PAGKAPASOK ng isang babae sa paaralan, bumungad sa kanya ang bagong pintura ng gusali. Ibang iba na ang paaralan matapos umalis siya rito. Hindi na ito kagaya noon sa panahon niya na hindi pa gaanong naayos. May butas pa ang ceilings noon pero ngayon ay ibang iba na.
Bumalik lahat ng alaala niya. Malinaw pa rin sa isip niya ang mga pangyayari. Ang mga masasaya, malulungkot, at nakakatakot na nangyari na hindi makakalimutan.
Tinahak niya ang daan patungo sa kanilang dating room. Pagkatanaw niya sa bintana ay kitang-kita niya ang sugat ng pisngi niya sa repleksyon ng salamin. Ito pa rin ang puwesto ng room nila. Nabago ang desinyo ng pintuan ngunit nakatatak pa rin ang seksyon nila na Sampaguita.
Nang tingnan niya ang papel na nakadikit sa pinto, listahan ito ng mga estudyanteng kabilang sa nasabing seksyon. Ganoon pa rin pala ang sistema ng school. Nagtitipon-tipon pa rin ang mga nakapa-influential na tao sa iisang pangkat. Mga matatalino, mayayaman at may kapangyarihan.
Nakikilala niya ang ilan dahil anak ito ng politiko, may anak ng sikat na negosyante, anak ng mga guro na nadaanan niya. Mga estudyanteng alam niyang kagaya rin ito sa kanila noon.
"Welcome back, Erika! Nice meeting you again!"
Masiglang bati ng adviser namin noon na si Ma'am Ana. May pamilya na pala ito at tatlong anak. Kasalukuyan pa rin itong adviser ng Sampaguita. Tumanda lang ito ng kaunti pero nananatili pa rin ang ugali nitong masiyahin.
"Nice meeting you too, Ma'am! I am happy na sa wakas ay magkakasama na tayo. Hindi bilang estudyante niyo pero isa ng guro. I am grateful na makabalik dito sa Pilar High School bilang isang ganap na guro na," saad ni Erika sa guro habang hawak-hawak ang kamay nito.
"Masarap sa pakiramdam na ibabalik ko ang mga natutunan ko sa dating paaralan na nagturo sa'kin," dagdag niya.
Ang Pilar High School ang lugar kung saan maraming alaala ang iniwan sa kanya. Ang mga kaibigan at kaklase niyang nagturo kung paano lumaban at makipaglaro kay kamatayan. Nanatiling lihim ang mga ginawa niya. Wala siyang pinagsabihan na kahit sino tungkol sa nagawa ng pagpatay. Ang mga kaibigan niyang nagturo kung paano buksan ang isip sa lahat ng posibilidad na mangyari.
Si Rochelle na namba-blackmail sa kanya na nagturo na huwag matakot ipagtanggol ang sarili. Natutunan niya sa kaibigan kung paano lumaban kapag nasa katwiran. Huwag magpakain ng takot upang sa huli ay walang pagsisisihan.
Si Maybelle na pinatay niya at pinagsisihan hanggang ngayon kung bakit niya nagawang wakasan ang buhay. Nagturo sa kanya ang kaibigan na huwag magpadala sa galit at emosyon dahil ito ang magtutulak na gumawa ng isang bagay na hindi tama. Gumawa ng isang bagay na baka pagsisisihan habang buhay. Nagturo rin ito sa kanya na hindi na muling magpapaloko sa kahit na sino.
Si Chenerose na nagturo sa kanya na huwag agad magtitiwala. Ito ang nagsabi sa kanya ngunit hindi siya nakinig. Nagpapasalamat din siya sa kaibigan dahil nagpakita ito sa sarili ng totoo. Bumilib siya dahil kahit naging masama ang kaibigan ay nagpapakita ito kung sino at kung ano siya. Nagpapakatotoo ito sa sarili kahit ano pang sabihin ng iba. Nagbigay-aral din ito sa kanya na mabuting makinig sa sasabihin ngunit dapat maging maingat pa rin.
At si Vangelyn na hindi niya inakalang kapatid niya pala. Matagal na silang magkasama pero hindi niya maisip na magkadugo sila. Hindi rin niya makita ang pagiging makapatid nila noon. Ang isang bagay lang na naaalala niya ay masaya siya nang makilala ito at naging magkaibigan. Magaan ang loob niya sa babae, siguro iyon ang palatandaan na nananalaytay ang iisang dugo nila.
Ang kapatid ang nagturo kung paano lumaban hanggang sa kamatayan. Kung paano isakripisyo ang sariling buhay para sa kaligtasan ng minamahal. Nawala man ito at hindi sila nagkasama ng matagal bilang kapatid, hinihingi niya na sana ay maging masaya ito kung nasaan man ito.
Tumunog ang bell sa quadrangle. Nagpaalam na si Erika sa kanyang dating adviser at ngayon ay kasama na niya na si Ma'am Ana. Isang mahigpit na yakap ang ginawad ni Erika sa guro. Napaiyak siya sa harap at kaagad na tumaya ng bahagya.
"Sige na, Ma'am! Baka humagulgol pa ako dito. Bye!" Kaway niya sa guro at tuluyan ng lumabas sa room.
Mabilis na naglakad si Erika patungo sa seksyong tuturuan niya sa oras na iyon. Seksyon Gumamela. Hawak niya ang lesson plan at visual aid para sa gagawing discussion. Pagliko niya ay hindi niya napansin ang pagsulobong ng isang binata. Nabitawan niya ang ilang gamit.
"Naku, sorry po, Ma'am! Hindi ko sinasadya," panghihingi ng depensa ng binata.
"Naku Hijo, okay lang. Hindi rin kasi kita nakita." Dinampot ni Erika ang ilang gamit at tinulungan naman siya ng binata.
"Ano pala ang pangalan mo? At anong year ka na?" Inayos ni Erika ang suot matapos maiayos ang mga gamit. Nakikita niya na mukhang mabait ang binatang iyon kaya siya napatanong.
"Ako po si Lucho Martinez. Fourth year na po ako at nasa seksyon Sampaguita po ako napabilang. Sige po at baka mahuli na ako sa susunod na klase." Mabilis na tumakbo ang binatang nagngangalang Lucho patungo sa room ng Sampaguita.
Napatango si Erika sa sinabi ng binata at tinungo na niya ang room kung saan siya magtuturo. Binilisan niya ang paglalakad at baka mahuli na siya.
Sa likod ng mabait na mukha ng binata ay nakatago ang isang natutulog na demonyo. Tiyak na magigising na ito matapos makita ang taong matagal na niyang hinahanap. Ang taong matagal na niyang hinahanap para ipagpatuloy ang paghihinganti.
"Ang akala mo'y tapos na ang lahat ngunit nagsisimula pa lang ako! Ipinapangako kong pagbabayaran ninyo ang ginawa ninyo sa'kin," bulong nito sa sarili at ngumiti ng pagkalawak-lawak.
-WAKAS-