Hindi ko alam na ganito pala kagandang materyales ang ginamit para sa pinto ng nilipatan naming bahay. Ngayon ko lang to natitigan ng matagal. Bakit ko sya tinititigan ng matagal ngayon? Dahil natatakot akong pumasok.
Natatakot akong makikita ko si Mama pagtapos niyang mabasa lahat ng sinulat ko tungkol sa kanya. Kung anong tingin ko sa kanya bilang magulang dahil nakikihati sya sa pamilya ng iba.
Hindi ko alam bakit ba naman ako nagsulat ng mga hinanakit ko sa mundo tapos binato ko pa sa ilog yung mga magaganda kong sinabi. Sa susunod talaga sa twitter na lang ako maglalagay ng sama ng loob para malunod sa sama ng loob ng iba dun.
Tapos hindi pa yun mababasa ni Mama.
Kung tama si H, nabasa na ni Mama ngayon lahat. Na tinawag ko syang kabit, na balak niyang maging habambuhay na kabit.
Pero, kung tama sya. Maayos na matatanggap yun ni Mama. Maiintindihan niya 'ko. Iisipin niyang walang kwenta yung mga sinabi ko. Maiintindihan niyang hindi yun ang ibig kong sabihin; na naguguluhan lang ako.
Pagtapos ng halos habambuhay kong pagtulala sa pinto, nagdesisyon na rin akong pumasok. Dahan dahan kong binuksan ang pinto.
Nakita kong nakaupo si Mama sa sulok kung nasaan ang makina. Tama si H. Hawak hawak ni Mama yung journal na sinulat ko.
"Sorry, Ma. Hindi ko gustong isulat yan" agad na sinabi ko. Gusto kong matapos na agad. Na 'wag niyang maisip na kasalanan niya lahat. Na wag niyang maisip na mali sya. Mali kong sinulat ko yun. Hindi ko inisip ang mararamdaman niya. Hindi ko alam ang lahat ng sakit na pinagdaanan niya para saming dalawa.
"Bakit ka naman nahingi ng tawad..." pabulong niyang sabi habang nakatulala sa malayo. "Kasalanan ko naman talaga" parang humiwa sa puso ko lahat ng sinabi niya.
"Hindi kita nabigyan ng maayos na buhay. Hindi kita mapalaki ng mag-isa. Kinailangan ko pang humingi ng tulong sa..." alam kong hindi niya masabi pero inaamin niya lahat ng mga nabasa niya, lahat ng nasabi ko.
"Hindi yan totoo Ma!" sumigaw na 'ko. Sumisigaw nanaman ako. Lalo lang syang umiyak. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Hindi na sya naniniwala sakin kahit sabihin kong naiintindihan ko na lahat ng pinagdaanan niya. Yung pride na nilunok niya para humingi ng tulong sa taong nanakit sa kanya para lang matupad lahat ng pangarap namin.
Gusto kong sabihing naiintindihan ko na. Pero bawat paliwanag ko, nalulunod sa iyak niya at paninisi sa sarili.
Wala na kong maisip na ibang paraan kaya pinilit kong kunin sa kanya yung journal ko.
"Hindi 'to totoo!" pinipilit ko syang kumbinsihin na bumitaw sa lahat ng mga masasama kong sinabi pero mahigpit ang hawak niya. Mahigpit ang hawak niya sa mga maling salitang sinabi ko.
Halos natagalan din bago sya tuluyang manghina sa pagkapit at pagsigaw hanggang tuluyan kong maagaw yung journal. Tumakbo ako palabas ng bahay na dala dala yun. Kailangan kong itapon yun para mapatunayan kong hindi yun totoo.
Mali si H. Bumalik man akong buhay o hindi, hindi natanggap ni Mama ng maayos lahat ng nabasa niya.
Mali si H? O ganun ang dapat maging reaksyon ni Mama? Magiging maayos ba sya kung sakaling patay akong babalik sa bahay?
Tumakbo lang ako ng tumakbo. Pamilyar ang tibok ng puso ko. Sobrang bilis.
Pumunta ako sa tulay kung 'san ko tinapon yung una kong journal. Napahinto ako sa lalim ng dilim ng tulay sa ilalim. Naniniwala akong kapag tinapon ko to dun, mawawala na lahat ng sinabi kong masasama habambuhay.
Pero may parte saking ayoko. Gusto kong maging maayos si Mama. Pero ang gumulo lang sa isip ko, yung alaalang una kong tinapon sa tulay na 'to. Parte ng buhay kong inosente at masaya 'yun. Ngayon hawak ko ang kwento ng ako na mas gising sa lungkot ng buhay. Lahat ng pagkakamali ko. Lahat ng mga bagay na hindi ko maintindihan; na naintindihan ko lang nang makilala ko si H sa isang tibok.
Tumingin ako sa malayo. Kailangang mawala tong lahat ng sinabi ko. Kailangan kong isipin ang kapakanan ni Mama.
Nang akma ko nang ibabato ang hawak ko, nakarinig ako ng pamilyar na boses.
"Kuya? Ok ka lang?"
Hindi ako makapaniwalang maririnig ko ulit ang boses na yun. Boses na matagal kong pinakinggan sa loob ng posibleng pinaka maikling oras: sa isang tibok.
"H?" agad akong lumingon at nakita ko sya. Nakatayo sa harapan ko. Agad bumuhos ang luha ko. Agad kong tinanong sa kanya kung bakit sya nagkamali. Hindi naging maayos si Mama 'di tulad ng nangyari sa boss ko at ni Elya.
"H?" ulit niyang tanong na nagtataka.
Nagtaka din ako. Hanggang sa medyo naintindihan ko na lahat. Sya yung ginamit na muka ni H para magpakita sakin. Hindi sya si H.
"Hindi ko alam kung sinong tinutukoy mo kuya, pero hindi ako yung H na tinutukoy mo." medyo natawa sya dahil ang tagal ko pa ring nakatulala.
"Anong gingawa mo dito ng ganitong oras, kuya?" tanong niya. Pinilit kong sumagot pero hindi ko alam ang sasabihin ko. Hanggang masabi kong "magtatapon ng basura?"
Technically, hindi ako mali. Hahaha. Basura naman talaga lahat ng nasulat kong tungkol kay Mama. Basura naman talaga lahat ng hinaing ko.
"Naku, kuya. Masama magtapon ng basura sa ilog. Lalo na kung yung itatapon mo, pwede pang magamit" biro niya habang lumalapit sa gilid ng tulay. Pinipilit niya ring tanawin ang dilim sa ilalim.
"Napapadaan lang ako dito dahil mahalaga sakin 'tong lugar na 'to" pagku kwento niya. "Hindi mo naman naiisip tumalon, diba?" tanong niya.
"Hala! Hindi ah" agad na kontra ko. Kahit kelan di ko naisip magpakamatay ah.
"Wallace." pagpapakilala niya habang inaabot ang kamay para magpakilala.
"Sept" sagot ko habang nakikipag kamay sa mukang matagal ko nang kilala.
"Anong totoo mong gagawin dito, Sept? Hindi napunta ang mga taong masasaya sa lugar na 'to ng ganitong oras. Walang napunta dito para magsaya." tanong niya.
Gusto kong sabihin sa kanya. Baka sakaling ginamit ni H ang mukha niya para sa rason na matulungan niya ko sa ganitong oras. Sa panahong kailangan kong kausapin si H na wala sa loob ng tibok.
Binalot ako ng takot. Papano kung hindi niya ko maintindihan tulad ng pagkakaintindi sakin ni H. Nahirapan akong magtiwala.
"Akala ko tatalon ka dito eh." medyo natagalan sya sa paghihintay ng sagot ko kaya sya ulit ang nagsalita.
"Alam mo, isang beses, naisip kong tumalon dito." nagulat ako sa sinabi niya.
"Tatalon ka ba ulit, Wallace?" nag aalala akong babalakin niya ulit tumalon kaya sya nandun.
"Ah, hindi na. Dati lang yun, akala ko din nun magtatapon ako ng basura. Hanggang maisip ko na hindi tinatapon ang basura, kung magagamit pa. At may ari lang ang nagtatapon ng basura, hindi natin itatapon yung bagay na hiniram lang natin" ramdam ko sa mga sinabi niya na matalinong tao 'to si Wallace.
"Ikaw, anong basura ang itatapon mo?" balik niyang tanong sakin.
"Ito?" pinakita ko sa kanya yung journal. Hindi na ko nakatiis. Na kwento ko lahat ng sitwasyon meron kami ni Mama. Kung anong pamilya meron kami. Kung gaano ako kamali sa lahat ng sinabi ko.
Hindi man sya si H, pero nararamdaman kong kaya kong magtiwala sa kanya. Nasabi niya rin na Pastor din pala sya pero mas tinatawag syang Kuya ng mga tao.
"Mas komportable silang tawagin akong 'Kuya' kaya hinahayaan ko na lang, gusto ko din naman" paliwanag niya.
"Tungkol dito sa mga sinulat mo." pagsisimula niya habang binabasa yung iba kong sinabi.
"Hindi talaga to agad makukuha ng Mama mo ng madali. Pero, hindi mo rin dapat tawaging mali 'to. Dahil bago mo to sabihin, bago pa man niya 'to mabasa, alam niya nang totoo 'to. Hindi mo pwedeng sabihing wala syang maling ginawa, dahil meron. Malaki. Ang mali mong ginawa, hindi mo lang na recognize yung mga sakit na naramdaman niya. Hindi mo sya binigyan ng pagkakataong mawala sa mali niyang mga nagawa." napayuko ako dahil tama lahat ng sinabi niya. Kaya ko nga naisip na tanggalin lahat ng mali kong nasabi.
"Gusto mo nang itama lahat ng sinabi mo, at gusto niya na ring itama lahat ng maling ginawa niya. Ang mali nang nangyayari ngayon, pareho na kayong walang tiwala sa isa't isa. Wala na rin kayong tiwala sa mga sarili niyong makakaya niyo pang maayos lahat." paliwanag niya.
"Mahirap gumaling sa sugat lalo na kung araw araw niyong nakikita yung permanenteng epekto nito. Minsan, kahit wala na yung sugat, yung peklat ang nagpapaalala satin ng takot. Na minsan tayong naging makasarili, minsang naging marupok sa pagibig ang Mama mo. Minsan tayong muntik nang magkamali ng desisyon, at minsan tayong gumawa ng maling desisyon" tumingin sya sa ilalim ng tulay. Tingin ko inaalala niya ang pagkakataong nagdesisyon syang tapusin ang buhay niya.
"Anong ginawa mo, Kuya. Para mawala yung takot. Para magtiwala ulit sa sarili mo?" tanong ko.
"Para mapagkatiwalaan ka ulit ng mga taong mahal mo kapag sinabi mong may pag-asa? Na may pagtama sa pagkakamali sa kinabukasan" dugtong ko. Alam kong magkaiba man kami ng pinagdaanan pero pareho kami ng nararamdaman. Katulad ni Mama. Wala na kaming tiwala na magiging tama pa ang mga mali.
Wala na kaming tiwala sa mga sarili namin na hindi na namin mauulit na masaktan ang isa't isa. Na hindi na kami sigurado kung balang araw, may malaki kaming desisyon na makakasakit sa aming dalawa.
"Hindi ko masasabi kung papano. Ang sigurado lang, hindi ko mapapangako na hindi ka na magkakamali, pero kung hindi na kayo magpapatuloy at hindi na kayo magtitiwala sa isa't isa, hindi na din kayo makakagawa ng tama. At yun ang pinaka mali nating magagawa, ang hindi pag gawa ng alam nating tama." paliwanag niya.
"Matagal gumaling ang sakit, Sept. lalo na kung permanente sa buhay niyong wala kayong padre de pamilya. Ang kailangan niyong matutunan ng Mama mo, ang magtiwala sa isa't isa, ulit. Nagkasakitan kayo at naiintindihan kong mga sarili niyo ang sinisisi niyo sa mga nangyari." huminga sya ng malalim na parang inaalala ang mga pagkakataong sinisi niya rin ang sarili niya.
"Pero, hindi na kayo makakausog sa sisihan. Kahit sisihin niyo ang mga sarili niyo kung kaninong kasalanan 'tong lahat. Makakausog lang kayo kapag pareho kayong magdedesisyong lumakad ng sabay. Lumakad, hindi lumimot" dugtong niya.
Pagtapos ng mahaba naming pag uusap, naisip ko nang bumalik kay Mama. Alam ko na ang gagawin. Alam ko na din ang sasabihin. Nag offer si Wallace na sumama pa kung kailangan ko pang kausapin sya ni Mama. Naisip kong sa ibang araw na lang. Ako ang dapat makausap ni Mama sa ngayon.
Dun nagsimula ang Pagkakaibigan namin ni Pastor Suarez. Ni Wallace. Ni Kuya. Kung ano man ang pinagdaan niya, sa kakaibang plano ng Diyos, nagdugtong ang buhay namin.
Umuwi ako sa bahay at nag usap kami ng maayos ni Mama. Inamin ko ang mali ko. Sinabi ko kung bakit ko nasabi lahat ng yun, kung anong sakit ang dala ko. Ganun din ang ginawa niya. Nasaktan namin ang isa't isa pero sa huli nagdesisyon kaming mapaghilom ang sugat.
Nagdesisyon kaming tulungan ang sarili namin at magpatulong kay Pastor Suarez at sa ibang mga kakilala niya.
Nagdesisyon kaming humingi ng tulong sa iba. Isang Community kumbaga na matutulungan kaming maisip na may mga taong nanalo na sa mga ganitong laban ng buhay. Mga aral na dapat naming maintindihan para mas lumago bilang tao.
Dumaan ang maraming linggo na sumama kami sa simbahan ni Pastor. Natutunan ulit ni Mama ang maging masaya kasama ang iba. Hindi na niya kinikimkim ang nakaraan niya. Pinilit naming maging tama. Pinilit naming mapatawad ang mga sarili namin at sumulong sa daanang dapat naming madaanan.
Kahit kailan, hindi ko pa nakita si Mama na ganito kasaya. Naaalala niya parin lahat ng pinagdaanan niya pero napapangiti na lang sya.
"Alam mo ba, Sept." bigla niyang nasabi sakin isang araw habang kakatapos lang ng service sa simbahan. "Narinig ko si Lord nun, nung pinapanganak kita."
Nagulat ako. Naaalala niya pa pala nung bumulong si H sa kanya habang nanganganak nun.
"Talaga Ma? Anong sabi niya?" medyo natatawa kong tanong para magkunyaring hindi ako makapaniwala. Pero ang totoo, nakita ko yun, hindi ko lang narinig.
"Magpakatatag ka. Magiging maayos din ang lahat." agad niyang sagot. Ramdam ko ang saya ni Mama nang matawa sya habang tumulo ang luha. "Pero hindi ko alam baka nababaliw lang ako sa sakit nun sa panganganak" pagpapalusot niya.
"Pero naging maayos ang lahat, Ma. Marami pa tayong dapat gawin, pero nakita natin Sya. Tulad ng binulong niya sakin nung sanggol palang ako. Sinabi niya sakin na, hanapin ko Sya. At ito, nahanap ko Sya. Kasama ka" walang takot kong sinabi lahat. Wala akong pakialam kung nababaliw lang kami pareho sa sakit nang marinig namin ang mga bulong na yun. Ang mahalaga, totoong masaya kami. Totoong naging maayos ang lahat. Totoong pagmamahal ang naramdaman namin mula sa Diyos.