Minsan sa buhay, may mga bagay na pagsisisihan natin na ginawa o di ginawa at nagdulot ng di inaasahang kadiliman sa ating pagkatao...
Ako si Reiya, 25 na taong gulang isa akong lab assistant sa isang clinic dito sa siyudad. May pangkaraniwang araw-araw na pamumuhay. Simple at boring ika nga nila. Pero sa isang iglap di ko inaasahang babaliktad ang aking mundo dahil sa isang gabi ng masamang karanasan.
May tatlong taon ng lumipas simula nung gabing iyon na tumatak at nagdulot ng matinding takot sa aking pagkatao ngunit nagdulot din ng kaguluhan sa aking kalooban. Malalim diba? pero di ito isang pangkaraniwang kuwento.
Ika 23 ng Enero noon, alas diyes ng gabi, galing ako sa birthday party ng isang katrabaho, at dahil sa kabilang subdivision lang ang venue ng party at walang nakatambay na tricycle sa paradahan e naisipan ko nalang maglakad at maaga pa naman. Di naman kalayuan ang tinutuluyan kong bahay mula sa pinanggalingan ko pero merong kaunting liblib na dadaanan sa labasan, mga kulang-kulang 10 minutong lakad bago makarating sa gate ng inuupahan ko. Ngunit sa mga oras na yon habang naglalakad e nakaramdam ako ng panlalamig sa aking batok, di maipaliwanag na kaba na para bang may mga matang nakatingin sa akin. Para bang ang bagal ng pag takbo ng oras at parang di ako lumalayo sa aking nilalakaran ng mga oras na iyon. Sa tagal ko ng nilalakad ang daang ito e ngayon ko lng naramdaman ang ganon. Alam kong mayroon talagang sumusunod sa akin ngunit pag ako'y lumilingon e wala naman akong makita sa kaunting ilaw ng daanan. Nasa kalagitnaan ako ng daan na may mahabang damuhan ng makarinig ako ng yabag na pabilis na pabilis na palapit sa akin. kamabog ang aking dibdib at akma na akong tatakbo ng may tumakip sa aking bibig. Di ako makahinga at ilang segundo lang nakaramdam nako ng hilo at nawalan ng malay.
Ilang sandali ang lumipas ng ako ay unti-unting magkaroon ng lakas na magising at dumilat pasumandali. At tumambad sa aking harapan ang isang lalaking nakapatong sa akin at tinatangkang hubaran ako ng pang itaas. Hindi ako makakilos ni makapagsalita man lang kahit ang aking paningin e di parin maayos marahil sa gamot na pinalanghap sa akin o baka sa takot na bumabalot sa aking katawan ng mga oras na yon. Gusto kong sumigaw at manlaban pero walang boses na lumalabas sa aking lalamunan. Wala parin akong lakas.
Ang taong ito'y tila hayok, nakakasulasok ang amoy at nakakatakot ang hitsura. Para siyang hayop na gutom na gutom na gawin ang ano mang binabalak niya sa akin. Ngunit ilang sandali pa ang pangyayaring ito ay tumungo sa isang mas kahindik-hindik na pagliko. Parang nabalutan ang kalangitan ng nakakabulag na kadiliman ng makakita ako ng anino sa likuran ng mamang nakapatong sa akin. Isang anino na unti-unting lumalapit na hindi napapansin ng hayop na nasa harapan ko. At di nagtagal naging medyo malinaw ang aninong ito. Isang tao, taong nakasuot ng itim na hoodie jacket at may suot din na itim na face mask. Wala kang makita sa kanyang mukha kundi ang kanyang mga mata. Matang matatalim na nakatingin sa amin parang kutsilyong bumabaon at nagpapalala sa takot na aking nadarama. At nagulat ako sa sumunod na pangyayari. Sa isang mabilisang pagtaas ng kamay ng anino ay may kableng pumulupot sa leeg ng mamang lumalapastangan sa akin at hinila syang palayo sa akin. Nagtangka ako sundan ng tingin ang mga taong ito ngunit ng dahil sa takot at pagod at epekto narin siguro ng gamot e tuluyan akong nawalan ng ulirat na tanging huling nasulyapan ko e ang pagkaladkad ng misteryosong lalake sa hayop na iyon.
Maliwanag na at nagising nalang ako sa mga boses na nakapaligid sa akin at mga tunog ng sirena sa malapit. Mga paramedic at mga pulis na sinasakay ako sa ambulansya.
Paramedic: Miss, miss. Okay ka lang ba? Dadalhin ka namin sa ospital wag ka ng mag-alala.
Di ako makapagsalita dahil sa kaguluhan ng isip ko sa dami ng ngyari.
Ng makarating ng ospital ay may mga pulis na pumunta at kinausap ako. Isinalaysay ko ang lahat ng naaalala ko at inilarawan ang mga taong ito. Kahit sila ay di makpaniwalasa mga pangyayari at kung paano ako nakaligtas na walang ano mang ngyari. Oo dahil sa misteryosong lalake e di napagtagumpayan ng hayop na yon ang binabalak niya sa akin. Ngunit di maalis sa isip ko ang mga pangyayari. Pilit sumisiksik sa alaala ko lahat ng detalye. At makalipas ang ilang araw e sumailalim ako sa therapy. At makalipas ang ilang linggo e nakabalik nako sa aking trabaho.
Sa kabila ng lahat e madalas parin akong mabalutan ng takot tuwing gabi at di ako makatulog ng maayos. Di na ako lumalabas at nagpapaabot ng dilim ng mag-isa lalo na sa daang iyon.
Isang araw habang nasa trabaho e napalingon ako sa balita sa tv. Di ako madalas nanonood ng tv dahil di ko ito nakahiligan talaga lalo na mga balita. Pero ewan ko ba kung bakit sa mga oras na iyon ay napalingon ako. Isang balita tungkol sa isang bangkay ng lalaki na nakita sa isang sukal sa may bundok malapit sa siyudad. Sa di ko mawaring pakiramdam e di ako mapakali sa balitang iyon kahit nakablur ang litrato e iba ang naging pakiramdam ko. At makalipas ang ilang oras e may di pamilyar na numero ang tumatawag sa aking cellphone...