"Kamahalan, nandito na po ang listahan ng mga binibining maaari mong pagpipilian para maging asawa." Sabi ng isang kawal na may nakasabit pang espada sa tagiliran. Hawak niya ang isang libro na may kulay gintong pabalat.
Tinatamad namang lumingon sa gawi niya ang prensipeng nakaupo sa bubong ng kanyang palasyo. Tiningnan ang kawal na tila sinasabi na basahin ang anumang nakasulat sa libro.
Nagsimula na siyang magbasa hanggang sa mapunta sa tahanan ng angkan ng mga Shin at Jin.
"Jissa Shin, Meinar Shin, Flowe Jin. Don lang po." Sagot ni Rikz.
"Balita ko apat ang anak na babae ni Ministro Shin bakit hindi nakalagay ang isa?"
"Iyun po bang napabalitang nagpakamatay nang malamang ikakasal na ang unang prensipe?" Tanong ni Rikz. Makitang tumalim ang tingin ng kausap mabilis niyang itinikom ang bibig.
Ang pangalawang anak ni ministro Shin na si Shinea Shin ay naging fiance ng ikatlong prensipe ngunit nagpakamatay ito pagkatapos malamang ikakasal ang panganay na prensipe. Kaya naman nasira ang reputasyon ng ikatlong prensipe dahil sa nangyari at muling nagsagawa ng panibagong pagpipili sa magiging asawa ng ikatlong prensipe.
"Di nila inisali sa listahan ng pagpipilian dahil sa ginawa niyang pagpapakamatay?" Tanong ni prensipe Lianfei at humaba ang isang sulok ng labi. Kinilabutan naman agad si Rikz makita ang ngiti ng kanyang amo.
Ngingiti lang kasi ito kapag may naisip na kalokohan.
"Nasira ang pangalan niyo kamahalan at ang reputasyon ng pamilyang Shin dahil sa kanya kaya hindi na po siya kasali sa magiging asawa niyo kamahalan." Sagot ni Rikz.
"Sa palagay mo, ano kayang mararamdaman ni kuya kung ang babaeng mahal niya ang papakasalan ko?" Muntik ng matumba si Rikz dahil sa panghihina ng tuhod sa narinig. Kung papakasalan ng ikatlong prensipe ang Shinea Shin na iyon ano na lamang ang sasabihin ng mga sumusuporta sa kanya?
"Kamahalan, gusto niyo bang masira na ng tuluyan ang kinabukasan mo dahil sa babaeng yun?" Hindi makapaniwalang tanong ni Rikz. Naisip niyang nahihibang na ang prensipe nila.
Isang babaeng nagpakamatay dahil sa kuya niya tapos papakasalan niya? Siguradong pagtatawanan siya ng buong emperyo.
"Wala akong pakialam sa sasabihin ng iba. Mas may pakialam ako sa magiging reaksyon ni kuya." Sagot ni prensipe Lianfei. Ang ikatlong prensipe sa Emperyo ng Alkaid.
"Ihanda mo ang karwahe at aalis tayo." Sabi ni prensipe Lianfei na agad namang sinunod ni Rikz.
***
Abala ngayon ang mga tao sa Shin Manor dahil may darating na bisita. Abala naman sa pagpapaganda ang mga half-sisters ni Shinea. Si Mira naman abala sa paghahanap ng paraan kung paano makakalabas mula sa Shin Manor.
"Binibini. Mahuhulog ka diyan." Nanginginig na ang mga tuhod ni Hana habang nakatingala kay Mira na nasa itaas ng peach tree. Nakaapak sa isang sanga habang inaabot ng isang kamay ang bakod na malapit sa puno. Gawa sa itim na mga bato ang bakod na ito at may dalawampo't-limang metro ang taas.
"Ssh! Maririnig tayo." Sabi niya habang nalalagay ang isang daliri sa kanyang bibig. Agad namang itinikom ni Hana ang bibig habang palinga-linga sa buong paligid. Mapaparusahan kasi sila kapag nahuli si 'Shinea' na tumatakas na naman.
Muntik ng mapasigaw si Hana makitang tinalon ni Mira ang tuktok ng bakod na gawa sa bato. Nakahawak na ngayon ang isang kamay nito habang nakabitin parin ang kanyang katawan.
Napahinga ng maluwag si Mira nang maiangat ang katawan. Nagpasalamat siya dahil walang matutulis na bagay o basag na bote sa tuktok ng bakod na batong ito. Nagliwanag ang kanyang mga mata dahil may puno sa kabilang bahagi ng bakod at saktong maaabot niya ang sanga nito.
Inabot niya ang sanga at lumipat dito. Napangiti siya makita ang magandang view sa ibaba ng kanyang kinaroroonan. Dito niya napagtanto na nasa itaas na bahagi kumpara sa ibang lugar ang Shin manor. Kitang-kita niya ang mga kabahayan sa ibaba at ang matayog na gusaling pinakamatayog sa lahat ng mga gusali sa lugar na ito.
"Ang ganda pala dito." Mangha niyang sambit at napapikit pa habang dinadama ang malinis at malamig na simoy ng hangin. Umupo siya sa isang malapad na sanga ng punong may kulay brown na katawan at kulay red violet naman ang mga dahon.
"Parang ang sarap lang tumambay dito." Sambit niya at naisipang humiga.
"Wow! Kasyang-kasya ang katawan ko dito." Napangiti siya at ipinikit ang mga mata habang dinadama ang simoy ng hangin na tumatama sa katawan niya.
Sa loob naman ng Shin manor, sinalubong ni Ministro Shin ang ikatlong prensipe na bigla na lamang naisipang dumalaw sa tahanan nila.
Kasama ng ministro ang legal na asawa na si Madam Suli Shin at ang tatlo niyang mga anak mula sa kanyang mga asawa.
Kiming bumati ang tatlong dalaga makita ang ikatlong prensipe na pinapangarap nila. Si Prensipe Lianfei kasi ang itinuturing na pinakagwapong lalake sa buong emperyo ng Alkaid. Pinakamagaling sa pakikipaglaban at may napakalakas na kapangyarihan. Kaya lang siya din ang may pinakamasamang ugali at walang modo sa lahat ng mga anak ng Emperador ng Alkaid. Ngunit kahit ganon marami paring nagkakagusto sa kanya dahil sa kanyang hitsura. Isa na sa mga ito ang mga anak ni Ministro Shin.
Isang bonggang salo-salo ang inihanda ng ministro para sa prensipe. Kahit biglaan ang pagbisita nito nagawa parin nilang makapaghanda ng mga masasarap na pagkain para sa kanilang bisita. Habang nasa mesa at kaharap na ang pagkain inililibot naman ni Prensipe Lianfei ang mga tingin sa paligid. Lahat ng mga anak ni Ministro Shin nakapagpakilala na sa kanya ngunit wala ang sinisinta ng kanyang nakatatandang kapatid.
"Narinig kong may karamdaman parin ang ikalawang anak niyo Ministro Shin. Maaari ba siyang mapuntahan?" Nabitiwan ng ministro ang hawak na kutsara dahil sa narinig.
Bahagya itong umubo bago nagsalita. "Papupuntahin ko na lamang po siya dito kamahalan." Pinagpapawisang sagot ni Ministro Shin.
"Wag na kayong mag-abala pa. Ako na ang pupunta sa tulugan niya." Sabi niya at tumayo na. "Ituro niyo na lamang sa akin ang daan."
Nagmamadali namang tumayo si Ministro Shin at mabibigat ang mga hakbang na sinamahan si Prensipe Lianfei papunta sa silid ni Shinea. Ngunit wala silang nakitang nilalang sa loob ng kwarto nito.
"Nasaan si Shinea?" Galit na tanong nig Ministro sa isa sa mga kawal na nagbabantay sa labas ng kwarto ng dalaga. Ngunit wala itong alam kung nasaan na ang binabantayan.
"Nagtungo na naman siguro sa tahanan ng unang prensipe. Di mo kasi sinusuway iyang anak mo." Sagot naman ni Madam Suli na ikinaasim ng mukha ng ministro.
"Paumanhin po kamahalan sa nasaksihan niyong hindi maganda sa aking munting tahanan." Pagpapaumanhin niya saka inutusan ang mga kawal na hanapin si Shinea.
"Ipagpaumanhin po ninyo kamahalan ngunit wala na naman po sa tahanan namin ang pangalawa naming kapatid. Hindi po kasi siya naturuan ng mabuti."
"Meinar!" Tawag ni Ministro Shin na may nagbabantang boses. Saka nginitian si Prensipe Lianfei at humingi na naman ng paumanhin dito. Nagsisi tuloy siya kung bakit pinalabas pa niya ang kanyang asawa at ang mga anak na ito.
"Patawad po ama." Mabilis na sabi ni Meinar at yumuko.
Makitang pinagpapawisan at hindi na mapakali si Ministro Shin nagpaalam na agad ang prensipe.
"Di kaya tinatago lang nila sa atin ang ikalawang binibini?" Tanong ni Rikz habang papaalis na sila Shin Manor.
"Kamahalan, hindi po iyan ang daan pabalik." Tawag ni Rikz makitang sa ibang direksyon dumaan ang prensipe.
"Naligaw ako kaya sa ibang lugar ako napadpad."
"Pero dito po yung daan." Sabay turo sa tamang daan ngunit naitikom muli ang bibig makitang sinamaan siya ng tingin ng amo niya.
Mabilis silang nagtago sa makapal na halaman nang makarinig ng yabag at mahinang tawag.
"Binibini. Nasaan ka na? Binibini." Mahinang tawag ni Hana habang hinahanap si Shinea.
Hinintay ng dalawa na makaalis na si Hana bago sila muling naglakad.
"Kamahalan, tingnan niyo po." Sabay turo ni Rikz sa isang magandang binibini na natutulog sa isang malaking sanga ng kahoy. Nakatagilid ito at nakaharap sa direksyon nila ang mukha nito habang dinuduyan ng hangin ang mahaba nitong buhok.
"Hindi ko alam na ganyan pala kaganda ang binibining nagtangkang magpakamatay dahil sa kuya ko." Sambit niya at muling tumaas ang sulok ng isang gilid ng labi. Napansin nilang gumalaw ang magandang babae ilang sandali pa'y naidilat ang mga mata at napatingin sa gawi nila. Sa sobrang gulat, nalaglag ang dalaga pababa.
"Aray." Sambit niya at napangiwi. Dumating naman si Hana na hinihingal pa.
"Binibini! Anong nangyari sayo? Ayos ka lang ba?" Tinulungan siya nitong tumayo.
"Ah e. May nakita kasi akong gwapo kaya nalaglag ako." Sabay turo sa papalayong dalawang lalake na natutuwa pang makita siyang nalaglag kanina.
Napasinghap naman si Hana nang makita ang likuran ng dalawang lalake.
"Ang ikatlong prensipe." Gulat na sambit ni Hana.
"Pre-prensipe?" Napataas ang kilay na sambit ni Mira.
Prensipe. Kung prensipe ang isa sa dalawang yun hinding-hindi siya matutuwa at hangaan ang mga tulad nila. Natutuwa kasi ang mga itong nakita siyang nalaglag kanina.
"Poge yung nakadark blue." Sabi ni Mira dahil buti pa yung nakadark blue tutulungan sana siya nito kaso pinigilan ito nong nakaputi na may puti ring kapa.
"Bantay po niya ang ginoong iyon." Sagot ni Hana.
"Ay ganon? Ang poge naman niya. Magandang lalake." Sambit ni Mira.
Napatigil naman si Prensipe Lianfei sa paglalakad at tiningnan ang kanyang kawal.
"Ikaw? Magandang lalake? Bulag ba siya?"
Naiyuko naman ni Rikz ang ulo sa takot na maparusahan dahil lang sa pagpuri sa kanya.
"Sigurado akong sinadya niyang magtulug-tulugan sa lugar na iyon para mapansin natin. Kala niya siguro mahuhulog tayo sa patibong niya." Sabi pa ni prensipe Lianfei.
Hindi naman sumagot si Rikz sa takot na may masabi siyang hindi magustuhan ng amo niya. Bahagya niyang sinilip ang dalawang binibini at nakitang nag-uunat-unat si Mira ng mga braso.
"Mukhang totoo yata ang usap-usapan na may problema na sa utak ang ikalawang anak na babae ng Ministro." Biglang sabi ni Rikz.
"Ang sabihin mo pakana lamang niya yan para mapansin ko." Sagot ni Prensipe Lianfei.
"Mukhang ang kamahalan pa yata ang may malalang problema sa pag-iisip." Sabi niya sa isip ngunit hindi niya isinatinig. Napapailing pa siya makitang taas noong naglakad palayo ang prensipe na may mga ngiti pa sa labi.
Naisip na naman niya kung ano na naman ba ang biglang pumasok sa isip nito at may mga pilyong ngiti na naman?