"Pakiingatan lang 'yung mga aparador at sofa. Mga antique kasi 'yan. Pakidiretso na lang sa loob ng bahay at baka magasgasan pa dito sa labas." sambit sa mga inupahang magbuhat ni Mang Fidel habang ibinababa ang kanilang mga gamit mula sa trak.
"Lucila, doon ka na sa loob ng bahay para alam nila kung saan ipupwesto 'yung mga ipinapasok na gamit." dugtong pa nito sa asawa na tumalima agad sa sinabi nito.
Bagong lipat ang pamilya ni Fidel sa barangay ng San Roque sa bayan ng Paniqui, lalawigan ng Tarlac. Pamana sa kanya ng kanyang namatay na lolo ang malaking lumang bahay nito na may malaki ding bakuran. Animo bahay ng kastila ang bahay nito na may dalawang malaking poste sa veranda nito bago ang mataas nitong pintuan. Dalawang palapag ang bahay na may dalawang malaking bintana sa itaas nito.
Mula sila sa Pangasinan. Duon na lumaki ang kaisa-isa nilang anak na si Rosario na ngayon ay dalawampung taong gulang na. Sa kanila nakapisan ang lolo nitong namatay sa edad na isangdaan at dalawa kaya't sa pagpanaw nito ay sa kanila pinamana ang bahay nito na may kalumaan na.
Napapalibutan ng iba't ibang punungkahoy ang bahay. Matataas na din ang mga damo nito dahil sa walang nag-aasikaso nito. Sa labas pa lang ng bahay ay kita na ang mga patong-patong na agiw sa mga sulok ng kisame at sa mga bintana nitong gawa sa capiz.
Kinatatakutan ng mga kapitbahay ang lugar nila na 'yun. Bali-balita na pinanirahan ito ng mga nilalang na nakakatakot. Mga nilalang na pumapatay ng tao. Mga nilalang na kumakain ng mga lamang-loob ng tao gaya ng puso at atay. Mga nilalang na nahahati ang katawan sa tuwing kabilugan ng buwan, mga nilalang na kung tawagin ay manananggal.
Matapos maipasok lahat ng mga gamit nila ay lumabas na din ang trak sa mataas na grill na gate nito na makalawang na din.
Sabay namang pumasok ng bahay si Fidel at ang anak niyang nakasaklay na si Rosario. Naaksidente ito kamakailan lang. Nahagip ng kotse, buti na lang at nakaiwas ito agad. May kaunting bali ito sa binti na kasalukuyang nakasemento ngayon. Pinayuhan ng doktor na gumamit muna ito ng saklay upang hindi mapwersa sa paglakad ang parteng nabali sa binti nito. Dahilan din ito para pansamantalang huminto sa pag-aaral si Rosario na nasa kolehiyo na.
Sa 'di kalayuan ay nakamasid ang mga kapitbahay sa mga bagong lipat sa kinatatakutan nilang bahay.
"Kamag-anak yata 'yan ng may-ari. Isipin mo naman, mahigit isangdaan pala bago namatay 'yung matanda diyan." saad ng isang taga-roon.
"Eh baka may lahi ding aswang ang mga 'yan. Nakita n'yo ba mga suot? Mga naka-itim lahat. Nakakatakot." sagot naman ng isa.
"Kow, eh bakit naman hindi mag-iitim eh namatayan nga. Kayo talaga, hanggang ngayon ba naman eh naniniwala pa kayo sa mga maligno at aswang na ganyan. Ke tagal ng tsismis dito 'yan eh may nabalitaan ba kayong pinatay o namatay dahil sa aswang." singit naman ng isa.
"Sa ngayon eh wala. Pero nuon daw marami daw nakikitang mga patay na hayop na laslas ang tiyan at wala ng lamang loob." sabad naman ng isa pa.
"Asows, eh hayop naman pala. Kapwa hayop din tiyak ang may gawa nu'n." sagot ng isang nakikinig.
Maraming haka-haka tungkol sa mga ninuno nila Mang Fidel, pero wala namang makapagpatunay ni isa ng katotohanan.
Isa si Devon na naroon na nakasaksi sa mga bagong lipat. Nasa sasakyan pa lang ay humanga na siya sa kagandahan ng dalaga na inisip niyang anak ng mag-asawang sakay ng kotseng nauuna na sinusundan ng trak. Nakasunod din ang mga mata niya hanggang makapasok ito sa bakuran ng lumang bahay. Hindi nakaligtas sa kanyang paningin ang nakita niyang saklay na gabay nito sa pagtayo at sa paglalakad.
"Nay kilala mo po ba 'yung mga bagong lipat na 'yun?" turan ng bente anyos na binata sa kanyang ina na si Aling Salome.
"Hindi ko lubos na kakilala ang mga 'yan. Kung hindi ako nagkakamali, 'yung lalaki ay si Fidel. Dito lumaki 'yan pero nu'ng nagbinata eh nalipat na sila ng Pangasinan. Maaaring asawa niya at anak ang kasama." tugon ni Aling Salome sa nag-iisa niyang anak na si Devon.
"Nakita mo ba 'nay 'yung anak ni Mang Fidel? Ang ganda noh? Mukhang artista, ang puti. Kaya lang bakit kaya napilay 'yun?" muling tanong ni Devon sa ina.
"Aba'y malay ko. Saka nakakita ka lang ng maputi eh maganda na sa 'yo. Nakita ko din, simple lang naman ang mukha. Pero hindi naman mukhang artista. Hoy Devon, ayan ka na naman, kalilipat lang eh mukhang may interes ka na. Saka hindi mo ba naririnig 'yang pinag-uusapan ng mga kapitbahay natin, may lahing maligno daw ang mga 'yan kaya 'wag tayong masyadong nagdididikit sa mga 'yan. Mahirap na." may halong sermon na tugon ni Aling Salome sa anak.
Probinsiyang-probinsiya pa din ang dating ng lugar ng San Roque. Kapag may mga bagong salta sa lugar ay nakamanman agad ang mga tao dito. Nag-uumpukan naman ang ilan at nakakahabi agad ng kwento ang mga ito, kwentong sila-sila lang din ang may gawa, kwentong narinig lang din nila sa iba, sa madali't salita, mga tsismosa at usisera.
"Fidel mukhang mauubos natin ang perang pinagbentahan natin ng bahay natin sa Pangasinan sa pagpapa-renovate nito." turan ni Lucila habang nillinga ang paningin sa bawat sulok ng bahay.
"Pareho tayo ng iniisip Lucila. Pero kapag naman napagandan natin 'to, ang taas ng value nito. Halos antigo din ang mga gamit na naiwan ni Lolo oh. Maliit ang isandaang milyon dito kasama na ang lupa. Asikasuhin ko na agad 'yung contractor na nakausap ko na dati. Magpapa-estimate na ko." wika ni Fidel.
"Baka pwedeng magpadala ka na ng tao bukas dito para makapaglinis at maiayos natin mga gamit dito. Eh kahit nakakalakad ng maayos si Rosario eh hindi natin mapagtutulungan 'to. Napakalaki ng bahay. Baka abutin tayo ng isang buwan eh hindi pa tayo tapos maglinis." saad ni Lucila.
"Oo sige. Naisip ko nga na dito na lang kumuha ng tao. Kaso alam mo naman ang tingin sa 'tin ng mga tao dito, kaya hayaan mo ng manggaling sa malayo ang maglilinis ng bahay. At least, walang mga tsismoso at tsismosa tayong makakasalamuha dito. Mga ilang araw din itong lilinisin. Itapon na din ang hindi pakikinabangan o kaya sunugin para hindi na maging kalat." patuloy ni Fidel habang sinisiyasat nila ang bahay.
"Mommy, daddy baka naman pwede muna 'ko maupo. Saka ko na lang tingnan 'tong bahay. Napapagod na ko eh." reklamo ni Rosario.
"Okay sige anak, pagpagan mo muna 'yang sofa. D'yan ka muna at kami muna titingin ng mommy mo sa buong bahay." sagot ni Fidel.
"Iiwan n'yo ko dito?" gulat na tanong ni Rosario.
"Eh hindi mo kayang maglakad 'di ba? Maaano ka ba d'yan?" sagot ni Fidel.
"Natatakot ako eh. Nakakatakot kasi 'tong bahay, ang laki." sagot ni Rosario.
"De takutin mo din. Rosario, 'wag ka ngang engot, tayo nga kinatatakutan dito tapos matatakot ka. Ano feeling mo? Nasa horror movie ka. Manahimik ka nga diyan." sagot ni Lucila sa anak. "Tara na nga Fidel." sabay yaya nito sa asawa na lumakad ulit.
Naiwan naman si Rosario na bahagyang sumimangot. Nilabas na lang niya ang cellphone upang libangin ang sarili.
"Eto ang malaki nating problema, 'yung wiring ng mga kuryente mga sira na din. Ito din ang dapat unahin." wika ni Fidel.
"Naku Fidel tingnan mo nga 'yung tubig." mabilis na saad ni Lucila.
Tinungo agad nila ang lababo sa kusina at binuksan ang gripo.
"Ayan, may tubig naman, kaya lang marami pang dumi at kalawang 'yan. Hayaan muna nating nakabukas para luminaw. Tara, buksan natin lahat ng gripo para mabanlawan ang mga tubo." si Fidel.
"Kawawa naman ang anak natin. Wala palang kwarto dito sa baba. Ang taas pa ng hagdanan. Ano ba 'yan, ilang baitang kaya 'yan? Kaya siguro malaki ang itaas malamang ay halos kwarto lahat ang nandoon." sabi pa ni Lucila.
"Bakit ka naman maaawa, de kapag walang nakakakita eh gamitin niya pakpak niya kapag aakyat at bababa siya. Isa ka pa Lucila eh, sasabihan mong engot ang anak mo, aanhin niya pakpak niya, feeling mo nasa pelikula siya na maghihintay pa ng debut saka lang lalabas 'yun? Kasama na 'yun pagkapanganak pa lang niya huy." sambit ni Fidel sa asawa.
"Dami mo namang sinabi Fidel. Kung makasermon ka naman sa 'kin eh wagas." si Lucila.
"Eh kasi pipintasan mo anak mo eh ikaw din pala. Saka kita mo naman oh. Kapag sarado ang mga bintana, hindi na kita 'tong loob ng bahay. Tara panhik tayo sa itaas para alam na natin ang pagpapahingahan natin mamaya." si Fidel.
"Ah sige. Naku kung kasama natin si Rosario eh tiyak na pipiliin nu'n ang pinakamagandang kwarto dito." may pananabik na turan ni Lucila.
Pagpanhik nila ng itaas ng bahay ay may sofa din silang dinatnan na natatakoan ng mga puting tela na nangungutim na sa alikabok at mga agiw.
"Fidel, magpahinga muna nga tayo. Kakahingal naman 'yun. Napakadaming hakbang naman ng hagdan na 'to." hinihingal na saad ni Lucila. "Pwede bang lumipad na lang mamaya pagbaba."
"Lucila, si Rosario lang ang may diperensya ang paa, hindi ikaw. 'Wag kang tamad. De umalimbukay ang alikabok diyan kapag lumipad ka. Hayaan mo na lang 'yung anak mo.,Saka ayaw mo ba nu'n nae-exercise ka." tugon ni Fidel na nakigaya na din ng upo sa asawa.
"Dapat pala pinanhik na natin 'yung mga unan, kumot at kobre kama para makapagpalit na agad." si Lucila.
"Hay naku Lucila, sige ako na lang bababa para kumuha. Tara na tingnan na natin ang mga kwarto." muling yaya ni Fidel sa asawa.
Ang kanilang tulugan at lutuan muna ang inasikaso nila ng araw na 'yun na siyang pjnaka-importante. May mga gasera naman silang dala at emegency light na siyang ginamit nila para lumiwanag ang bahay nang unang gabi nila sa bahay na 'yun.
"Okay ba sa 'yo 'tong kwarto mo Rosario?" tanong ni Lucila sa anak.
Nasa harapan ng bahay ang kwarto ni Rosario kung saan kita niya ang harap bahay at ang medyo may kalayuang kapitbahay. Nakabukas lahat ng kanyang bintana kung kaya't nakatulong ang sinag ng buwan upang magliwanag sa silid niya.
"Okay naman, kaya lang mainit." tugon ni Rosario.
"Bukas papaayos na ng Daddy mo 'yung kuryente natin? Kaya 'wag ka ng magreklamo. May hangin naman oh kahit paano." si Lucila.
"Mommy pakisabi sa Daddy pakabit na din ng internet bukas. Paubos na 'yung data ko eh. Ano naman kasi gagawin ko buong maghapon dito?" habang nakapangalumbaba si Rosario sa pasimano ng bintana.
"Sige sabihin ko. Kailangan ko din kaya. Para mai-post ko 'yung before at after nitong bahay natin. Saka 'yung mga kumare ko, tiyak eh sa chat na lang kami magkakausap. Mahihirapan tayong makisama sa mga tao dito." turan ni Lucila.
"Bakit naman Mommy?" pansamantalang tinanggal ni Rosario ang pangangalumbaba at nilingon ang kanyang ina.
"Kilala kasi mga lahi ng tatay mo dito. 'Yang lolo mo sa tuhod na 'yan, iniiwasan dito 'yan kaya nga kinuha na ng Daddy mo. Alam mo na, takot sila eh. Simula nu'n, ayun, naging usapan na dito sa buong baryo ang mha ninuno ng Daddy mo. Wala naman silang mapatunayan." tugon ni Lucila.
"Eh paano ko? 'Di ba dito na din ako mag-aaral kapag magaling na 'ko?" si Rosario.
"Sa kabayanan naman 'yun kaya walang problema du'n. Dito, iwasan na lang natin makipag-friendship sa mga kapitbahay. Kaya ikaw, tiis-tiis ka muna. Sige sabihan ko agad Daddy mo tungkol diyan sa internet. Sige na, punta na ko sa kwarto namin. 'Wag ka na magpuyat ha." sabay tayo ni Lucila sa kama ng anak na inuupuan niya.
Pagkasara ni Lucila ng pintuan ng kwarto ay muling nangalumbaba si Rosario.
"Boring naman dito, ang aga pang matulog ng mga kapitbahay. Very province, hmp." sabi niya sa sarili.
Habang nakatingin sa kawalan si Rosario ay bigla niyang naalala ang lalaking nakatitigan niya sumandali nang sila ay papasok na ng gate ng kanilang bakuran.
"Sino kaya 'yung cute na 'yun? May pogi din pala sa lugar na 'to. Ang ganda ng dimples niya, akala naman niya ngingitian ko din siya. I don't smile to strangers kaya. Pero cute siya talaga." aniya sa sarili.
Si Devon ang tinutukoy ni Rosario. Dahil nang padaan na ang kotse nila na hindi tinted ang salamin ng bintana ay bahagyang nginitian ni Devon si Rosario, isang senyales sa pagtanggap ng bagong kapitbahay.
Matangkad si Devon at katamtaman lang ang pangangatawan. Ang mata nitong malalim at matangos na ilong ang siyang nagdala sa kanyang kapogian. Nakadagdag dito ang kanyang mga biloy sa tuwing siya ay ngingiti. Hindi man siya maputi, mapula naman ang mga labi nito at bumagay din ang bahagyang maalon nitong buhok.
"Saan kaya bahay dito ng cute na 'yun?" sa isip-isip niya. "Mukha namang wala ng tao sa kalsada eh alas diyes pa lang. Makapag-stroll kaya saglit? Marami namang puno kaya hindi naman siguro ko makikita agad dito. Madali akong makakapagtago." dugtong pa niya sa sarili.
Hindi na nagdalawang isip si Rosario. Bitbit ang saklay at tinungo niya ang sulok ng kanyang kwarto.
"DARNA!" mahinang sigaw niya.
"Praktis lang. Baka sakaling magkatotoo." nangingiti niyang sabi.
Bahagya siyang uminat at unti-unting humiwalay ang kalahati niyang katawan at naiwan ang kalahati mula beywang hanggang talampakan na nanatiling nakatayo sa sulok ng bahay. Lumabas din ang pakpak niya na katulad ng sa paniki. Ipinagaspas niya ang mga pakpak at mabilis siyang lumabas ng bintana.
"A whole new world, a new fantastic point of view. Noone to tell us no or where to go or say we're only dreaming." pakanta-kanta ni Rosario habang lumilipad.