----
Sa pagtakbo ng paulit-ulit sa isang larong hindi ko naman talaga ginustong pasukin. Nakakapagod. Gusto ng sumuko ng mga tuhod ko't magmakaawa na lang sa taong may pakana ng lahat ng ito. Pero hindi pa pwede, kailangan ko pa siyang mailigtas. Kapag huminto ako sa pagtakbo'y tiyak na kamatayan ang haharapin niya. Ako ang tanging makakapagligtas kaya't hindi ko siya bibiguin. Hintayin mo ako.
----
AKIA
Ipinikit ko ang mga mata ko habang niyayakap ang simoy ng hangin at saka humilata sa kulay berdeng damuhan dito sa aming palayan. Ito na ang huling araw ko rito kaya nama'y nilulubos-lubos ko na. Bukas ay hindi na ako makakakita ng mga kalabaw dahil dadalhin na ulit ako sa Maynila nila kuya.
Maganda rin naman itong pahingang ibinigay nila sa akin. Hindi ko man nahanap ang hinahangad kong misteryo'y nakapagpahinga naman ako mula sa maingay na lungsod.
Medyo nakakalungkot nga lang na sobrang bilis ng isang linggo ng pagliliwaliw ko dito kaya dumating na rin sa punto ng paglisan.
Maya-maya lang ay babalik nanaman ako bilang si Akia Morauq, isang typical na estudyanteng walang ibang alam sa buhay kung hindi magbasa ng mga akdang misteryo ang tema. Isang detective-wannabe ika nga ng iba.
Hindi ko naman itatanggi iyon, gusto kong lumutas ng mga kaso para sa ibang tao. Gusto kong magkaroon ng kaisipan na walang ibang tao ang makapapantay. Gusto ko ring maging bida sa isang akda kahit minsan lang sa buhay.
Ako naman sana.
Sawang-sawa na ako sa pagiging extra't pagiging walang kwenta para sa iba.
Nagbugtong-hininga na lang ako at iminulat ang mga mata ko. Bumungad sa akin ang kalangitan na kulay dilaw at rosas.
Itinaas ko ang kanang kamay ko para guhitan ang mga ulap. Nagiging mas maganda ito tuwing takip-silim. Isang katangi-tanging ganda na kapag tinitigan mo'y mawawala panandalian ang lahat ng sakit.
"Akia!" Napaayos ako ng upo nang mabosesan ang tumawag sa akin. "Andito ka lang pala, kanina ka pa namin hinahanap," saad niya habang hingal na hingal na umupo sa tabi ko.
Hindi ko siya sinagot at patuloy lang na tumitig sa kawalan. Ayaw ko munang magsalita nang walang katuturan sa ngayon.
Matapos ang ilang araw ng pahinga, nasa akin pa rin ang pagsisisi't sakit. Mukhang nakadikit pa rin talaga sa akin ang kamalasan, walang pinapatos kahit pa ang mga taong malapit sa akin.
"You're still thinking about him, am I correct?" Tanong niya sa akin.
Hindi ko pa rin siya kinibo at dinilaan na lang ang baba ng labi ko. Masyado pang sariwa sa utak ko ang mga pangyayare.
"Akia, makinig ka. Hindi mo kasalanan ang pagkawala ni Raze. Walang may kasalanan sa atin at hindi ako titigil hanggang hindi natin siya mahahanap. Andito lang ako," aniya habang nakahawak sa magkabilang balikat ko.
Nginitian ko naman siya ng mapait at tiningnan kung anong magiging kulay ng kaniyang mata, kulay pula. Isang kasinungalingan nanaman.
Inalis ko ang kamay niya sa balikat ko at yumuko. Sawang-sawa na akong makarinig at makakita ng kasinungalingan sa mga taong lubos kong pinagkakatiwalaan.
Huminga naman siya ng malalim at nagpahiga sa balikat ko habang ako nama'y tumitig lang sa mga mata niya.
Wala pa rin talagang tatalo sa mga pilikmata niyang sobrang haba. Nagbugtong-hininga ulit ako at saka pumikit.
Hanggang kailan pa ba ako magiging ganito? Kung sa tutuusin ay suerte itong ituring ng ibang tao samantalang para sa akin? Isang masahol na sumpa.
Hindi ko alam kung anong dahilan o kung papaano nangyari. Nagising nalang ako isang araw, nakikita ko na ang pinagkaiba ng kasinungalingan at katotohanan sa mga sinasabi ng tao sa pagtitig lang sa kanilang mga mata.
Kung ang buong sinabi nila ay katotohanan, magiging kulay berde at kung may halong kahit kaunting kasinungalingan lamang ay magiging kulay pula.
Wala pa akong pinagsabihan tungkol sa kakayahan ko dahil halos lahat ng nakakasama ko, kahit malalapit sa akin, ay magaling sa kasinungalingan.
"Akia, lalamigin tayo kung mananatili pa tayo rito hanggang mamaya. Kailangan na nating pumasok." Saad niya sabay ayos ng upo.
Tumango-tango naman ako at hinintay ang kaniyang pagtayo para magpahila pataas. Napansin niya iyon kaya't kinuha niya agad ang kamay ko't inalayan ako sa pagtayo.
"Tara!"
Pagkasabing-pagkasabi niya no'n ay hinila niya agad ako at tumakbo ng parang bata papunta sa main house. Hindi naman kalayuan sa palayan sa bahay ngunit ang kaunting pagtakbo ko ay sobrang nakakasakit ng buong kalamnan.
Apurado.
Pagkarating namin sa bahay, sinalubong kaming dalawa ni lola habang hawak ang kaniyang sandok. Mukhang kanina pa siya nagluluto at kami na lang ang hinihintay. Napayuko naman ako. Dito sa probinsya, tatlo lang kaming naninirahan sa ngayon. Ako, ang kumausap sa akin kanina, at si lola Victorina.
Isa pang nakakalungkot sa paglisan, iyong iiwan mo yung mga taong nagkaroon ng malaking parte sa pagiging "okay" mo. Pero dahil kailangan mo ng bumalik, wala kang ibang magagawa.
"Ihaj, ayos ka na ba? Nagluto ako ng paborito niyong pagkain para makapag-hapunan na tayo. Ito na ang huling gabi mo rito kaya kailangan mong kumain ng masarap at marami bago magbiyahe. Mahihiluhin ka pa naman," sabi sa akin ni lola.
Nginitian ko naman siya at saka tumango. Ngumiti siya pabalik at tumungo ulit sa kusina habang nanatili naman kami sa sofa para makapagpahinga. Naramdaman ko ang pagtayo ng kasama ko kaya napaharap ako sa kaniya.
Nakita ko ang pagtungo niya sa kaniyang durabox at mukhang may hinahanap. Magtatanong na sana ako nang nauna na siyang magsalita.
"You like mystery novels, right, Akia?" Tanong niya sa akin at saka humarap habang hawak-hawak ang isang librong kulay itim at pula ang cover. Tinanguan ko naman siya at nagtaas ng kilay dahil sa pagtataka. Ipinakita niya naman sa akin ang isang makapal na libro na mayroong pamagat na "Game Over."
"Ang totoo niya'y napulot ko ito noong makaraang araw at hindii ko tiyak kung ano ba talaga ang genre hanggang sa binuksan ko ito sa unang pahina." Pagpapaliwanag niya at iniabot sa akin ang libro.
Ang pinakaunang pahina ay isang QR Code at may nakasulat na: "Scan Here for mystery adventures" at ang ibang pahina naman ay blangko. Kunot noo akong napatingin sa kaniya.
"Bakit ganito? Bakit sobrang kapal ng libro pero walang kahit isang nakasulat? Kailangan ko ba talagang i-scan ito para makapagbasa?" Tuloy-tuloy kong tanong sa kaniya.
Nakita ko naman siyang napangiti at lumapit sa akin. "That's your first words for today," saad niya at naging kulay berde ang mga mata. Ngayon lang ba ako kumibo buong araw?
Magsasalita na sana ulit ako nang bigla niyang kunin ang libro at titigan iyon bago magsalita. "To be honest, hindi ko talaga sigurado pero mukhang ganoon na nga. Mukhang hindi lang ang nakasulat sa loob ang misteryo kung hindi ang kabuoan. It's yours now, Akia. It's up to you how to solve the mystery of this inkless book."
Pagkasabing-pagkasabi niya'y lumabas na si lola mula sa kusina't may dala-dalang mga plato. Tumayo kaming pareho para tulungan siya para makapagsimula ng maghapunan.
Matapos kumain, dumiretso kaagad ako sa aking kwarto para tingnanang mabuti ang librong binigay sa akin. Isang simpleng librong may nakasulat na game over at may kaunting leather sa cover. Makakapal din ang bawat pahina kaya mukhang isang mamahaling libro. Sino naman kaya ang nag-iwan nito? Natapos niya kaya ang laro?
Hindi ko man maintindihan ay ibinaba ko na lang ang libro sa may bedside table. Hindi ko pa naman maii-scan ngayon ang libro dahil kinuha nila ang telepono ko para mailayo ako sa magulong mundo.
Dahil sa pagod, ipinikit ko na lang ang mga mata ko para makatulog ng mahimbing bago bumyahe mamayang madaling-araw.
---
"Akia, luluwas na tayo." Nagising ako sa pag-uuga sa akin nang kung sino kaya unti-unti kong iminulat ang mga mata ko.
"K-Kuya?" Utal-utal kong tanong dahil hindi ko pa siya maaninag.
Niyakap niya naman ako nang mahigpit at saka hinalikan sa noo.
"Uuwi na tayo, Akia. Marami ang naghihintay sa pagbalik mo," bulong niya pa sa akin.
Niyakap ko naman siya pabalik at saka tumayo para makapagpalit ng damit para sa aming pagluwas. Si Kuya Akihiro ang sumundo sa akin ngayon dahil mukhang alam nina mamang kung si Kuya Art ay hindi kami magkikibuan buong biyahe.
Pagkatapos kong magbihis, nakalagay na rin sa kotse ang buong bagahe ko. Mga damit, gamit, at iba pa'y nakaayos na rin sa trunk ng kotse. Papasok na sana ako nang maalala ko ang librong ibinigay niya sa akin. Dali-dali akong tumakbo pabalik sa loob para tingnan iyon sa kama at nang mamataan, kinuha ko ito at saka lumabas na ulit.
Bago tuluyang sumakay ng kotse, niyakap ko muna si lola na tumulong din sa pagbaba ng gamit ko.
"Ihaj, mag-iingat ka. Sana'y sa susunod mong pagdalaw dito ay maging okay na ang lahat para sa iyo."
Nginitian ko naman siya at tumingin sa bahay namin.
"Hinihintay mo ba siya Ihaj? Mukhang hindi niya kayang makita ang pagluwas mo. Pero sige, ako na lang ang magpapaalam para sa'yo," tuloy pa ni lola.
Nginitian ko naman siya at pinasalamatan. Tumingin muli ako sa gawi ni kuya at nakita siyang nakangiti sa akin. Nagpaalam na ako kay Lola at pumasok na sa loob ng kotse kasama si kuya. Hindi ko gusto ang bandang harapan kaya nama'y sa passenger seat ako umupo.
Nagsimula na kaming bumyahe papaalis. Tiningnan ko ang orasan sa kotse at nakitang Alas-dos pa lang ng madaling araw. Mukhang may hinahabol na oras si kuya para bukas kaya maaga niya akong sinundo.
Kahit kasi ganitong oras pa lang ng madaling araw ay mabigat na ang trapiko papuntang Maynila. Mas mabuti rin kasing mas maaga dahil kung mabigat ang trapiko ngayon, dodoble ang bigat mamaya. Ang isang oras na biyahe mo'y siguradong magiging tatlo o kaya higit pa.
"Akia, sa'yo ba 'yang libro?" Tanong ni Kuya sa akin.
Tumango-tango naman ako at nagtaas ng kilay. Minsan lang kasi magtanong itong si kuya tungkol sa mga gamit ko.
"Bakit po, kuya?" Tanong ko pabalik.
Nagkibit balikat lang siya habang nakatingin pa rin sa akin sa rear view mirror.
"Hmm, wala hindi ko kasi mamukhaan." Pagpapaliwanag niya naman.
Ah, kaya pala. Si Kuya Akihiro kasi ay nagtratrabaho sa isang publishing company kung saan halos lahat ng libro'y dumadaan sa kaniyang pagsusuri. Si kuya naman, masyadong matalas ang memorya kaya kapag nakita na niya ang libro, tiyak na hindi niya ito makakalimutan.
Nginitian ko naman siya. Baka kasi nakaligtaan lang niya o kaya nama'y, self-published itong librong ito.
"Kuya, dala mo ba yung telepono ko?" Tanong ko ulit sa kaniya.
Hindi siya tumingin sa akin sa pagkakataong ito at itinuro na lang niya ang kaniyang bag sa katabing upuan. Tumayo ako ng kaunti at pagkatapos ay kinuha ko iyon.
Dali-dali kong binuksan at nilagay sa scanner para i-scan ang QR Code sa unang pahina ng libro.
Do you want to scan?
Yes|No
Pinindot ko ang yes at hinintay ang pagload ng kung ano man iyon.
Activated 100%
Pagkatapos ng ilang segundo. Biglang umilaw ng red at white ang telepono ko. Naging dahilan iyon ng pagtapon ko.
"What the hell?!" Tanong ni kuya at napatigil siya sa pagd-drive.
Tiningnan ko ulit ang screen ng phone ko.
GAME OVER.
Are you ready to play? There's no turning back.
System activated.
Loading...
100% ready player -001
Napakunot ang noo ko. Kukunin ko na sana ang cellphone nang bigla akong nakaramdam ng kuryente sa may daliri ko. Narinig ko ang pagsigaw nang malakas ni kuya at ang pagtawag niya sa pangalan ko bago ako tuluyang mawalan ng malay.
---
Nagising ako sa isang madilim na sulok at walang maaninag ni isang anino. Ang naaalala ko lang ay nasa kotse kami kanina ng kuya ko at pagkatapos ay nagloko ang cellphone ko. Kukuhanin ko na sana ito nang makaramdam ako ng pangunguryente sa buong katawan.
Anong nangyare? Nasaan ako. Sinubukan kong galawin ang mga kamay ko pero mukhang nakatali ito. Sinubukan kong sumigaw ng malakas ngunit kahit walang takip ang bibig ko'y hindi ako makasigaw. Kinalma ko ang sarili ko dahil baka isang panaginip lang ito o kung hindi man ito isang panaginip, mukhang ito ang tinatawag nilang impyerno. Pero kung nasa impyerno man ako'y sana ligtas ang kuya ko.
Huminga ako ng malalim at pumikit, mukhang ito na ang huli.
Sa muling pagmulat ng mga mata ko, nakita ko ang isang screen na nagg-glitch.
"Hi player number -001, greetings from anonymous. You are one of the chosen players of this game. Do you want to continue?"
Tumaas ang lahat ng balahibo ko sa boses ng kung sino man ang nasa likod ng lahat ng ito.
Isang laro? Nasaan ba ako?
Lumapit ako ng kaunti sa screen at nandoon ang choices na pagpipilian.
Yes or Yes?
Ikinuyom ko ang kamao ko. Ni hindi man lang pala ako bibigyan ng pagpipilian. Pero, bakit ako?
"Of course, you don't have a choice but to say yes. It's not easy to look for someone with ability. Am I correct, Akia Morauq?"
"How did you know me? How did you know my ability? Bakit ako?!" Malakas na sigaw ko sa screen, mukhang naririnig naman niya ako.
"That will be a top secret, young lady but if you win this game, I'll make sure you get the best rewards."
Pagkasabing-pagkasabi niya ay nag-iba ang kulay ng screen. Mula sa mga text ay napunta sa isang litrato ng taong nakagapos at nasa isang kulungan.
Nanlaki ang mga mata ko nang makilala siya.
"Raze! What the hell?!"
Nakarinig ako ng tawa mula sa anonymous. Mukhang sila ang kumidnap sa kaniya para lang mapa-oo ako sa larong ito.
"So, Player -001, what's your decision? Yes or yes?"
Bago pa man siya makapagsalita ng iba, pinindot ko na ang yes sa screen. I have no choice but to play this game but I promise you Raze, I'll do everything to save you. Sisiguraduhin kong ako ang mananalo sa laro ng mga demonyo.
Antayin mo ako, ililigtas kita.
(End of Chapter 001: Inkless Book. Next Chapter: Organization)