the privileges that you will gain as a member of this group.
"Bilang mga miyembro ng Paramount Class, you are entitled to certain privileges not all students of Faircastle have access to. Una na rito ang pagkakaroon niyo ng sariling dorm room na located dito mismo sa loob ng campus, right here at the Paramount Building, unlike sa ibang mga estudyante na kailangang manatili sa Faircastle High School Dormitory na nasa labas. At dahil dito kayo sa loob ng campus situated, mas magagamit ninyo ang privilege ng unlimited access sa mga school facilities. Pwede kayong gumamit ng pool, pumunta sa library, gumamit ng laboratory, o pumunta sa auditorium kahit anong oras ninyo gustuhin.
"Aside from that, you will be given regular check-ups, and will be provided with meals and even medicine to keep your health in its best state. You are also granted to request books or other materials that will be relevant for your study. So you see, being a part of the Paramount Program has its perks.
"However," pagpapatuloy ni Daniel, "The Paramount Program entails a lot of rules as well. Una, supplemental class lamang ito. Kailangan niyo pa ring pumasok sa mga regular classes ninyo, and you all have to maintain high or at least passing grades. Kapag bumagsak kayo, magiging alanganin din ang standing ninyo bilang miyembro ng Paramount. Pagkatapos ng mga regular na klase, dito na kayo sa akin didiretso.
"Dito naman sa Paramount Class, wala tayong grading system. Ang gusto lang namin ay madevelop ninyo ang mga potentials na meron kayo. We all know that there is potential inside all of you. You may not know it yet... But it's there, and it's waiting to be discovered and nurtured."
Kinuha ni Emma sa ibabaw ng desk niya ang isang booklet na gawa sa leather ang cover. Nakalagay sa ibabaw ang katagang 'The Paramount Code' na naka-etch gamit ang kulay gintong tinta.
"Sir, ano po ito?" tanong niya sa guro.
Napangiti si Daniel, at kinuha ang sarili niyang kopya ng booklet. "I was just coming to that part of this discussion, Emma... Ang mga booklets na nasa ibabaw ng mga desk ninyo ay ang The Paramount Code. Diyan nakalagay ang mga rules and regulations na dapat ninyong sundin, pati na ang iba pang mga detalye at mga taong konektado sa Paramount Program. I will not discuss every part of it, but I would just like to emphasize two rules with all of you.
"Una, hindi ninyo pwedeng saktan ang isa't-isa. We extremely condemn violence in this program. Ayaw namin na magkasakitan kayo. I know some of you are not in good terms with each other, and might encounter verbal conflicts in the future... Pero hanggang doon na lang sana iyon. Wala naman akong magagawa kung magsasagutan kayo, o magpaparinigan kayo. You are all different, either because of your intelligences or your personalities, kaya hindi maiiwasan na hindi kayo magkasundo. But I hope that as you stay in this program, maayos ninyo ang mga hindi pagkakaunawaan ninyo. Makakatanggap ng karampatang parusa ang sinumang lalabag sa regulation na ito.
"And the second rule that I want to emphasize – which happens to be the most important one... Everything about the Paramount Program shall be kept confidential. Kayo lang ang pwedeng makaalam kung ano ang mga ginagawa natin dito. It's like our tiny little secret... Only that it isn't tiny though," Daniel said as he chuckled, "If you violate this rule, you will be expelled from the Paramount Program effective immediately. Nagkakaintindihan ba tayong lahat?"
Tumango sina Jacob at ang iba pa, na kung hindi intimidated ay talagang nagtataka at labis na interesado sa kung para saan ba talaga ang pananatili nila sa Paramount at kung bakit kailangang gawing sikreto ang lahat ng tungkol doon.
Maya-maya ay itinaas ni Vladimir ang kamay. Nang inacknowledge siya ng guro ay nagsimula na siyang magtanong.
"Ano po bang purpose ng supplemental classes na 'to? What do we need to learn?"
Isang ngiti ang sumilay sa mukha ni Daniel. "You need to learn about yourselves. It's something your teachers in your respective divisions will not teach you." Naglakad palayo sa teacher's table si Daniel at pumwesto sa mismong harap nila. "The badges you are wearing come with both privileges and responsibilities... But the purpose of that is to give you a chance to discover something about all of you... The reason why you are all here."
Napataas ang isang kilay ni Sketch dahil sa pagkalito. "Pero hindi po ba andito kami dahil kami ang nag-top sa placement exams?"
Tumango ang class adviser nila, "That's one reason, yes... But there's something more, you know. At iyon ang gusto kong alamin ninyo ngayong andito na kayo sa Paramount Class. You can take your time, so don't worry."
"I am totally confused right now..." biglang saad ni Emma na nagpangalumbaba na lamang sa desk niya.
The young teacher chuckled as he looked at all their confused faces. "Alright, then... Jean-Baptiste Lamarck."
Nagsalubong ang mga kilay ni Leia nang marinig iyon. "The French biologist? Para saan po 'yun?"
"That's a hint. I basically gave you the answer, though. It's your turn to discover everything on your own," he then sighed as he crossed his arms. "Good luck..."
Kahit nalilito, isinulat pa rin ni Jacob sa notebook niya ang pangalang sinabi ng guro. Pinagmasdan niya ito, bago niya itinuon ang tingin sa class adviser nila. Hindi niya man alam ang sagot sa clue na ibinigay ng lalaki, pero sigurado siyang mayroong kakaiba sa Paramount Program, at sa kung bakit siya naging bahagi noon.