Isa sa mga nakakainis na hayop para sa akin noon ay ang daga lalo na at kung saan saan lang nila ikinakalat ang kanilang mga dumi tulad ng ipis, tapos ang hilig pang mamerwisyo sa mga bahay kadalasan naaalimpungatan ako dahil biglang naglalaglagan ang mga takip ng kaldero at sa lakas ng kalabog e akala ko binato ng kung sinong barumbado ang bahay namin.
Meron ding insidenteng ang inihaw na baboy na nilapag ko lang saglit sa lamesa at may takip naman bumili lang ako ng softdrink at ang tindahan katapat rin lang ng bahay namin at pagbalik ko at pagbukas ng takip ' surprise!' wala na yung baboy pero naroon pa rin ang takip.
" Hay naku! perwisyo na talaga tong mga dagang ito", sabi ng nanay ko.
" Oo nga nay, palagi na lang tayong inuunahan sa ulam at pakiramdam ko ang bilis nilang dumami", sagot ko naman, sori, bisaya kasi kami kaya di uso ang opo at oho.
" Nanganak na siguro yang mga yan dito sa bahay natin " ,ayon sa nanay ko.
" Ang bilis naman lumaki, kahapon lang sumunod na araw malaki agad, baka naman nag imbita lang ng mga kaanak niyang daga papunta dito sa bahay natin feeling nila may fiesta",, di makapaniwalang tugon ko.
Minsan naman, muntikan ng nasunog ang bahay namin dahil merong isang malaking daga natrap sa kuryente namin at dahil di siya makaalis nginatngat ng loko ang kuryente , e di lalo siyang nadedbol kasi nakuryente siya, pero ang siste dahil nginata niya nagkaroon ng open wire kaya hayun nagspark at take note takang taka kami kung saan yung parang merong nag wiwelding sa bahay namin yun pala sa may bandang itaas ng c.r. namin at nagtatalsikan ang apoy mula sa wire at nandoon pa rin ang chubby na daga di nakaalis naging litsong daga.
Nang sumunod na araw halos lahat ng gamit namin sa bahay tulad ng t.v. may ngatngat ng daga, manonood sana ako ng morning news,nagulat pa ako dahil ng ilagay ko sa socket ang plug ng t.v. naground ako yun pala may konting openwire.ganoon din ang washing machine at ang rice cooker, pati electric fan na di nagamit kaya halos karamihan ng gamit namin e napilitan kaming lagyan ng electrical tape.
" Grabe naman kayo, nag operation ngatngat wire yata kayo dito sa bahay namin ah, lahat yata ng appliances naming may wire dito sa bahay nginatngat nyo, sino bang nag utos doon sa kadaga nyo na pumasok doon sa kuryente e ang taba nya e di natrap siya, tapos tatanga tanga pang nginatngat ang kuryente kaya hayun dedbol siya", para akong baliw na nagagalit sa dagang di ko naman nakikita ng oras na yun.
" Kailan kaya nila kinagat yan tita? ", inosenteng tanong ng pamangkin ko.
" Baka kagabi lang kasi kahapon wala pa yan e, pero ang electric fan na gamit natin saka ang ref di naman nila pinakialaman kasi umaandar kagabi kaya wise sila ha! pinili nila ang mga gamit na di ginagamit ng oras na mag operation perwisyo sila dito sa atin ", napapantastikuhang sabi ko.
Pero may pagkakataon din na parang bilib rin naman ako sa kanila, tulad ng minsang bumili ng dried fish ang nanay ko. Nakalimutan kong iligpit at maaga kaming natulog dahil kinabukasan e maaga pa ang pasok ng mga bata sa school kailangan kong gumising ng maaga para makapagluto ng almusal at may maipabaon sa kanilang pagkain para sa lunch nila sa school. Nakalimutan namin ang tungkol sa dried fish,
" Nay, dinala mo ba lahat ng dried fish kina manang na binili mo noong nakaraang araw?", tanong ko sa madir ko pagkalipas ng tatlong araw, dahil gusto ko sanang magprito ng tuyo.
" Hindi ah, iniwan ko dito sa bahay ang isang balot", sagot ng madir ko.
" Akala ko dinala mo kasi nawala dito sa bahay", sabi ko .
Isang linggo ang lumipas , isang gabi naalimpungatan ako dahil merong something na parang hinihila sa sahig ng bahay namin palapit ng palapit sa higaan namin ang bagay na hinihila. Ang lakas ng kabog ng dibdib ko ng oras na yun, kung anu anong katatakutan ang pumapasok sa isip ko naiisip ko si chucky na may hilang kung anu ano at dalang kutsilyo, dahil sa yabag na naririnig ko . Nang maramdaman kong tila talagang malapit na sa kinaroroonan namin agad akong bumangon at binuksan ang ilaw na nasa bandang itaas lang ng bed namin, sa pagkalat ng liwanag sa buong kwarto e agad ding tumakbo ang daga palayo na may bitbit ng plastic na may laman ng dried fish na nawawala at iniwan sa bandang paanan ng bed namin .
" Aha! ikaw pala ang nagnakaw ng dried fish namin ha!", sabi ko sa dagang nakatakbo na.
" Ba't kaya isinoli?", nagtataka ring sabi ng nanay kong bumangon din dahil sa tunog ng plastic na hinihila.
" Subukan ko nga iluto to bukas kasi ba't nila ibinalik sa atin", nagtataka ring sabi ko.
Actually marami ng kinagatan doon sa malalaking isda na nasa loob pa rin ng plastic at sa tatlong piraso lahat may bawas pakonti konti nga lang.
Kinabukasan pagdating ng hapon, pinutol ko ang isang piraso na walang masyadong bawas at hinugasan ng tatlong beses bago iprito.Paborito namin ng madir ko ang pritong dried fish,lalo na kung masarap ang timplada.
" Ano ba to ang alat!", reklamo ng madir ko ng matikman ang pritong dried fish.
" Oo nga no? kaya pala isinoli nong daga sa atin kasi sobrang alat, e tatlong beses ko na tong hinugasan bago iprito, maalat pa rin lalo na kaya nong di pa nahugasan !", sabi ko.
" Choosy tong mga dagang to ha, takott din kumain ng maalat at baka magkaroon sila ng kidney disease", natatawang sabi ng nanay ko.
" Saan mo ba nabili yan nay? baka nagpapraktis pa lang gumawa ng tuyo ang nabilhan mo nyan", sabi ko sa madir ko.
" Oo nga eh, sa susunod di na ako bibili doon at baka ganito rin kaalat ang iba nyang paninda maski daga di makayanan ang lasa", ani madir ko. Doon ko naisip maski mga daga pala may isip din naman kaya pala kapag meron ng namatay sa mousetrap, maski gaano pa kasarap na pagkain ilagay mo sa mousetrap sa susunod di na talaga nila papansinin. Di rin naman maasahan ang pusa kasi minsan mas malaki pa ang daga kaysa kanya, sinusundan lang ng tingin kung saan tatakbo ang daga at katagalan mapapansin mong playmate na niya ang daga..