Download Chereads APP
Chereads App StoreGoogle Play
Chereads

Joy Has Gone

🇵🇭Wattyfandude
--
chs / week
--
NOT RATINGS
4.8k
Views
Synopsis
Joy Catulay is not the kind of a girl you’d notice in the street — and that’s the way she live her life. She keeps her head down and tries to live a quiet life: dull school, no close-friends, no disruptions. If there are questions about her that remain unanswered, they are questions that even those around her don’t dare to ask. Meanwhile, Jace Jeremias, a spirited young guy, has returned to their academy — having survived a deadly accident. He attempts to resume a normal life, but at the moment he came back, he learns that his friends are falling prey to a gruelling series of murders. His idea of a normal life turns upside down. And now that Joy went missing, and as Jace strive to rekindle the memory of his nightmare while having some episodes of memory loss and traumatic blackouts, he tries to figure out everything and solve this gruesome mystery. Who might be the killer? Could it be him? Could it be one of his friends? And who is Joy Catulay? Where did she go?

Table of contents

VIEW MORE

Chapter 1 - Prologue

"Kuya, uwi na tayo."

Paulit-ulit na litanya ng isang batang lalaki sa kanyang nakatatandang kapatid. Hindi siya pinansin nito kundi ay patuloy lamang ito sa pagbagtas sa madilim na kakahuyan kung nasaan sila. Natatakot na ang batang lalaki dahil malayo-layo na rin ang kanilang nalakad, pero kahit papaano ay hindi binibitawan ng kanyang kapatid ang kanyang kamay.

"'Wag kang matakot. Ako'ng bahala sa'yo," paninigurado nito sa kanya.

"Baka hinahanap na tayo nila Mama. Umuwi na tayo," muling sambit ng bata.

Sandaling tumigil ang mas nakakatandang bata at nilingon siya nito. "Hindi 'yan. Ako'ng bahala. Malapit na tayo, kaunti na lang." Inabot nito sa kanya ang flashlight na tanging nagsisilbi liwanag sa dinaraanan nila. "Ito, ikaw muna ang maghawak nito, okay?"

Agad namang tumango ang bata at muli silang nagpatuloy sa paglalakad. Sobrang dilim ng paligid, maging ang kalangitan na animo'y nagtatago ang mga bituin at bilugang buwan sa mga maiitim na ulap. Wala kang ibang maririnig kundi tanging pagkaluskos lamang ng mga dahon sa naglalakihang puno, idagdag mo pa ang mga huni ng mga kuliglig sa paligid.

Malalim na ang gabi at lingid sa kaalaman ng dalawang bata na nawawala na sila sa gitna ng kakahuyan. Lakad lamang sila nang lakad, hindi alam kung paano makakalabas at paano makakauwi sa kanilang tahanan. Nagsisisi man, pilit na pinapalakas ng nakakatandang bata ang kanyang loob para sa kanyang kapatid. It wasn't a good idea, after all.

"Nawawala ba tayo, Kuya?" pagbasag ng bata sa katahimikan.

"Hindi. Hindi tayo nawawala," agad na sagot ng nakakatandang bata sa pagitan na mabibigat nitong paghinga, dala siguro ng pinaghalong pagod at kaba. "Malapit na nating mahanap 'yung Dimsdale Monster na sinasabi ko sa'yo. Ready your sword! Okay?"

"Yes, Kuya!"

Paikot-ikot lamang sila sa kanilang nilalakaran. Maya-maya, kapwa natigilan ang dalawa nang makarinig sila ng kakaibang kaluskos mula sa paligid. Agad na binalot ng takot ang dalawa kaya't agad na kinuha ng nakakatandang bata ang flashlight mula sa kanyang kapatid at tinutok sa kanilang paligid. Tila napako sila sa kanilang kinatatayuan at paikot-ikot ang tingin sa paligid. Pahigpit nang pahigpit ng kapit nila sa isa't isa. Pakiramdam nila, hindi sila nag-iisa at may nilalang na nagmamasid sa kanila.

"Kuya, ano 'yun? 'Yun na ba 'yung monster?"

Hindi ito sumagot.

"Kuya?" pag-uulit ng bata.

"Ssshh. 'Wag kang maingay. H-Hindi ko alam," nanginginig na sambit nito gamit ang mahinang boses. Agad itong humarap sa kanya at tinitigan siya. "Ganito, kapag sinabi kong takbo, tumakbo ka. 'Yung mabilis na mabilis at kahit na anong mangyari, 'wag na 'wag mong bibitawan ang kamay ko."

"Ano bang nangyayari? Uuwi na ba tayo?"

Tumango ito. "Oo, uuwi na tayo." Nagsimulang umiyak ang nakababatang bata. Bigla nitong niyakap ang kapatid at bumulong. "Sorry, Jay. Hindi dapat tayo nagpunta dito. Pagbilang ko ng tatlo at sumigaw ako ng takbo, pareho tayong tatakbo nang mabilis. Okay ba? Isa. . ."

Hindi alam ng dalawa na unti-unting lumalapit sa kanila ang isang itim na pigura.

". . . dalawa. . ."

Palapit nang palapit.

"K-Kuya, natatakot ako. . ."

At bago pa man banggitin ng bata ang ikatlong bilang, nahagip ng kanyang mata ang isang nakakatakot na pigura di kalayuan sa kanilang kinaroroonan.

". . . tatlo, takbo!"

Kapwa kumaripas ng takbo ang dalawa. Hindi alintana ang mga tuyong dahon na kanilang naaapakan, maging ang mga nakausling bato at matutulis na sanga ng mga puno. Takbo lamang sila nang takbo para sa kanilang buhay, pilit na tinatakasan ang isang nilalang na humahabol sa kanila.

Nagsimulang bumuhos ang malakas na ulan ngunit hindi nila ito alintana. Kahit basa man ng ulan, at naging maputik ang kanilang tinatakbuhan, hindi sila tumitigil. Maya-maya, biglang kumidlat nang malakas kasabay ng isang nakakatakot na alulong ng isang mabangis na hayop. Kapwa natigilan ang dalawa dahil sa labis na takot.

"Kuya, napapagod na ko!"

"Kaya mo pa! Kaya mo pa! Tara!" aligagang sigaw ng nakakatanda. Muli, nahagip niya ang anino ng nilalang na humahabol sa kanila. Nagsimula silang tumakbo.

"Kahit anong mangyari, 'wag mong bibitawan ang kamay ko at 'wag kang lilingon sa likod!"

Sandaling muling lumiwanag ang paligid dahil sa kidlat at malakas na pagkulog. Natigilan ang dalawa dahil sa gulat ngunit nagsimula silang tumakbo nang tumakbo sa walang hanggang kadilimang kinaroroonan nila. Sa kanilang pagkatas, hindi namalayan ng nakakatandang bata na nabitawan niya ang kamay ng kanyang kapatid. Tuluyan syang binalot ng takot.

"Jay?"

"Kuya!" sigaw ng bata sa di kalayuan.

"Jay, nasan ka? Jay!" Litong-lito ito at walang tigil na nagpapalinga-linga sa madilim na kakahuyan.

"Kuya, tulong! Kuya!"

"Nasaan ka?" nagsimulang tumulo ang luhang kanina pa niya pinipigilan habang paulit-ulit na tumitingin sa paligid. "Jay! Jay! Nasan ka? Sumagot ka!"

Nagtatakbo ang bata at paulit-ulit na sinisisi ang kanyang sarili sa trahedyang ito. Kung hindi sana niya niyaya ang kanyang kapatid na magpunta dito sa kakahuyan upang maghanap ng halimaw, hindi sana sila mawawala. Hindi sana sila mapapahamak. Alam niyang ayaw sumama ng kanyang kapatid simula pa lang, pero pinilit pa rin niya ito. Kung hindi siya nagpumilit, tahimik sana silang nakahiga sa kani-kaniyang kama at natutulog nang mahimbing.

"Jay!" iyak niya. Dala ng desperasyon, sigaw na lang siya nang sigaw. "Mama! Papa! Tulungan mo kami. Nawawala si Jay!"

Takbo lamang siya nang takbo, habang sinisigaw ang pangalan ng kapatid. Walang tigil ang kanyang pag-iyak dahil sa takot ngunit hindi niya ito alintana dahil kailangan niyang mahanap ang kanyang kapatid. Maya-maya, natigilan siya nang makita itong nakatayo sa di kalayuan sa kanya. Sobrang bigat ng kanyang dibdib at pilit na hinahabol ang kanyang paghinga.

"Kuya. . ." iyak ng bata sa kanya.

Agad siyang kumaripas ng takbo papalapit dito ngunit bago pa man niya ito malapitan, agad itong nawala sa kaniyang paningin. Dala ng labis na takot at pag-asang mahahawakan niya ito, kitang-kita niya kung papaano hinablot ng isang itim na pigura ang kanyang kapatid hanggang sa maglaho na lamang ito nang parang bula sa gitna ng kadiliman.

Wala na siyang ibang nagawa kundi ang mapaupo sa maputik na lupa at umiyak.