"BAKIT KASI hindi mo man lang ipinagtanggol ang sarili mo?"
Isang kibit-balikat lang ang isinagot ni Krisstine kay Yayo matapos niyang basta na lang talikuran iyong babaeng bigla na lang nanugod sa kanya kanina sa dalampasigan ng isla ng Boracay kung saan sila naglalakad-lakad kanina.
"Sana sinipa mo rin, kahit sa mukha lang! Para kang engot, Ma'am. Haller, hindi ka punching bag, ano? Buti sana kung kurot lang ang ginawa sa iyo. Eh may kasama kayang kalmot at sapak." Lumapit ito sa kanya at tsaka binistahan ang kamay niyang nahagip ng babae kanina. Nang mapangiwi siya dahil paghawak nito ay eksaherada itong napabuntong-hininga. "Ayan tuloy, may pasa ka na! May shooting ka pa naman mamaya," nag-aalalang wika nito.
"Kapag sinipa ko iyon, tiyak na nasa headline na naman ako. Tsaka para namang hindi ka pa sanay. Madalas naman akong nakakatikim sa ibang tao. Maliit lang na bagay ito, ano ka ba?"
"Baliw! Kasalanan mo naman eh. Hindi ka kasi marunong lumaban. Hay naku, saan na ba nagpunta ang palaban na si Krisstine Sandoval? Dati-rati ay nakikipagsabunutan ka rin sa mga umaapi sa iyo. Aba, laking gulat ko kanina nang ni hindi mo man lang ginantihan ang talipandas na babaeng iyon! Baliktad ka talaga. Ngayon ka pa na-conscious sa image mo kung kelan kontrabida at adelantada na ang tingin ng lahat sa iyo," iling nito.
Malungkot siyang napangiti. Siya, conscious sa image niya? Nakakatawa. Sa umpisa pa lang ay wala na siyang image na dapat pangalagaan. Everybody saw her as a bitch—pranka at palaban—tipong kontrabida at mapang-api sa kapwa. Iyong tipo ng taong bigla na lang nananampal kapag palihim na kinukuhanan ng picture o kaya ay 'pag hinihingan ng autograph.
"Hayaan mo na," ang tanging nasabi niya.
"Bakit ba kasi biglang nanugod ang babaeng iyon? Ano iyon, insecure na naman sa beauty mo? Oh gusto lang alamin kung totoo bang masungit ka?" ismid nito.
Madalas ay iyon ang dahilan kung bakit siya sinusugod ng mga tao. Gustong kumpirmahin ng ilan kung tunay nga bang masungit siya, kung tunay bang mapang-api siya. Everybody hated her, that's why. Iyong iba naman ay madalas na ipino-provoke siya para kapag nagalit siya ay kukuhanan siya bigla ng video at tsaka ia-upload sa youtube.
Hindi niya alam kung ano'ng klaseng satisfaction ang nakukuha ng mga taong gumagawa niyon sa kanya. Ikinayayaman kaya ng mga ito kapag lalo siyang kinaiinisan ng mga tao? Although may mga solid fans pa rin naman siya na nakikita ang tunay na ugali niya. Ilan sa mga fans niya ay minsan na niyang natulungan. Hindi man madalas lumabas sa media ngunit marami siyang tinutulungang foundations. Mahilig siya sa mga bata kaya isa sa mga foundations na tinutulungan niya ay mga special children at sa mga orphanage.
She shrugged. "Loyalista ni Blitzen iyon eh."
"Oh, loyalista pala. Bakit ka sinugod? Galing ba iyon sa ibang planeta at hindi niya nabalitaang boyfriend mo na ang idol niya?"
"Iyon nga ang ikinagagalit niya sa akin. Bakit daw sa dinami-rami ng babae sa mundo, ako pa ang nagustuhan ni Blitzen? Ang landi landi ko raw kasi. Bumukaka raw kasi ako sa harap ng idol niya kaya nagayuma ko siya," she said, matter-of-factly.
"Grabeng mala-adobe! Dapat sa babaeng iyon eh dinadala sa mental! Eh hindi naman talaga kayo ni Blitzen ang nasa sex video scandal ah! Nagrelease na ang NBI kagabi ng statement. Napatunayan nang edited lang iyong video, 'di ba? Naku, maghintay lang iyon na mahuli iyong nagpakalat ng sex video. Maghihimas siya ng rehas!"
Sa totoo lang ay anticipated na niya ang gano'ng reaksiyon mula sa mga tagahanga ni Blitzen. Sa social media pa nga lang ay marami na ang sumusumpa sa kanya, sa harap harapan pa ba? Isa iyon sa mga dahilan kaya hindi na siya lumalabas ng mag-isa. Mabuti nga at kasama niya si Yayo kanina nang sugurin siya no'ng babae. Kung wala ito ay baka nakalbo na siya. Lalo pa't naamoy niyang nakainom ito.
Nauna na sila sa Boracay at hinihintay na lang pagdating ng kambal na Claus. Nakatakda silang magshoot para sa music video ng bagong kanta ng Parokya ni Edgar. Habang naghihintay ay inaya niya si Yayo na maglakad-lakad muna sa dalampasigan. Akala niya ay mahusay na ang pagkakadisguise niya ngunit nagkamali siya. Nakilala pa rin siya. Ayun tuloy, may pasa siya.
"Hayaan mo na. Ikaw naman, hindi ka pa ba sanay?" biro niya. "Ako nga sanay na."
"Hay, ang dumi kasi talaga ng showbiz. Bakit kasi may image image pa? Hindi ba pwedeng walang mapanghusgang camera para sa mga artista? Hindi ba pwedeng kapag galit ka na at nasasaktan ay sumigaw ka ng tama na o kaya ay gumanti ka? Tao ka rin lang naman. Naaabuso pa nga dahil sa lintek na image na inaalagaan mo."
"Ito ang buhay namin," mahinang sagot niya.
Muli siyang napangiwi nang hawakan ni Yayo ang kanyang braso upang lagyan ng concealer. Humingi ito ng paumanhin bago ipinagpatuloy ang pagtatago sa pasa niya.
"Eh hindi ba, dati-rati naman, gumaganti ka sa mga nananakit sa iyo? Asan na ang palabang si Krisstine?" nakangusong bulong nito.
"Wala na. Dalawang taong mawawala ang Krisstine na iyon. Hindi ba't may malaking responsibilidad na ako ngayon? Hindi na lang itong career ko ang dapat kong isipin."
Minsan nang nasaksihan ni Blitzen ang pagpatol niya sa isang basher niya. Nakita nito ang ginawa niyang pagsampal sa isang lalaking nambastos at nagmura sa kanya. Simula nga noong nakita niya ang disgusto at galit sa mga mata ng binata ay nakapag-isip isip na siya. Tama naman ito. May malaking responsibilidad na nakapatong sa balikat niya.
Hindi na niya pwedeng gawin ang anumang gustuhin niya. Hindi na lang ang galit at sermon ni Rocky ang dapat niyang iwasan, pati na rin ang pang-uuyam at pangmamaliit ni Blitzen sa kanya. Hindi niya alam kung bakit ngunit paunti-unti na yata niyang natatanggap sa kanyang sarili na kahit paano'y apektado siya sa iniisip ni Blitzen sa kanya.
It's been a while since she's cared about what other people thought about her. Biglang sumagi sa isip niya si Dasher. Kung ang lahat, maging ang kanyang pamilya, ay masama ang tingin sa kanya, ibang iba si Dasher. Simula noong nakilala siya nito hanggang sa naging ganap na siyang artista, ni minsan ay hindi pa siya nito hinusgahan.
Ikiniling niya ang kanyang ulo. Hindi na niya ito dapat pang iniisip. She has a lot of things to think about, and definitely, hindi na dapat pang kasama si Dasher doon. Napasimangot siya nang si Blitzen naman ang sumunod niyang maisip. Mababaliw na yata siya.
Bigo na nga siya sa pag-ibig, malas pa siya sa career niya!