Chereads / ACHILLES SALVADOR [TAGALOG NOVEL] / Chapter 2 - KABANATA 1

Chapter 2 - KABANATA 1

"Nay, payagan niyo na po kasi ako ni Tatay na mag-aral sa bayan." Pangungulit ni Achilles sa kanyang ina na ngayon ay naghuhugas ng plato.

Napalayo naman ang binata sa kanyang ina nang marahas nitong binitawan ang plastic na plato na kanyang hinuhugasan at nilingon siya.

"Achilles, tigil-tigilan mo nga ako." Nameywang ang kanyang ina at tinuro siya nito gamit ang hintuturo at halata sa mukha ng Ginang na galit ito. "Simula kaninang matapos ang recognition niyo sa eskwelahan ay iyan pa rin ang bukambibig mo magpahanggang ngayon. Hindi ba sinabi ko na sa'yo na tapusin mo muna ang pag-aaral mo ng senior high school dito bago ka pumunta sa bayan?"

Napabuntong hininga na lamang si Achilles sa mga sinabi ng kanyang ina.

Matagal na kasing gustong mag-aral ni Achilles sa bayan dahil alam nitong kapag doon siya mag-aaral ay mataas ang posibilidad na matupad niya ang matagal na niyang pinapangarap. Ang maging isang kilalang atleta sa buong mundo.

Isang manlalangoy si Achilles kaya naman gustong-gusto nitong umalis sa kanilang baryo, at sa bayan mag-aral dahil alam niyang may malaking oportunidad ang naghihintay sa kanya doon na siyang sinabi ng kanyang pinsan na si Hector nang tumawag ito sa kanya noong isang araw.

"Nay, bakit ba kasi kailangan ko pang tapusin ang pag-aaral ko ng senior high school dito kung puwede ko naman pong ipagpatuloy sa bayan? Kung saan nag-aaral ang pinsan kong si Hector! Nay, doon sa siyudad alam kong matutupad iyong pangarap ko na maging isang sikat na swimmer—"

"Anak, mayaman si Hector kaya siya nakapag-aral sa bayan at ikaw? Tingnan mo nga itong bahay natin? Kung anong buhay meron tayo! Tingnan mo anak, isang maliit na kubo lamang itong tinutuluyan natin at kulang na lang ay matumba na ito kung may malakas na bagyo man ang darating." Mahinahon na saad ng kanyang ina.

"Naiintindihan ko naman po ang gusto niyong iparating, Nay. Sa akin lang po ay gusto ko kayong ibangon sa hirap kaya nga po gusto ko pong mag-aral sa bayan at para na rin po kunin iyong inaalok sa akin ni Hector," sagot nito sa kanyang ina.

"Nakausap mo ang pinsan mo?"

"Opo, Nay. Tumawag po siya sa akin noong isang araw at sinabi po nitong may eskwelahan daw po sa bayan na nagbibigay ng libreng scholarship sa mga katulad ko po. Katunayan nga po ay lilipat daw po si Hector sa eskwelahan na iyon sa susunod na pasukan kaya naman po naisipan niya pong itawag sa akin dahil alam nitong matagal ko ng gustong mag-aral doon sa siyudad." Paliwanag niya sa kanyang ina na ngayon ay magkasalubong ang mga kilay nito habang nakatingin sa kanya.

"Kaya naman pala kinukulit mo ako kanina pa tungkol diyan sa lintik na—"

"Kung gusto mong mag-aral sa bayan, sige pinapayagan kita." Dahan-dahan namang napalingon ang mag-ina sa lalaking maputik ang damit na nakatayo ngayon sa kusina nila at base sa kanyang itsura ay mukhang kagagaling lang nito sa bukid.

"Talaga po, Tay?" halata sa boses ni Achilles ang saya nang marinig niya ang sinabi ng kanyang Tatay.

"Oo, anak. Mag-aral ka sa bayan kung iyon ang gusto mo."

"Ernesto! Wala tayong malaking pera para pag-aralin siya sa bayan!" galit na sigaw ni Mirna na siyang Nanay ni Achilles.

Naglakad naman palapit si Ernesto sa kanyang asawa at tinapik nito ang balikat at tipid na ngumiti rito.

"Mirna, may naitatabi pa naman akong ipon sa bangko kaya naman payagan na natin ang anak natin na mag-aral sa bayan. Malay mo, sa pagpunta niya roon ay maging ganap na swimmer talaga siya at makilala siya sa buong mundo," sambit ng kanyang Tatay habang may matamis na ngiti ito sa kanyang mga labi.

Lingid naman sa kaalaman ni Achilles ay kanina pa pala nakikinig ang Tatay nito sa usapan nila ng kanyang Nanay kaya pumayag itong mag-aral ang kaisa-isa nilang anak sa bayan dahil alam nitong matagal ng gusto ni Achilles na makapag-aral doon.

"Salamat po, Tay!"

Sa sobrang saya ni Achilles ay lumapit siya sa kanyang Tatay at niyakap ito ng mahigpit kasama ang Nanay niyang nakakunot pa rin ang noo.

"Anong salamat ka diyan. Tandaan mo, ang Tatay mo lang ang pumayag na doon ka mag-aral. Pero ako, hindi ako papayag na pumunta kang bayan."

"Nay,... " Lumayo si Achilles mula sa pagkakayap nilang tatlo at tiningnan nito ang kanyang ina at saka inabot ang dalawa nitong kamay. "pumayag ka na. Pumayag na nga si Tatay. Sige na. Payag ka na, Nay." Parang batang naglalambing na wika ni Achilles sa kanyang Nanay at saka niyakap ito.

Napa-irap na lamang sa hangin ang kanyang Nanay sa kanyang ginawa. Malambing kasing bata si Achilles at isama mo pang mag-isa lang siyang anak kaya naman sobrang malapit siya sa kanyang mga magulang. Parang magbabarkada nga lang sila kung lalabas sila sa kanilang bahay.

"Nay, payag ka na ba?" Inangat ni Achilles ang kanyang ulo para tingnan ang mukha ng kanyang Nanay na ngayon ay yakap niya pa rin.

Isang ngiti naman ang sumilay sa mga labi ni Achilles nang makita niyang tumango ang kanyang Nanay, kaya naman hinigpitan niya muli ang yakap dito at pinupog ng mga halik sa pisngi at walang sawang nagpapasalamat ito sa kanyang Nanay.

"Salamat, Nay!" Isang halik pa muli ang iginawad ni Achilles sa kanyang Nanay bago ito lumayo rito. "Pangako, mag-aaral ako ng mabuti at magiging isang sikat na swimmer ako! Pangako ko iyan sa inyo ni Tatay."

Parehas naman na tumango ang kanyang mga magulang at nginitian siya.

"Basta anak, ipangako mong pag-aaral talaga ang aatupagin mo roon at hindi ang pakikibarkada sa kung sino-sino." Pagpapaalala sa kanya ng kanyang Nanay.

Tumango lang naman siya sa sinabi ng kanyang Nanay. Alam kasi ni Achilles na kahit gaano kaistrikto ang kanyang Nanay sa kanya ay alam nitong mabait ito at maalaga kaya sobra ang pagbabantay nila sa kanya lalo pa't nag-iisang anak lang siya.

"Kailan ba ang punta mo sa bayan, anak? Bago ba magsimula ang klase ninyo?" Tanong sa kanya ng kanyang Tatay na ngayon ay naka-upo sa isang upuan sa kanilang kusina at nagsasalin ng tubig sa baso na nasa harapan nito upang inumin.

"Baka mas maaga po akong lumuwas, Tay," sagot nito at umupo sa kaharap na upuan ng kanyang Tatay.

Ang kanyang Nanay naman ay ipinagpatuloy ang mga hugasin niya habang nakikinig pa rin sa usapan nilang mag-ama.

"Mas maaga?" Tanong sa kanya ng kanyang Nanay habang binabanlawan ang kanyang hugasin.

"Opo, naisip ko po kasi kung mas mabuti po siguro kung bago po ang pasukan ay nasa bayan na po ako. Ngayong bakasyon po kasi ay naisip kong maghanap po muna ako ng trabaho roon upang makapag-ipon po ako ng pera na kakailanganin ko sa pasukan."

Pinunasan naman ng kanyang Nanay ang kamay nito bago humarap sa kanila ng Tatay niya at naglakad palapit sa kanila dahil tapos na siyang maghugas.

"Bakit maghahanap ka pa ng trabaho, e, may ipon naman kami ng Nanay mo sa bangko. Sapat na iyon para sa pag-aaral mo sa susunod na taon," wika ng kanyang Tatay.

"Tama ang Tatay mo. Medyo malaki-laki rin iyong naipon namin sa bangko dahil pinaghahandaan talaga namin ang pag-aaral mo sa kolehiyo, kaya huwag mo ng isipin pa ang pagta-trabaho anak." Umupo ang Nanay niya sa kanyang tabi.

"Pero, Nay... Tay...," Inabot ni Achilles ang mga kamay ng kanyang mga magulang na nakapatong sa mesa at saka ito pinisil at tiningnan ang mga ito at ngumiti. "ayoko lang naman pong umabot po ako sa punto na kapag nasa bayan na ako ay tatawag ako sa inyo at hihingi ng pera para sa paggawa ko ng projects at kung ano-ano pa. Ang sa akin lang po ay makapag-ipon po ako ngayong bakasyon para po may baon po ako sa pasukan at may magamit po ako. Iyong pera na sinasabi niyo na nasa bangko? Itabi po muna natin iyon. Sabi niyo nga po, para sa pag-aaral ko iyon ng kolehiyo. At 'di ba po sinabi ko na kanina na may libreng scholarship na ibibigay ang eskwelahan kung saan ako mag-aaral sa susunod na taon? Kaya paniguradong maliit lang ang babayaran ko roon, baka miscellaneous na nga lang ang babayaran ko kung sakaling makakuha po ako ng scholarship roon." Mahabang paliwanag ni Achilles sa kanyang mga magulang na ngayon ay makikita sa kanilang mga mata ang magkahalong lungkot at saya habang nakatingin ang mga ito sa kanya.

"Achilles, anak hindi na ba talaga kita mapipigilan pa?" Hinaplos ng kanyang Nanay ang kamay niyang nakahawak dito.

Umiling lang naman ito bilang sagot.

"Anak, mag-iingat ka roon. Tumawag ka kapag may problema," wika naman ng kanyang Tatay na ngayon ay pinupunasan ang pisngi nito kung saan tumulo ang kanyang mga luha.

"Ano ba naman kayo! Bakit kayo umiiyak?" Natatawang tanong nito sa kanyang mga magulang pero hindi rin nito maiwasang hindi uminit ang gilid ng kanyang mga mata  at kalaunay pumatak din ang luha nitong kanina niya pa pinipigilan na huwag pumatak.

"Ikaw din naman anak, umiiyak ka," sabi sa kanya ng kanyang Nanay habang may ngiti ito sa labi habang pumapatak pa rin ang mga luha nito.

"Kayo po kasi ni Tatay pinapaiyak ako! Sa bayan lang naman ako pupunta, hindi naman po ako mangingibang bansa!" Tumatawang sambit ni Achilles habang pinupunasan niya ang kanyang pisngi kung saan tumulo roon ang mga luha niya.

Natawa na lamang silang tatlo sa huling sinabi sa kanila ng kanilang anak.

*****

Kinabukasan ay may hindi inaasahang bisita ang dumating sa bahay ng mga Salvador.

"Hello, Tita Mirna," bati ni Hector sa Nanay ni Achilles nang pagbuksan siya nito ng pintuan ng kanilang bahay.

"Hector, ikaw pala iyan. Bakit nandito ka? Napasyal ka yata rito sa baryo?" Tanong nito at nilakihan ang pagkakabukas ng pinto ng kanilang bahay.

Si Hector ay pamangkin ng Nanay ni Achilles dahil ang Tatay ni Hector at ang Nanay ni Achilles ay mag kapatid kaya naman magpinsan ang dalawa.

"Hindi po ba nasabi sa inyo ni Achilles na ngayong araw ko po siya susunduin para pumuntang bayan?"

Nang marinig ng Nanay ni Achilles ang sinabi ng kanyang pamangkin ay agad na nagkasalubong ang kanyang dalawang kilay.

"Ngayong araw na siya aalis papunta sa bahay niyo? Akala ko sa susunod pa na buwan. Ang bilis naman yata?" Tanong nito sa pamangkin pero bago sagutin ni Hector ang tanong ng Ginang ay lumabas na sa kanyang silid si Achilles habang may dala-dalang malalaking bag na sa tingin ng kanyang Nanay ay naglalaman ito ng kanyang mga gamit.

"Insan, meron ka na pala. Kanina ka pa ba o kararating mo lang?" Tanong ni Achilles kay Hector habang naglalakad ito palapit sa kinaroroonan ng mga ito.

"Kararating ko lang." maiksing sagot naman ng pinsan niya sa kanya.

"Ngayon na pala ang alis mo, bakit hindi mo sinabi sa amin ng Tatay mo kagabi?" Natigil sa kanyang paglalakad si Achilles nang tanungin siya ng kanyang Nanay.

"Hindi ko po sinabi sa inyo?" Naguguluhang tanong nito sa Nanay niya. "Ang pagkakatanda ko ay sinabi ko po sa inyo ni Tatay kagabi. Iyak ka nga po nang iyak."

"Bakit hindi ko maalalang may sinabi ka kagabi?"

"Paano mo po maaalala e, iyak ka nga po nang iyak kagabi at saka uminom ka po ng alak kagabi dahil hindi niyo matanggap na aalis ako. Dahil sa pag-iyak niyo, at walang sawang inubos niyo iyong nakatagong gin ni Tatay sa kabinet e, nakatulog kayo. Nanay talaga, tumatanda na. Nagiging ulyanin ka na." Biro nito sa kanyang Nanay dahilan para hampasin siya sa braso nito na ikinatawa na lamang niya.

Totoong naglasing ang Nanay niya kagabi dahil hindi pa rin ito payag na umalis ang kanilang unico hijo. Si Achilles lang kasi ang nagpapabuhay sa munti nilang tahanan kaya hindi nito lubos maisip na mapapaaga ang pag-alis ng kanilang anak sa puder nilang mag-asawa.

"Nay, alis na po kami. Mag-iingat kayo rito ni Tatay. Kung may problema, tawagan niyo lang po ako," sambit nito habang palabas sila sa kanilang bahay.

"Anak, mag-iingat ka roon. Mag-aral ng mabuti. Ingatan mo ang sarili mo..." Hindi natapos ng kanyang Nanay ang sasabihin nito dahil umiyak na ito.

Lumapit naman si Achilles sa Ginang at niyakap ito ng mahigpit.

"Nay, huwag ka na ngang umiyak. Hindi ako makakaalis nito e." Natatawang wika ni Achilles at saka nito hinalikan sa ulo ang ina.

Mas matangkad kasi si Achilles kaysa sa  kanyang ina kaya naman nahalikan niya ito sa ulo.

"Sorry, anak nakakalungkot lang kasing isipin na aalis ka na rito sa bahay." Napalayo naman si Achilles mula sa pagkayap niya sa kanyang ina.

"Nay, hindi naman po ako permanenteng aalis, babalik din naman po ako rito. Mag-aaral lang po ako sa bayan pero babalik pa rin po ako rito sa bahay natin. Kaya, huwag na po kayong malungkot diyan." Ngumiti ito at saka niya muling niyakap ang kanyang ina.

"Basta anak iyong mga bilin ko sayo—"

"Opo, Nay."

Sa huling pagkakataon ay niyakap niya ng mahigpit ang kanyang Nanay bago siya tuluyang nagpaalam dito. Wala ang kanyang ama dahil maaga itong pumunta sa bukid para magtrabaho. Mabuti na lamang at hindi lasing ang kanyang ama kagabi kaya naman maayos itong nakapagpaalam dito.

"Bakit ikaw ang sumundo sa akin? Bakit hindi na lang iyong family driver niyo?" Tanong ni Achilles sa katabi nang magsimula na itong magmaneho.

"May sakit si Manong Lito kaya naman ako na lamang ang sumundo sa'yo," sagot nito at nilingon siya ng kanyang pinsan. "Bakit, ayaw mo bang ako ang sumundo sa'yo?"

"Wala akong sinabing ayoko, nagtanong lang ako kung bakit hindi iyong family driver niyo ang sumundo sa akin."

"Okay, fine. Masyado kang seryoso diyan." Umiiling na wika no Hector habang may ngiti ito sa kanyang mga labi.

"Iyong eskwelahan pala na tinutukoy mo noong tumawag ka sa akin, public school ba iyon o private school?" Tanong nito kay Hector na abala sa pagmamaneho ng sasakyan.

"Private school."

"Private? Ibig sabihin..."

"Don't worry, insan kasi nakapag-aaply na ako ng scholarship mo para sa eskwelahan na iyon." Parang lumaki ang tainga ni Achilles nang marinig niya ang sinabi sa kanya ng pinsan niya.

"Talaga? Mabuti naman kung gano'n. Anong sabi nila? Magkano raw babayaran ko?" Sunod-sunod na tanong nito.

"Huwag mong masyadong isipin ang mga bayarin sa eskwelahan na iyon dahil sagot na nila lahat ng gastusin mo. Kada buwan ay may ibibigay sila sa'yong monthly allowance mo kaya hindi ka na magpro-problema pa tungkol sa pera. Pero..." Tumingin sa kanya ang pinsan niya. "may konti ka pa rin na babayaran like, miscellaneous fee."

"Sa tingin mo, aabot kaya sa libo iyong miscellaneous fee?" Hirit na tanong nito kay Hector. "Balak ko kasing magtrabaho na muna ngayong bakasyon para makapag-ipon ako ng gagamitin ko sa pasukan."

"Hindi naman na siguro aabot sa libo iyong miscellaneous fee. Baka nasa hundred pesos lang gano'n. At anong sinabi mo? Magtatrabaho ka muna ngayong bakasyon?" Tanong ni Hector sa kanya na agad naman niyang ikinatango.

"May alam ako kung saan ka puwede magtrabaho. May kaibigan kasi si mama na isang owner ng isang café at naghahanap sila ng mga dishwasher, janitor gano'n. Gusto mo ba?" Nilingon siya nito.

"Oo naman, insan. Hindi naman ako mapili sa trabaho."

"Sige, sabihin ko kay mama mamaya."

"Salamat, Hector."

"Wala 'yon. Sige, matulog ka na muna diyan kasi malayo pa tayo sa bahay," Sabi sa kanya ni Hector kaya naman sinunod niya ito.

Sa pagsara ng talukap ng kanyang mga mata ay tuluyan na nga siyang nilamon ng antok.

Maya-maya lamang ay nasa bayan na siya. Ang lugar kung saan matutupad lahat ng pangarap niya para sa sarili niya at para na rin sa mga magulang niya.