Chereads / Crumpled Paper / Chapter 10 - Tiyo Gastor (1.7)

Chapter 10 - Tiyo Gastor (1.7)

Hagulgol sa harap.

Hikbi sa likod.

Iyak kahit saan.

Palaisipan ko noon na matatapang ang lahat ng nasa loob ng preso; walang marupok, walang mahihina at walang nagpapatalo.

Akala ko na sa kakisigan ng kanilang mga pangangatawan ay puro't barako na ang kaloob-looban ng kanilang mga damdamin at emosyon.

Subalit mayroon akong nalamang ikadudurog ng aking inaakala.

Napapasok sila sa bilangguang ito dahil mayroon silang kaniya-kaniyang rason na hindi lubos maunawaan ng karamihan.

Kasalukuyan kaming nagtitipon lahat sa bakuran ng bilangguang ginawa naming gulayan, dalawampo't pito kaming lahat na naririto kasama na ang dalawang guwardiya.

Kalmado kaming lahat na nakaupo sa lupa, ang karamihan ay nakatunganga.

Nilalaro ni Uncle Jazzib ang maliliit na bato habang nakaupo sa aking tabi.

Napapailing na nakatanaw si Gaspar sa mukha ng kapatid habang humihithit ng sigarilyo.

Nakabusangot ang mukha ni Mario habang kinukusot ang namumulang mata dahil sa pag-iyak.

"Ang lungkot lang ngayon hindi ba?" Wala sa sariling tanong ni Tiyo Bertie habang gumuguhit sa lupa ng kung ano.

"Wala namang mamamatay, bakit para kayong nagdadalamhati?" tanong pa nitong si Ka Terso habang pinipitas ang mga ligaw na damo sa kaniyang harapan.

"Guys, sumeryoso na nga kayo hindi na nakakatuwa" saad pa ni Maykel na ngayon ay kinakamot ang nangangating kamay.

"Huwag na kayong mag-alala babalik naman ako dito eh" Napasinghap sila ng hangin matapos na magsalita si Tiyo Gastor.

"Sa mukha mong iyan papa Gastor ay babalik ka pa? Imposible iyan" pagyayamot ni Mario habang nakayakap sa braso ni Lolo Samuel.

"Wala talaga kayong tiwala sa'kin noh?" Nalulungkot pang ani Tiyo Gastor sa kanila.

"Panglima mo na itong gagawin, Gastor. Sa tingin mo ba ay may magtitiwala pa sa iyo?"

"Huwag ka na ngang sumatsat diyan Lolo, naririto nga siya ngayon kasama tayo" ani Angelo.

"Hindi naman iyan babalik dito kung hindi na naman mahuhuli ng mga kapulisan eh!"

"Mga putangina talaga kayo kahit kailan"

"Wala namang magbabago sa takbo ng buhay natin 'pag tumakas na naman siya"

"Duwag lang ang tatakas pagkatapos ay magpapahuli na naman sa mga pulis"

"Magkakaroon ba tayo ng maraming pera kapag lalabas na naman siya rito?"

"Pwede ba't tumahimik na muna kayo, putangina!" Halos mabingi kaming lahat dahil sa lakas ng pagkakasigaw ni Tiyo Gastor.

"Oo na! Para na akong duwag na pabalik-balik dito, oo na! Palpak ako kung umaksyon! Tanggap ko iyan lahat kasi totoo naman!"

Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakita ko ang pagpatak ng mga luha ni Tiyo Gastor sa harapan naming lahat.

"Pero sa tagal ng panahon ba ay tinanong niyo sa'kin ang dahilan kung bakit ko ginagawa iyon?" Mapait siyang napangiti.

Tuluyan na ring napahagulgol ng iyak si Mario na yakap-yakap ngayon ni Lolo Samuel.

"Hindi ko'to pinaalam sa inyong lahat kasi natatakot ako, natatakot ako na baka ay kawawain niyo ako kapag nalaman niyo ang rason ko!" Marahas niyang pinunasan ang luha sa kaniyang pisngi gamit ang damit.

"Ni ang kapatid ko nga ay hindi ko sinabihan kasi baka pagtawanan niya lamang ako!"

Tiningnan ko ang reaksiyon ni Gaspar sa kapatid, namumula na rin ang kaniyang mata na kahit anumang oras ay papatak na ang kayraming luha.

Naririnig ko na ang malakas na paghikbi ni Tiyo habang patuloy siyang nagpupunas ng luha.

"Hindi naman sa pera ang rason kung bakit ako tumatakas dito eh"

"Hindi rin sa droga"

Nakita kong nais tumutol nitong si Maykel subalit hindi niya na lang ito tinuloy dahil takot siyang pagsigawan nito.

"N-nabuntis ko si Damaris"

Hindi ko alam kung bakit halos lahat sila ay nagulat dahil sa sinaad na iyon ni Tiyo Gastor.

Sino ba si Damaris?

"Kaya pala hindi na nagpakita rito si tanda"

"Seryoso ka diyan, Gastor?"

"Hindi ako makapaniwala, si Aling Damaris ba talaga?"

"Tangina, hindi ko lubos maisip 'yun ha"

Napatahimik lamang ang lahat nang pagbatu-batuhin na ni Tiyo Gastor ang tanim na kalabasa 'di kalayuan.

"Ganiyan, ganiyan kayong lahat sa'kin..." Itinapon ni Gaspar ang hinihithit na sigarilyo kanina matapos ay pumalapit sa posisyon ni Tiyo Gastor.

"Hindi lang naman kasi kami makapaniwala, bakit kasi sa milyo-milyong babae rito ay iyong matanda pa ang napag-isipan mong pagturukan ng aking kauna-unahang pamangkin" tila pinapaabot ni Gaspar na lubusan siyang nagsisisi sa ginawa ng kapatid.

"Putangina tol, nahulog ako eh wala na tayong magagawa"

Napaupo ng marahas si Tiyo Gastor sa lupa na para bang nawawalan na ng pag-asa subalit inalalayan naman siya ng kapatid.

"Tangina, akala ko mataas ang pamantayan mo pagdating sa babae, Kuya Gastor. Nalinlang mo kami dun ha" napapailing pang ani Maykel.

"Kung tatakas ka man ngayon, mas mabuti pang huwag ka na munang bumalik dito." Ani Ka Terso.

"Alagaan mo muna ang anak mo" usal din ni Lolo Samuel.

"Pero papa hindi ko pa rin lubos na matanggap, talaga bang magiging Ina ko na si Aling Damaris?" nauutal pang ani Mario habang walang tigil sa paghikbi.

"Putangina tumigil ka na diyan Maria, hindi ka nakakatulong" tugon pa nitong si Tiyo Bertie.

Nanatili lamang kaming tahimik ni Uncle Jazzib habang tinitingnan silang lahat na panay pa ring nag-uusap.

Ano nga ba ang nalalaman namin sa kanilang pinag-uusapan ngayon?

Nakakahiya naman kung sasawsaw ako sa pinag-uusapan nilang hindi ko naman alam.

"Hindi pa ba menopause si Aling Damaris?" si Angelo.

"Hindi ba obvious sa'yo, putangina nagkabunga na nga eh" tugon sa kaniya ni Lindon.

"Nasaan na ang dalawang guwardiya?"

Agad na tumayo ang dalawa mula sa likuran lamang ni Lolo Samuel at Mario kanina.

"Bigyan niyo na ako ng mga damit, malalaman nilang tumakas ako rito dahil sa kasuotang 'to eh"

"Papa, aalis ka na ba talaga agad? Hindi pa nga tayo nagdiwang sa despidida mo eh" ani Mario na ngayon ay nakayakap na sa kaniya.

"Anong despidida ka diyan, babalik din iyan dito kaagad kapag nahuli na naman siya ni Akiran"

"Anong Akiran?" agad kaming napatayo lahat nang marinig ang boses na iyon mula sa pintuan ng kusina.

"Ikaw pala Senior Salazar" ani ng isang guwardiya habang nauutal.

"Bakit lahat kayo nandito, ano bang binabalak niyo ngayon?"