Download Chereads APP
Chereads App StoreGoogle Play
Chereads

Sa Isang Tibok

🇵🇭Conqueror_Arnold
--
chs / week
--
NOT RATINGS
72.4k
Views
Synopsis
Huminto ang oras habang nasa kasagsagan ako ng traffic sa EDSA. Hindi ko alam kung bakit at kung para saan. Tumigil ang takbo ng mundo. Tumigil ang andar ng oras. Tumigil ang mga tibok ng puso - bukod sakin. Sa wakas. Kalayaan ang mararanasan ko sa bagong mundo. Akin na ang mundo. Ako lang ang gising sa mundo - Ako at ang tatlong alaala na gugulo sa payapa at bago kong buhay. Tatlong kwento na gusto kong malimot. At isang taong hindi ko (nga ba) kilala. Isang bagong kabanata ang lilitaw. Isang kwentong naging dahilan ng pagkakaluklok ko sa kahariang meron ako ngayon - o kulungang dapat sa mga katulad ko. Ako si Sept. Ito ang buhay ko. Ang mahabang buhay ko sa loob ng isang tibok.S
VIEW MORE

Chapter 1 - Simula ng Walang Hanggan

Pudpod na 'yung hinlalaki ko kaka scroll sa cellphone ko para lang ma entertain sa gitna na mainit na bus na 'to na hindi ko matukoy kung sino sa mga pasahero ang nakalimot mag deodorant o maligo.

Napaka init! Limang minuto lang akong na late ng gising. Limang minuto lang, ni commercial ng panaginip hindi kasya dun. Pero andito ako ngayon, naluluto sa sarili kong pawis (medyo naiisip ko na rin na baka ako na talaga yung mabaho, hindi ko na alam).

Ngayon, tatlong oras na kong naka tambay sa FTI sa gitna ng dagat ng mga sasakyan. Mapapagalitan nanaman ako sa opisina. Maririnig ko nanaman ang walang kamatayang solusyon nila sa traffic:

"Magising ka kasi ng maaga"

MaGIsiNg kA kASi nG mAaGA.

Tatlong oras byahe papasok, apat na oras pauwi. Eh kung dala dala ko ung PC sa byahe matatapos ko yung trabaho kasama breaktime eh.

Habang nagagalit ako sa buhay ko sa init, sa trabaho, sa mga life choices ko at sa amoy ng bus, biglang nag vibrate ang cellphone ko dahil sa message ni Mama.

"Happy Birthday, Sept!"

Oo. Bago kayo matawa. Short for September 'yung Sept. Tatay ko nagpangalan sakin nun. Kasi September birthmonth ko. Wala na atang maisip na ibang pangalan. Hahahahaha. Pero kung tutuusin walang wala yung pagpapangalan na yun sa totoong kawalang hiyaang ginawa niya samin ni Mama kasi pagtapos nun bigla syang naglahong parang bula.

Birthday ko naman kaya ayokong maalala 'yun. Dapat masaya ko ngayon e. Dapat wala akong naiisip na negative.

Nag suggest na 'ko sa boss ko na kung pwede akong mag leave ngayon kasi nga birthday ko naman, sabihin ba naman saking sa sunday na mag celebrate. Eh ni hindi na September nun eh.

Kaya ito 'ko ngayon, naiipit sa masikip na bus na naiipit sa gitna ng traffic.

Bored na bored na ko mag online dahil paulit ulit na lang ang nakikita ko. Lalo naman sa music dahil wala nang bago.

"Kuya bababa na lang kami!" sigaw ng isang lalaki sa bandang likuran ng bus. Balak niya na ata lakarin mula FTI hanggang Magallanes. Kung tutuusin, hindi na masama yun, makausog manlang. Naiisip ko tuloy (magiging pilosopikal lang ako ng konti ah), Bakit tayo umabot sa ganito?

Bakit tayo umabot sa naghahabol tayo sa oras? Bakit tayo nagmamadali?

Kasi isipin niyo 'to ah. Kung hindi nagmamadali ang mga tao, hindi aapaw ng sasakyan sa daan, kaya mawawala yung traffic. Lahat makakausad ng maayos. Walang mag aagawan ng linya, walang mag aagawan ng upuan sa bus.

Naiisip ko na meron tayong isang kalaban. Oras.

Pero bored lang ako kaya ko naisip yun. Malamang limitado lang ang oras natin, kaya mag aagawan tayo sa lahat. Lagi tayong magmamadali. Nararamdaman ko lang na unti-unti na talaga akong natanda sa EDSA.

Kung susumahin siguro yung oras na na andito ako tapos biglang sasabihin ni Lord na "O sige, ibabalik natin sa buhay niyo yung mga nasayang na oras dyan sa daanan na yan ah"

Baka bumata ako ng sampung taon. Hahahahaha. Hindi ako nag compute ah, kinuha ko lang ung emosyon na tinanda ko dito sa kalsadang 'to.

"Bawal magbaba dito boss!" sigaw ng konduktor na boses lang ang narinig ko dahil sa siksikan. Kahit na malinaw na narinig ng lalaki yung sabi ng konduktor, pinilit niya parin makipag siksikan para mapunta sa harapan ng pintuan.

Sa mga gantong pagkakataon ako nagpapasalamat na nakaupo ako sa bus dahil sa gantong ginagawa ni kuya na pagpipilit lumabas sa hindi nakabukas na bus mangyayari yung pinaka ayaw ng lahat na mangyari, ang mag ripple effect ng tao sa gitna ng siksikan.

Malamang ang daming nabwiset. Yung bag ni kuyang nakatayo sa harapan ko eh walang habas na tumama sa mukha ko habang naka cellphone. Gusto kong magalit kaso naawa na ko sa itsura niya. Tatlong oras na syang nakatayo. Kapatawaran na lang ang maitutulong ko sa kanya.

Nakarating din si kuyang bababa sa harapan pero hindi talaga binubuksan ng konduktor ang pinto. "Mahuhuli kami dito boss" pakiusap niya.

Pero matigas parin si kuyang gustong bumaba. "Late na ko sa trabaho!" pagdadahilan niya. Lahat naman kami late na, pero chill lang kami.

Popcorn na lang kulang dahil nagsasagutan na sila. Alam ko masama ma entertain sa mga ganitong pagkakataon pero anong gagawin ko kung nasa harapan ko sila mismo nagsasagutan. Malamang din naman pagpasok ko sa office sasabunin din naman ako ng boss ko kaya mas ok nang ma entertain manlang ako sa away ng iba.

Tagal mag suntukan, puro sagutan, pero pwede na din. Malawak na space ang kelangan kapag ganun at wala akong balak mahagip ng mga galit na kamao ng mga random na pasahero ngayon.

"Hindi kasi marunong sa kalsada driver niyo!" sagot ng isang lalaki na gustong isisi sa driver ang traffic at kung bakit nakahinto pa kami.

Hindi marunong yung driver na ano? Magpalipad ng bus para malampasan yung mga sasakyan sa harapan? Gusto kong ipilosopo ng sagot si kuyang naninisi sa driver pero sabi ko nga, ayokong tamaan ng mga galit na kamao sa gitna ng ganitong sitwasyon.

Ang tagal ng sagutan nila. Medyo na bored na din ako kakapakinig kasi paulit ulit lang sinasabi ng konduktor, na hindi pwedeng magbaba. May punto naman sya. Pero naiintindihan ko din si kuyang gustong bumaba. Tatlong oras ka ba naman sa siksikan gugustuhin mo na ding maglakad na lang.

Wala na kong maramdaman sa pwet ko sa totoo lang talaga. Nag reply na lang ako kay Mama para mawala manlang yung pagkainis ko.

"Salamat Ma. nasa traffic parin po ako, baka ma late po ako ng uwi dahil late na po ako makakapasok. Sa linggo na lang tayo mag celebrate Ma. Sorry :("

Sad face na lang kay Mama. Wala na din akong oras makipag bonding sa kanya dahil sa schedule ko.

Kaso kailangan naming dalawa 'tong trabaho ko. Medyo mahina na din sya para magtrabaho. Nananahi parin naman sya sa bahay pero hindi na sakto saming dalawa kung pipili ako ng trabaho na may mababang sahod, kaya kailangan kong pumasok ng sabado. Tamang kayod lang para sa pamilya.

Kaya kailangan kong bawiin sa oras ko 'tong late na 'to para mahabol ko ang perang kailangan namin. Konting tiis lang naman, kapag nakaipon na kami, kukuha na kami ng bahay tapos mag nenegosyo balang araw. Aahon din kami, sa tamang panahon. Aahon din kami sa hirap, kailangan ko lang ng oras, mahabang mahabang oras.

Nagtext na ang manager ko kung nasan na 'ko:

"Nasan ka na? Papasok ka naman diba?"

Malamang Mam, papasok ako, san naman ako pupunta? Tingin niyo ba mas gusto kong matulog ng mahaba para makabawi manlang sa katawang tao ko? Tingin niyo ba mas gusto kong makasama ang Mama ko sa importanteng araw ko? Syempre hindi, syempre mas gusto kong makasama yung mga ka officemate kong naghihilahan pababa at ang Boss nating kampon ng demonyong nasa lupa para sa paghahanda para sa katapusan ng mundo. Gustong gusto ko yun syempre. Pero sa ngayon nata traffic lang ako. Excited na ko talagang maturing na machine ng mga client natin eh. They put the "DEAD" on "DEADLINE". Best quality of a human being. Nice.

"Papasok naman po ako, Mam. Medyo na traffic lang. Nag text na po ako sa HR" magalang na reply ko.

"Sana huminto ang oras" bulong na dasal ko. Birthday ko naman eh.

Hanggang sa makaramdam ako ng isang milagrong hindi ko nararamdaman ng sobrang tagal. Pag-asa sa puso ko pagkalingon ko sa paligid. Narinig ng Diyos ang dasal ko? Ang gusto ng puso ko?

Sobrang saya ko, sa wakas. GUMALAW NA YUNG BUS!

"Hay salamat!" sigaw ng ilang ale sa likod. Hay Salamat talaga. Medyo nakapasok na yung bus na sinasakyan namin sa parang imbutido ng kalye. Wala nang masyadong agawan ng sasakyan pagkatapos. Inaasar pa ng iba yung lalaking gustong bumaba. "Ano kuya, bababa ka pa?" matapang na pang aasar nila.

Napangiti lang ako habang inaayos na ang earphones para makinig ng music. Kahit naman paulit ulit na yung kanta mas ok na din makinig sa mga ganitong pagkakataon.

Nararamdaman ko ang andar ng bus papunta sa trabaho. Masaya naman ako, pero may pakiramdam akong ayokong mapunta sa pupuntahan ko. Malamang sasabunin ako ng boss ko kung bakit ako late bago ako pagtrabahuhin. Diba, ayaw niyang masayang yung oras ko sa trabaho dahil late pero pwede niyang sayangin ang oras ko sa pagsasabon. Malinis kasi sya, hindi kasi sya nali-late, malamang naka kotse sya tsaka manermon lang naman trabaho niya sa office eh.

Para 'kong papunta sa katayan. Pero 'di bale, darating yung araw na magreresign ako, at hindi ko na kailangan makita ang mga pagmumuka nila pagtapos. Kung kelan man yun, hindi ko alam. "Para to kay Mama" paulit ulit kong sabi sa isip ko.

Pumikit ako para maka idlip sandali. Bago manlang ako mapagalitan, makapag pahinga manlang ako. Sana lang good mood si boss pagpasok ko. Sana bigla niyang maisip na maging mabait ngayong araw, kahit ngayong araw lang. Kung hindi man posible 'yun. Sana huminto ang oras.

Sana huminto ang oras.

Naramdaman kong napahinto bigla ang bus.

Badtrip, kakaandar mo lang. Dinilat ko ang mga mata ko para tignan kung nasan na ba kami. Nasa Magallanes na kami.

Pero ang umagaw ng pansin ko ay ang katabi kong napansin kong hindi pumipikit ang mata. Medyo creepy yun dahil matanda na at natakot ako dahil naisip kong baka na heatstroke sa init ng bus. Pinilit ko syang gisingin (kahit na dilat ang mata niya) pero hindi sya nagsasalita.

Kinakabahan na ko!

Hinawakan ko kaagad ang kamay niya para hanapin ang pulso niya. Wala akong naramdaman.

May namatay sa katabi ko, punong puno ng takot ang pakiramdam ko. Agad akong sumigaw ng tulong.

"Tulong! TULONG! Si lolo hindi nahinga!" paulit ulit ang sigaw ko. Walang nakilos sa paligid. Ganun na kayo mga kawalang puso?

Lumingon ako sa paligid para humingi ng tulong sa mga tao. Tinanggal ko na ang mga earphones ko para makatayo ako ng maayos para makalabit ang ibang mga pasahero.

Sa ganung pagkakataon, nagulat akong makitang nakahinto silang lahat. Lahat ng tao, nakatulala. Niyugyog ko si Kuyang nakatayo sa harapan ko pero wala parin.

Takot na takot ako. Una kong naisip na prank ba 'to? Pero agad kong naisip na wala silang mga pulso. Namatay silang lahat? Ng nakatayo? Virus ba 'to? Alien invasion? Demon possession? MASS demonic possession?

Pinilit kong lumabas sa bus para lang makita kung gaano kalawak ang nangyari. Ang hirap lumabas. Kailangang pwersahing itulak silang lahat para lang mahawi ko ang daan papuntang pintuan. Sorry ako ng sorry dahil mga nakadilat sila habang tumatama ang muka sa mga upuan ng bus habang natutumba sa pagtulak ko.

Nakahinto ang lahat.

LED Billboards, mga ibon sa langit, mga sasakyan(well, hindi naman clue agad to kasi normal sa EDSA na huminto ang mga sasakyan), ang mga taong naglalakad at ang mga eroplano sa langit.

Literal na huminto ang mundo.

Nasa gitna ako ng nakahintong mundo. Ako lang ang nagalaw.

Paano naging posible to?

Naalala ko ang sinabi ko sa isip ko kanina:

"Sana biglang maisip ng boss ko na maging mabait ngayong araw, kahit ngayong araw lang. Kung hindi man posible 'yun. Sana huminto ang oras."

Sana huminto ang oras.

Punong puno ako ng pagtataka sa mga nangyayari.

Mas posibleng huminto ang oras kesa maging mabait ang boss ko?

Nice.