KENT
Tinitignan ko ang bawat reaction ni Mixxia sa tuwing nagkukunwari akong natatakot.
Oo, nagkukunwari lang ako para mapansin ako ni Mixxia.
Nakakainis 'tong Sam na to ha! Nauunahan pa ako makaporma kay Mixxia.
Madali nalang hulihin itong multo na ito! Siguradong mamamangha si Mixxia kapag ako ang nakahuli non.
Tumingin ako kay Annabelle at itinutok ang 'Ghost Vacuum Machine' sa kaniya.
Aba! Nakailag ah!
Kumilos ang lahat upang hulihin ang manika ngunit mabilis ito gumalaw.
Ibinato nito ang mga rubber ball.
"Mixxia!" Tumakbo ako nang mabilis upang protektahan si Mixxia sa mga nahuhulog na rubber ball ngunit naunahan ako ni Sam.
Kainis! Nakakailan na siya ha!
Sunod na ibinato ng manika ang mga libro . Pinilit namin iwasan ngunit natamaan ako sa paa.
Ang sakit!
Kaagad tumakbo sa direksyon ko si Mixxia at marahas akong hinila paalis ng area na iyon, pakiramdam ko'y lalong mamamaga ang paa ko.
Nasa likod ng manika si Migs at si Arthur naman ay nasa harapan. Nililito nila ang mga manika. Kung hindi ko pa nasasabi sa inyo ay identical twins sina Migs at Arthur kaya medyo mahirap malaman kung sino sa kanila si Migs at kung sino si Arthur.
Sakto ay mabilis na nakagalaw si Von. Hinuli niya ang manika at kaagad pinindot ang red button ng 'Ghost Vacuum Machine' upang hindi na ito makawala.
Isang buntong hininga ang pinakawalan ni Mixxia habang nakatingin sa paa ko.
Nag-aalala ba siya sa akin?
"Nag-wagi na naman kayo!" Naiiritang sigaw ni Miss A.
"Papahirapan ko pa kayo hanggang sa tuluyan ko na kayong maging alipin! Labag man sa loob ko'y heto na ang susi..." Wala sa loob na ibinigay ni Miss A ang susi sa amin na hawak ngayon ni Von.
"Magpakasaya na kayo dahil sisiguraduhin kong hindi na kayo magwawagi!" Napatigil saglit si Miss Anonymous. Isang malawak na ngiti ang gumuhit sa kaniyang mga labi.
"Alam ko na! Dahil hindi na kayo pumapasok sa school, magku-quiz tayo bukas! Masaya yon!" Humalakhak siya nang sobrang lakas. Tila sinasapian ito sa harapan namin.
"Review everything about Codes and Ciphers." Pahabol niyang sabi bago umalis.
"Omy! Eh hindi nga ako nagre-review pag may quiz eh!" Maarteng sabi ni Venice.
"Umalis muna kaya tayo sa lugar na to no? Bago tayo mag-usap-usap". Seryosong sabi ni Josh.
Umirap lang si Venice at nauna nang umakyat papunta sa living room.
Kasalukuyang ginagamot ni Mixxia ang sugat ko sa paa. Mabuti na lamang at may kaunting puso si Miss A kaya nag-iwan sya ng medicine kit dito sa bahay.
"Codes and ciphers?" Tanong ni Daniel.
Ngayon ko lang siya narinig na magsalita simula nang maikulong kami dito sa haunted house.
"Ano yun may ipapa-decode or ipapa-decipher siya? Akala ko ba quiz?" May pagtatakang tanong ni Vince.
Gustong gusto talaga ni Miss A na hindi kami makalabas dito. Mas mabuti nang aralin namin kung paano mag-code at mag-decode.
Ang section namin ay ang pinakamataas . Bihira lang ang mga nakakapasa sa entrance exam dahil sobrang hirap non at hindi iyon pinag-aaralan ng mas mabababang section.
May tiwala ako sa kanila kaya alam kong kakayanin namin ito.
Ininda ko ang sakit ng paa ko akmang tatayo sana ngunit kaagad akong pinigilan ni Mixxia.
"Ako na ang kukuha, huwag ka nang tumayo at magpahinga ka na lang diyan."
Kitang-kita ko ang pag-aalala na nakaukit sa kanyang mukha kaya naman sa loob ko'y lubos akong natutuwa dahil naiisip ko na baka mahal na ako ni Mixxia.
Mabilis siyang pumunta sa aking kwarto upang kunin ang laptop sa ibabaw ng aking study table.
Nang makuha niya iyon ay kaagad rin siyang bumaba upang masimulan na ang aming pag-aaral tungkol sa codes at ciphers.
Iba't ibang uri ng codes at ciphers at inaamin kong mahirap kabisaduhin ang mga iyon.
"Anong oras naman kaya siya magpapa-quiz?" Tanong ni Mixxia.
"Wala naman siyang nabanggit kanina." Tugon ko.
Mahilig makipaglaro si Miss A. At kahit anong pag-iisip ko sa maaring pagkatao niya ay hindi ko talaga malaman. Wala rin akong idea kung sino ba ang pwede naming paghinalaan sa school.
Gusto ko sanang kumbinsihin ang sarili ko na si Venice ang may kagagawan nito ngunit malabo iyon dahil kasama namin siya sa bawat mission naman. Bukod pa roon ay kababata ko siya. Mukha lang siyang mataray pag dating kay Mixxia pero hindi siya ganoon dati.
Sobrang mapagmahal at mabait si Venice. Lalo na pagdating sa mga bata. Sa katunayan ay, bumibisita siya palagi sa mga orphanage upang magdonate o kaya'y makikipaglaro sa mga bata roon.
Siguro ay pinipilit niyang magmukhang malakas sa pamamagitan ng pagtataray kay Mixxia ngunit sa loob nito'y sobrang marupok at mahina.
"Tig-iisa kaya tayo ng kabisaduhing codes?" Sabi ni Venice.
"Yun ang pinaka-magandang gawin upang malagpasan at mapagtagumpayan natin ang misyon na to." Sabi ko na nawa'y maging encouragement sa kanila.
"Kaunting tiis pa at makakalahati rin natin ang mga misyon. Sisiguraduhin kong lahat tayo ay makakalabas." Dagdag ko.
Pinakuha ko sa kanila ang mga gadgets nila na pwedeng magamit sa pagre-review. Kaagad naman silang sumunod at tumulong sa paghahanap.
6 am namin ng umaga natapos ang misyon at ngayon ay 7:30 am na. Lahat kami ay kulang sa tulog kaya napagpasiyahan naming matulog muna saglit at gumising mamaya upang ituloy ang pagbabasa.
Pinipilit kong ipikit ang mga mata ko ngunit hindi talaga ako makatulog. Hindi maalis sa isip ko si Mixxia.
Isinalpak ko ang earphones sa tainga ko upang makinig ng music.
Nakita kong nadapa ang isang batang babae at pinagtawanan ng mga batang nambu-bully sa kaniya. Kaagad ko siyang nilapitan at itinaboy ang mga masasamang bata.
Tinulungan ko siyang tumayo at iniabot ko sa kaniya ang panyo upang punasan ang namantsahan niyang uniporme.
"Anong pangalan mo?" Nakangiting tanong ko sa kaniya habang tumititig sa kaniyang maamong mukha.
Ang ganda niya.
Ngumiti siya kahit bungi siya. Ang lawak ng kaniyang ngiti at ang cute niya tignan.
"Salamat ha, tawagin mo nalang akong XiaXia."
Ibabalik niya sana ang panyo ngunit sinabi kong itago nalang niya iyon.
Ngumiti siya at tumakbo papuntang classroom niya. Hindi inalintana ang mantsa sa damit niya.
Nagising ako dahil nakaramdam ako ng pagka-uhaw.
3:30 na ng hapon at pakiramdam ko'y nakabawi ako ng tulog kahit papaano.
Bumaba ako papuntang kusina upang kumuha ng tubig na maiinom at saka bumalik sa kwarto upang ipagpatuloy ang pagre-review.
Hindi ko maiwasang mag-log in sa Facebook ko. Online si Mixxia ngayon.
Nakatulog kaya siya?
In-add ko siya nung unang araw namin dito sa haunted house, kaagad naman niya itong in-accept.
Sabi ko na eh! Crush niya ko!
Pumunta ako sa timeline niya upang tignan ang mga lumang pictures na nandoon.
Hindi ako makapaniwala...