Sa pagtama ng kidlat ay biglang bumalik sa pagkabuhay si Orwell, sa pagmulat nya ay nakita nya na sya ay pabagsak na sa lupa. Sya ay sobrang nataranta dahil sa nangyari, dapat sya ay patay na! Bakit mukhang ngayon pa lamang sya mamamatay? Ngunit sa pagkakataong ito ay sinubukan nyang mabuhay, at agad agad na sumipat pabagsak sa malapit na ilog.
Pagbagsak nya, ay agad syang umahon sa lupa at naglakad lakad. Sa paglalakad ay may narinig syang boses mula sa kalangitan, boses na malalim at may gustong sabihin sa kanya....
"Orwell!"
Nagtaka sya at sumagot sa tawag ng di mawaring nilalang...
"Ang iyong hiling ay nadinig ng La Luna Azul, Orwell..."
Sumagot ang binatana na hindi pa rin alam ang ipinapahiwatig ng tinig sa langit....
"Ano? Diba patay na ako? Eto ba yung langit? Ikaw si Lord?!"
Sumagot ang tinig at sinabing hindi siya ang Diyos, bagkus isa lamang mensahero ng sansinukob...
"Orwell, ikaw ay pumanaw na sa mundong ibabaw... ngunit dahil sa iyong kahilingan ay binuhay kang muli ng sansinukob at binigyan ng ISANG pagkakataon upang tapusin ang iyong aklat..."
Naliwanagan na si Orwell, kaya naman agad nyang hinanap ang papel at lapis upang magsulat.... Ngunit
"Ayos! Magsusula- teka... nasaan ako?"
Kumislap ang nakakasilaw na liwanag sa langit at bumaba sa kinatatayuan ni Orwell.... paglapag sa lupa ay nagpakita ang isang lalaki na nakasuot ng puti at may dalang espada.
"Orwell, ikaw ay nasa isla ng Armarina... ang bansang inalipin sa iyong kwento na isinusulat"
Ipinaliwanag ng mensahero ang pangyayari...
"Nais mong tapusin ang iyong kwento, tama? Ngunit wala na ang librong iyon... sinunog na ito ng iyong ama at itinapon ang abo sa tubig, ngunit binuhay kang muli ng La Luna Azul sa dimensyon ng Armarina upang ituloy ang iyong kwento... ibig sabihin bawat kilos, o hakbang na iyong gagawin sa mundong ito ay makakaapekto sa iyong sulatin, klaro?"
Nagtanong si Orwell....
"Nasa loob ako ng kwentong ginagawa ko, at tatapusin ko ito gamit ang sarili ko?!'
"Tama, gagamitin mo ang lahat ng katalinuhan at abilidad mo upang matapos ito... Ikaw ang mata ng kwento na ito"
Sagot ng mensahero....
"Saan ako magsisimula?!"
Lumundag ng mataas ang mensahero at bumalik sa langit, isang malakas na hangin ang bumuga at sa isang kisap ng mata, wala na ang mensahero... Pero sa huling pagkakataon ay narinig nya muli ang tinig....
"Matagal ka na nagsimula, ituloy mo ang iyong kwento.... ngayon din"
Napakamot na lamang ng ulo si Orwell, buti na lamang ay kabisado nya ang mapa ng Armarina (dahil sya ang gumawa nito) at nagsimulang magtungo sa pinaka malapit na bayan sa kanyang kinatatayuan, ang bayan ng Poran.
Mahirap maglakbay ng naglalakad, hindi porke alam mo ang daan ay mabilis ka na makakarating. Inabot ng kalahating araw si Orwell bago marating ang bayan, sya ay gutom na, ngunit wala naman pera.... nakakita sya ng isang Panaderia, maaari na itong pantawid gutom. Ngunit ang isang piraso ng tinapay ay nagkakahalaga ng tatlong pilak!
Napa isip si Orwell, kailangan nyang maging matalino dito.... kaya naghanap pa sya ng mga lugar sa Poran na maaaring makuhanan ng pagkain.... Nagpunta sya sa isang Panuluyan, sa Pamilihan, sa bahay ng magpapanday, at sa tabing ilog ngunit wala ni isang tao ang nakapagbigay ng pagkain.
Nagpunta sya sa bukid, at doon nakita nya ang isang puno ng bayabas.... Agad syang tumakbo at kumuha ng bunga, agad nya itong kinain. Matapos kumain ay nagbalak syang bumalik sa gitnang bayan upang maghanap ng matutuluyan ng bigla sya makarinig ng komosyon sa isang bahay sa di kalayuan.....
"Bitawan nyo ako! Mga dayuhang gahaman!"
Isang nakatatandang lalaki ang kinakaladkad ng mga mistulang sundalong dayuhan palabas ng kanyang bahay at pilit na pinagsasalita. Dahil sa takot, nagtago si Orwell sa may damuhan at tiningnan ang mga susunod na pangyayari.
Ang lalaki ay pilit na isinasakay sa isang wagon habang ang ibang sundalo ay hinahalughog ang loob ng bahay. Naalala ni Orwell na ito ay isa sa mga eksena sa kanyang libro kung saan magsisimula na ang pag aaklas ng mga Armarinense laban sa mga dayuhang mananakop na umalipin sa kanila sa loob ng 100 na taon. Matapos ang komosyon ay hinamapas ng baril ang lalaki sa ulo at isinakay sa wagon, ang mga sundalo sa bahay ay nakakuha ng armas, pagkain, at isang watawat ng rebolusyonaryong grupo na kinasasapian ng lalaki.
Bago umalis ang mga sundalo ay sinunog nila ang bahay upang wala ng makinabang dito.... isang nakapanlulumong eksena ang nasaksihan ng Orwell, ang mas nakakagulat ay hindi ito kasama sa parte ng kanyang istorya dahil matagumpay na nabuo ang Katipunan ng mga Armarinense ng hindi nalalaman ng mga dayuhan; may mali sa kwentong kanyang kinabubuhayan.
Kinagabihan ay napuksa ang apoy ng bahay, nagpunta si Orwell sa dating kinatatayuan ng bahay at naghanap ng mapapakinabangan... Alam nya na matatapos lamang ang kwento kapag matagumpay na nakapag aklas ang mga Armarinense at napalayas ang mga dayuhan. Naisip niya na dapat syang sumapi sa Katipunan ng mga Armarinense upang matulungan sila, kaya naghanap sya ng gamit na maaaring makapagbigay sa kanya ng daan upang makapasok sa kanilang pinag tataguan, ang isang asul na bandana na may simbolo ng pulang bulaklak ang kailangan nya.
"Sana naman may isa man lang na hindi nasunog dito..."
Bulong ni Orwell sa sarili, at sa matiyaga nyang paghahanap ay nakatagpo siya ng nasabing bandana! Ngayong meron na syang susi sa Katipunan, kailangan nyang bumalik sa Poran upang hanapin ang lalaking dinakip, upang palayain at pilitin ang Katipunan na mag aklas sa lalong madaling panahon.
Maliwanag ang Poran tuwing gabi, ang mga lampara ay nakakalat sa paligid. Ang mga tindahan ay bukas pa rin at ang mga sosyal na kainan ay puno ng mga taong naghahapunan, ang mga kalesa ay dumadaan sa batong kalsada, hindi tulad sa bukid kung saan ang daan ay lupa lamang. Sa isang kanto ay may mga musikero na nanghaharana ng mga naglalakad, sadyang buhay ang Poran sa gabing ito.
Nakasaad sa libro na ang kuta ng mga Katipunan ay nasa may ilalim ng tulay, sa gitna ng Poran. Ang bayan na ito ay nahahati ng isang ilog, at tatlong tulay lamang ang nagdudugtong sa magkabilang ibayo ng bayan na ito. Ang pinaka gitnang tulay ay may butas at lagusan patungo sa ilalim ng bayan kung saan ang mga mahahalagang kasapi ng Katipunan ay nagtatago, o di naman kaya ay iniiwasan na madakip ng mga sundalo.
"Kailangan hindi ako mapansin ng mga sundalo sa dito, o maaga ako mawawala sa mundong ito... hindi matatapos ang kwento kapag namatay ako dito ng hindi nakakamtan ng Armarina ang kalayaan!"
Sumabay ng takbo si Orwell sa anino ng mga kalesa at wagon patungo sa gitnang tulay, walang sundalo ang nakapansin sa kanyang ginawa. Ngunit eto na ang kanyang hamon, kalimitan kasi na ang mga tulay na ito ay may bantay na sundalong dayuhan. Sila ay tumitingin sa paligid at nagmamatyag sa mga magnanakaw o masasamang loob.
Isang sundalo ang nasa harap ni Orwell, ang hagdan pababa sa ilalim ng tulay ay nasa kanan, may dalawa pang sundalo sa kaliwa. Kaylangan nya muli gamitin ang kanyang talas ng isip.
Sya ay umurong palayo sa paningin ng mga sundalo, at nag abang ng kalesa na tatawid sa tulay. Lumipas ang ilang oras ay dumating ang isang kalesa na patawid ng tulay, tumabi siya sa kanang bahagi ng kalesa at sumabay sa anino nito. Pagtigil ng kalesa ay agad na kumaripas si Orwell sa hagdan at pumunta sa lagusan kung saan may nagbabantay na bangkero.
Ang mga nais pumasok sa lagusan ay kailangan makumpleto ang pariralang ito: Tatlong Tulay, Poran. Sasambitin ng bangkero ang salitang "Tatlong Tulay" at ang isasagot ng nais pumasok ay "Poran".
Pagbaba ni Orwell ay agad siyang sinalubong ng bangkero na may hawak na kawayan.
"Nais ko pong pumasok sa lagusan"
Wika ni Orwell, kaya sumagot ang bangkero
"Tatlong Tulay..."
"Poran"
Ang matatag na sagot ni Orwell...
Pinapasok siya at dito niya nasaksihan ang buhay na larawan ng kanyang mga nilathala, lalaki, bata o matanda ay may suot na bandana at nag aaral gumamit ng mga itak at gulok sa loob ng lagusan. Nabighani si Orwell dahil para siyang nasa pelikula ng kanyang sariling likha..... Habang siya ay nagmamasid, isang lalaki ang tumapik sa kanyang balikat at nagwika:
"Anong ginagawa mo diyan?"
ITUTULOY.....