Minahal kita hindi dahil sa nakapang-aakit mong itsura.
Kun'di dahil sa angking bait na 'yong ipinakita.
Sa ilang taon natin na magkadikit at magkaramay.
Pinatunayan mo na lahat ng tao ay pantay.
Na lahat ng tao ay may karapatan.
Na umibig, na saktong sayo ko naramdaman.
"Oo, mahal kita pero anong gagawin natin kung sa pagkakataong ito ay hindi pa rin tayo ang itinadhana," maluha-luha kong pagkakasabi na tanda rin ng pagsuko sa panibagong pagsubok na dumating.
"Wala akong pakialam kung miski ang kapalaran ang humadlang! Ang mahalaga ay ang relasyon natin." Kita ko sa kaniyang mata at dinig ko sa boses nito ang tatag ng kanyang loob kahit na wala itong laban.
"Pero anong magagawa natin kung mismong relasyon na natin ang humahadlang?"
Alam kong masama. Alam kong marumi.
Alam kong hindi karespe-respeto, pero ikaw ang aking napili.
Pikit ang aking mga mata habang nararamdaman ang unti-unting pagdikit ng aming mga labi. Puno man ng pag-aalangan ay isinantabi ko ito dahil alam ko na siya lang ang nag-iisang taong minahal ko.
"Umalis na tayo dito! Mas mabuting manirahan na lang tayo sa liblib na lugar. 'Yung malayo sa mga tao," pagsasaad niya ng suhestiyon.
"Sige, wala na akong pakialam sa sasabihin ng iba basta't kasama kita,"
Ako si Mina, ang babaeng sa maling tao nakatadhana.